frchito

Archive for the ‘Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

UBUSAN SA UBASAN!

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 3, 2008 at 19:31

Ika-27 Linggo ng Taon(A)
Octobre 5, 2008

Mga Pagbasa: Is 5:1-7 / Filipos 4:6-9 / Mt 21:33-43

Tatlong linggo na natin naririnig ang ebanghelyo na may kinalaman sa ubasan. Noong nakaraang dalawang linggo, narinig natin ang mga taong nagpagal sa ubasan nang iba-ibang haba (o ikli) ng panahon. Nguni’t pare-pareho ang kanilang sinahod. Noong isang Linggo narinig natin ang dalawang magkapatid na pinadala ng Ama sa ubasan. Ang una ay tumanggi nguni’t nagbago ang isip sa huling sandali at nagtungo. Ang ikalawa ay sumagot ng “oo” subali’t ni anino niya ay hindi nakita sa ubasan.

Sa Linggong ito, ubasan na naman ang escena … pero iba ang kwentong salaysay … Tingnan natin muli…

Ang may ari ng ubasan ay malayo ang tirahan. May mga katiwala siyang pinag-ingat ng ubasan. Nang magpadala ng mga taong ang pakay ay kumubra ng kanyang parte sa ani, ang mga pinagkatiwalaan ay nag-asal hayop. Pinatay nila ang mga sugo at kobrador. Huli sa lahat ay pinadala rin niya ang kanyang anak. Gayon din ang palad na kanyang sinapit sa kamay ng mga tampalasang katiwala.

Nagka-ubusan ng lahi sa ubasan!

Subali’t madaling mabulid sa isang maling pagka-unawa sa talinghagang ito na isang alegoriya. Hindi ito leksiyon tungkol sa karahasan. Hindi ito isang pangaral na tama at wasto ang ginawa ng mga katiwalang ang kanilang pakiramdam ay sila ay nalamangan o nadaya. Walang kinalaman ito sa kung mali o tama ang gumawa ng karahasan sa kapwa.

Bilang isang alegoriya, dapat nating unawain kung ano ang isinasakatawan ng bawa’t isang elemento o gumaganap na tauhan sa kwento.

Una, dapat alalahanin na ang kausap ni Kristo ay mga punong pari at mga pariseo. Sila ang kumakatawan sa mga katiwalang tampalasan. Dumating ang mga sugo – mga propeta – nguni’t hindi sila nakinig at naniwala. Huli sa lahat ay dumating ang bugtong na Anak ng Diyos, sa katauhan ni Kristo. Siya man ay siniphayo at di pinansin ng mga tampalasan. Alam natin kung ano ang naganap sa kanya … Ipinako at namatay siya sa krus, sa pamamagitan ng pagbabalak na maitim ng mga kinauukulan.

Subali’t sapagka’t tayong mga taga-sunod ni Kristo ay naparito upang makatanggap ng pangaral para sa ating sarili sa Liturhiyang ito, dapat natin ngayon tingnan ang kahulugan nito para sa ating buhay. Tayo man ay kinakausap ngayon at pinangangaralan ng Ebanghelyo at ng dalawa pang pagbasa. Ayon sa tradisyon ni Ignacio de Loyola, makabubuti sa atin kung sa pagbabasa natin ng ebanghelyo, ay mailagay natin ang ating sarili sa lugar na kung saan naganap ang pangyayaring ito, kung baga.

At dito ngayon papasok tayo bilang kabahagi ng kasaysayang ito. Tayo ba ay papanig sa mga taong ang pakay ay ubusin ang ubasan at mapasakanila ang lahat? Tayo ba ay nasa lugar din ng mga punong pari at pariseo na, sa kabila ng lahat ng pagpupunyagi ng Ama, ay napadala sa sariling mga balakin na kalimitan ay nagmumula sa isang maitim na budhi at makasariling mga layunin?

Hindi como nagpupuyos ang damdamin natin sa mga tampalasang mga katiwala ay tayo ay hindi na mabubulid sa ganitong kamalian. Bagama’t hindi naman sigura natin maiisipan ang pumaslang at kumitil ng buhay, hindi malayong mangyari na kaya nating kitilin kung hindi may buhay, ay ang magandang ideya na maghahatid sa kabutihan ng ating sarili o ng ibang tao. Hindi man siguro nating maisip na ubusin ang mga sugo ng Diyos, ay kaya naman siguro nating ubusin o tanggalin sa isipan ang mga magagandang adhikain na may kinalaman sa buhay na walang hanggan, sa mga bagay na nagpapabanal.

Malaking labanan ang nagaganap ngayon sa kongreso – kung ipapasa ba o hindi ang isang batas na labag sa kalooban ng Diyos, na bahagi ng tinatawag ni Papa Juan Pablo II na “contraceptive mentality,” na bahagi ng kultura ng kamatayan. Hindi man natin isiping patayin muli si Papa Juan Pablo II, ay naiisip nating patayin, hindi lamang ang mga batang inosente, kundi pati na rin, ang pangaral na naghahatid sa tunay na pangkalahatang kabutihan at kapakanan ng buong pagkatao natin.

Handa rin tayong ubusin ang nagmamay-ari ng ubasan ng buhay makatao.

Ang ubasan ay larangan ng buhay ng tao. Ito ay larawan ng buhay na walang hanggan na naghihintay para sa atin lahat. Ano ba ang gagawin natin sa mga sugo ng may ari?

Tayo ba ay mag-aasal tulad ng mga taong gumanap sa kwentong ito na ang pamagat ay UBUSAN  SA UBASAN?

ANGAL, ARAL, ASAL!

In Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo on Setyembre 25, 2008 at 22:59

Ika-26 na Linggo ng Taon(A)
Septiembre 28, 2008

Mga Pagbasa: Exequiel 18:25-28 / Filipos 2:1-11 / Mateo 21:28-32

ANGAL, ARAL, ASAL!

Angal ang pahiwatig ng unang pagbasa. “Hindi makatarungan ang pamamaraan ng Diyos,” ang paratang ng mga tao kay Exequiel. Naghagilap si Exequiel ng angkop na tugon sa walang batayang paratang. Tanong ang kanyang baling sa mga taong atungal at paratang ang bukang-bibig. “Hindi ba’t ang kamatayan ay bunga ng pagsuway sa kalooban ng Diyos?” “Subali’t hindi ba’t ang nagbabalik-loob sa kanya ay tatanggap ng buhay?”

Mahalaga na ating matanto ang bunga ng paratang at atungal. Ito ang malimit natin gawin sa buhay. Ito ang kay daling gawin – ang manisi, ang maghanap ng mapagbubuntunan ng galit, ang mapagtatapunan ng lahat ng uri ng ating negatibong reaksyon sa mga bagay-bagay na hindi angkop sa ating pag-asa.

Nguni’t mahalaga na ating matanto ang sagot ng Panginoon sa kalooban ng Ama, bagama’t labag sa kanyang kalooban at kagustuhan. Hindi angal, bagkus aral – ang dakilang aral ng kanyang pagpapakababa at pagsasa-anyong alipin, magpahanggang kamatayan sa krus.

Nakapaghagis na ba kayo ng bato sa isang tahimik at malalim na lawa? May batong matitigas, mga batong buhay, na kung lumubog sa tubig ay bigla at pabulusok. Deretso sa ilalim, wika nga. Nguni’t may uri ng bato na kung ihagis mo ay hindi agad lumulubog. Umiindayog, umiikot, unti-unting pumapasailalim ng tubig, parang nagsasayaw sa lawa, hindi kagya’t bumubulusok.

Ito ang aral na dulot ng hindi pag-angal – ang pagtanggap sa kalooban ng Ama. Ang mga matitigas ang ulo – ang matitigas na bato – ay pabulusok ang pagbaba sa ilalim. Mabilis ang kanyang paglalaho. Subali’t ang ibang uri ng higit na malalambot na bato ay larawan ng taong maalam makisayaw sa indayog ng Espiritu ng Diyos, ang marunong makisayaw sa musika ng banal na Espiritu. Ito ang mga natututo, hindi sa angal, kundi tumatanggap ng mahahalagang aral.

May isa pa akong larawan para sa inyo. Sa mga bagyong nagdaraan sa atin, nakikita natin kung paano ang mga punong hindi marunong umindayog sa hangin ay kagya’t nababali. Marupok ang sangang hindi mahutok. Madaling mabakli ang sangang hindi maalam sumayaw sa hangin. Di tulad ng kawayan, na parang taong maalam yumuko at magparangya, ang mga matitigas ang puso at damdamin ay silang higit na nahihirapan sa pagbayo ng hangin at unos.

Panalangin natin bilang tugon sa unang pagbasa … “Alalahanin mo ang iyong dakilang habag, Panginoon!” Oo … pati ang Panginoon ay marunong yumuko, magpakumbaba, at magdalang-habag sa taong nagsisisi. Maging ang Diyos ay tulad ng kawayan, na marunong makiiisa, makisangkot, makihalubilo sa taong sinasagian ng lahat ng uri ng pagsubok.

Malaki, malalim, at malawak ang habag ng Diyos sa atin!

Ang angal ng mga tao kay Exequiel ay naging daan sa isang mahalagang aral. Ang aking guro sa Loyola, Baltimore ay may isang tayutay na angkop hinggil dito: riding the dragon … mas madali, ika nga ng mga Arabo, na pasunurin ang isang kamelyo upang tahakin ang landas at direksyong kanya nang tinatahak, kaysa sa bigyan mo pa siya ng isang panibagong landas.  Sa buhay, may mga pagkakataon na walang ibang dapat gawin, kundi ang lumulan sa likod ng isang dragon at maghintay ng tamang panahon upang kumilos. May mga pagkakataon na walang saysay ang lumaban, magmatigas, at manatiling tuwid at hindi matitinag. Mas madaling mabali ang mga tuwid at malutong na sanga.

Ang ating buhay bilang Kristiyano ay walang iniwan sa pagsunod sa indayog ng biyaya ng Diyos. Ang ating buhay ay walang iniwan sa isang taong, marunong makisayaw at sumunod sa tugtugin, ang magpadala kung saan umiihip ang banal na Espiritu.

Dito ngayon pumapasok ang sinasaad ng ebanghelyo. Dalawang magkapatid ang inutusan ng ama. Ang una ay mabilis pa sa lintik ang sagot: “Opo, tatay … pupunta po ako roon.” Ang ikalawa ay maagap pa sa kulog ang pagtanggi: “Wala po akong panahon … hindi ako pupunta.”

Subali’t ang mabilis ang bunganga sa pagsagot ay nauwi lamang sa salita. Hindi siya nagpunta. Hindi siya gumawa. Para siyang isang sangang marupok, at matuwid na hindi umindayog sa hinihingi ng pagkakataon. Ang matulin naman sa pagsagot ng hindi ay sumaliw, umindayog, at sumunod sa hinihingi ng pagkakataon … Nag-isip-isip siya at napagtanto na walang uuwiing mabuti ang magmatigas, umangal, at hindi gumawa.

Angal ang diwa ng unang pagbasa. Aral ang dulot ng ikalawang pagbasa. Subali’t ang aral na mataginting na ito para sa atin ay ang kahalagahan ng tamang asal! Ito ang asal ng mga taong marunong sumunod, marunong makisayaw at umindayog sa kalooban ng Diyos. Tulad ng isang batong malambot, hindi siya bumubulusok sa kawalan at kalaliman. Siya ay dahan-dahang nakikisayaw sa indayog ng tubig. Siya ang taong masunurin na ang buong pusong pakay, ay hindi lamang magwika, bagkus gumawa, ayon sa kalooban ng Diyos.

Ito ang aral ng mabuting Kristiyanong asal para sa mga taong dati-rati ay walang alam kundi puro angal at pagsalungat sa pangaral ng Diyos!