frchito

Archive for the ‘Panahon ng Pagdating’ Category

SIMBANG GABI O SIMBANG TABI?

In Adviento, Homily in Tagalog, Life Journey, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 16, 2012 at 10:31

438d780358b24db04f10b1767806_grande

Ikalawang Araw ng Simbang Gabi (Taon K)

Disyembre 17, 2012

Mga Pagbasa: Gen 49:2, 8-10 / Mt 1:1-17

SIMBANG GABI O SIMBANG TABI?

Hiniram ko ang mga katagang pabiro na ginamit ni Cardinal Tagle tungkol sa karaniwang nagaganap sa buong kapuluan. Kahapon, kay dami ang nasa simbahan. Kay rami rin, at sa katunayan, mas marami ang nasa tabihan – sa parking lot, sa devotion garden, sa ilalim ng mga puno, at kung saan madilim, liblib, o may upuan! Sa tuwing magsisimbang gabi, dumarami rin ang mga nasa simbang tabi. Sa amin sa Mendez, Cavite, ang tawag namin noon dito ay “simbang balete” – sa ilalim ng puno ng balete kapag oras na ng sermon.

Kahapon pinaksa natin ang simula ng ating pagninilay sa buong 9 na araw ng nobena … TIWALA SA GITNA NG MUNDONG TILA PAKAWALA. Sinimulan nating ipaliwanag na ang pananampalataya natin ay parang isang pinto (PORTA sa Latin), na dapat pasukin, pintong dapat buksan, mula sa loob at sa labas. Dalawa ang may hawak ng susi sa PORTA FIDEI – pinto ng pananampalataya – ikaw at ang Diyos.

Dagdagan natin sana ang ilang mga mahalagang diwa ng pintong ito. Sabi ng turo ng liham apostolika ni Papa Benito XVI, ang pintong ito ay bukas tuwina para sa atin. Puedeng puedeng pumasok sa pintuan tuwing ang Salita ng Diyos ay ipinahahayag. Pero puede ring magmatigas ng kalooban at ang mangyari ay tila baga tulad ng isang taong pumasok sa simbahan, at tuloy-tuloy palabas sa kabilang lagusan, tulad ng malimit mangyari sa ating simbahan dito.

Sa panahon natin, maraming ganito ang saloobin – papasok kunwari, pero isinasara ang puso sa patuloy na pangaral ng Dios at ng Simbahan. Ito ang katulad ng mga tao, tulad ng mga congressmen na nagsasabing “katoliko” raw sila at pro-life, pero pro abortion, pro-quality life raw, at kung ano-anong kaek-ekan. Binuksan nila ang pinto ngunit ipininid ang puso, at kinandaduhan pati mga kamay at paa sa paggawa ng tama at moral.

Puede ring mangyari na bukas na bukas ang bibig sa pagsamba sa Diyos sa tuwing magsisimba. Pero mas malaki ang bukas ng bulsa, at kung masapalpalan ng pork barrel, ay uurong na sa botohan, at kung ano-anong mga dahilan ang namumutawi sa bibig. Bukas ang pinto papasok … bukas ang bibig sa pusok … bukas rin ang bulsa sa bungkos ng salapi, at cerrado ang puso at kamay sa kabutihang hindi lamang sa kanilang ipinagmamakaingay na kabutihan ng mahihirap.

Puede ring mangyari na bukas ang bibig sa papuri, tulad ng mga katoliko diumano na nanggagalaiti sa aming mga pari dahil daw hindi namin nirerespeto ang separation between church and state. Tinanggap ang mababaw na pang-unawa sa separation … nguni’t hindi lumalim nang sapat upang malamang ang orihinal na doktrinang ito ay ginawa upang pangalagaan ang karapatan ng relihiyon, at hindi baligtad, upang hindi makapang-himasok ang relihiyon sa mga gumagawa ng batas at nagpapatakbo ng pamahalaan. Simpleng kasaysayan lang ito kapatid! Magbasa ka nang kaunti upang maliwanagan. Walang separation between Church and State kung ang usapan ay bagay moral, bagay pang buhay na walang hanggan.

May dagdag pa sana akong dapat pagnilayan tungkol sa PORTA FIDEI … Sabi ng dokumento na ang pagpasok sa pinto ng pananampalataya ay hindi minsanang gawain lamang. Ito ay isang nagpapatuloy na lakbayin.

Kawawa naman ang mga nagsasabing katoliko raw sila, pero ito ay naganap lamang noong sila ay binyagan, o pumasok sa isang mamahalin at exclusibong catholic school. Nang nagtapos ay nagtapos na rin ang kanyang lakbayin sa pananampalataya. Natutunan lamang nila magdasal nang kaunti, o magsimba, (pag may Misa) o magbigay ng kaunting “limos” sa simbahan. Walang iniwan sila sa maraming taong tuwing Linggo ay ganito ang ginagawa … Papasok sa simbahan hanggang sa may pintuan lamang … yuyuko nang kaunti … at bago matapos ang komunyon ay patakbo nang palabas. Hindi nakinig sa mga pagbasa … hindi rin nakinig sa homiliya … at lalung hindi nakibahagi sa mga panalangin at pag-awit.

Ito ang tunay na simbang tabi, na gumawa lamang ng minimum, ng pinakamaliit masabi lamang na katoliko pa rin siya. Ang pananampalataya nila ay isang bitbitin, hindi isang lakbayin.

Sa Misa natin kahapon, araw ng Linggo, mahigit isa’t kalahating beses ang mga kabataang nasa labas, nasa devotion garden, nasa parking lot, nasa tabi.

Mahaba pa ang ating lakbayin … Marami pang dapat unawain at pagnilayan …

Itong mga simbang tabi na ito kahit sa simbang gabi ang galit na galit kapag nagwika ang Simbahan nang turo na hindi angkop sa turo ng ABS-CBN, at mga jukebox journalists, at mainstream media. Ito ang madaling humusga na makaluma ang simbahan, at ang turo nila ay hindi na angkop sa modernong panahon.

Mahirap ihatid ang mga taong ayaw pumasok, at ayaw maglakbay. Mahirap hilahin ang mga taong ayaw magpaturo at ayaw magpatulong o ayaw humingi ng payo.

Sa ebanghelyo natin ngayon, mahabang lakbayin ang tinahak ng angkan ni Jesucristo, mula kay Abraham hanggang kay David, mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia, at mula sa pagkatapon hanggang kay Kristo, na isinilang ng Birheng Maria, esposa ni Jose, na angkan ni David.

Ang mensahe natin sa ikalawang araw ay ito … Lakbayin ang pananampalataya. Para maganap ito, dapat kang pumasok sa loob ng pinto. Simbang gagi tayo, hindi simbang tabi. At kami naman ay ito ang wika … TULOY PO KAYO … TAYO NA AT MATUTO … TAYO NA AT PATULOY NA MAG-ARAL AT MANAGANA SA KANYANG PANGAKO … Maghahari ang katarungan at ang kaganapan ng kapayapaan magpasawalang hanggan! Saan pa kayo?

MAGALAK! MAGSAYA! PAKI-ULIT NGA?

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 15, 2012 at 11:59

170px-ZephaniahIka-3 Linggo ng Adbiyento (K)

Disyembre 16, 2012

Mga Pagbasa:  Sofonias 3:14-18a / Filipos 4:4-7 / Lc 3:10-18

Panay tema ng kagalakan ang tinutumbok ng tatlong pagbasa. Payo ito sa atin ni Sofonias. Payo rin ito ni San Pablo sa mga taga-Filipos. At bagama’t hindi tinutukoy ni Juan Bautista ang kagalakan, ay itinuturo niya kung paano makamit ang kagalakang ito.

Ano raw? Kagalakan?

Oo, sagot nating lahat na ngayon ay nagsisimba (simbang gabi man o hindi).

Teka, tama ba kaya ang narinig nyo? Magdiwang! Magalak! Tama ba iyon na ito yata ang ikatlong pasko na may trahedyang nagaganap sa bayan natin? Tama ba ito na sa huling bilang (at tumataas pa) ay 955 na ang namatay at libo pa rin ang nawawala matapos ang bagyong Pablo?

Madiin ang payo sa atin ng Simbahan. Nguni’t hindi rin maipagkakaila ang kapaitan na naganap sa ating mga kababayan. Mahirap magkunwari, nguni’t mahirap rin magbulag-bulagan sa turo ng Diyos.

Tingnan natin sumandali nang mabuti … Si Sofonias ang nagwika tungkol sa darating na huling paghuhukom, ang araw na kahindik-hindik (dies irae sa Latin). Siya ang nagwika tungkol sa darating na wakas ng panahon na mababalot ng kalagim-lagim na mga pangitain sa lupa at sa kalawakan. Subali’t sa kabila ng lahat ng ito, iisa at tanging iisa ang puno at dulo ng lahat ng mga sagisag na ito – ang kagalakang dulot ng pagbabalik ng Mesiyas, ang pagdatal ng Mananakop.

Isa pa … Si Pablo ay hindi nagsulat sa mga Filipos mula sa isang masayang katayuan. Siya ay lumiham sa mga Filipos mula sa kulungan. A ver … masaya ba iyon?

Tingnan natin naman si Juan Bautista … May natuwa sa kanyang pangaral … mayroon namang hindi. At pinagbayaran niya nang malaki ang hindi pagkatuwa ng mga tinamaan, una na si Herodes, si Herodias, at si Salome.

Pero ang kanyang pakay, ang kanyang aral, ay pawang nakatuon sa tunay na kaligayahan.

Maraming pagsubok ang patuloy na sumasagi sa buhay natin. Hati-hati pa rin ang bayan natin, nagbabanggaan sa isyu ng RH bill, at sa marami pang isyu. Marami pa rin ang mahirap, at marami pa rin ang namamatay dahil sa kasakiman ng iba, tulad ng naganap sa Compostela Valley as sa marami pang lugar.

Hindi tayo masaya dahil sa mga bagay at pangyayaring ito. Subali’t hindi makalupang kasayahan ang pangaral sa atin ng mga pagbasa ngayon. Bagama’t hindi masama ang maging masaya ayon sa dikta ng mundo, ayon sa pagka-unawa ng mundo, hindi ito ang tunay na batayan ng hinihingi ni Pablo, ni Sofonias, at ni Juan Bautista.

Mayroon higit pa. Mayroong mas mahalaga pa kaysa makalupang kasiyahan. Ito ang ating pinag-aasam. Ito ang ating hinihintay. Ito ang ating pag-asa at kahilingan, kahit na mukhang wala nang solusyon ang marami sa ating mga suliranin sa daigdig.

At ano ang batayan ng lahat ng ito? Heto … wala nang iba … “nasa kalagitnaan Mo ang Hari ng Israel, ang Panginoon!”

Paki-ulit nga? Magalak at masaya! Darating na ang ating Panginoon!