Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay (A)
Mayo 29, 2011
Mahirap maging katoliko sa mga araw na ito. Tila lagi tayong sinisiil, sinusukol, tinutuya, at inaalipusta. Okay naman sana ito kung ang panunuya at pag-aalipusta ay galing sa ibang mga relihiyon. Ngunit hindi … galing din ito sa mga nagmamakaingay na diumano sila ay katoliko.
Mahirap manindigan sa tama, lalu na’t ang kalakarang kaisipan ay ang tama ay nakukuha sa boto, sa dami ng mga sumasang-ayon, sa paramihan ng mga nagpapadala na lamang at sukat sa agos.
Mahirap tumayo kung ang lahat ng nasa paligid mo ay nakasubsob sa isang pananaw na nakuha sa ingay ng mass media at mga lalung maiingay na komentarista na may hawak na mikropono maghapon, at maghapon ring nasa harapan ng camera sa TV!
Mahirap tumayo sa tama kung ang higit na nakararami ay napadala na sa nakabubulag na silaw ng kung ano mang panggagayumang gamit ng mga ibang mayayamang bansa na may agenda tungkol sa mahihirap na bansa sa third world. Mahirap tumayo sapagka’t kung manindigan ka ay gagawan ka ng Facebook page na may mga pang-aalipustang masahol pa sa madayang boksingero na nagbibigay ng below the belt na mga suntok!
Ito ang pinapaksa ng liham ni San Pedro. Nagsimula siya sa pinakamahalagang batayan ng kung bakit tayo dapat manindigan: “Idambana ninyo sa inyong puso si Kristong Panginoon.”
Maraming dahilan kung bakit may panig sa RH bill. Marami rito ay valido at dapat rin nating bigyan ng pansin. Kay rami ng mahihirap at palasak ang ganap na kahirapan (absolute poverty), liban sa relative poverty. Maraming lugar ay siksikan at patung patong ang basura sa maraming lugar sa bayan natin.
Nguni’t sapagka’t ang batayan ng pagmumuni natin ay ang Panginoon na dapat idambana sa puso natin, nag-iiba ang hanay ng pagpapahalaga ng taong matuwid at may tunay na pananampalataya. Problema nga ang laganap na kahirapan, ngunit kung ito ay lulunasan ng batas na ito ay isang bagay na yumuyurak sa hanay ng pagpapahalagang Kristiyano na siyang pinanghahawakan natin.
Maraming gutom, ngunit ang solusyon nito ay hindi ang pauntiin ang taong puedeng magutom. Ang solusyon nito ay maghanap ng paraan upang mapuksa ang gutom, hindi ang magdesisyon para sa mga taong ito na ngayon ay nagugutom. Marami ang hindi nakapag-aral, ngunit ang solusyon dito ay bigyan ng karampatang budget ang edukasyon at hindi ang pauntiin ang mga mag-aaral.
Tumbukin na natin ang tahasang dahilan kung bakit hindi ito tama … Simple lang. Ang tao ay hindi makina na puedeng bawasan ang gasoline kung ayaw mong patakbuhin. Ang tao ay espiritwal at hindi lamang material, at ang problemang kinalalagyan ng tao ay hindi puedeng bigyan ng mekanistikong solusyon na walang pakundangan sa dignidad at kalayaan ng tao.
Ngunit’ ito ang larangan ng mga espiritwal na mga values (pagpapahalaga) na hindi mailalagay sa parehong antas ng values ng yaman, ginhawang pangkatawan, at ginhawa sa pamumuhay.
Hindi ko alam kung lahat ng aking mga tagabasa at tagasunod ay kahanay ko sa usaping ito. Nguni’t hindi iyan ang mahalaga. Ang nais ko lamang ay ito: ang humanay tayo sa panig ng Inang Simbahan. Tanging ang Simbahan na lamang ang nagpupunyagi upang itaguyod ang isang kultura na nagtataguyod ng buhay, buhay na hindi lamang sa lupang ibabaw, kundi buhay na walang hanggan.
Tanging ang Simbahan na lamang ang nagpupunyagi upang ang pagpapahalagang espiritwal na may kinalaman sa mahabang landas ng pagpipigil sa sarili, pagpapahalaga sa mga bagay na pang-kaluluwa at pangmagpakailanman, ay maitaguyod at mapagyaman.
Ngunit kailangan nating maging handa upang magpahayag at maglahad ng mga dahilan ng ating pag-asa. At ang pag-asa natin ay hindi humahantong lamang sa mundong ito, sa ngayon at dito. Ang tunay na pag-asa ay kaakibat ng tunay na buhay, sa langit na tunay nating bayan!
Matuto nawa tayong magpaliwanag sa mga nagtatanong tungkol sa ating pag-asa!