frchito

Archive for the ‘Karaniwang Panahon’ Category

LUGOD, LOOB, SUNOD!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Setyembre 22, 2009 at 09:50

1832662-togetherness-1
Ika-26 na Linggo ng Taon (B)
Setyembre 27, 2009

Mga Pagbasa: Bilang 11:25-29 / Santiago 5:1-6 /Marcos 9:38-43, 45, 47-48

Gaan ng loob o bigat ng kalooban ang dalawang magkasalungat na damdamin sa araw na ito. Sa unang pagbasa, mabigat ang loob ng ilan dahilan sa katotohanang maging si Eldad at si Medad, na hindi kabilang sa pitumpu ay kinasihan din ng Espiritu, at sila ay nakapagpahayag din tulad ng pitumpu. Inggit ang tawag dito. Inggit na nagpapabigat ng damdamin ng taong hindi matanggap na ang iba ay may tangang kakayahang kapantay o lampas pa sa kanyang kakayahan.

Sinikmat ni Josue ang mga nainggit o nahili. “Takot ba kayong mabawasan ang inyong karangalan?”

Mabigat sa kalooban ang mainggit. Hindi lugod ang dulot ng inggit. Hindi ito ang niloloob ng Diyos, tulad ng sinasaad ng ating tugon: “Ating kabutiha’t lugod ay nasa loobin ng Diyos.!”

Mabigat rin sa loob ang magnasa nang higit pa sa kung ano ang ipinagkaloob sa atin. Ito ang mariing turo ni Santiago laban sa mga mayayamang mapaniil, mapagsamantala, at walang kabubusugan. Ang kanyang pangaral: “Tumangis kayo at humagulgol sa kapighatiang darating sa inyo!”

Sama ng loob, hindi lugod ang dulot ng pagiging duhapang at swapang sa salapi at yaman!

Naparito tayo sa simbahan dahil sa maraming dahilan. Una, upang magpugay sa Diyos. Sa kanya lamang nararapat ang ating papuri at pasasalamat. Ikalawa, naparito tayo upang tumanggap ng liwanag mula sa Kanyang Salita. Ito ang mabuting balita na naghahatid sa kaligtasan. Subali’t ang maling akala ng marami ay ang magandang balita ay dapat tuwinang may kinalaman sa mga bagay na nakapagpapagaan ng loob.

Pero tingnan natin ang mga pagbasa. Hindi gaan ng loob natin kundi ang kalooban ng Diyos ang siyang tinutumbok ng mga ito. Ito ang magandang balita … hindi kalugod-lugod sa pandinig natin, nguni’t naghahatid sa tunay na lugod, sapagka’t galing sa niloloob ng Diyos.

Sinikmat ni Josue ang mga masama ang loob. Binalaan ni Santiago ang mga swapang at mapagkamal ng yaman. Hindi gaan ng loob ang bunga nito, kundi isang paghamon na tuparin ang kalooban ng Diyos.

May kinalaman ito sa tinatawag ni Gadamer na “fusion of horizons.” Nagsasalubong ang pananaw ng Diyos at pananaw ng tao sa liturhiya. Ang magandang balita ay hindi pawang kaaya-aya at magandang pakinggan o magandang isipin. Ang magandang balita, ayon sa sulat sa mga Hebreo ay isang tabak na doble ang talim … nanunuot, tumatagos, at dapat ay tumatalab.

Ito ang paghamon sa atin sa araw na ito. Hindi nalugod si Josue sa pagkainggit ng ilan kay Eldad at Medad. Hindi nalugod si Santiago sa kaswapangan ng mga mapagkamal ng yaman. Hindi kalugod-lugod ang mga nangyayaring kadayaan, katiwalian, at kaswapangan sa lipunan natin, lalu na sa pamahalaan, at sa lahat ng antas ng lipunang Pinoy.

Alam natin kung saan magmumula ang tunay na kabutihan at lugod. Ayon sa ating tugon, “ang kabutiha’t lugod ay nasa loobin ng Diyos.”

Pati mga disipulo ay sinagian ng inggit. Hindi nila matanggap na mayroong kahit hindi nila kasamahan ay nagpapalayas ng demonyo. Sa dami ng turo ng Panginoon ay napadala sila sa inggit, sa pagkamakasarili, at pag-iisip lamang sa kanilang kapakanan.

Bilang isang guro, iniangat ni Jesus ang usapin. Pinalawak niya ang kontekstong kinapapalooban ng kanyang pangaral. Parang sinasabi niya sa atin ngayon: “Huwag tayong padala sa sama ng loob at nalamangan tayo ng iba … Huwag tayong malungkot at mayroon ibang taong nakagagawa o nakahihigit pa sa atin sa maraming bagay.”

Kung gayon, ano ba ang dapat nating pagtuunan ng pansin? Ang tugon ng Ebanghelyo ay malinaw pa sa sikat ng araw!

Una, ang lugod at loob ng Diyos ay nakatuon sa pagsunod sa kanyang kalooban. Mabuti pa aniya na ang isang taong naghahatid sa kasalanan sa ibang tao ay itapon sa dagat na may taling mabigat na bato sa leeg. Mabuti pa aniya, na mawalan ng isang kamay at makarating sa langit, kaysa sa manatiling ganap ngunit mapunta naman sa impyerno. “Mabuti pa ang pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang mata na mahulog ka sa impyerno.”

Maraming dahilan upang sumama ang loob natin. Kung minsan, sumasama ang loob natin dahil sa inggit, dahil sa nalamangan tayo, o natalo, o naisahan. Nguni’t may higit pang mahalaga kaysa sa sama ng loob natin na dulot ng pagkamakasarili. At ang higit na mahalagang ito ay ang isipin natin, pagbalakan, at tupdin ang siyang higit na mahalaga kaysa sa lahat – ang kabutiha’t lugod na nagmumula sa kalooban ng Diyos! Ito ang tinatagurian nating lugod na wagas, loob na dalisay ng Diyos, na sinusuklian natin ng pagtalima at pagsunod sa Diyos.

TAGUYOD SA GITNA NG TAGTUYOT

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Setyembre 15, 2009 at 08:15

Jesus_Children
Ika-25 Linggo ng Taon(B)
Setyembre 20, 2009

Panglaw at lungkot ang dulot ng unang pagbasa. May kinalaman ito sa pagbabalak ng mga masasamang-loob laban sa mga nagpapakabuti at nagpapakabanal. Hindi ba’t ito ay isang makatotohanang eksena sa buhay natin? Ang hindi sumasabay sa katiwalian, ang nagpapakatapat sa kanilang tungkulin, ang mga taong hindi sumusunod sa agos, ang may sariling pamamalakad at alituntunin batay sa kanilang paniniwala at pananampalataya … ito ang mga pinagsisikaping gapiin ng mga taong may masasamang balakin at hangarin.

Alam natin kung bakit hindi makausad ang bayan natin … Alam rin natin, na sa kabila ng ating katiyakan na ang nasa pinakamataas na antas ng pamumuno sa bayan natin ay tiwali at madaya, alam rin natin na pati na rin ang mga nasa ibaba, ang mga pinakamaliliit at payak na kawani ng lahat ng antas ng lipunan natin ay nabahiran na rin ng laganap na katiwalian. At kung mayroong nagsisikap maiba sa kalakaran, alam rin natin na sila ay pinagbabalakan ng masama, tulad ng sinasaad sa unang pagbasa: “Pahirapan natin ang tapat, sapagka’t sinisira niya ang diskarte natin… sinasansala niya ang ating mga balakin.”

Ilang mga tao na naglilingkod sa gobyerno na ang nakapaglahad sa akin nito… Hirap sila magpakabuti, sapagka’t sila ang pinag-iinitan ng mga tiwali. Ilang mga personal na karanasan na ang aking pinagdaanan … ang mahuli ng pulis na nagtatago sa dilim dahil sa diumano ay “traffic violation” sa kadiliman ng Linggo ng gabi, kung kailan wala namang gaanong mga sasakyan? Ang hulihin ang walang kalaban-labang mga driver dahil daw sa hindi pagsunod sa batas trapiko dahil nahuli ng “yellow light” sa gitna ng intersection dahil sa bagal ng takbo ng trapiko?

Ang landas ng buhay pang-araw-araw ay puno ng lahat ng uri ng tagtuyot, taghirap, at pagbabalak ng masama laban sa mga nagpapakabuti at nagsisikap gumawa nang tama at mabuti.

Parang isang bukal ng sariwa at malamig na tubig sa tuyot na tuyot at tigang na lupa ang tugon natin sa lahat ng ito: “Ipinagtataguyod ng Panginoon ang aking buhay.”

Nguni’t matanong nga natin … totoo nga ba ito? Totoo nga ba na ang Diyos ay nagtataguyod sa mga naglalakad sa landas ng katotohanan at kabutihan?

Noong libing ni Cory, libo-libo ang nagpumilit sumilay sa kanyang mga labi. Libo-libo rin ang nagsikap Makita ang pagdaan ng kanyang katawan sa mga lansangan sa Maynila. Libo-libo ang nakipagsiksikan, at nagpagod, at nagpakagutom masilayan lamang si Cory at makapagbigay ng kanilang pamamaalam. Sa semeteryo, mahigit sampung libo ang lumusot sa mga kapulisan upang makapasok sa kung saan siya dinala sa huling hantungan. Iyon lamang ang kanilang pakay … ang magpahayag ng kanilang pasasalamat at pagmamahal sa isang taong itinuring nila bilang hindi lamang Ina ng demokrasya, kundi Ina rin ng bayang Pilipinas. Nilabag nila ang kautusan ng pulis, ngunit wala silang nilabag na batas. Tanging pag-ibig at pasasalamat lamang ang kanilang batas na sinunod.

May pag-asa pa ang Pilipinas! Kung titingnan natin ang naganap noong mga araw na yaon, para itong taguyod ng Diyos sa kabila ng tagtuyot na panahon kung kailan ang masama ay itinuturing na mabuti at ang mabuti ay ginagamit para sa kasamaan!

Sa biyaya ng Diyos, marami na rin akong napuntahan sa buong daigdig. Ang Pinoy ay nasa mahigit sa 130 bansa sa buong mundo. Pati sa Eastern Europe ang Pinoy ay matatagpuan. Isa sa mga maliwanag na pagtataguyod ng Diyos sa tagtuyot ng Europa ay walang iba kundi ang pananatili ng mga Pinoy doon. Sila ang nagbibigay-buhay sa simbahan. Sila ang mga nagpapagalaw sa takbo ng liturhiya sa mga lugar na yaon. Sila ang mga umaawit at naglilingkod, nagpapahayag ng kagalakan sa pamumuhay Kristiyano, at nagsasabing mayroong taguyod mula sa Diyos sa kabila ng tagtuyot sa lipunang nababalot ng terorismo at marami pang ibang suliranin.

Ang pagbasa mula sa Aklat ng Karunungan ay walang iba kundi pagtataguyod ng katotohanang ang karunungang mula sa Diyos ay buhay, umiiral, umaantabay, gumagabay sa lahat ng tao …. Ngayon, dito, saanman at kailanman.

Paanyaya sa atin ng ikalawang pagbasa na hayaang lumawig ang karunungang ito mula sa itaas. Sa halip na mapariwara dahil sa inggit, pagkamakasarili, at labis na pag-aasam, ang paanyaya sa atin ay yakapin ang karunungan mula sa Diyos. Ito ang malinaw na taguyod ng Diyos sa kabila ng tagtuyot!

Ang ebanghelyo naman ay tumutuon sa kasukdulan ng tagtuyot – ang kamatayang naghihintay sa Panginoon. Kasama ang mga disipulo sa paglalakbay sa buong Galilea, sinabi Niya nang tahasan ang totoo: “Ang Anak ng Tao ay ihahabilin sa mga tao na maghahatid sa kanya sa kamatayan, nguni’t matapos ang tatlong araw, siya ay muling mabubuhay.”

May lalampas pa kaya sa tagtuyot na ito, na kikitil sa kanyang buhay? May mas mapait pa kayang karanasan kaysa sa sinapit Niya sa pagbabalak at paggawa ng mabuti? Hindi ba ito ang kasukdulan ng tagtuyot ng kabutihan at katarungan?

Kung minsan, nadadala tayo ng kalungkutan dahil sa mga nagaganap sa ating lipunan. Wala na yatang taong tapat at kagalang-galang sa gobyerno, maging sa lehislatura, ehekutibo, at judicatura. Tila lahat ng nag-asam ng posisyon ay nag-asam din sa lahat ng maidudulot ng posisyon: pribilehiyo, poder, pera, at lahat ng iba pa – maging ang mali at kasuklam-suklam!

Tuyot at tigang ang mga lalamunan natin habang nagpupuyos ang damdamin at puso nating nais sumigaw ng katotohanan sa isang daigdig na tila hindi na nakikinig sapagka’t pati ang mundo ay nadala na rin ng kalakarang malayo sa Diyos.
Taguyod mula sa itaas ang hanap natin. Taguyod mula sa Diyos na maawain ang dasal natin.

Taguyod sa tagtuyot ang katangian ng buhay kristiyano. At sa araw na ito, hindi isang magic wand o isang kidlat o kulog ang balita Niya para sa ating lahat na nabubuhay pa dito sa lupang bayang kahapis-hapis.

Ang kanyang tugon at taguyod? Heto … kumuha ng isang batang paslit, iniupo sa kanyang harapan at nagwika: “Sinumang tumanggap sa isang batang ito sa ngalan ko, ay tumatanggap sa akin. At sinumang tumanggap sa akin, ay tumatanggap hindi sa akin, kundi sa nagsugo sa akin.”

Ang taguyod ng Diyos sa kabila ng tagtuyot ay hindi isang kulog at kidlat mula sa langit. Ito ay unti-unti at dahan-dahang nagkakatotoo sa pamamagitan ng mahihina, marurupok, at simpleng tao tulad nating lahat … tulad ng isang payak na bata na tila walang kaya, walang yaman, at walang tinig.

Ito ang karunungang mula sa langit. Ang taguyod ng Diyos ay narito … nagkukubli sa likod mo, sa likod ko, sa likod nating lahat. At ang tanging kailangan ay ito … tanggapin ang hamon ng Panginoon … tanggapin Siya sa kabila ng katigangan ng buhay.

Sapagka’t sa kaibuturan ng lahat … ang taguyod natin sa tagtuyot ay walang iba kundi ang Diyos na sa mula’t mula pa ay nagkaloob ng buhay sa gitna ng kadiliman at kawalan!