frchito

UBUSAN SA UBASAN!

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 3, 2008 at 19:31

Ika-27 Linggo ng Taon(A)
Octobre 5, 2008

Mga Pagbasa: Is 5:1-7 / Filipos 4:6-9 / Mt 21:33-43

Tatlong linggo na natin naririnig ang ebanghelyo na may kinalaman sa ubasan. Noong nakaraang dalawang linggo, narinig natin ang mga taong nagpagal sa ubasan nang iba-ibang haba (o ikli) ng panahon. Nguni’t pare-pareho ang kanilang sinahod. Noong isang Linggo narinig natin ang dalawang magkapatid na pinadala ng Ama sa ubasan. Ang una ay tumanggi nguni’t nagbago ang isip sa huling sandali at nagtungo. Ang ikalawa ay sumagot ng “oo” subali’t ni anino niya ay hindi nakita sa ubasan.

Sa Linggong ito, ubasan na naman ang escena … pero iba ang kwentong salaysay … Tingnan natin muli…

Ang may ari ng ubasan ay malayo ang tirahan. May mga katiwala siyang pinag-ingat ng ubasan. Nang magpadala ng mga taong ang pakay ay kumubra ng kanyang parte sa ani, ang mga pinagkatiwalaan ay nag-asal hayop. Pinatay nila ang mga sugo at kobrador. Huli sa lahat ay pinadala rin niya ang kanyang anak. Gayon din ang palad na kanyang sinapit sa kamay ng mga tampalasang katiwala.

Nagka-ubusan ng lahi sa ubasan!

Subali’t madaling mabulid sa isang maling pagka-unawa sa talinghagang ito na isang alegoriya. Hindi ito leksiyon tungkol sa karahasan. Hindi ito isang pangaral na tama at wasto ang ginawa ng mga katiwalang ang kanilang pakiramdam ay sila ay nalamangan o nadaya. Walang kinalaman ito sa kung mali o tama ang gumawa ng karahasan sa kapwa.

Bilang isang alegoriya, dapat nating unawain kung ano ang isinasakatawan ng bawa’t isang elemento o gumaganap na tauhan sa kwento.

Una, dapat alalahanin na ang kausap ni Kristo ay mga punong pari at mga pariseo. Sila ang kumakatawan sa mga katiwalang tampalasan. Dumating ang mga sugo – mga propeta – nguni’t hindi sila nakinig at naniwala. Huli sa lahat ay dumating ang bugtong na Anak ng Diyos, sa katauhan ni Kristo. Siya man ay siniphayo at di pinansin ng mga tampalasan. Alam natin kung ano ang naganap sa kanya … Ipinako at namatay siya sa krus, sa pamamagitan ng pagbabalak na maitim ng mga kinauukulan.

Subali’t sapagka’t tayong mga taga-sunod ni Kristo ay naparito upang makatanggap ng pangaral para sa ating sarili sa Liturhiyang ito, dapat natin ngayon tingnan ang kahulugan nito para sa ating buhay. Tayo man ay kinakausap ngayon at pinangangaralan ng Ebanghelyo at ng dalawa pang pagbasa. Ayon sa tradisyon ni Ignacio de Loyola, makabubuti sa atin kung sa pagbabasa natin ng ebanghelyo, ay mailagay natin ang ating sarili sa lugar na kung saan naganap ang pangyayaring ito, kung baga.

At dito ngayon papasok tayo bilang kabahagi ng kasaysayang ito. Tayo ba ay papanig sa mga taong ang pakay ay ubusin ang ubasan at mapasakanila ang lahat? Tayo ba ay nasa lugar din ng mga punong pari at pariseo na, sa kabila ng lahat ng pagpupunyagi ng Ama, ay napadala sa sariling mga balakin na kalimitan ay nagmumula sa isang maitim na budhi at makasariling mga layunin?

Hindi como nagpupuyos ang damdamin natin sa mga tampalasang mga katiwala ay tayo ay hindi na mabubulid sa ganitong kamalian. Bagama’t hindi naman sigura natin maiisipan ang pumaslang at kumitil ng buhay, hindi malayong mangyari na kaya nating kitilin kung hindi may buhay, ay ang magandang ideya na maghahatid sa kabutihan ng ating sarili o ng ibang tao. Hindi man siguro nating maisip na ubusin ang mga sugo ng Diyos, ay kaya naman siguro nating ubusin o tanggalin sa isipan ang mga magagandang adhikain na may kinalaman sa buhay na walang hanggan, sa mga bagay na nagpapabanal.

Malaking labanan ang nagaganap ngayon sa kongreso – kung ipapasa ba o hindi ang isang batas na labag sa kalooban ng Diyos, na bahagi ng tinatawag ni Papa Juan Pablo II na “contraceptive mentality,” na bahagi ng kultura ng kamatayan. Hindi man natin isiping patayin muli si Papa Juan Pablo II, ay naiisip nating patayin, hindi lamang ang mga batang inosente, kundi pati na rin, ang pangaral na naghahatid sa tunay na pangkalahatang kabutihan at kapakanan ng buong pagkatao natin.

Handa rin tayong ubusin ang nagmamay-ari ng ubasan ng buhay makatao.

Ang ubasan ay larangan ng buhay ng tao. Ito ay larawan ng buhay na walang hanggan na naghihintay para sa atin lahat. Ano ba ang gagawin natin sa mga sugo ng may ari?

Tayo ba ay mag-aasal tulad ng mga taong gumanap sa kwentong ito na ang pamagat ay UBUSAN  SA UBASAN?

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: