frchito

Archive for the ‘Kwaresma’ Category

MANALIG, TUMULAD, AT MAKINIG

In Catholic Homily, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Pebrero 20, 2013 at 21:11

Transfiguration-of-Jesus-greek-iconIkalawang Linggo ng Kwaresma (K)

Pebrero 24, 2013

Mga Pagbasa: Gen 15:5-12, 17-18 / Fil 3:17 – 4:1 / Lucas 9:28b-36

MANALIG, TUMULAD, AT MAKINIG

Pananalig ang nilalaman ng mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa, muli tayong pinakitaan ng kung ano ang pananalig – ang paniniwala sa pangako ng Diyos na binitiwan kay Abram. Kung gaano raw karami ang bituin sa langit, ay ganoon din ang kanyang magiging angkan. Sa pagsunod ni Abram ay isang dakilang kasunduan ang naganap: “Nangangako ako na ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa ilog Eufrates.”

Pero sinumang may sabing ang pagsunod sa Diyos ng pangako ay isang parang paglalakbay sa ilalim ng buwan ay hindi nauunawaan ang tunay na buhay. Malayo ito sa katotohanan. Kapag ang Diyos ang tumawag, ay laging may kapalit na halaga, may kabayaran, nguni’t mayroon ring dakilang gantimpalang naghihintay.

Ito naman ang turo ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Hindi gaanong kadali ang sumunod sa Diyos, hindi katulad ng “tuwid na daan,” na kung ipagmakaingay sa mga talumpati ay parang napakadaling isagawa. Pero hindi ito ang sinasabi ni Pablo na nagwika: “magpakatatag kayo,” aniya, “sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.”

Ito naman ang tanong natin: May karapatan nga ba si Pablo mangaral nang ganuon? Sa palagay nyo ba hindi pa sapat na siya ay makulong, na siya ay hagupitin, at makaranas ng ilang sakuna sa karagatan? Hindi pa ba ito sapat na patunay na nalalaman ni Pablo ang kanyang mga sinasabi tungkol sa paghihirap na pinagdadaanan ng tagasunod ng Diyos? Ano pa ang kabuluhan ng kanyang paanyaya sa lahat: “Magkaisa kayong tumulad sa mga halimbawang ipinakita ko sa inyo.”

Dumako naman tayo sa buhay natin ngayon. Tayong mga Katoliko, at kayong mga nagsisibasa nito ay nagdadaan sa napakaraming pagsubok. Huwag lang kayo manindigan sa katotohanang turo ng simbahan at kayo’y kagya’t makakaranas ng sari-saring batikos at pangungutya. Subukan ninyong mangaral o magwika lamang sa panig ng Simbahan, at paniguradong kayo ay pagbibintangan ng pagiging tuta ng Santo Papa, o naniniwala sa isang banyagang bansa na pinamumunuan ng Santo Papa sa Roma. Idipensa ninyo ang buhay sa sinapupunan at kayo ay dagling tatawaging makaluma at laban sa agham at sa paglaganap ng lipunan. Ang higit na masahol ay ito pa … mga tuta kayo diumano ni Damaso.

Ano ang bunga ng lahat ng ito? Mahirap ngayon manalig. At lalong mahirap panindigan ang pananalig. Mahirap rin ang manatiling gising, tulad ng naranasan ng tatlong disipulo – sa tuktok ng bundok. Mahirap ang manalangin sa gitna ng samut-saring mga pagsubok. Pero dito naganap, sa konteksto ng panalangin, ang dakilang tanda na siya rin nating inaasam, hinihintay, at balang araw, ay makakamit, ayon sa pangako ng Diyos.

Nagbagong anyo si Kristo, at natunghayan nila ang luwalhating sa kanila rin ay nakalaan, sa ating lahat na sumasampalataya.

Ano ngayon ang dapat nating gawin? Sa mga sandaling ito na inuusig ang pananampalataya natin, iisa ang tinutumbok ng tatlong pagbasa … Manalig tulad ni Abram … tularan ang halimbawa ni Pablo at magpakatatag … Higit sa lahat, matutong makinig … matutong tumalima … “Ito ang aking Anak, ang aking hinirang. Siya ang inyong pakinggan.”

AMININ. AKUIN. IPAHAYAG!

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Taon K on Pebrero 15, 2013 at 11:28

The-temptation-of-Christ-1024x947Unang Linggo sa Kwaresma (K)

Febrero 17, 2013

Mga Pagbasa: Deut 26:4-10 / Rom 10:8-13 / Lk 4:1-13

AMININ. AKUIN. IPAHAYAG

Nakakatawa at nakakalungkot isipin ang mga tapunan ng sisi, batuhan ng mga bintang na nagaganap sa pagitan ng mga pulitiko na tinatawag nating “kagalang-galang.” Hindi ko na uulitin pa ang naririnig naman ninyo sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Pero sa dinami-dami ng mga imbestigasyon na ginawa ng senado at kongreso, wala pa akong natatandaang sinuman na umamin sa anong katiwalian. Pati ang mga pumatay sa mahigit na 50 katao sa Mindanao ay malayo pa sa kaliwanagan.

Subali’t ang pagtanggap ay kapatid ng pag-amin. Wala tayong matatanggap na hindi muna natin inaamin sa sarili. At matapos natin maamin at matanggap, ay handa na tayong magpahayag.

Isa ito sa pangunahing liksyon sa unang Linggo ng Kwaresma. Taon-taon, ito ang pagbasa sa ebanghelyo – ang isa pang katotohanang dapat natin aminin at akuin – ang katotohanang hindi lamang ang Panginoon ang tinukso. Pati tayo, ay patuloy na nakakaranas ng tukso, ng panghahalina ng masama, at hindi angkop sa kagustuhan ng Diyos.

Huwag na tayo magmaang-maangan pa. Sa tatlong tuksong pinagdaanan ng Panginoon, lahat tayo ay tinatamaan kumbaga. Isa-isahin natin …

Ang una ay ito … bato na gusto nating maging tinapay. Sa dami ng naghihirap ngayon, at sa dami naman ng puedeng mabili, tulad ng mga naggagaraang mga cellphone at tablets, gusto ng lahat ay biglang yaman. Ano ba ang Amalilio scam na pati isang artistang laging laman ng TV screen ay nawalan ng 50 milyon? Ano ba ang iba pang mga biglang naglahong mga pyramidal scheme na naganap paulit-ulit sa bayan natin? Di ba ito ay walang iba kundi kasakiman, katakawan, at ang paghahanap ng mabilisang pera na walang iniwan sa bato na gusto nating maging tinapay, ngayon, hindi sa isang linggo?

Di ba’t tayong lahat ay sinasagian ng kagustuhan ng pita ng laman, at mabilisang pagpaparaos ng kati ng kalamnan? Di ba’t kahapon, ayon sa mga ulat, ay buhol-buhol ang trapiko kung saan maraming motel? Di ba’t ito ang dahilan kung bakit mabilis na naipasa ang RH law? Sapagka’t naghahanap ang tao ng sex na walang pananagutan; sarap na walang responsibilidad? At di ba’t ito ang dahilan kung bakit gusto nating merong mamigay at magpa-alagua ng condom tuwing Valentine’s Day? Di ba’t ito rin ang dahilan kung bakit sa kabila ng tradisyon ng pag-aayuno at pag-abstinencia o hindi pagkain ng karne, ay tuloy-tuloy pa rin ang benta ng Chicken Joy? Ayaw natin ng bato … gusto natin ay tinapay.

Ang ikalawa ay palasak rin – kapangyarihan at kadakilaan. Ano sa palagay ninyo kung bakit nagkakandarapa tayo para ma-promote, kung bakit nagkukumahog tayo para makilala sa TV, at makilala bilang magaling at dakila at maganda o guapo? Di ba’t ito ay tulad ng tukso kay Jesus na bibigyan daw siya ng kadakilaan kung siya ay sasamba sa diyablo? Bakit sa palagay ninyo ang mga larawan sa facebook ay laging iyong wala kang tagyawat at laging balingkinitan at walang kabahid-bahid ng dungis ang mukha? Bakit sa palagay ninyo ang mga nasa facebook ay pawang magagaling daw mag Greek, mag Pranses,  at nag-aral daw sila sa iba-ibang lupalop ng daigdig? Bakit ang gagaling at ang gaganda ng ating profile sa mga social networking sites?

Ang ikatlo ay alam rin natin … ang ipasa ang pananagutan sa iba. Itapon mo sarili sa templo at ikaw ay hindi pababayaan ng mga anghel. Kainin mo gusto mo, kahit na bawal, at hindi ka naman magkakasakit. Gawin mo ang gusto mo, at kapag nagkasakit ka ay idemanda mo ang restoran, o ang gobyerno, o ang ibang tao. Huwag kang matakot. Problema nila yan … Ito ang mga katagang naririnig sa mga taong walang pananagutan sa sarili.

Matindi ang pinagdadaanan natin. Aminin. Tayong lahat ay makasalanan at di miminsang nabubulid sa tukso. Akuin at tanggapin. Pero may maganda bang balita?

Oo. Ito ang ipahayag. Matapos ninyo tanggapin na ang lahat ay galing sa Diyos ay nag-alay kayo sa altar, ayon sa Deuteronomio, “saka kayo lumuod upang sambahin ang Panginoon.”

Ipagbantog … “Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso.” “Kung inyong ipahahayag ng iyong mga labi na si Jesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.”

Ito ang magandang balita. Pero nagmumula ito sa isang mahirap angkinin, mahirap akuin, mahirap tanggapin … na tayong lahat ay makasalanan, na tayo rin ay nasisilaw sa pera, at tayo ay nasisilo ng pita ng laman, at ng tawag ng kayamanan, kapangyarihan, at kadakilaan … Aminin. Akuin. Tanggapin, at ipahayag ang dakilang habag ng Diyos!