frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

HABANG DUMADAKILA, PAGPAPAKUMBABA!

In Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Agosto 28, 2010 at 18:12

Ika-22 Linggo ng Taon (K)
Agosto 29, 2010

Mga Pagbasa: Eccl 3:17-18, 20, 28-29 / Heb 12:18-19, 22-24a / Lucas 14:1, 7-14

Sa biglang-wari tila magkasalungat ang tinutumbok ng mga pagbasa. Idinidiin ni Sirac ang pangangailangang magpakumbaba, habang dumadakila. May payo pa siya na sadyang tumitiim sa kaibuturan ng damdamin: “Huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman.”

Sa kabilang banda, iginigiit ng ikalawang pagbasa ang dapat sana’y binibigyang pansin ng tao – bago natin pagsikapang umangat sa paningin ng kapwa – ang paglapit “kay Jesus, na tagapamagitan ng bagong tipan.” Ang kababaang-loob ay naghahatid sa pagkilala – higit sa lahat sa pagkilala sa dapat kilalanin at pagpugayan bilang tagapamagitan sa Diyos at tao.

Di miminsang sumagi sa ating isipan ang katotohanang ang mga dati ay simpleng tao, sa sandaling umangat sa lipunan ay biglang nagbabago. Marami tayong nakilalang mga taong dati ay napaka payak at mababa ang loob, nguni’t oras na umasenso sa posisyon at pamemera, kaalaman, at kayamanan, ay hindi na natin makilala na. Kasabihan ng mga Romano … “quam mutatus est ab illo!” Ibang-iba na siya ngayon kaysa dati! Nakatuntong lang sa lapag ng kapangyarihan o karangyaan ay hindi na nakakakilala.

Totoo ito sa lahat ng antas ng lipunan. Ang dating ordinaryong tao na naging kongresman ay biglang napakagaling magtalumpati … ang dating simpleng pari sa parokya na naging obispo, ay biglang nagbubuhay prinsipe na nakatira sa “palasyo” at tila laging naghihintay ng pagpupugay ng mga tao. Ang dating simpleng madreng guro lamang noong kabataan, nang makatuntong sa Roma o sa Alemanya, ay umuwing may tatlong dagdag na letra sa pangalan, ay hindi na marating, hindi na makalipon nang wasto, at tila biglang napakahirap nang kausapin! Kay rami kong mga dating simpleng katekista na noong naging madre o pari – at lalu na yaong mga nakapag-aral sa Roma – pagdating ay hindi na marunong magsalita ng Tagalog, at hindi na puedeng magmisa sa mga tuklong o maliliit na bisita o kapilya sa baryo.

Sa halip na mapalapit dahil sa dagdag na kaalaman, ay lalung napalayo dahil sa dagdag na kayabangan! Ilan sa kilala ninyong dati ay simpleng tao ang nag-asal bilang mga prinsipe at prinsesa mapasa paaralan, sa gobyerno, o sa simbahan man?

May mahalagang pahatid sa ating lahat ang mga pagbasa ngayon. Sa ebanghelyo, turo ng Panginoon na huwag iangat ang sarili at hayaang ang Diyos ang siyang mag-angat sa atin. Ascende superius! Humayo ka sa higit na mataas na upuan, kapatid. Hindi na para sa atin ang hanapin ang kataasan. Ang para sa atin ay ang maghintay pagkalooban … bagay na mahirap gawin.

Matindi ang kalungkutan ko – at – inaamin ko – galit sa mga naganap noong Lunes sa Luneta. Galit at lungkot ang nadama ko dahil sa maraming dahilan, na hindi ko na tutuntunin pa. Napag-ukulan na ito ng napakaraming mga komentaryo sa nakaraang linggo. Ang aking lungkot at galit ay may kinalaman sa kawalan ng kakayahang dumama ng dapat para sa kapwa. Bagama’t hindi ako sang-ayon sa ginawa ni Kapitan Mendoza, may kurot sa puso kong kinikilala na siya ay isa ring biktima ng kawalang pandama ng mga taong nagdesisyon sa kaniyang kinabukasan. Simple lamang ang kanyang hiling … nguni’t ang tugon ng kinauukulan ay nagpamalas ng kawalang kakayahang damhin ang tunay na dinadama ng tao – ang kakayahang mag-empatiya sa nagdurugong puso ng isang taong ang tingin sa lahat ng bagay ay tila wala nang solusyon. Hindi rin ako masaya at nagalit rin ako nang makita ko ang pinuno natin na nakangisi sa harap ng kamera habang tinatanong ng mga media. Nagalit ako sapagka’t tila ito ay isang pagmamaliit sa damdamin ng mga nagdadalamhati!

Matindi ang naging bunga ng kawalang pansing ito, ang kawalang kakayahang mag-empatiya sa isang taong nag-aalboroto. Kahiya-hiya ang naging bunga … malagim at nakaririmarim!

Malinaw ang liksyon sa akin nito … habang tumataas sa posisyon ay dapat mas higit na nagsisikap magpakumbaba, at matutong magbasa ng tunay na dinaramdam ng mga taong pinaglilingkuran. Simple lang ito … sa haba ng panunungkulan ng maraming tao, sa dami ng mga pinagdadaanang mga pagsubok, at mga problema, madali na mawala ang hibla ng tunay na pagkatao at pagmamakatao … maaring tumigas ang puso at damdamin, at ituring ang lahat ng mga tao bilang isa lamang numero, isa lamang sa napakaraming suliraning dapat idispatsa nang mabilisan. Hindi nila nabasa ang hinaing ni Kapitan Mendoza … Hindi naiangkop ng pinuno natin ang wastong emosyon na kaakibat ng kalagim-lagim at malungkot na pangyayari.

Nakatatakot matay nating isipin ang umangat at tumaas sa posisyon. Maraming paghamon, maraming pagsubok, at maraming pananagutan. Isa sa mga pangunahing batas na dapat sundin ng mga nais maglingkod ang siyang binibigyang-diin sa mga pagbasa ngayon … habang dumadakila, pagpapakumbaba … Ipagpasa Diyos na lamang natin ang napakagandang pangungusap na ito … “Amice, ascende superius!” “Kaibigan, umakyat ka pa sa itaas.”

KAUGNAYAN, SINAPUPUNAN, KALIGTASAN

In Catholic Homily, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Mahal na Birheng Maria, Pag-aakyat kay Maria sa Langit, Taon K on Agosto 11, 2010 at 11:29

KAPISTAHAN NG PAG-AAKYAT SA LANGIT KAY MARIA
Agosto 15, 2010

Mga Pagbasa: Pahayag 11:19a; 12:1-6a; 10 / 1 Cor 15:20-27 / Lucas 1:39-56

Maraming taon na ang lumipas mula lumabas ang sine na ang pamagat ay “The Hand that Rocks the Cradle” (ang kamay na nag-uugoy ng duyan). Isa itong kahindik-hindik na sine, tungkol sa tagapag-alaga ng bata na ang tunay na pagkatao ay isang mamamatay, isang kriminal.

Kung mayroong malinaw na pahiwatig ang sineng ito, isa marahil na liksiyon ay ito: malaki ang kaugnayan ng tagapag-alaga at ng inaalagaan. Malaki ang puedeng gawin ng tagapag-alaga upang hubugin o pasamain ang kanyang alaga. Puede rin nating sabihin ito: ang siyang nagdala sa sinapupunan, at ang kanyang kaugnayan sa kanyang iniluwal bilang sanggol ay mayroong kaugnayang maaring maghatid sa kaligtasan, o sa kapariwaraan!

Hindi mahirap isipin ang lahat ng ito. Bagama’t hindi ko pakay na husgahan ang sinuman, alam nating lahat kung gaano kalalim at kahalaga ang pamulat ng magulang sa isang bata. Ang batang nagising sa kultura ng kasinungalingan ay lumalaking bulaan o sinungaling din. Ang batang nahubog sa sining ng droga ay kalimitang lumalaking nalululon din sa droga.

Hindi ko na sanang gustong magbanggit ng pangalan, subali’t hindi natin ito maipagkakaila. Ang mga balitang sumambulat tungkol sa mga kabataang nahirati na at nagumon sa pagnanakaw ng mamahaling kotse o sasakyan, ang mga batang nahulihan ng mga bawal na gamot; mga kabataang sa kanilang pagkabata ay nasanay na sa pagkitil ng buhay, makakuha lamang ng laptop computer at mabihag ang mga password ng mga biktima, ay hindi natuto lamang sa ganang kanilang sarili … nakita nila ito, kinagisnan, kinamulatan, at namalas sa kani-kanilang mga pamilya.

Malaki ang kaugnayan ng nagluwal sa sinapupunan at ang hugis ng pagkatao ng nanggaling sa sinapupunan ng isang tao … ang siyang nag-ugoy ng duyan ng bata, ay siya ring nagpunla ng kabutihan o kasamaan sa bata!

Kaugnayan ang isa sa mga paksa ng kapistahan natin ngayon. Ito ay may kinalaman sa kaugnayan ng kaligtasan ng tao at ng sinapupunan ng isang babae, na sa araw na ito ay itinatampok natin bukod sa babaeng lahat. Ano ang kaugnayan na ito? Tinutumbok ito ng unang pagbasa: “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang kapangyarihan bilang Hari! Ipinamalas na ng Mesiyas ang kanyang karapatan!”

Pero paano ba nagkaroon ng kaugnayan ang kaligtasan at ang sinapupunan ng babaeng ito?

Ito naman ang tinutumbok ng ikalawang pagbasa … dahilan sa kaugnayan kay Adan, at kaugnayan kay Kristo. Kung paanong dahil sa kaugnayan kay Adan ay namatay ang lahat; gayon din naman, dahil sa kaugnayan kay Kristo ay mabubuhay din ang lahat.

Si Maria, na siya nating itinatanghal at itinatampok bilang siyang iniakyat sa langit ng Panginoon, at siyang unang tumanggap ng kaganapan ng kaligtasang dulot ng kanyang Anak, ang siya natin ngayong modelo ng kaugnayang ito na may kinalaman sa kaligtasan.

Nais kong isipin na ang pag-aakyat kay Maria sa langit ay binibigyang-diin ng katagang ito – kaugnayan! Kaugnay siya kay Eba at Adan, bilang isang hamak ding nilalang. Nguni’t sa bisa ng pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Jesus na kanyang anak, siya ay kaugnay rin ng Diyos, at tumanggap ng lahat ng bunga ng gawang pagliligtas ni Kristo.

Ang pag-aakyat kay Maria sa langit ay bunga ng kaugnayang ito. Ang kasalanan na kinatawan ni Eva, ay nabaligtad at napawalang bisa ng katagang Ave na siya namang kinatawan ni Maria, Birhen at Ina. Sa kanyang pagsilang, pagtanggap sa paanyaya ng Diyos at sa balita ng anghel, ang kaugnayan ay naganap, at naging tulay ng kaligtasan ng tao.

Sa ating panahon, ang pakikipag-ugnayan at pakikipag-unawaan ay mabilis na naglalaho. Nagkakawatak-watak ang mga bansa, nagkakahiwa-hiwalay ang mga tao dahil sa maraming balakid at hadlang. Pati mga pamilya ay nagkakawatak-watak sa maraming lugar sa buong mundo. Maraming mga uri ng patayan ang nagaganap, tulad halimbawa ng lahat ng uri ng terorismo. Sa halip na magka-ugnay, ang tao ay naghihiwalay. Sa halip na panindigan ang pangako sa kasal, ang mag-asawa ay naghihiwalay sa maraming pagkakataon.

Kailangan natin ng isang tanda at pangako ng kaugnayang ito ng Diyos at ng tao. Sa araw na ito, si Maria ang kumakatawan sa kaugnayang ito na naghahatid sa kaligtasan. Bilang “pinagpala sa babaeng lahat,” at dahil “pinagpala rin ang dinala niya sa sinapupunan,” si Maria ang tandang maliwanag ng kung ano ang dapat natin sapitin, ang dapat nating kamtin – kaligtasan!

Nasa langit na si Maria, katawan at kaluluwa. Tayo ay nagsisikap pa sa lupang bayang kahapis-hapis bago mapunta roon. Napalilibutan pa tayo ng kasalanan, ng kasakiman, ng korupsyon at lahat ng uri ng katiwalian! Sa balat ng mundong ito, na bayang kahapis-hapis, kailangan natin ng isang mag-uugnay, isang maghuhugpong sa atin at sa langit na tunay nating bayan.

Walang iba siya kundi si Maria, Ina, Birhen! Ang kanyang sinapupunan, ang kanyang mga kamay na nag-aruga kay Jesus noong sanggol, noong bata, ay ang parehong sinapupunan at mga kamay na nagluluwal ng panibagong buhay sa atin, tungo sa langit na tunay nating bayan, tungo sa kaligtasan walang hanggan.

TOTA PULCHRA ES, MARIA!