frchito

Archive for the ‘Karaniwang Panahon’ Category

HIHIGIT PA BA TAYO SA KANYA?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Jeremias, Taon A on Agosto 24, 2011 at 06:11

Ika-22 Linggo ng Taon (A)
Agosto 28, 2011

Mga Pagbasa: Jer 20:7-9 / Roma 12:1-2 / Mt 1:17-18

Hindi maipagkakaila ng kasaysayan ang sinapit ng Mananakop. Bagama’t tinanggap bilang isang bayani noong siya ay pumasok sa Jerusalem, at nilatagan ng mga balabal, sanga ng kahoy at mga palaspas, ay ipinagbunyi bilang Haring pinakahihintay, hindi naglaon at napalitan ang lahat ng ito ng isang matinding pag-uusig.

Matapos nila makarinig ng mga pangaral na hindi katanggap-tanggap, hindi kaaya-aya, at hindi angkop sa kanilang nais, nagsipagbaligtaran sila at ang itinanghal bilang Hari, ay pinatawan ng kamatayan sa krus.

Hindi kailanman hihigit ang disipulo sa kanyang guro.

Ito ang sinapit ng batang-batang si Jeremias. Matapos siya mahikayat ng Diyos upang mangaral sa Kanyang ngalan, ano ang sinapit niya? Panunuya, panlilibak, pang-uuyam, at pag-uusig!

Nakita natin ito sa mga nakaraang araw – ang unti-unting pagbabago ng simoy ng hangin … ang dahan-dahang pagpapakita ng pagkamuhi sa Inang Simbahan at sa mga namumuno rito. Nakita natin kung pati ang Panginoon ay nilapastangan ng isang diumano ay artista na gumawa ng mga larawang walang pakundangan sa kabanalan ng Poong Maykapal. Nakita natin kung paano, batay sa isang kasinungalingan, ay nilibak ang pitong Obispo at tinaguriang ‘Pajero 7’ kahit wala naman ni isang Pajero, upang usigin sa halagang 6.9 milyong piso na ginamit para sa kapakanan ng mga maysakit at mga salat.

Naranasan ko rin ito nang hindi iisang pagkakataon. Napakahabang kwento ang dapat igugol dito upang balangkasin ang karanasang ito. Nguni’t sapat na sigurong sambitin ko, na halos sampung taon na ang nakararaan, ako man ay inusig at pinagbantaan, dahil sa pamumunong ginawa ko upang mapawi ang droga at bawal na gamut sa komunidad na nasa paligid ng kung saan ako naroon noon.

Marami ang natuwa. Marami ang sumama at sumali sa kilusan. Nguni’t mayroong hindi nasiyahan, dahil sa kami ay naging balakid sa kanilang malaking kita dahil sa droga. Pinagbantaan ako. Ano raw ang gusto ko, ang patuloy na makapag-Misa o ang bumulagta na lamang sa kalye. Ang pari, diumano, ay hindi dapat maki-alam sa mga paksang secular, sa mga bagay na hindi dapat trabaho ng pari, at ang pari, diumano, ay dapat manatili lamang sa sakristiya!

Bilang pari sa halos tatlumpung taon na nakaraan, pinagdadaanan ako minsan ng panghihinawa. Bilang isang guro sa mahigit na tatlong dekada, minsan ako ay nawawalan ng lakas at pinapanawan ng tapang. Sa mga nakaraang taon, para bagang nagbubuhos lang ako ng tubig sa likod ng pato. Parang walang silbi, parang walang katuturan at kahihinatnan. Ang lahat ay nabubura at napapalitan ng mga pagpapahalagang lako at hatid ng mass media, at napapatungan ng mga turong walang kinalaman sa turo ng Poong Maykapal, at kalooban ng Panginoon.

Matapos usigin ang pitong Obispo, matapos bungkalin ang isyu na batay sa isang kasinungalingan, noong ang lahat ay mabigyang-liwanag, ni isa sa mga nag-usig sa TV at radyo, ni isa sa mga mamamahayag na hindi tinantanan ang isyu laban sa mga Obispo, ang humingi ng gaputok man na paumanhin. Patay malisya lamang silang lahat. Walang kibo, walang imik, at walang ipinakitang anumang pagsisisi sa ginawa.

Totoo ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon. Ang pag-uusig ay nasa paligid natin, dumarating, at darating pa. Lahat ng paraan upang mapawi at mabale wala ang autoridad ng simbahan ay ginagawa ng mga kinauukulan. Lahat ng paraan upang maisulong ang isang panukalang batas na tinututulan ng Simbahan ay ginagawa. At kasama rito ang pang-uusig.

Gusto ko sanang sa araw na ito ay bigyan ng higit pang katatagan ang mga kapatid kong, katulad ko, at kaisa ng Simbahan, ay nagpupunyagi sa ngalan ng katotohanang moral. Gusto ko sanang ang lahat ng nakakabasa nito ngayon ay hindi matulad sa aking kung minsan ay sinasagian ng panghihinawa.

At nais ko sanang tulad ni San Pablo, ay matutunan nating “ialay ang sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa Kanya.” (Ika-2 pagbasa)

Sa kasaysayan ng Simbahan, libo-libo ang nag-alay ng katawan at buhay para sa Panginoon. Tinitingala natin sila bilang mga martir at kumpesor ng pananampalataya. Sila ang mga tinagurian ni Juan Ebanghelista, na mga tupang hinugasan ng dugo ng kordero. Sila ang mga hindi tulad ko, ay hindi nanghinawa.

Nguni’t may pag-asa pa sa tulad natin at tulad kong kung minsan ay nagagapi ng pangamba at takot. Ito ang ipinakita ni San Pedro. Ipinagkanulo niya ang Panginoon, Tatlong beses niya siya ipinagtatwa. Natakot rin siya sa mga alon sa dagat at lumubog. Sa ebanghelyo natin ngayon, hiniling niya sa Panginoon: “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos!” Sumandali siyang umurong, nangamba, natakot.

Parang ako. Parang tayo. Para sa atin ang mga salitang binitiwan ng Panginoon kay Pedro: “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.”

Hihigit pa ba tayo sa ating Guro at Panginoon?

BUBUKLURIN, PADADAMAHIN, KAHAHABAGAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Taon A on Agosto 10, 2011 at 17:32

Ika-20 Linggo ng Taon(A)
Agosto 14, 2011

Pambihira ang isang malaking taong yumuyuko at nagpapakababa. Bihira ang lumiliban sa kabilang panig upang makipagniig sa mga hindi niya kasamahan, hindi kababayan, at hindi kapanalig. Di ba’t saanmang bansa tayo magpunta bilang Pinoy ay pilit tayong nagsasama-sama, nagbubuklod, at nakikisalamuha sa kapwa nating Pinoy?

Ito ang isa sa mga malinaw na turo ng mga pagbasa natin sa araw na ito. Sa unang pagbasa, mga “dating dayuhan” ang nabilang sa bayan ng Diyos. Sa mga dating dayuhan na ito ay binitiwan ni Isaias ang isang pangako: “Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.” Ang mga dating hindi kabilang, hindi katapong, at hindi kaisa at kaniig ay mabibilang sa angkan ng Diyos.

Pangako itong maluwag ang dating sa ating puso. Saanman tayo magpunta ay mayroong pagtatangi-tangi, pagkakahiwa-hiwalay, at pagkabilang sa iba-ibang mga pulutong. Sa London sa mga araw na ito, ang katiwasayan at kaayusan ay binasag ng matinding mga riot at kaguluhan, dahil sa isang karahasang ginawa ng kapulisan sa isang taong hindi puti ang balat. Sa ating bayan, bawa’t kalye na yata sa mga subdivision ay may harang, may bantay, may balakid. Iba ang iniikutang mundo ng mga may kaya, at iba ang iniinugang daigdig ng mga salat sa buhay.

Pangako itong tunay na tumitimo sa kaibuturan ng puso nating lahat. Di ba’t tayo ay mga pakawala kung minsan sa buhay natin? Di ba’t tayo ay nahihiwalay ng maraming beses sa kapwa dahil sa ating kasalanan at pagkamakasarili? Di ba’t tayong lahat ay napapadala kung minsan sa pagtatangi-tangi at paghahati-hati? Di ba’t tayo man ay nagiging banyaga kung minsan sa ating bayan? Di ba totoong kung minsan ay parang mas marami pang karapatan ang mga banyaga sa ating lupain kaysa sa ating lahat na taal na taga Pinas?
Ang pangakong ito mula sa bibig ni Isaias ay bunga ng isang pangarap ng Diyos para sa atin. At ano ba ang pangarap na ito?

Tingnan natin kung ano ang namumutawi sa bibig ni San Pablo … Kausap niya ang mga Hentil, mga taong hindi kabilang sa bayan ng Diyos, mga hindi Judio, mga hindi kapanalig. Subali’t bilang isang apostol, si San Pablo na mismo ang nagsabi: “pinangangatawanan ko ang aking ministeryo upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa gayo’y maligtas ang ilan sa kanila.” “Ang muling pagtanggap sa kanila’ para na ring pagbibigay-buhay sa mga patay.” Pagyakap, pagtanggap, pakikipagkaisa ang dulot na mensahe na kaakibat ng kaligtasan … hindi pagtatangi, at lalung hindi ang paghihiwalay.

Ano ang naging daan ng pakikipagkaisa? Sinagot rin ito ni Pablo … “Sila’y naging masuwayin ngayong kayo’y kinahahabagan upang sila’y kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.”

Bawa’t isa sa atin ay halimbawang mataginting ng habag na ito ng Diyos. Ako ang una … Buhay na larawan ako ng banal na habag ng Diyos. Hindi karapat-dapat, masuwayin, at makasalanan, patuloy pa rin niya akong tinatanggap, ipinagkakaisa sa inyong mga kapanalig.

Ito ang dakilang aral na malinaw pa sa sikat ng araw sa ebanghelyo sa araw na ito. Nagtungo si Jesus sa Tiro at Sidon, mga lugar na hindi dapat iniikutan ng isang Judio. Hindi lamang iyon, hinayaan niyang siya at kausapin ng isang babaeng Cananea. Bawal na bawal … hindi karapat-dapat … Nguni’t lumiban sI Jesus, pumunta sa kabilang ibayo, kumbaga, at tumanggap sa isang dapat ay ipinagtatabuyan ng mga Judio.

Ito ang buod ng magandang balita natin ngayon. Walang pagtatangi ang Diyos, bagkus, may pagtingin sa higit na nangangailangan. Tinugon niya ang babae… sa kanyang matinding pangangailangan, dahil sa kanyang matimyas na pananampalataya. “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Bagama’t batid ni Jesus na hindi dapat binibigyan ng pagkain ang mga aso galing sa dapat ay sa mga anak, nagdalang-habag siya sa Cananea.

Ito ang dakilang habag na tinitingala at hinihintay rin natin. Ako ang una sa lahat ang nangangailangan nito. Ito ang dakilang awa ng Diyos na naparito, hindi upang paglingkuran, kundi para maglingkod. Sa iyo. Sa akin. Sa ating lahat.

Sa araw na ito, tatlong kataga ang dapat mamutawi sa ating mga labi: bubuklurin niya
tayo, padadamahin ng kanyang pag-ibig, at kahahabagan. Purihin nawa ang Diyos na Ama ng awa at habag!