frchito

Archive for the ‘Mahal na Araw’ Category

BAGONG BUHAY SA KABILA NG PAGKABUWAY!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Mahal na Araw, Panahon ng Pagkabuhay, Taon K on Abril 2, 2010 at 11:19

Pasko ng Pagkabuhay
Abril 4, 2010

Muli na naman nagdadaan ang buong simbahan sa isang mahaba, mahirap, at masalimuot ng kalbaryo. Sa mga araw na ito, pilit na ipinagdidiinan ng liberal na mga kawani ng mass media ang diumano’y pagkakasangkot ng Santo Papa sa mga pagtatakip at pagwawalang bahala sa mga krimen ng ilang pari at taong simbahan sa larangan ng sekswalidad at pang-aabuso ng mga kabataan.

Bagama’t walang anumang dahilan o palusot ang puedeng magpatama sa isang malaking pagkakamali at kasalanan sa harapan ng Diyos at ng tao, isa ring isang pagkakamali at kawalan ng katarungan ang bahiran ang luklukan ni Pedro nang sapilitan na tila baga ang Simbahan at ang namumuno sa kanya ay ang pinaka masama nang tao sa mundo sa kapabayaan.

Nagdadaan ang Inang simbahan sa isang mahirap na antas at proseso. Muli na namang ipinapako si Kristo sa krus ng opinion popular, at walang habas na panghuhusga ng mga taong may masugid na pagnanasang gapiin at lupigin ang buong simbahang, sa kabila ng kasamaan at kasalanan ng ilan sa amin, ay nananatiling banal at naghahatid sa kabanalan.

Sa mga pagkakataong ito, mahalaga na alam ng bawa’t isa sa atin ang dapat natin katatayuan. Madali ang mabuway sa pananalasa ng sigwa at unos, hangin at daluyong ng pang-aakit ng prinsipe ng kasinungalingan. Madali rin ang mapadala sa galit at tampo sa mga taong dapat sana ay huwaran ng katapatan, nguni’t sa kanilang pagkamakasarili at kasalanan ay naging masahol pa sa mababangis na hayop sa gubat ng masalimuot na buhay. Madali ang manghinawa, at magsawa sa pakikinig sa pangaral na humihingi ng pinakamataas na uri ng pananagutan sa bawa’t isa sa atin.

Nabubuhay tayo sa isa sa pinakamasahol na panahon ng Inang Simbahan. Naguguluhan ang mga taong may simpleng pananampalataya, at nabubuway ang mga haligi ng kanilang nagsisimula pa lamang na pananampalataya.

Noong Lunes, sa biyaya ng Diyos, nagkaroon ako ng pagkakataon na bigyang-pansin kahit pahapyaw ang suliraning ito sa pagbibigay ko ng isang recollection para sa kaparian sa Arkidiosesis ng Agana, Guam. Naging isang pagkakataon ito upang harapin naming mga kaparian ang ilan sa mga paghamong nasa harapan ng aming mga mata.

Ano ba ang paghamong ito?

Walang kaibahan ito sa paghamong pinagdaanan ni Kristong Panginoon. Walang iniwan ito sa kung anong pagsubok ang kanyang hinarap at pinagsikapang lampas an. Walang kaibahan ito sa tawag ng Panginoon upang mabuhay sa kabila ng pagkabuway sa kasalanan.

Tayong lahat ay nahulog sa kasalanan. Turong maliwanag ng Banal na Kasulatan na lahat ay di nakapantay sa hinihingi ng kaluwalhatian ng Diyos. Lahat tayo ay nalisya, nadapa, at naligaw ng landas. Oo … kung mayroong nadapa dahil sa larangan ng pita ng laman, mayroon namang patuloy na napadadala sa kademonyohan ng labis na paghahanap ng pera, ng kabayaran, na ang nakikinabang ay hindi ang mga biktima kundi ang mga paham na sumasakay sa malaking pagkakamaling ito.

Ang mundo nating ito ay nahirati nang labis sa kultura ng kasalanan. Bagama’t hindi puedeng gawing tama ang pang-aabuso ng kabataan, hindi rin tama na isinasara ng mundo ang isang mata sa pang-aabuso ng mass media at ng mga sakim sa salapi, at ang pakay lamang ay kumita sa lahat ng ito, o ibuwag ang tanging institusyong tunay na nagmamalasakit sa ganap na kapakanan ng tao … opo … sa kabila ng kasalanan ni Pedro, ni Juan, ng mga disipulo, naming mga kaparian, at lahat ng taong mga anak ni Eba.

Mismong ang tagapagligtas ay nabuway, dahil sa kanyang dakilang pagmamahal. Hindi kabayaran ang kanyang hanap. Siya mismo ang nagbayad nang malaki para sa ating kasalanan. Hindi siya nag-astang abogado ng mga biktima, kundi isang manliligtas. Ang mga biktima ay hindi nangangailangan ng manliligtas kundi abogado. Nguni’t ang makasalanan ay nangangailangan ng manliligtas at kapatawarang hatid ng ganap na manliligtas.

Sa mata ng Diyos at ng tao, kailangan ng hustisya ang mga biktima. Nguni’t sa ating paghahanap ng katarungan, hindi tama na gumawa ng isa pang kawalang katarungan sa paghahangad na pagbayarin at ganap na ibuway ang buong institusyong hindi kailanman mababago ng ating mga kasalanan. Patuloy na Diyos ang Diyos na hindi nagbabago sa kanyang pangaral. Patuloy na nananawagan Siya sa lahat — pari at layko — na magpakatapat sa kanilang pangako sa binyag.

Hiling ko sa bawa’t nakakatunghay dito na panatiliing matatag ang sarili sa kabila ng tila matunog na pagkabuway ng mga inaasahang dapat ay matatag sa moralidad at sa pananampalataya. Masipag ang demonyo sa pang-aakit ng siyang nakagagawa ng mabuti. Hindi natutulog ang kampon ng kadiliman…

At ang naganap sa Biyernes Santo – ang pagkabuway ng mananakop sa kalbaryo ng pagpapakasakit para sa ating lahat, ay nagbunga ng isang maluwalhating muling pagkabuhay.

Ito ang pinanghahawakan nating pangako at pag-asa. Ito ang balita nating ipinagmamakaingay sa kabila ng tila walang patid na kadiliman.

Maligayang pasko ng pagkabuhay sa inyong lahat.

KASAMA, KASANGGA, O KATUNGGALI?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Mahal na Araw, Tagalog Homily, Taon K on Marso 22, 2010 at 16:44

Linggo ng Palaspas
Marso 28, 2010

Habang lumalapit ang halalan, lumalabas rin ang tunay na kulay ng mga kandidato o mamboboto. Hindi mahirap makita ang pagiging hunyango ng ilan sa mga kandidato. Ang mga dating mga magkatunggali ay ngayon ay magkakasama; mga dating parang magsing-irog sa iisang partido ngayon ay parang pinaghiwalay ng tadhana. Ang mga dati ay maiingay sa larangan ng politika, ngayon ay nagtatago at hindi natin alam kung saang lupalop naparoon.

Ito rin ang tila telenobelang sa araw na ito ay nagsisimula, kumbaga. Ang kaibahan nga lamang ay hindi ito isang teleserye. Ito ay salaysay ng pinakadakilang pag-ibig na natungyahan ng sangkatauhan sa kasaysayan … ang pinakadakilang kasaysayan ng pag-ibig.

Kasama … ito ang ugaling ipinakita ng marami nang pumasok si Jesus sa Jerusalem! Nangasipaglabasan sa mga lansangan ang mga bata, matanda, at talubata … tangan nila ang anumang mahagilap sa kamay upang iwagayway, ilatag, iwagiswis bilang pagpupugay sa itinanghal nilang Haring dumarating.

Kasama … Ito ang larawan ng mga taong sa simula ay tuwang-tuwa sapagka’t dumarating mula sa kaitaasan ang kanilang pinakaaasam, pinakahihintay! Halos manggayupapa ang lahat sa pagpuri at pag-awit: “Osana sa kaitaasan … Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon!”

Kasangga … ito ang larawang kanilang ipinamalas. Kasangga sila ng kanilang itinatanghal at pinagpupugayan. Kasangga sila ng isang hindi malamang unawain at tanggapin ng mga namumuno sa bayan, na ang tingin sa kanya ay isang taong may madilim at maitim na pakay na hindi magugustuhan ng mga nasa kapangyarihan.

Minsan din nating ginampanan ang pagiging kasama at kasangga ni Kristong Mananakop. Di miminsan sa buhay natin na nagpahayag tayo ng pagiging kasama at kasangga ng Panginoong dumating sa kasaysayan upang isulat ang panibagong takbo ng kasaysayan.

Nguni’t alam natin ang naging takbo ng salaysay… Ang mga nagmakaingay na masiglang naging kasangga ng Panginoon ay nangagsipag baligtaran … naging mga balimbing na nag-astang mga hunyango ay tumalikod sa kanilang pinuri hanggang langit ilang araw lamang ang nakalilipas. Sa ikalawang bahagi ng liturhiya natin, binasa natin ang pasyon, ang kwento ng kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Ang mga balimbing na dati-rati ay umawit ng “Osana,” ay sila ring di naglaon ay sumigaw ng “tama na!”

Sala sa init; sala sa lamig ang mga balimbing na walang iisang salita.

Ito ang salaysay na nananalaytay sa ating kasaysayan, sa ating lipunan, sa ating kultura at pagkatao bilang Pinoy. Tingnan lamang natin ang mga hunghang at sinungaling na mga politico na dati ay parang hayop kung magbangay at ngayon ay parang si Romeo at Juliet kung magmahalan. Tingnan natin ang mga dating tinitingala natin na ngayon pala ay mandarambong na primera klase din naman pala. Tingnan natin ang ubod ng yamang kandidato na hanggang langit ang gastos para ipagmakaingay sa siya ay mahirap at natutulog sa bangketa at naglalangoy sa basura!

Higit sa lahat, tingnan natin ang sarili natin. Tingnan natin ang Inang Simbahan, na bilang samahan ng mga taong marupok ay sinagian at dinapuan na rin ng iba-ibang uri ng kabulukan, tulad ng mga pang-aabuso ng mga kabataan. Tingnan natin ang sarili natin sa salamin. Tingnan natin kung paano tayo maghusga tulad ng mga kalalakihang handang pumukol ng bato sa babaeng nahuli sa pakikiapid. Tingnan natin ang sarili natin …

Hindi malayong makita natin ang larawan ni Judas, ni Pedro, ni Pablo – ng lahat ng mga makasalanang naging banal sapagka’t bumangon sila sa tulong ng kanilang itinatwa at ipinagkanulo.

Kasama ako sa pulutong na ito … kasama tayong lahat … kasangga tayo dapat at tunay ngang di miminsang idineklara natin ang sarili bilang kasangga ni Kristo. Ngunit ang linggo ng palaspas ay salaysay tungkol sa mga balimbing at mga salawahan at tampalasan … masakalanan tulad ko, tulad ninyo, tulad ng lahat.

Katunggali tayo ni Kristo … di miminsan, di kayang ipagkaila gaano man kadulas ang ating mga dila, gaano man karami ang sanga ng mga dila natin … kasama tayo sa tinatawag natin sa panalangin, na mga “dilang masasama.”

Pero tumitigil tayo taon-taon upang gunitain, upang balik-isipin at muling ganapin … Alin? Ang dakilang salaysay ng pag-ibig sa atin ng Diyos na gumawa ng lahat para sa ating ikapapanuto at ikaliligtas. Sa kanyang dakilang pagpapakasakit, tayong mga katunggali at kalaban, dahil sa kanyang dakilang pag-ibig ay muling itinuring na kasama at kasangga. Muli natin naririnig ang mga katagang pinagnilayan natin noong isang Linggo: “Wala bang naghuhusga sa iyo? Ako man, hindi kita hinuhusgahan. Humayo ka na at huwag nang magkasala!”