Ika-4 na Linggo (K)
Enero 31, 2010
Mga Pagbasa: Jeremias 1:4-5, 17-19 / 1 Corinto 12:31 – 13:13 / Lucas 4:21-30
Higit sa limang libong kaparian mula sa buong Pilipinas ang nagmistulang parang Jeremias sa mga nagdaang araw sa linggong ito. Masugid silang nagtipon, nakinig, at nagnilay na sama-sama. Mataman nilang pinakinggan ang mga propetikong pananalita ni Father Raniero Cantalamessa, sa kanilang pagnanasa na maging higit na karapat-dapat na mga tagapaglingkod ng Inang Simbahan at sugo sa bayan ng Diyos.
Alam nating lahat ang kwento tungkol sa buhay ni Jeremias … isang talubatang sa simula ay tila napilitang gumampan sa tungkulin bilang isang propeta, isang binatilyong tila nag-atubili, natakot nang kaunti marahil, at pansamantalang umurong sa tungkuling iniaatang sa kanya ng Diyos.
Pero alam rin natin kung ano ang kinahinatnan ng kwento. Siya mismo ang nagsalaysay sa sinabi sa kanya ng Panginoon sa pamamagitan ni Josias: “Magpakatapang, humayo, at mangaral!”
Bagaman at mahigit na isang libo at kalahating milya ang layo ko sa aking mga kapatid na pari, kaisa nila ako sa kanilang marubdob na pagnanasang maging higit na karapat-dapat na mga sugo ng Diyos. Kaisa rin nila ako sa gitna ng kanilang mga pangamba, pag-aatubili, at maging sa kanilang mga panimdim at suliranin.
Mahigit na 27 taon na ako bilang pari, at mahigit 32 taong nagtuturo at nangangaral. Sa edad ko ngayon, lihis sa aking paniniwalang ang magiging trabaho ko ay higit na tahimik – pagsusulat, pagtuturo, at pagbibigay payo bilang counselor, naatangan na naman ako ng tungkuling magpatakbo ng isang paaralan para sa mga high school malayo sa Pilipinas.
Mahirap ang magpasan ng anumang tungkulin. Mahirap ang mangaral lalu na’t ang pangaral ay hindi na magandang pakinggan sa panahong nababalot ng posmodernismo. Hindi madali ang manindigan para sa tama at angkop sa kalooban ng Diyos at pangaral ng simbahan. Gustuhin mo man o hindi, mayroon laging magagalit, magtatampo, at masasaktan ang kalooban dahil sa pangaral na hindi maaaring baliin, bale-walain, at ibahin. Mismong si Jeremias na rin ang nagsalaysay: “Ang mga saserdote at ang buong bayan – ay sasalungat sa iyo.”
Nguni’t tinumbok ni San Pablo na naghirap din ng katakot-takot dahil sa ebanghelyo ang siyang batayan, simulain, at kadluan ng lakas na siyang ngayon ay pinagsisikapang pagyamanin ng mga kaparian sa buong Pilipinas – ang pag-ibig, pag-asa, at pananampalataya!
Nais ko sanang manawagan sa lahat ng mga layko na katuwang ng mga kaparian sa maselang tungkuling ito. Nais ko sanang hilingin sa kanila ang lubos na pang-unawa, lubusang pagtulong at pagsuporta sa aming mga kaparian hindi lamang sa linggong ito, kundi sa mga taong darating.
Hindi kami perpekto at ganap. Hindi kami kasing banal ng ayon sa inyong kagustuhan at paniniwala. Marami kaming kapalpakan. Marami kaming kamalian. Sa kabila ng maraming taong pag-aaral, hindi namin alam ang lahat, bagama’t malimit kaming kumilos na tila alam namin ang lahat, at siguradong-sigurado kami sa aming sarili.
Pero ang katotohanan ay ito. Kaming lahat ay mga talubatang Jeremias na nangangamba rin, nag-aatubili, nagkakamali, nagkakasala.
Ang ebanghelyo natin sa araw na ito ay angkop na angkop. Nang si Jesus ay pumasok sa sinagoga, pinangatawanan niya ang kanyang misyon, ang dahilan kung bakit siya naparito sa daigdig. Nang binasa niya ang sipi mula kay Isaias, daglian niyang idinagdag ang katotohanang ito: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.”
Totoo na tao rin kaming lahat. Totoo na tulad ng lahat ng tao, kami ay mahina, marupok, at kay daling lumimot, tulad ng inawit ni Rico Puno. Totoo rin na tulad ni Jeremias, di miminsan na kami ay nag-aatubili, natatakot, at nangingimi lalu na’t pinupukol kami ng lahat ng uri ng tsismis, angal, at akusasyong susun-suson, totoo man o kathang-isip.
Kailangan namin ang tapang ni Jeremias. Kailangan naming ang pag-asa, pag-ibig, at pananampalataya ng bayan ng Diyos. Kailangan namin kayong lahat. At sapagka’t nagkakasala rin kami sa inyo, sa bayan ng Diyos, hinihiling rin namin na ang inyong pag-asa, pag-ibig, at pananampalataya ay hindi mabuwag, manghina, at malugmok dahil sa aming kahinaan – at maraming kasalanan.
At kung mayroon kaming dapat isapuso, isaisip, at isadiwa sa mga araw na ito, ang lumulutang na pangaral na ito ay parang isang taludtod ng tula o awiting dapat namin marinig, hindi lamang kay Jeremias, kundi lalu na sa inyo: “Magpakatapang, humayo, at mangaral!”
Tai, Mangilao, Guam
Enero 28, 2010
hello po…
[…] higit na karapat-dapat na mga tagapaglingkod ng Inang Simbahan at sugo sa bayan ng Diyos. Continue reading here. Bookmark It Hide Sites $$('div.d3018').each( function(e) { […]