frchito

Archive for the ‘Sunday Homily’ Category

PINATATAG, PINAGPAYUHAN, PINAGTAGUBILINAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Sunday Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Mayo 1, 2010 at 13:24

Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay(K)
Mayo 2, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 14:21b-27 / Pahayag 21:1-5a / Juan 13:31-33a, 34-35

May panahon sa aking pagkabata kung kailan dalawang tirahan ang kinaroroonan naming magkakapatid. Ang isang grupo ay nasa Maynila habang nag-aaral, at ang ikalawang grupo na nasa mababang paaralan ay nasa probinsiya, sa Cavite. Ako noon ang pinakamatanda sa ikalawang grupo na naiwan sa Mendez, Cavite, habang ang mga nakatatanda ay nasa Makati. Tuwing Sabado, umuuwi ang mga magulang namin upang tingnan kung paano na kami, kasama ng lola, malayo sa iba naming kapatid. Tuwing Linggo ng hapon, bago bumalik sa Makati ang magulang namin, maraming pananalita ang natatandaan kong sinasabi sa amin … mga habilin, mga pagbibigay ng payo, at mga pagtatagubilin.

Iisa ang pakay nila – ang kami ay patatagin … ang kami ay matutong mag-agguanta, magtiis pa ng kaunti habang ang lahat ng bagay ay pinagsisikapang lutasin at hanapan ng solusyon.

Ito ang unang mga liksyong natutunan ko na may kinalaman sa pagtitiis, katatagan ng puso at damdamin, at ang pagtatanim ng anumang tagubiling iniwan sa akin. Naging responsable ako. Natuto akong tumayo sa aking sariling mga paa, at higit sa lahat, natutunan kong tumupad nang ayon sa mga tagubilin o habilin sa akin.

Sa ikalimang linggong ito ng pagkabuhay, may hibla ng lahat ng ito sa mga pagbasa. Sa unang pagbasa, natunghayan natin si Pablo at Bernabe na nagbalik sa Listra, at sa Antioquia ng Pisidia. “Pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya.”

Ganito yata talaga ang pananagutan, ang pagkakalinga na binanggit natin noong nakaraang Linggo, araw ng butihing pastol. Hindi natin matatakasan ito. Kung may malasakit ay may pananagutan. Kung may pananagutan ay may pagpupunyagi para sa pinagmamalasakitan. Ito ang hindi nasusulat na batas ng pananagutan. Ito ang lubusang pinatunayan ni Kristo, bilang butihing Pastol. Ito rin ang pinatunayan ni Pablo at Bernabe, na, sa kanilang pagmamalasakit sa mga iglesyang kanilang ipinundar, ay nagpamalas ng labis na pagkalinga at pangangalaga.

Ilang araw na lamang at halalan na sa bayan natin. May mga responsableng kandidato na mayroong malasakit. Mayroon din namang mapagsamantala at mandarambong na walang ibang hanap kundi kapangyarihan at karangyaan. Mayroong ang wagas at tunay na layunin ay maglingkod at magmalasakit. Subali’t hindi kaila sa lahat na mayroong mga makasarili, masiba, at mapanila. Sa halip na maging pastol ay nag-aasal buwitre o asong gubat, na walang ibang pakay kundi ang pagsamantalahan ang mga inosenteng mga mahihirap at walang kaya.

Nais kong isipin na, bagama’t tungkulin natin ang magsikap upang mapanuto ang buhay nating makamundo, mayroong higit pa sa buhay na ito. Ito ang pagpapatatag ng kaloobang laman ng ikalawang pagbasa. Sa pamamagitan ng matulain at masagisag na kataga, binubuhay ng aklat ng pahayag ang pag-asa at pagtitiwala sa Diyos na naghahatid sa isang panibagong buhay na pinasinayaan ng muling pagkabuhay ni Kristo: “Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagka’t lumipas na ang dating mga bagay.”

Alam kong ito ay maaring maghatid sa tao sa isang kawalang pansin sa mga nagaganap ngayon at dito. Maaring maging daan ito upang magkibit balikat na lamang at magsabing wala na tayong magagawa … wala na tayong pag-asa.

Ngunit hindi ito ang kabuuan ng banal na Kasulatan … hindi isang pagkikibit balikat at pagkawala ng pagpupunyagi ang ikinikintal sa ating isipan at damdamin, bagkus isang pag-asang bumabagtas sa mga bagay na makamundo at material. Hindi como bumabagtas ito sa makamundong mga bagay ay wala na itong kinalaman sa mundong ibabaw.

Tungkulin pa rin natin ang magsikap upang ang lipunan natin ay pagharian ng Diyos at ng kanyang kalooban. Tungkulin pa rin natin na pumili ng pinunong hindi asong gubat o buwayang ang pakay lamang ay lumamon at magpakayaman.

Iisa ang turong tinutumbok ng mga pagbasang ito. Bagama’t mayroon tayong tungkulin sa lipunan at sa bayan dito at ngayon, ang tunay na hantungan ng buhay na dapat pagsikapan ay kung ano ang “pinatatatag, pinagpapayuhan, at ipinagtatagubilin” sa atin ng Diyos … ngayon at kailanman … sa mundong ito.

Katatagan ng kalooban at pananampalataya ang dapat natin baunin bago tayo tumulak tungo sa halalan. At ang higit sa lahat na tagubilin ng Diyos sa atin ngayon ay ang higit sa lahat sa kanyang mga utos – ang mag-ibigan sa isa’t isa, tulad ng pag-ibig niya sa atin.

Bigyan kaagad natin ng ejemplo o halimbawa ang pag-ibig na ito … hindi ito isang damdaming puno lamang ng emosyon. Ito ay ginagampanan at tinutupad. At ang unang objeto ng pag-ibig na ito ay ang pagmamalasakit sa bayan natin … ang pagkakalinga sa mga naaapi at naiiwan sa larangan ng edukasyon, ang mga mangmang at mahihirap na patuloy na pinagsasamantalahan ng mga mapanilang mga kandidatong walang ibang layunin kundi mandambong at magsamantala sa higit na nakararami. Isa pang ejemplo … bumoto nang tama. Pumili ng siyang pinakamalapit sa larawan ng butihing pastol.

Pinatatatag Niya ang ating kalooban … Pinagpapayuhan tayo … at pinagtatagubilinan. Ano ang gagawin mo sa Mayo 10?

TAMPULAN NG TIWALA, O PAKAWALA?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Pananagutan, Sunday Homily, Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 11, 2008 at 06:45

Ika-33 Linggo ng Taon (A)
Nobyembre 16, 2008

Kawikaan 31:10-13, 19-20, 30-31 / 1 Tesalonika 5:1-6 / Mt 25:14-15, 19-21

Ang hinahanap ng unang pagbasa ay tila isang imposibleng pangarap – isang karapat-dapat na asawa o maybahay, na kung masumpungan ay katumbas ng pagkatagpo ng halagang higit pa sa mamahaling perlas.  Ano ba ayon sa unang pagbasa ang isang karapat-dapat na maybahay? Ang babaeng mapagkakatiwalaan, isang taong may malasakit sa dukha at may takot sa Diyos.

Muli pang idinidiin ng tugon natin matapos ang unang pagbasa ang batayan ng kahalagahan ng isang tao: “mapalad ang mga may takot sa Diyos.”

Ang taong kaaya-aya, ayon naman kay San Pablo, ay ang mga nabubuhay, hindi sa kadiliman, kundi sa liwanag. Sila ay hindi mga taong tulog o lasing, na walang pakundangan sa muling pagbabalik ng Panginoon sa anumang sandali, bagkus mga taong nakahanda sa tuwina.

Malapit na naman ang wakas ng taong liturhiko. Sa susunod na Linggo ay kapistahan na ni Kristong Hari, na siyang pinakahuling Linggo sa taon. Sa mga huling araw na ito ng taon, ang liturhiya ay paulit-ulit na nagpapagunita sa diwa ng paghahanda, ng pagwawakas, ng pagtatapos sa unang banda, at sa diwa ng paghahanda sa panibagong panahon, sa kanilang panig.

Bihasa tayong mga Pinoy sa paghahanda. Sa dami ng bagyong dumarating sa atin, ang mga taong malapit ang buhay sa lupa at sa pagsasaka ay hindi na lubos na nababalisa ng bagyo. Una, ang mga bahay na pawid ay madaling masira, nguni’t madali ring itayo. Ikalawa, ang bagyo at unos ay kaakibat na ng buhay ng Pinoy, hindi na nagtataka kung taon-taon ay hinahagupit ng bagyo ang maraming bahagi ng Pilipinas. Ewan ko sa inyo, pero ang kakayahang maghanda ay higit natin nakikita sa mga politico. Malayo pa ang eleksiyon, ay nakahanda na sila sa perang ipamumudmud. Pag-upong pag-upo pa lamang ay inaatupag na ang sunod na halalan.

Nguni’t hindi ito ang uri ng paghahandang sinasaad ngayon ng liturhiya. Ang paghahandang nabanggit kong ito ay kumakatawan sa isang taong pakawala, at hindi tampulan ng tiwala. Ang paghahandang makasarili at isang saloobing pakabig ay hindi siyang itinatanghal ng mga pagbasa. Ang paghahandang hindi sinusuklian ng tiwala ng kapwa ay paghahandang makasarili, at paghahandang angkop sa isang taong hindi karapat-dapat o kaaya-aya, sapagka’t ito ang tanda ng isang taong walang takot sa Diyos. Ito ang uri ng paghahanda ng taong ang tanging tiwala lamang ay sa kanilang sarili, mga BSS kung tawagin noong araw, mga bilib sa sarili.

Tunghayan natin ang ebanghelyo ngayon. Ang sinasaad nito ay pawang tungkol sa taong nararapat pagtiwalaan o hindi. Isang taong nakahandang maglakbay sa malayo ang tumawag sa kanyang mga utusan. Sa bawa’t isa ay nagkaloob siya ng dapat pangalagaan at isapuhunan. Sa una, limang talento ang kanyang bigay; sa ikalawa ay dalawang talento; at sa ikatlo ay isa namang talento.

Ang araw ng kanyang pagbabalik ay araw ng pagtutuos. At dito lumitaw kung sino ang nararapat at kung sino ang hindi karapat-dapat. Tanging ang namuhunan at gumamit nang wasto sa salaping ipinagkatiwala ang siyang nakatanggap ng papuri sa mamang iyon.

Ang mundo ng sangkatauhan ay maraming puhunang tinanggap. Nandiyan ang daigdig ng kalikasan, ang mga bundok, ilog, lawa, dagat at parang. Puhunan ito na ipinagkaloob lahat sa atin bilang nilkha at mga anak ng Diyos. Subali’t mayroong mga tampalasan at salaula na hindi marunong gumamit nang wasto. Mayroong mga taong ang saloobin ay pakabig, hindi pabigay, patungo sa sariling kapakanan, at hindi sa kapakanan ng kapwa. May mga taong ganid na, sa halip isapuhunan at palaguin ang ipinagkaloob sa kanila, ay itinago, ibinaon, at ipinagdamot. Itong mga ganid na ito ang hindi nakatunghay nang higit pa. Bagkus ang maliit na kamal kamal na ayaw bitawan at palaguin, ay lalo pang naglalaho sa kanila.

Sa Tagalog ay mayroon tayong napakagandang kasabihan tungkol sa kasakiman at sa mga pakawala: “Sa paghahanap ng kagitna ay sansalop ang nawala.”

Ang patuloy na lumalalang financial crisis sa buong mundo ay isang malinaw na halimbawa nito. Bagama’t ang katagang ginagamit ng mga eksperto sa pamemera ay investment o pag-nenegosyo, ang tunay na batas ng larong ito ng mga yumayaman sa pera ng iba, ay walang iba kundi pakikipagsapalaran. Ito ay walang ibang pinagmumulan liban sa kasakiman, o katakawan sa higit pa. Iyan ang naging sanhi sa pagbulusok ng pamemera sa buong daigdig at kung bakit biglang napakaraming mga nalugi. Hindi nila ginamit nang may responsibilidad ang perang ipinagkatiwala sa kanila.

Lahat tayo ay may pangarap sa buhay. Pangarap natin ang isang matiwasay, mapayapa, at saganang pamumuhay. Walang masama dito. Subali’t ngayon, ang paalaala sa atin ng Panginoon ay lalung lubhang kapana-panahon. Mahalagang tayo ay mabilang sa hanay ng utusang gumamit sa puhunang ipinagkaloob sa kanya nang wasto at nararapat. Kun gayon, tayo ay nararapat na maging tampulan ng tiwala. Ang pagiging salaula at walang pakundangan sa karapatan at kapakanan ng nagkaloob ng biyaya sa atin, ng lahat ng ating tinatanggap at pinagyayaman sa araw-araw nating buhay, ay mga taong mga pakawala.

Ang taong tampulan ng tiwala ay silang may takot at pitagan sa Diyos. Ang mga walang pakundangan at malasakit sa kaloob at pag-aari ng nagkaloob ay mga taong pakawala. Alin ba tayo sa dalawang ito?

St. Fidelis Friary
Agana Heights, Guam
November 10, 2008