frchito

Archive for the ‘Kwaresma’ Category

NARITO ANG UNANG BUNGA, PANGINOON!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Pebrero 17, 2010 at 06:24

Unang Linggo ng Kwaresma (K)
Pebrero 21, 2010

Mga Pagbasa: Deuteronomio 26:4-10 / Roma 10:8-13 / Lucas 4:1-13

Ewan ko kung ano ang inyong karanasan tungkol sa bagay na ito, pero noong araw, ang unang kita o unang sweldo ay nakalaan, hindi para sa sarili, kundi sa dalawang intensyon. Una, isang bahagi ng kita ay inilalaan para sa pamisa ng pasasalamat. Ikalawa, ang unang sweldo ay malimit na iniaalay sa magulang, na nagpakahirap upang mapagtapos sa pag-aaral ang anak.

Para sa akin, ito ay isang kagawiang dapat ay maunawaan natin, kundi ibalik sa ating lipunan. Tanda ito ng isang mahalagang saloobin – ang pasasalamat, ang pagkilala ng pagkakautang ng loob, at ang malayang pagkakaloob ng kung ano mang tinitingalang biyaya na tinanggap ng tao mula sa Diyos, o sa kapwa tao.

Ito ang sinasaad ng unang pagbasa, na may kinalaman sa mga batas na iniwan ng Diyos kay Moises upang ipatupad. Ito ay ang batas ng kung anong dapat gawin ng mga tao sa unang bunga, unang ani, unang kita. Ang lahat ng una, tulad ng panganay na anak na lalaki, ang unang bunga ng mga pananim, ang unang kita, kumbaga, ay nakalaan sa Panginoon. At sapagkat nakalaan sa Kaniya, ay dapat ialay muli sa Panginoon.

Kung ito ang gagawin nating batayan ng isang pagpapaliwanag tungkol sa Kwaresma, magkakaroon ng positibong kahulugan ang mga bagay na dapat natin isagawa sa panahon ng apatnapung araw na paghahanda.

Malimit natin isipin na ang apatnapung araw ng paghahanda ay isang pagpapahindi sa sarili. Sa maraming tao, ito ay isang pagtanggi sa anumang hindi naman masama, ang pagtanggi sa pagkain, pagliban sa panonood ng sine, pagtanggin sa alak at anumang nakalalasing na inumin, at marami pang iba.

Ito ay negatibong pananaw sa apatnapung araw ng paghahanda.

Nguni’t kung titingnan natin ang sinasaad sa unang pagbasa, walang negatibong nilalaman ang pag-aalay na hinihingi ng batas ni Moises. Ang unang bunga ay mahalaga. Ang unang bunga ng pananim ay matagal na hinintay, matagal na pinagpagalan, at pinahahalagahan nang tunay. Nguni’t sa dahilang ito kinikilala bilang kaloob ng Diyos, ang pag-aalay nito muli sa nagbigay ay isang positibong gawain na nagpapabago ng kahulugan ng pag-aalay.

Hindi ito isang pagpapahindi sa sarili lamang, kundi pagtanggap at pagkilala sa Diyos na siyang nagkaloob ng lahat.
Ito ay binibigyang-diin ng ikalawang pagbasa halaw sa sulat sa mga Romano. Ipinagtatagubilin ni Pablo ang “pagpapahayag ng labi” tungkol sa pagka Panginoon ni Kristo. Ipinaalaala niya na ang kaligtasan ay nasa ating mga “labi at nasa puso.” Ang lahat ng ito ay tanda ng pagkilala sa Diyos na bukal ng lahat ng biyaya at simulain ng lahat ng kabutihan.

Hirap na ngayon ang mga tao magpahindi sa sarili. Hirap tayong iwanan ang alak, ang mga bisyo, at ang pagpapasasa sa sarili. Ngunit kung tutuusin, hindi ang pagtanggi sa mga bagay-bagay ang mahirap. Ang tunay na mahirap ay ang kilalanin na ang lahat lahat ay galing sa isang Diyos na nagkakaloob ng lahat. Ang mahirap kilalanin ay ang katotohanang “kung wala si Kristo, ay wala tayong magagawa.”

Samakatuwid, ang problema ng tao ngayon ay hindi ang kawalang kakayahang magpahindi sa sigarilyo, sa bisyo, o sa pagkain, kundi ang kawalang kakayahang kumilala sa Diyos, ang kahirapang tanggapin na ang Diyos ay may kinalaman sa lahat ng aspeto ng buhay natin.

Ito ang diwa ng sekularismo – ang paniniwalang ang Diyos ay wala nang kinalaman sa buhay natin ngayon.

Ito ang mahirap gawin – ang magpasailalim sa Diyos. Mahirap iwan ang maraming bagay kung wala tayong tinatanaw na mas higit pa sa atin. Mahirap tanggihan ang tawag ng pagpapasasa sa sarili kung wala tayong pinapanginoon.

Iyan ang dahilan kung bakit ayon sa ebanghelyo ngayon, makaitlong beses tinukso si Kristo ng dyablo at makaitlo niyang tinanggihan ang kanyang pambubuyo. At ito ang tanging dahilan … kinilala niya ang kanyang Ama … kinilala niya na hindi lamang tayo nabubuhay nang walang koneksyon sa Diyos. “Nasusulat … huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.”

Mayroon ka bang lubhang pinapahalagahan sa buhay mo? Mayroon ka bang pinanghahawakan na hindi mo mabitaw-bitawan? Kung magtatapat tayo nang lubusan sa ating sarili, tatanggapin natin na ito ay hindi sapagkat ang mga bagay na yaon ay tunay na mahalaga, sapagka’t walang nagtatagal sa mundong ibabaw. Aminin natin … ang pag-aatubiling ito ay dahil lamang sa paglalaho ng Diyos sa buhay natin, ang paniniwalang wala na siyang kinalaman sa pang-araw-araw na buhay ng tao.

Nagsimula na ang apatnapung araw ng paghahanda. Magkakamali tayo kung ang pahahalagahan natin kung ano ang dapat iwaksi o tanggihan. Ang kwaresma ay hindi pagtanggi, bagkus pagtanggap – sa Diyos – kay Kristong kanyang Anak. Ang mahalaga ay ang tanggapin na Siya ay Panginoon, bukal at simulain ng lahat ng biyaya. Tanging Siya lamang ang karapat-dapat sa “mga unang bunga ng mga pananim.”

PAG-AHON SA TAMANG PANAHON!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo on Marso 24, 2009 at 21:36

st-philip-the-apostle

Ika-5 Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 29, 2009

Mga Pagbasa: Jer 31:31-34 / Hebreo 5:7-9 / Jn 12:20-33

PAG-AHON SA TAMANG PANAHON

Noong isang Linggo ay Laetare Sunday kung tawagin sa Latin at Ingles. Ibig sabihin nito ay Linggong nakatakda upang magsaya. Sa kalagitnaan ng kwaresma, ay ipinagunita sa atin ng Simbahan ang napapanahong paggunita sa wakas at hantungan ng lahat ng ating pagpupunyagi at paghihirap. Kaya’t ang paalaala sa atin ay “magalak … ang kaligtasan ay malapit nang dumating.”

Ang kagalakang inaasam ay naganap sa kasaysayan noong isang Linggo sa pagdating ni Ciro na nagpalaya sa ipinatapong mga Israelita sa Babilonia. Ang mithiin ay nakamit. Pinalaya sila at binigyang-kalayaan upang sumamba muli sa templo ni Solomon sa Jerusalem, upang mangasi-uwi at magbalik-bayan sa lupang ipinangako sa kanila ng Diyos.

Naganap ang lahat sa takda at wastong panahon.

Sa mga lumaking katulad ko sa probinsya at may karanasan pa sa pamimitas ng mga bungang-kahoy, malaki ang kaibahan sa prutas na tinatawag na hinog sa puno at hinog sa pilit. Ang hinog sa puno ay nagdaan sa wastong pagbilang ng araw upang mahinog nang tama. Ang hinog sa pilit ay nagdaan sa init ng kalburo upang mapadali ang pagkahinog. Iba ang lasa ng hinog sa tamang panahon. Iba ang lasa ng hinog na wala sa panahon. Huwag na ninyo tanungin kung ano ang kaibahan!

Sa mga bihasa sa pagpuputol ng kawayan, mayroon rin tayong tinatawag na taga sa panahon. Ang taga sa panahon ay hindi bukbukin, matibay, at malakas sa anumang pagsubok. Matatag ang kawayang taga sa panahon sa pagpabago-bago ng takbo ng klima, at sa anumang iba pang pagsubok sa katibayan ng kawayan.

Ang taga sa panahon ay naghintay sa tamang panahon … sa kinakailangang pagdaan ng mga buwan, linggo, at mga araw ayon sa batas ng kalikasan. Ang taga sa panahon ay isang sagisag ng tamang paghihintay, ng wastong pagsisikhay bago mag-ani, bago makinabang, at bago magbunga ang lahat ng pinagpagalan.

Isa sa katangiang gusto ko sa mga magsasaka ay ito … Hindi sila katulad ng mga kabataan ngayong hindi na makahintay. Ang posmodernong tao ngayon ay wala nang kakayahang maghintay. Lahat halos ay “instant.” Andyan ang instant noodles, ang instant coffee, instant copies, instant pictures, instant puto at instant bibingka. Ang lahat ay nakalagay sa karton na pagkabukas ay tubig at init na lamang ang kailangang ilapat para magkaroon ng puto, bibingka, o anu pa man. Wala nang makahintay sa pagdidikdik ng pansahog sa lutuin. Ang lahat ay nakukuha sa sobre … tulad ng Knorr, Maggi at marami pang mga “instant food mix” na ginagamit sa pagluluto. Pati kare-kare ngayon ay daya na. Sampu ng adobo na nagagawa sa pamamagitan ng adobo mix, o ginisa mix at iba pa.

Hirap tayong maghintay. Hirap tayo ngayon umunawa na may akma at wastong panahon para sa lahat. Noong araw ang sinaing na tulingan ay magdamag na nakasalang sa palayok at kalan. Ang bulalo ay magdamagan ding hinihintay, at alam ng lahat na ang pilitin ang pagkaluto ay hindi puede. Wala sa panahon ang lasa ng sabaw. Wala sa panahon ang lambot ng karne. At walang silbi ang pilitin ito at madaliin.

Nagsimula ang mga pagbasa natin sa isang pahimakas sa tamang panahon …. “Darating ang mga araw na gagawa ako ng isang bagong kasunduan sa pagitan ng bahay ni Israel at bahay ni Judah.” Darating ang panahon … at ang bunga ng tamang panahong ito ay walang iba kundi ang pangarap ng bayang Israel: “Ang lahat mula sa silangan hanggang sa kanluran ay makakakilala sa akin, wika ng Panginoon, sapagka’t patatawarin ko ang kanilang masasamang gawa at hindi na nila gugunitain ang kanilang kasalanan.”

Darating ang panahon …

Subali’t ang pagdating ng panahon, tulad ng awit ni Aiza Seguera, na kinatha ni Moi Ortiz, ay nababalot sa paghihintay nang may kaakibat na pag-asa. Sa bawa’t pagdating ng panahon ay may kaakibat na pag-aasam, paghihintay, at diwa ng pag-asa. Maging si Kristong Panginoon ay nagpamalas ng ganitong pag-asa: “Bagama’t Siya ay Anak, natuto siyang sumunod sa daan ng paghihirap; at nang maganap ay naging bukal siya ng walang hanggang buhay para sa lahat ng sumusunod sa Kanya.” (Ika-2 pagbasa).

Darating ang panahon …

Subali’t ito ba ay isang paghihintay sa kawalan? Ito ba ay isang pagnanasang walang kahihinatnan?

Ang tugon ng ebanghelyo ay malayo sa paghihintay sa kawalan. Itong paghihintay na aktibo na binabanggit natin ayon sa diwa ng pag-asa, ay isang paghihintay na mapaghanap … isang pagnanasang may handang gawin upang makita ang hinahanap. Ito ay isang pag-aasam na may handang pambayad upang matupad ang inaasam. Sa ebanghelyo natin, isang grupo ng mga Griego ang nagtungo kay Felipe at nagwika: “Gusto naming makita si Jesus.” Kagya’t sinabi ni Felipe kay Andres. At silang dalawa ay nagwika kay Jesus. At si Jesus naman ay tumugon ng isang sagot na parang walang kinalaman sa hiling ng mga Griego.

Walang kinalaman? Hindi, bagkus kabaligtaran nito. Ang sagot ni Jesus ay ang buod ng kanilang hanap … ang bunga ng kanilang pangarap, at inaasam-asam: “Dumating na ang oras kung kailan ang Anak ng Tao ay luluwalhatiin.”

Dumating na ang panahon. Ito na ang takdang panahon. Ito na ang tamang sandali. Oras na. Panahon na. Ngayon na. …

Kung hindi ngayon, kailan pa? Kung hindi dito, saan pa? Ito ang larangan ng kaligtasan natin. Ito ang daigdig na pinagbayaran ng buwis ng Panginoon at tinubos para sa kaligtasan ng lahat. Kung hindi natin pupuksain ang katiwalian, kailan pa? Kung hindi natin pagpupunyagian ang kasalanan dito, saan pa? Kung hindi natin pagsisikapan na mapabuti at mapanuto ang Pilipinas, kailan pa? At para saan pa? Para kanino pa, kung hindi tayo ngayon magbabanat ng buto sa pag-alsa laban sa lahat ng uri ng kasalanan?

Taga na tayo sa panahon. Hindi tayo mga hinog sa pilit. Dumating na ang takdang oras. At sumapit na ang sandali ng ating kaligtasan. “Ngayon na ang oras kung kailan ang hustisya ay bumaba sa daigdig; sa sandaling ito ang pinuno ng daigdig ay itataboy na. At sa sandaling ako ay maiangat sa mundong ito, ay hahanguin ko ang lahat sa aking sarili.”

Panahon na … oras na! Dito, doon, saanman … AHON NA, PANAHON NA!