frchito

Archive for the ‘Panahon ng Pagkabuhay’ Category

KARUNUNGAN AT TUNAY NA PAGKILALA

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Hunyo 1, 2011 at 11:55

Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon(A)
Hunyo 5, 2011

Marami ang marunong sa ating panahon ngayon. Lalung marami ang nagmamarunong. Marami ang nagsasabing sila raw ay katoliko. Nag-aral at nagpakadalubhasa sa mga katoliko raw na mga paaralan, nagkamit ng maraming gantimpala at parangal. Maalam at matalino, marunong at paham … marami ang narating, at ang iba ay nahalal pa sa mga matataas na posisyon sa lipunan at pamahalaan.

Kung karunungan lang ang pag-uusapan, tunay na marami ang maalam.

Kay dami kong naging ka-iskwela at kalaro na masasabing matalino at paham. Mahusay sa lahat ng larangan ng pagsusunog ng kilay … matataas ang lahat ng grado. Noong kami ay mga bata pa, kasabihan nang ang mga ito ay may magandang kinabukasang naghihintay!

Ngunit sa paglawig ng panahon, nagkaroon ng kaibahan ang mahusay lamang sa aral, at ang tunay na magaling. Nagkaroon ng kaibahan ang paham lamang at ang tunay na marunong.

Sa pistang ito ng pag-akyat ng Panginoon sa langit, dito natin makikita ang kahulugan ng karunungang tunay ayon sa kagustuhan ng Diyos. At ang karunungang ito ay may kinalaman sa katotohanang ang buhay ng tao ay hindi lamang para rito sa lupang ibabaw at para ngayon.

May kinalaman ito sa panawagang ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa kanyang pagkakatawang-tao. Ito ang binabanggit ni San Pablo sa liham niya sa mga taga Efeso – ang pangangailangang mabatid natin ang pag-asang kaakibat ng kanyang “pagkatawag sa atin.”

Nakalulungkot na dumarami ang mga “cafeteria catholics” na namimili ng kung ano ang gustong paniwalaan. Katoliko daw sila, ngunit sinisiphayo ang mahahalagang pangaral ng Simbahan na hindi akma sa kanilang “kaalaman.” Nakalimutan nila na ang buhay ng tao ay hindi lamang para sa mundong ito, at lalung hindi lamang para sa progreso ng bansa, na walang pakundangan sa kalooban ng Diyos.

Maraming mga pagsasaliksik ayon sa agham na magkakasalungat. Maraming mga pag-aaral ang hindi nagtutugma. Maraming sala-salabat ng mga datos ang nagtuturo sa gawaing ito. Kung kaalaman lamang ang paiiralin, hindi malayong maging tama ang mali, at ang mali ay gawing tama. Madali makakita ng pagbabatayan. Madali makakita ng anumang maaring sumoporta kahit sa palsong mga pananaw. Kaalaman lamang ang kailangan.

Nguni’t ang pagiging tao natin, na nakatuon, hindi lamang sa mundong ibabaw, ay hindi lamang nababatay sa kung ano ang sinasabi ng mga pagsasaliksik. Mayroong higit na batayang dapat tayong pansinin at paka-ingatan.

Ito ang ipinahihiwatig ng kapistahan natin sa araw na ito – ang pag-akyat ng Panginoon sa langit. Naging tao siya tulad natin. Nagpakasakit. Namatay at muling nabuhay. Nguni’t tulad nga ng sinabi ni San Agustin, naging tao siya, upang ang tao ay maging tulad ng Diyos, maging katulad niya. Ang kanyang pag-akyat sa langit ay isang pahimakas ng luwalhating naghihintay sa atin, kapiling ng Ama sa langit.

Kung ganito ang hantungan natin, malinaw na ang batayan ng pamumuhay natin ay nasa itaas, nasa larangan ng buhay pang espiritwal, pang-kaluluwa, at malinaw rin na ang mga pagpapahalagang dapat natin sundan at pagyamanin, ay hindi lamang ang pang-ngayon at pang-dito sa lupang ibabaw.

Kailangan natin tumingala sa langit. At kailangan natin matapos tumingala sa langit, na bumalik sa lupa, sa buhay natin pang-araw-araw, upang ihatid ang magandang balitang naghihintay sa atin – ang buhay na walang hanggan, kasama ang Diyos.

Malaking problema ang kahirapan. Ngunit’ mas malaking problema ang mawalan ng pagpapahalagang maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan. Malaking problema ang kawalang kaalaman, ngunit lalung malaking problema ang mawalan ng tunay na karunungan. At ayon sa Biblia, ang tunay na karunungan ay nagmumula sa banal na pagkatakot sa Diyos – ang pagkilala sa Kaniya, ang pamumuhay, ayon sa kanyang balak at disenyo para sa tao. Nawa’y magkatotoo sa buhay natin ang panalangin ni San Pablo: “Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin.”

MAGPALIWANAG TUNGKOL SA PAG-ASA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Mayo 27, 2011 at 13:32

Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay (A)
Mayo 29, 2011

Mahirap maging katoliko sa mga araw na ito. Tila lagi tayong sinisiil, sinusukol, tinutuya, at inaalipusta. Okay naman sana ito kung ang panunuya at pag-aalipusta ay galing sa ibang mga relihiyon. Ngunit hindi … galing din ito sa mga nagmamakaingay na diumano sila ay katoliko.

Mahirap manindigan sa tama, lalu na’t ang kalakarang kaisipan ay ang tama ay nakukuha sa boto, sa dami ng mga sumasang-ayon, sa paramihan ng mga nagpapadala na lamang at sukat sa agos.

Mahirap tumayo kung ang lahat ng nasa paligid mo ay nakasubsob sa isang pananaw na nakuha sa ingay ng mass media at mga lalung maiingay na komentarista na may hawak na mikropono maghapon, at maghapon ring nasa harapan ng camera sa TV!

Mahirap tumayo sa tama kung ang higit na nakararami ay napadala na sa nakabubulag na silaw ng kung ano mang panggagayumang gamit ng mga ibang mayayamang bansa na may agenda tungkol sa mahihirap na bansa sa third world. Mahirap tumayo sapagka’t kung manindigan ka ay gagawan ka ng Facebook page na may mga pang-aalipustang masahol pa sa madayang boksingero na nagbibigay ng below the belt na mga suntok!

Ito ang pinapaksa ng liham ni San Pedro. Nagsimula siya sa pinakamahalagang batayan ng kung bakit tayo dapat manindigan: “Idambana ninyo sa inyong puso si Kristong Panginoon.”

Maraming dahilan kung bakit may panig sa RH bill. Marami rito ay valido at dapat rin nating bigyan ng pansin. Kay rami ng mahihirap at palasak ang ganap na kahirapan (absolute poverty), liban sa relative poverty. Maraming lugar ay siksikan at patung patong ang basura sa maraming lugar sa bayan natin.

Nguni’t sapagka’t ang batayan ng pagmumuni natin ay ang Panginoon na dapat idambana sa puso natin, nag-iiba ang hanay ng pagpapahalaga ng taong matuwid at may tunay na pananampalataya. Problema nga ang laganap na kahirapan, ngunit kung ito ay lulunasan ng batas na ito ay isang bagay na yumuyurak sa hanay ng pagpapahalagang Kristiyano na siyang pinanghahawakan natin.

Maraming gutom, ngunit ang solusyon nito ay hindi ang pauntiin ang taong puedeng magutom. Ang solusyon nito ay maghanap ng paraan upang mapuksa ang gutom, hindi ang magdesisyon para sa mga taong ito na ngayon ay nagugutom. Marami ang hindi nakapag-aral, ngunit ang solusyon dito ay bigyan ng karampatang budget ang edukasyon at hindi ang pauntiin ang mga mag-aaral.

Tumbukin na natin ang tahasang dahilan kung bakit hindi ito tama … Simple lang. Ang tao ay hindi makina na puedeng bawasan ang gasoline kung ayaw mong patakbuhin. Ang tao ay espiritwal at hindi lamang material, at ang problemang kinalalagyan ng tao ay hindi puedeng bigyan ng mekanistikong solusyon na walang pakundangan sa dignidad at kalayaan ng tao.

Ngunit’ ito ang larangan ng mga espiritwal na mga values (pagpapahalaga) na hindi mailalagay sa parehong antas ng values ng yaman, ginhawang pangkatawan, at ginhawa sa pamumuhay.

Hindi ko alam kung lahat ng aking mga tagabasa at tagasunod ay kahanay ko sa usaping ito. Nguni’t hindi iyan ang mahalaga. Ang nais ko lamang ay ito: ang humanay tayo sa panig ng Inang Simbahan. Tanging ang Simbahan na lamang ang nagpupunyagi upang itaguyod ang isang kultura na nagtataguyod ng buhay, buhay na hindi lamang sa lupang ibabaw, kundi buhay na walang hanggan.

Tanging ang Simbahan na lamang ang nagpupunyagi upang ang pagpapahalagang espiritwal na may kinalaman sa mahabang landas ng pagpipigil sa sarili, pagpapahalaga sa mga bagay na pang-kaluluwa at pangmagpakailanman, ay maitaguyod at mapagyaman.

Ngunit kailangan nating maging handa upang magpahayag at maglahad ng mga dahilan ng ating pag-asa. At ang pag-asa natin ay hindi humahantong lamang sa mundong ito, sa ngayon at dito. Ang tunay na pag-asa ay kaakibat ng tunay na buhay, sa langit na tunay nating bayan!

Matuto nawa tayong magpaliwanag sa mga nagtatanong tungkol sa ating pag-asa!