frchito

Archive for the ‘Panahon ng Pagkabuhay’ Category

BATONG BUHAY, HALIGI NG BUHAY AT KATOTOHANAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Mayo 21, 2011 at 12:16

Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay(A)
Mayo 22, 2011

Lingid sa kaalaman marahil ng marami, sa Tagalog ay may tinatawag tayong “batong buhay.” Ang batong buhay ay hindi buhay sapagkat gumagalaw o lumalaki. Ang batong buhay ay kakaiba sa buga, o adobe, na maaring manlagas o maagnas, dahil sa tubig o sa init. Nakikita ang batong buhay sa mga ilog, sa mga lugar kung saan may bumubukal na tubig. Noong rumagasa ang baha at putik sa Aurora marami ng taon ang nakalipas, ang nangagbagsakan at dumaluyong na tubig mula sa bundok ay naghatid ng laksa laksang batong buhay na siyang pumatay at sumira sa napakalawak na bahagi ng kabundukan.

Lingid rin marahil sa kaalaman ng marami, ang batong buhay ay hindi kompletong humaharang sa tubig. Kung ating titingnan ang mga bukal, tumatagas ang tubig mula sa mga batong buhay, unti-unti tumatagistis, at pumapatak. Ang matamis at malamig sa tubig mula sa bukal na ito ay nagdadaan sa pagitan o sa mismong mga batong buhay na ito, na tila ipinagpatong-patong nang sadya ng Maylikha.

Buhay ang batong ito hindi sapagkat lumalago. Buhay ang mga batong ito sapagkat, una, ito ay matatag. Ikalawa, ang batong buhay ay buhay sapagka’t naghahatid ng buhay, nagiging daan ng tubig na nagbibigay-buhay, at nagiging sandigan ng pinagkukunan ng ikabubuhay. Ang buga ay nalalagas, natutunaw, at nadudurog ng tubig, hangin o init.

Ang batong buhay at hindi natitinag, hindi madaling nabubunot, at lalung hindi madaling tapyasin, basagin, o durugin. Naninindigan ang batong buhay. Nananatiling muog at batayan ng katibayan. Hindi madaling sipain, ugain, at sirain.

Nais kong isipin na ang nagwiwika tungkol sa batong buhay sa ikalawang pagbasa, ay nakakabatid ng tunay na kahulugan nito. Sa kanyang personal na karanasan, si San Pedro, na tinawag na bato ng Panginoon, ay siyang tanging nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng kanyang sinasaad.
Siya ang batong nanlagas at nanghina sa harap ng mga tanong ng isang babaeng utusan. Siya ang batong nalugmok sa kadustaan ng pagkakanulo sa kanyang Panginoon.

Tulad nating lahat, tayo ay mahihina, marurupok, na walang iniwan sa buga o adobe na madaling manlagas at maagnas.

Iyan ang dahilan kung bakit tayo narito ngayon sa simbahan. Alam natin na tayo ay marupok. At ang pag-asang dulot ni Pedro, na ang kahulugan ay “bato” ay walang iba kundi ito: nauna na si Kristo at ginawa na niya ang dapat upang ang ating pagkalugmok ay hindi mauwi sa kapariwaraang walang hanggan, kundi sa buhay na walang hanggan.

Napakagulo ng lipunan natin ngayon. Hati ang bayang Pilipino, dahil sa kawalang pang-unawa sa tunay na mga isyu na may kinalaman sa isinusulong na batas. Nabuwag ang muog at bato ng mga wasto at higit na mataas na antas ng mga pagpapahalaga. Natabunan ito ng pagpapahalaga sa pera, sa ginhawa, sa inaakala nilang ikabubuti ng lipunan. Nguni’t nakalimutan ang mga pagpapahalagang espiritwal, ang tunay na makapagpapalaya sa balana, sa mahabang panahon. Higit na madali ang umasa sa mabilisang solusyon ngunit naghahatid ng higit pang mga problema bukas at makalawa.

Nanghihinawa rin ako. Tulad ni Pedro, nabubuwag ang bato ng tapang at lakas upang panindigan ang tama. Alam kong ang iba sa inyo ay nanghihina rin, o hindi alam kung paano sagutin ang mga katanungang ipinupukol sa simbahan.

Nais kong bigyan kayo at ang sarili ko ng kaunti pang lakas at pag-asa. At walang hihigit pang paraan upang makamit ito sa pagninilay sa mga pagbasa sa araw na ito. Sundin sana natin ang payo ni San Pedro. Kung sino ang siyang may karapatan at kapani-paniwala upang magwika tungkol rito ay siya:

“Lumapit kayo sa Panginoon, sa batong buhay na itinakwil ng mga tao, nguni’t hinirang ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Wari’y mga batong buhay, maging sangkap kayo ng isang templong espiritwal.”

Maging matatag nawa tayong lahat tulad ng mga batong buhay na ito! Lumapit kay Kristo na siyang Daan, Katotohanan, at Buhay!

ISANG BUHAY NA GANAP AT KASIYA-SIYA!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Mayo 10, 2011 at 08:05

Ika-4 na Linggo ng Pagkabuhay(A)
Mayo 15, 2011

Ayaw natin ng mga pailalim ang banat, kumbaga … mga taong may ibang motibo nguni’t hindi lumalantad … mga nilalang na may pailalim na layunin at pakay, nguni’t hindi nagpapakita agad ng tunay na kulay.

Ito ang mga mapagsamantala, ang mga gumagamit ng kamangmangan ng iba, o kawalang-malay, kawalang kaalaman at kabatiran sa mga bagay-bagay.

Ayaw natin ng mga patago … mga bantay-salakay, na naghihintay ng tamang kondisyon at hudyat, upang gawin ang kanilang maiitim na balak. Sa biglang-wari ay pawang kabutihan ang kanilang gusto at layunin, nguni’t sa bandang huli ay kapaitan ang hatid.

Isa sa mga gusto kong panoorin sa TV kung may oras ay ang “animal planet.” Kapag nagpapaantok ako at gumagawa ng tulog, dito ko inilalagay ang pihitan o remote ng TV. Nguni’t kung minsan, sa halip na antukin, ako ay naaaliw, at lalung hindi nakakatulog, lalu na kapag nakikita ko ang ilang hayop na mapagsamantala, pailalim, panakaw, at papuslit ang ugali at kilos.

Iyan ang dahilan kung bakit ayaw ko ng hyena … nang-aagaw at nagnanakaw lang sila ng mga hayop na nabitag at nalaso na ng iba, kagaya ng lion o lepardo. Iyan din kung bakit ayaw ko ng mga buwaya … matyagang nagmamanman, matiising naghihintay nang buong tahimik, hanggang may maligaw na kawawang hayop o nilalang, na kapagdaka’y kanilang lalapain at lulunurin, at pagkatapos ay sasakmalin nang pira-piraso.

Magaling na guro ang Panginoon. Sa kanyang kwento ngayon, humabi siya ng isang pangaral mula sa bagay na madaling maunawaan ng kanyang tagapakinig. Ginamit niya ang larawan ng isang pastol, at ang kanyang pagmamalasakit sa kanyang kawan. Ang kanyang pagmamalasakit ay nakatuon sa mga mapagsamantala, mga pailalim ang banat, at mga mapanlinlang. Nakapako ang kanyang atensyon sa mga maninila na hindi dumadaan sa tamang pintuan, mga nagkukubli sa likod ng pagkukunwari, at naghihintay ng pagkakataon upang makapuslit paloob sa kulungan ng kawan, nang hindi dadaan sa tamang pintuan!

Marami tayong gusto sa buhay. Gusto nating lahat yumaman at guminhawa ang buhay. Gusto natin na ang bayan natin ay makihanay sa mga bansang mayayaman at ganap … mga bansang walang mahirap, walang iskwater, at walang namamatay sa gutom. Gusto natin ng maluluwang na kalye, magagarang bahay, at magagandang pangitain sa lansangan. Gusto natin na malinis ang mga ciudad, mga liwasang bayang hindi nabubuntunan ng basurang nabubulok at nangangamoy.

Nguni’t alam ng lahat na bagama’t walang masama sa mga layunin at kagustuhang ito, may higit tayong pinapanagimpan … may higit tayong inaasam at hinihintay … may higit na mahalaga tayong hinahanap at pinagsisikapang marating. At alam nating lahat na ang mga bagay o kalalagayang itong higit nating hinahanap ay hindi lamang material … hindi lamang nabibilang, nasusukat, at natitimbang, dahil sa ang mga ito ay mga pagpapahalagang espiritwal, na may kinalaman sa buhay na walang hanggan.

Kung gusto natin ang mga nabanggit ko, ay iyon lamang, mayroong short cut para sa mga ito … mayroong pinakamadaling daang puedeng tahakin. Ito ang dahilan kung bakit, kay raming ang maling akala nila ay ang pagbabawas ng tao sa mundo ang pinakamagandang paraan upang makamit ito. Sa isinusulong na panukalang batas, madaling mararating, ayon sa kanilang kalkulasyon, ang minimithing material na kalagayan. Sino nga ba ang hindi gustong dumami ang liwasan, at kumonti ang mga barung-barong sa mga lupa ng may lupa? Sino nga ba ang hindi magkakagustong mabawasan ang mga sakit at problema ng lipunan? Sino nga ba ang ayaw malutas ng kahirapan?

Gusto natin lahat ito … Nguni’t hindi tayo nagkakasundo sa pamamaraang ginagamit natin. Gusto ng ilan ang short-cut. Gusto ng ilan ang dumaan, hindi sa pintuan, kundi sa bintana. Gusto ng ilan na makamit ito pero sa pamamagitan ng pagiisang-tabi sa kagustuhan ng Diyos, at pagsasantabi rin ng mga pagpapahalagang siyang garantiya ng dignidad ng tao, at hindi lalapastangan sa karangalang ito ng tao.

Ito ang dahilan kung bakit ang Inang Simbahan ay tutol sa kalakarang ito. Buhay na material lamang ang pakay ng panukalang ito. Ito ay isang paglapastangan sa kalooban ng Diyos, na tumatawag sa atin, sa buhay na ganap, at hindi lamang sa buhay material, dito sa lupang ibabaw. Gusto natin ng ginhawa at yaman, at rangya, nguni’t hindi sa pamamagitan ng pagsangkalan ng lahat ng pagpapahalagang espiritwal at pang kaluluwa na siyang tunay na layunin ng Diyos para sa atin.

Ang kahirapan ay isang malaking problema, ngunit hindi ito bunga ng pagdami ng tao. Ang kahirapan ay isang problemang moral, hindi lamang problemang pisikal na dapat lapatan ng lunas, hindi lamang sa pamamagitan ng estruktural o material na pamamaraan, kundi sa tamang hanay ng pagpapahalagang moral ng tao at ng lipunan. Alam ng lahat na isa sa mga dahilan ng kahirapan ay ang kaswapangan, kadamutan, katakawan ng tao, at ng organisadong korupsyon sa gobyerno at lipunan, at sa puso ng bawa’t tao. At alam rin natin na ang mga nagsusulong ng mga pamamaraan upang bawasan ang tao, ay hindi lamang marangal na layunin ang laman ng puso at isipan. Huwag na tayo magbolahan pa … isa itong business, hanap-buhay, negocio … at alam natin kung sino sino ang kikita kapag naipasa ang batas na ito.

Sa Linggong ito, paalaala sa atin ng ebanghelyo … may iisang daan, may iisang pintuan na wasto at tama at wagas. Maraming nagpapanggap na pintuan, maraming nagpapanggap na propeta ng kabutihan at kagalingang pantao …. Nguni’t iisa lamang ang nagsabing ang siyang dumaraaan sa tamang pintuan ay ang tunay na pastol … Wala siyang ibang pakay at kagustuhan … Wala siyang ibang motibo at layunin, liban sa buhay … isang buhay na ganap at kasiya-siya!