frchito

Archive for the ‘Panahon ng Pagkabuhay’ Category

KASAMA KO KAYA’T HINDI AKO MATITIGATIG

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Mayo 4, 2011 at 08:55

Ika-3 Linggo ng Pagkabuhay(A)
Mayo 8, 2011

Mga Pagbasa: Gawa 2:14.22-33 / 1 Pedro 1:17-21 / Lucas 24:32

Mahirap maligaw ng landas … mahirap kapag hindi mo alam ang iyong patutunguhan. Kung ang pag-uusapan ay ang pag-akyat ng bundok, o pagpasok sa gubat, hindi lamang mahirap, kundi delikado kung wala kang kasama, at hindi mo alam kung saan ka susuling.

Maraming taon na ang lumipas nang kami ay masuong sa isang lakbaying nauwi sa wala. Mahigit kami noong 300 katao na pawang patungo sa tuktok ng isang bundok sa Pilipinas. Wala kaming kamuang-muang sa sasapitin namin. Hindi namin alam na sa grupo pala ay mayroong ilang mga palsong gabay na nagsuong sa amin sa panganib. Pagdating namin sa taas ng 3,000 talampakan, sa unang araw ng aming pagtahak, hinarang kami ng mga “taong-bundok: at walo sa amin, kasama ako, ang ginawa nilang “bihag.”

Sa buhay natin, mayroong palsong gabay at wastong gabay … mayroong naghahatid at mayroong nagliligaw sa atin … Mayroong kasamang kabutihan ang dulot, at mayroong kasamang kasamaan ang hatid sa atin.

Naalala ko pa noong ako ay mga 6 na taong gulang. May isda pa noon sa ilog Pasig. May mga namimingwit pa noong panahong yaon ng mga biya at ayungin at iba pang isda. Sa isang musmos na kagaya ko noon, parang napakalaki ng ilog, napakalawak, at ang mura kong isipan ay hindi magkamayaw tingnan ang mga mangingisdang naghahagis ng lambat sa ilog upang manghuli ng ayungin at biya.

Isang araw, niyakag ako ng ilan naming kapitbahay upang maglangoy sa ilog. Wala akong paalam. Tumakas ako sa bahay at sumama sa kanila. Hindi ko alam na isa sa mga kapitbahay naming may malasakit ang nagsumbong sa lola ko. Nakita ako ni Mang Emiliano na sumama sa mga papuslit sa ilog Pasig.

Pag-uwi ko, nakatikim ako ng matinding palo at parusa. Ang ipinataw sa aking parusa ay bagay na nagpunla ng isang pangaral na hindi ko na nakalimutan sa tanang buhay ko! At anong aral ito? May kasamang naghahatid sa kabutihan, at may kasamang naghahatid sa kasamaan. May paglalakbay na nauuwi sa maganda, at may paglalakbay na naghahatid sa kapariwaraan!

Paglalakbay ang tinutumbok ng ebanghelyo natin ngayon. Dalawang disipulo ang malungkot at bagsak ang damdamin, naguguluhan ang isipan sapagka’t ang kanilang inaasahan at pinag-ukulan ng panahon ay pinahirapan at pinatay sa krus. Ang kanilang kasama sa tatlong taong paglalakbay sa buhay ay biglang pinatahimik, biglang naglaho sa kanilang piling. Wala silang laman ang isipan liban sa lahat ng naganap sa mga nakaraang araw. At wala silang nais gawain noon liban sa bumalik sa pinagmulan nila at magsimula nang panibago, at tuluyan nang kalimutan ang kanilang guro na nagbigay kahulugan sa kanilang buhay sa loob ng tatlong maiikling taon.

Subali’t ang naganap ay nagbigay alab muli at nagpanibago sa kanilang kalooban. Nakipaglakbay ang Panginoong muling nabuhay sa kanila … sa gitna ng kadiliman, sa gitna na kaguluhan ng isip, sa gitna ng pag-aagam-agam at kawalang katiyakan!

Ang pinagdadaanan natin ngayon ay walang iniwan sa pinagdaanan ng dalawang disipulo. Magulo ang mundo, at hindi komo napaslang na si Bin Laden ay titino at huhusay ang takbo ng buhay ng tao sa buong daigdig. Nababalot pa rin ang buhay ng tao ng puwersa ng kasalanan. Ang pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon ay hindi garantiyang ang kalayaan ng tao sa buong mundo ay gagamitin ng lahat para sa kabutihan. Tuloy pa rin ang mainit na debate tungkol sa RH bill. Tuloy pa rin ang pagkakanya-kanyang grupo o panig ng mga tumatawag sa sarili bilang Katoliko, kahit na hindi sila sumusunod sa katolikong pangaral. Tuloy pa rin ang pagtutungayaw at tuloy pa rin ang kalakarang korap sa Pilipinas!

Madilim ang landas na tinatahan natin … puno ng hilahil, at tigib ng paghamon.

Sa paglalakbay natin, ang magandang balitang dulot ngayon ng liturhia ay walang iba kundi ito … May kalakbay tayo … may katoto … may kasama … at ang kasama nating ito ay hindi magsusuong sa atin sa masama! Hindi nya tayo ihahatid sa ilog na mapanganib. Hindi tayo isusuong sa mga “asong gubat” na mapanlaso at mapanlinlang. Inihahatid niya tayo sa buhay – buhay na walang hanggan at ganap!

Subali’t hindi ibig sabihin nito ay landas na maluwang at maalwan! Hindi ibig sabihin nito ay isang lakbaying walang problema, walang paghamon, walang hirap at walang pananagutan. Siya mismo ang nagpamalas ng kung anong uri ng landas ito … paakyat sa bundok ng Kalbaryo, patungo sa kamatayan upang marating ang panibagong buhay.

Ang nagsuong sa amin sa paglalakbay namin sa bundok na binanggit ko ay wala na … napatay siya sa isang “encounter” hindi naglaon matapos kami harangin. Kay rami nang naging pinuno ang Pilipinas … ang ilan ay mabuti at ang ilan ay palso, palpak, korap at sinungaling at mapagsamantala. Naging kalakbay natin sila, ngunit hindi naging katoto. Naging kasama, ngunit hindi naging kadaup at kaisang palad sa iisa at parehong paghahangad. Marami ngayon ang nagpapanggap na pinuno at gabay, nguni’t hindi yapak ng Diyos ang sinusundan, kundi sarili nilang pangarap at kagustuhan!

Tulad ng natutunan ko sa aking karanasan, mahalaga na dapat mamili ng kasama, ng ating susundan at pakikinggan. May kasama sa kabutihan, at may katuwang sa kasamaan. May naghahatid sa kabutihan, at may nagsusuong sa kapariwaraan.

Sa kabila nito, sa araw na ito, may isang nagpapakita na Siya at Siya lamang ang tunay nating kalakbay … at ganap at wagas na katoto. Hindi niya tayo ililigaw ng landas. Hindi niya tayo ihahatid sa kapahamakan. Siya ang Daan, Katotohanan, at Buhay! Kasama natin Siya, kaya’t hindi tayo matitigatig!

KAYAMANANG DI MASISIRA, DI KUKUPAS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Abril 29, 2011 at 13:38

Ika-2 Linggo ng Pagkabuhay(A)
Mayo 1, 2011

Ang gaganda ng mga sapatos ngayon, lalu na ang mga noong araw ay tinatawag na “sapatos de goma.” Magaang, maganda ang hugis, makulay, iba-iba ang anyo at hugis, at lalung higit, pinatutunayan ng mga pinakatanyag na manlalaro sa buong mundo. Pati si Manny Pacquiao ay mayroong sariling linya ng sapatos sa Nike, tulad ni Jordan, na may sariling tatak na “Air Jordan.”

Napakagaganda rin ang mga iPods at mp3 players. Lahat ng produkto ng Apple ay hindi nagtatagal. Hindi mo pa man nagagamit nang lubos ang iyong nabiling iBook, Mac Book, o iPad, mayroon nang bagong labas na umaakit kaninuman upang iwaksi na ang luma, at kunin ang mas bago.

Ayaw natin ng luma … lumang pagkain, lumang damit, kupas na mga kasuotan, gasgas na mga sapin sa paa, at anuman. Ayaw natin ng datihan; at ang gusto natin ay lahat baguhan at hindi pa nagagamit ninuman. Sa Amerika, kung saan naroon ako sa panahong ito, tuwing “Black Friday” sa araw matapos ang Thanksgiving Day, libo-libo sa buong Amerika ang nagpupuyat, nag-aabang, at nag-uunahan makabili lamang ng pinakabagong abubot na elektronika, pinakabagong Sony Play station, o pinakabagong plasma TV, at marami pang iba.

Pagbabago … panibagong buhay … bagong sibol at bagong simula ang hanap ng lahat.

Subali’t alam natin ang kalalagayan at katatayuan ng anumang nilikha ng tao … naluluma, nalalaos, kumukupas, at lumilipas!

Hindi ko malimutan ang una kong mamahaling pares ng sapatos de goma, maraming taon na ang nakararaan. Bigay at padala ng kapatid ko mula Amerika. Alagang-alaga ko ang sapatos na yaon. Minsan-minsan ko lang ginamit upang mapatagal, upang hindi madumihan, at hindi maluma agad. Sa aking pagsisinop, mas matagal ang panahong nakatabi sa kabinet ang pares. Isang araw, ginamit ko iyon, at habang naglalakad, napansin kong may kakaibang pakiramdam sa paa ko … Parang hindi pantay ang aking lakad. At nang makita ko ang pinakamamahal kong sapatos, nalagas palang parang pulbos ang swelas ng sapatos sa kanang paa. Nalusaw ang swelas at naglaho na lamang at sukat! Sa gitna ng isang nakahihiyang pangyayari, isang palaisipan ang nanatili sa akin … May hangganan at wakas ang lahat, at kapag nawala na ito, wala akong angking kapangyarihan upang pagpanibaguhin ang isang sapatos na biglang naging luma, naging walang silbi, walang halaga.

Ganito ang naganap nang tayo ay magkasala … Naglaho ang buhay maka-Diyos natin, naglaho ang buhay ng grasya at namatay ang kaluluwa sa kasalanan. Nawala ang karapatan natin upang makapiling ang Diyos. Nawala tayo sa hanay ng mga banal. Nasadlak tayo sa kadiliman. Nawala ang buhay maka-Diyos na sa mula’t mula pa ay nakalaan para sa atin.

Subali’t ang daang tinahak ng Panginoon ay naging simula ng isang bagong liwanag, isang bagong pangako, isang muling panimula, at isang panibagong buhay. Naganap ito nang Siya na sumuong sa kamatayan para sa atin ay muling nabuhay. Sa kanyang pagtatagumpay, nabago nang ganap ang takbo ng buhay ng tao. Sa kanyang pagbangon mula sa kamatayan, nagkamit tayo ng isang pangakong hindi kailanman magagapi ng anumang kapangyarihan sa daigdig. Sabi ni San Pedro, “tayo’y isinilang sa isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesukristo.”

Sa pagiging taga-sunod ni Kristo, mabubulok at mabubulok pa rin ang sapatos natin, ang gamit natin. Kukupas, maluluma, at mawawala ang lahat ng mga ginawa nating material. Pati ang katawang-lupa natin ay maglalaho at mamamatay. Kahit bumili tayo ng bagong iPod, sa susunod na anim na buwan ay luma na rin, sapagka’t may bago na namang lalabas paglaon.

Nguni’t ang pagkaluma ng lahat ng ito ay isang pahiwatig, isang paalaala sa atin na may higit na pagbabago na dapat nating asamin at pagsikapang kamtin … ang dakilang pagbabagong dulot ng muling pagkabuhay ng Panginoon.

May bagong darating … May dakilang pagbabagong naghihintay sa atin … isang panibagong buhay na kaakibat ng bagong buhay ni Kristo … Si Pedro na ang nagsasabi sa atin: “Ang bagong buhay na iyan ang nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa na kakamtan natin ang isang kayamanang walang kapintasan, di masisira, at di-kukupas. Ang kayamanang iya’y nakalaan sa inyo doon sa langit.”

Ano pa ang hahanapin natin? Masisiyahan na lang ba tayo sa bagong bagay na makamundo, na bukas at makalawa ay luma na rin? Masisiyahan ba tayo sa isang bagay na pinakamahalaga ngayon, nguni’t bukas at makalawa ay luma na, kupas na, at lipas na?

Iisa lamang ang tunay na pagbabagong minimithi ng lahat – ang bagong buhay natin kay Kristong ating Panginoon!