frchito

Archive for the ‘LIngguhang Pagninilay’ Category

MAGPAKATAPANG, HUMAYO, AT MANGARAL!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Propeta Jeremias, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Enero 28, 2010 at 06:16

Ika-4 na Linggo (K)
Enero 31, 2010

Mga Pagbasa: Jeremias 1:4-5, 17-19 / 1 Corinto 12:31 – 13:13 / Lucas 4:21-30

Higit sa limang libong kaparian mula sa buong Pilipinas ang nagmistulang parang Jeremias sa mga nagdaang araw sa linggong ito. Masugid silang nagtipon, nakinig, at nagnilay na sama-sama. Mataman nilang pinakinggan ang mga propetikong pananalita ni Father Raniero Cantalamessa, sa kanilang pagnanasa na maging higit na karapat-dapat na mga tagapaglingkod ng Inang Simbahan at sugo sa bayan ng Diyos.

Alam nating lahat ang kwento tungkol sa buhay ni Jeremias … isang talubatang sa simula ay tila napilitang gumampan sa tungkulin bilang isang propeta, isang binatilyong tila nag-atubili, natakot nang kaunti marahil, at pansamantalang umurong sa tungkuling iniaatang sa kanya ng Diyos.

Pero alam rin natin kung ano ang kinahinatnan ng kwento. Siya mismo ang nagsalaysay sa sinabi sa kanya ng Panginoon sa pamamagitan ni Josias: “Magpakatapang, humayo, at mangaral!”

Bagaman at mahigit na isang libo at kalahating milya ang layo ko sa aking mga kapatid na pari, kaisa nila ako sa kanilang marubdob na pagnanasang maging higit na karapat-dapat na mga sugo ng Diyos. Kaisa rin nila ako sa gitna ng kanilang mga pangamba, pag-aatubili, at maging sa kanilang mga panimdim at suliranin.

Mahigit na 27 taon na ako bilang pari, at mahigit 32 taong nagtuturo at nangangaral. Sa edad ko ngayon, lihis sa aking paniniwalang ang magiging trabaho ko ay higit na tahimik – pagsusulat, pagtuturo, at pagbibigay payo bilang counselor, naatangan na naman ako ng tungkuling magpatakbo ng isang paaralan para sa mga high school malayo sa Pilipinas.

Mahirap ang magpasan ng anumang tungkulin. Mahirap ang mangaral lalu na’t ang pangaral ay hindi na magandang pakinggan sa panahong nababalot ng posmodernismo. Hindi madali ang manindigan para sa tama at angkop sa kalooban ng Diyos at pangaral ng simbahan. Gustuhin mo man o hindi, mayroon laging magagalit, magtatampo, at masasaktan ang kalooban dahil sa pangaral na hindi maaaring baliin, bale-walain, at ibahin. Mismong si Jeremias na rin ang nagsalaysay: “Ang mga saserdote at ang buong bayan – ay sasalungat sa iyo.”

Nguni’t tinumbok ni San Pablo na naghirap din ng katakot-takot dahil sa ebanghelyo ang siyang batayan, simulain, at kadluan ng lakas na siyang ngayon ay pinagsisikapang pagyamanin ng mga kaparian sa buong Pilipinas – ang pag-ibig, pag-asa, at pananampalataya!
Nais ko sanang manawagan sa lahat ng mga layko na katuwang ng mga kaparian sa maselang tungkuling ito. Nais ko sanang hilingin sa kanila ang lubos na pang-unawa, lubusang pagtulong at pagsuporta sa aming mga kaparian hindi lamang sa linggong ito, kundi sa mga taong darating.

Hindi kami perpekto at ganap. Hindi kami kasing banal ng ayon sa inyong kagustuhan at paniniwala. Marami kaming kapalpakan. Marami kaming kamalian. Sa kabila ng maraming taong pag-aaral, hindi namin alam ang lahat, bagama’t malimit kaming kumilos na tila alam namin ang lahat, at siguradong-sigurado kami sa aming sarili.

Pero ang katotohanan ay ito. Kaming lahat ay mga talubatang Jeremias na nangangamba rin, nag-aatubili, nagkakamali, nagkakasala.

Ang ebanghelyo natin sa araw na ito ay angkop na angkop. Nang si Jesus ay pumasok sa sinagoga, pinangatawanan niya ang kanyang misyon, ang dahilan kung bakit siya naparito sa daigdig. Nang binasa niya ang sipi mula kay Isaias, daglian niyang idinagdag ang katotohanang ito: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.”

Totoo na tao rin kaming lahat. Totoo na tulad ng lahat ng tao, kami ay mahina, marupok, at kay daling lumimot, tulad ng inawit ni Rico Puno. Totoo rin na tulad ni Jeremias, di miminsan na kami ay nag-aatubili, natatakot, at nangingimi lalu na’t pinupukol kami ng lahat ng uri ng tsismis, angal, at akusasyong susun-suson, totoo man o kathang-isip.

Kailangan namin ang tapang ni Jeremias. Kailangan naming ang pag-asa, pag-ibig, at pananampalataya ng bayan ng Diyos. Kailangan namin kayong lahat. At sapagka’t nagkakasala rin kami sa inyo, sa bayan ng Diyos, hinihiling rin namin na ang inyong pag-asa, pag-ibig, at pananampalataya ay hindi mabuwag, manghina, at malugmok dahil sa aming kahinaan – at maraming kasalanan.

At kung mayroon kaming dapat isapuso, isaisip, at isadiwa sa mga araw na ito, ang lumulutang na pangaral na ito ay parang isang taludtod ng tula o awiting dapat namin marinig, hindi lamang kay Jeremias, kundi lalu na sa inyo: “Magpakatapang, humayo, at mangaral!”

Tai, Mangilao, Guam
Enero 28, 2010

BAYANG DUMUDULOG, BANAL NA LUMULUHOG

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Taon B on Oktubre 27, 2009 at 18:33

blog-all-saints
Kapistahan ng Lahat ng mga Banal
Todos los Santos
Nobyembre 1, 2009

Mga Pagbasa: Pahayag 7:2-4,9-14 / 1 Juan 3:1-3 /Mateo 5:1-12a

Hindi na ako masyado nagbabasa ng mga kasaysayan ng mga banal. Hindi sapagka’t hindi ako naniniwala sa kanilang kabanalan. Sampalataya ako sa kababalaghang ginawa ng Diyos para sa mga banal. Sampalataya ako sa masugid nilang paghahanap sa mukha ng Diyos. Sampalataya rin ako sa biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos na siyang may-akda at simulain ng lahat ng kabanalan.

Hindi nga lang ako masyadong hanga sa mga lumilipad sa alapaap, tulad ni San Jose de Cupertino. Hingi nga rin lang ako masyadong nabibighani ng mga banal na nakikipag-usap sa mga hayop, tulad ni San Francisco de Asis. Hindi rin ako masyadong natutulala sa mga kwentong ang mga banal ay nakita ng mga tao na nasasa dalawang lugar sa iisang parehong pagkakataon, tulad ni Don Bosco, na diumano ay nakita sa Torino at nakita rin sa Barcelona sa parehong magkasabay na araw at oras.

Huwag ninyo ako pagdiskitahan. Hindi ako suwail na walang pagsampalataya sa mga banal. Wala akong sinabing hindi ito totoo. Wala akong sinabing ang lahat ng ito ay mga kasinungalingan. Ang akin lamang sinasabi ay ang mga kababalaghang gawa ng Diyos ay hindi dahilan upang humanga tayo sa mga banal. Ang sinasabi ko lamang ay ito … ang mga banal ay malapit at pinagpala ng Diyos. At ito ang dahilan kung bakit sila ay pumailanlang tulad ni San Jose de Cupertino. Ito ang dahilan kung bakit sila nakapagwika sa mga hayop, o nakapunta sa dalawang lugar sa parehong araw at oras.

Ang mga banal ay kinasihan ng Diyos dahilan sa isang katotohanan. Dumulog sila sa Kanya, naghanap, nagsikap lumapit.

Ito ang aking hinahangaan sa mga banal. Ito ang hindi lamang dapat hangaan. Ito rin ang dapat tularan. Sila ang mga huwaran na dapat itanghal at ipagmakaingay sa lipunan.

At ito nga ang ginaganap natin sa araw na ito. Pagunita sa ating sarili ngayon ang tugon sa unang pagbasa: “Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa Iyo!”

Subali’t ang dumudulog ay siyang hinahanap ng Diyos na dinudulugan. Ito ang katotohanang dulot sa atin ni Juan: “Isipin natin kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag Niya tayong mga anak ng Diyos at iyan ang totoo.”

Ito ang panawagang dininig at sinunod ng mga banal. Hindi ito mga panawagan upang lumipad at pumailanlang at maging mga salamangkero o magikero. Hindi ito panawagan upang tayo ay makagawa ng mga malalaking kababalaghan. Panawagan ito upang dumulog sa Kaniya at tumalima tulad ng isandaang libo, apat na daan at apatnapu’t apat na mga tagasunod sa kordero na nararamtam ng puting damit na hinugasan sa dugo ng kordero.

Ito ang itinatanghal natin sa pistang ito … ang kabanalang kaloob ng Diyos nguni’t nagkabuhay sa pagdulog ng tao, na lumuhog sa paanan ng Maykapal at naging banal. Ang kabanalang ito ay may malaking halagang pinagbayaran ng mga santo.

Sila ay naging banal at tinaguriang mapalad … hindi sapagka’t sila ay gumawa ng mga kababalaghan, kundi sapagka’t sa kanilang paghihirap ay naganap ng Diyos ang kababalaghan ng kabanalan sa kanilang pagkatao.

Ito ang pagiging mapalad na nakita natin kay Papa Juan Pablo II … ang kaniyang katapatan at matimyas na pag-ibig sa Diyos … ang kanyang matinding paghihirap dahil sa karamdaman, ang kanyang matibay na pagkapit sa pangako ng Diyos na nangahulugan ng matinding paghihirap at pag-uusig.

Ito ang diwa ng katagang “mapalad” na makailang ulit natin narinig sa ebanghelyo. Walang kinalaman ito sa nakatutuwang pangitain ng kabanalang walang kinalaman sa tunay na buhay ng taong may dugo at laman, sa mundong ibabaw.

Ang mga banal ay banal sapagka’t sila ay nagdusa … tulad ni Mother Teresa na nagdusa kasama ng mababaho at nanlilimahid … Ito ang kabanalang walang kinalaman sa mga mababangong rosas na bumalot sa kanilang katawang makatao …

Walang kapalaran at kasiyahan sa taong hindi nagdaan sa pagsuong sa kahirapan. Ang mga banal ay silang nanguna sa pagdulog ng bayan ng Diyos. Sila ang huwaran at tampulan ng lahat ng ating paghahanap at pagsisikap. Sa kanilang paghahanap sa mukha ng Diyos, sila ay nagdusa. Sa kanilang pagdulog, sila ay nahulog at nasuong sa lahat ng uri ng paghihirap at pag-uusig.

At ito ang dahilan kung bakit sa ngalan nilang lahat, ang bayan ng Diyos ay hindi lamang dumudulog sa Diyos. Kasama nila at sa ngalan nilang lahat, tayo ngayon bilang simbahan ay lumuluhog, tulad ng ginawa nila habang nabubuhay sa mundong ibabaw.

Lahat kayong mga banal sa kalangitan, ipanalangin ninyo kami!