frchito

Archive for the ‘Sunday Homily’ Category

PAGTINGALA, PAGBABA, AT PAGTALIMA

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily on Nobyembre 1, 2007 at 21:29

Ika-31 Linggo ng Taon (K)
Nobyembre 4, 2007

Mga Pagbasa: Karunungan 11:22-12:2 / 2 Tesalonika 1:11-2:2 / Lucas 19:1-10

May kinalaman sa wastong pagpapasiya at pagpapahalaga sa tao ang mga pagbasa natin ngayon. Sa unang pagbasa, malinaw na isinasalarawan ang pagpapahalaga ng Diyos sa tao. Bagaman at ang tao ay tila isang patak lamang ng hamog, o isang matingging butil sa timbangan, “mahal ng Diyos ang lahat ng kanyang ginawa” ayon sa aklat ng Karunungan.

Ito ang kabaligtaran ng tingin ng mga tao sa isang kubrador ng buwis na si Zaqueo. Walang luhang maaring tumulo para kay Zaqueo kung ang pag-uusapan ay ang mga Judio noong panahon ni Jesus. Si Zaqueo ay mapera, makapangyarihan, at mapang-api. Siya ay isang katiwala ng mga Romano na ang trabaho ay mangolekta ng buwis para sa kanila, at binigyang-karapatang magpatong ng kung ano mang halaga sa tunay na dapat bayaran. Si Zaqueo ang orihinal na “broker” sa ating lipunan. Kung ang mga Romano ay ang katumbas ng ZTE ng China, si Zaqueo ay katumbas ng mga kumolekta ng suhol sa naturing na “NBN deal sa Pilipinas.”

Malaki ang problema ni Zaqueo. Hindi lamang na siya ay maliit. Maliit ang tingin ng balana sa kanya … mababa at mapangutya … na nararapat lamang sa isang katulad niyang puro dagdag-bawas ang nasa isip, kung baga, puro pera at puro pagsasamantala. Walang iniwan ang isang patak ng hamog sa kanya, o isang napakaliit na butil sa timbangan. Ganoon na lamang at sukat ang pagmamaliit at pagkamuhi ng mga tao sa kanya.

Subali’t sa kabila nito ay matayog at mataas ang kanyang pangarap. Kung gaano kababa ang tingin ng tao sa kanya, ay ganoon naman katayog ang kanyang pagnanasa. Nang mabalitaan niyang padaan si Jesus, nagmadali siya at nanguyabit sa isang matayog na puno upang matunghayan ang pinagkakalibumbungan ng marami.

Nasadlak si Zaqueo sa mababang uri ng paghahanap-buhay. Subali’t hindi nangangahulugang hanggang doon na lamang siya. Tulad ng salmista sa lumang tipan, tumingala si Zaqueo, tumingin sa itaas … sa mga bundok kung saan magmumula ang kaligtasan. Naghanap siya … nagsikap … at ang kanyang pag-akyat ay nagbunga ng isang mataginting na kautusan mula sa Panginoong kanyang hanap ngunit siyang nakatagpo sa kaniya: “Bumaba ka riyan at magmadali, sapagka’t gusto kong makituloy sa iyong bahay.”

Malimit na tayo ay maghusga sa ating kapwa. Malimit na ang mga tao ay nagpapadala sa kanilang mga maling akala at haka-haka sa ibang tao. Napakadali para sa atin ang walaing halaga ang isang taong sa tingin natin ay maitim pa sa uwak ang budhi … kamuhi-muhi, at dapat lamang iwasan kundi itakwil.

Ito ang maling akala na napinta sa isipang ng marami tungkol sa maliit na pagkatao ni Zaqueo.

Subali’t tulad ng sinabi sa unang pagbasa, hindi kailanman nagtatakwil ang Diyos na nagmamahal at nagmamalasakit sa lahat ng kanyang ginawa. Nagpaparangya Siya sa lahat, sapagka’t ang lahat ay sa kaniya … nguni’t ayon din sa Karunungan, ay nagpapaala-ala siya sa mga makasalanan, upang sila ay lumayo sa kanilang kabuktutan at maniwala sa Panginoon.

Dito natin makikita ang laking kaibahan ng pananaw ng Diyos. Si Kristo lamang, na nakatunghay sa tunay na kadakilaan ng pagkatao ni Zaqueo na nagkukubli sa kaniyang pagiging ganid at gahaman sa pera, ang tumingala sa puno at nagwika: ‘Bumaba ka diyan … magmadali ka at ako ay tutuloy sa iyong bahay.”

Nais kong isipin na ang winika ni Jesus kay Zaqueo ay katumbas ng isang paggising sa pagkakatulog ng isang taong tinatawagan sa kadakilaan. Nais kong isipin na ito rin ay isang paanyaya sa isang tao na, bagama’t itinuturing na masama, ay puno pa rin ng kakayahang magpanibago. Nabasa ni Jesus sa pag-akyat ni Zaqueo at paghahanap sa kanya ang malalim na pag-aasam ng tao sa katotohanan, sa kaligtasan, at sa ikapapanuto ng kanyang buhay. Nabatid ni Jesus na sa kanyang pangunguyabit sa puno ng sikomoro, ay nanduon ang tunay niyang damdamin, ang tunay niyang naisin na mapalapit kay Kristo at sa kanyang mabuting balita ng kaligtasan.

Iisang diwa ang tinutumbok ko. Sa ating mundo na puno ng panghihinawa at pagkawalang-pag-asa sa kakayahan ng tao na magbago, ang halimbawa ng Panginoong tumawag kay Zaqueo at nag-anyaya sa kaniya, ay isang malinaw na panawagan sa pag-asa at pagtitiwala sa patuloy na kakayahan ng taong magbago. Noong nakaraang mga Linggo ay nabanggit ko kung paano ang marami ay nanghihinawa, nawawalan ng pag-asa sa takbo ng lipunan at politika natin.

Pinamumugaran ng napakaraming higit na masahol pa kay Zaqueo ang lipunan at pamahalaan natin. Wala tayong katiyakang itong kalakaran ng pamahalaan at lipunan ay madaling maglalaho sa lalung madaling panahon.

Kailangan nating tumingala sa itaas katulad ni Zaqueo. Kailangan nating tumingin sa kabundukan kung saan magmumula ang ating kaligtasan. Kailangan nating manguyabit sa puno ng pag-asa at patuloy na maghanap kay Kristo – upang tayo ay matunghayan niya at matawag.

Si Zaqueo ay kagya’t sumunod at tumalima. Pinagbayaran niya ang lahat ng pinagkakautangan … nagbayad-puri at nagbagong-buhay. Ang taong minaliit ng marami ay tiningala ng Panginoon: “Bumaba ka diyan at magmadali, sapagka’t nais kong makituloy sa iyong tahanan.” Ang tiningala ay nagpakumbaba at nagbagong-buhay. At ang lahat ay nauwi sa pagtalima sa kalooban ng Diyos, na hindi nagsiphayo ng anumang kanyang nilalang.

Fr. Chito Dimaranan, SDB

Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon

Noviembre 1, 2007

PAGYAYABANG, HINDI PANANABANG!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 23, 2007 at 22:21

Ika-30 Linggo ng Taon (K)
Oktubre 28, 2007

Mga Pagbasa:  Sirac 35:12-14, 16-18 / 2 Timoteo 4: 6-8, 16-18 / Lucas 18: 9-14

Madulas ang dila ng mga taong nakatikim ng kaunting kapangyarihan … Mabilis ang kanilang salita … matulin pa sa kanilang kamay at paa kapag ang mga taong ito ay lubhang bilib sa sarili. Ito ang tila pahiwatig ng talinghaga ng Panginoon sa araw na ito, tungkol sa isang pariseong mapag-imbot, mapagyabang, at mapagmataas. “Salamat, O Diyos, at hindi ako katulad ng ibang tao” – ito ang panalangin niyang punong-puno ng katiyakan at kapalaluan.

Kayabangang wala sa lugar… ito ang matinding pagkakamali ng Pariseo. Ito ang kayabangan ng marami sa ating lipunan na nakatikim ng kaunting yaman o posisyon sa lipunan, na sapagka’t sila ay naturingang senador o barangay captain, ay tila nahaluan na ng toyo ang utak at kung magsalita ay parang siguradong-sigurado sila sa kanilang sinasabi.

Habag at pagka-awa ang dulot sa atin ng pariseong nakatikim ng kadakilaang hungkag. Sa kanyang palsong pasasalamat, kinutya pa niya nang pasaring ang isang kobrador ng buwis, na sa kanyang kahihiyan ay hindi nakuhang lumapit sa dambana, at iangat man lamang ang kaniyang mata sa Diyos. Subali’t kung gaano kayabang ang Pariseo ay ganoon naman kababa ang loob ng isang taong may kabatiran sa kanyang pagkakamali.

Noong isang Linggo, binanggit ko kung paano tunay na paghamon sa lipunang Pinoy ngayon ang manatiling mapagtiwala sa isa’t isa. Nanghihinawa ang bayang Pilipino sa patuloy na pagtitiwala sa pamahalaan. Tulad ni Moises, na napagod sa katataas ng kaniyang kamay, lubhang kinakailangan natin ang magtulungan upang ang buong sambayanang Pilipino ay patuloy na magtiwala at umasa sa kakayahan ng Diyos na pagpanibaguhin pa ang ating tiwaling lipunan. Tulad ni Moises, umaasa tayo sa bayang sumasampalataya na magkaroon pa ng pagpupunyagi upang ibangon muli ang lipunang nasadlak sa lahat ng uri ng kasalanan at katiwalian. Pananabang ang laman ng damdamin ng marami sa ating panahon sa gitna ng napakaraming pagsubok.

Muling sinindak ang ating bayan ng isang malaking pagsabog sa Glorietta 2 noong isang Linggo. Bawa’t grupo at indibidwal na may kani-kaniyang agenda ay nangagsipagdakdakan agad. Madudulas ang dila ng mga taong nakatuntong sa kapirasong alpombra ng katanyagan, tulad ng isang senador na nakakulong. Madulas din ang dila ng mga pulutong na may nagkukubling pagnanasa na lalung magkagulo ang lipunan, upang maisulong ang kani-kanilang mga maiitim na balak. Hindi pa man natutuyo ang dugo ng mga taong sinawing-palad na mamatay sa pagsabog, ay ginagamit na ng mga tampalasang sanga-sanga ang dila ang pangyayari upang siraan ang gusto nilang siraan. Hindi pa nga naililibing ang mga nasawi ay pinagpipiyestahan na ng mga maruruming politiko ang pangyayari upang magtapunan ng bintang at paratang na wala pang sapat na batayan.

May pag-asa pa kayang manatiling nakadipa ang mga kamay nating mga payak at ng mga tunay na “Moises” sa ating bayan? May pag-asa pa kaya ang mga maliliit at mahihirap na patuloy na nakatungo at hiyang-hiyang nakikibahagi sa takbo ng lipunang Pilipinong pinamumugaran ng mga palalong madudulas ang dila at mapaglaro ang mga maduduming isipan? Sa isang sitwasyong lahat na lamang ata ng nangyayari ay nauuwi sa bakbakang political ng mga maalam at mapagsamantala, tila nanghihinawa ang balana … nananabang.

Ito ang masamang balita ng ating pagka-Pilipino sa ating panahon.

Nguni’t naparito tayo sa simbahan (o sa prayer meeting) upang pag-usapan ang magandang balita. Hindi tayo pinagkakaitan ng Diyos ng magandang balitang ito. Malinaw pa sa bukang liwayway ang turo ng ating mga pagbasa: “Ang panalangin ng mga dukha ay nanunuot sa alapaap; hindi ito tumitigil hanggang sa marating ang kanyang pakay”  (Unang pagbasa).  Sumagot tayo sa magandang balitang ito nang buong taginting: “Dinidinig ng Panginoon ang pagtangis ng mga dukha” (Salmong Tugunan).

Nguni’t may isang uri ng kadulasan ng dila na wasto at hindi dapat natin makaligtaan – ang matimyas na pagtanggap ni Pablo sa katotohanang hindi maipagkakaila. Ito ay may kinalaman sa kanyang pagpupuri sa Diyos na siyang tunay na nag-aangat sa taong mabababa, at nagbibigay luwalhati sa mga taong walang angking kakayahan. Ito ang kadakilaang hindi inangkin bagkus ipinagkaloob … Ito ang katanyagang hindi ipinangangalandakan at ipinagmamakaingay. Ito ang katotohanang kaloob ng Diyos, at hindi ginawa ng tao lamang – ang pagtanggap ni Pablo sa luwalhating bunga ng kanyang pagiging masunurin at katapatan sa paglilingkod: “Pinakaingatan ko ang aking pananampalataya. Mula ngayon ay naghihintay na lamang ako ng korona ng kabanalan na ipuputong sa akin ng Panginoon, bilang makatarungang hukom” (Ika-2 pagbasa).

Ito rin ang isang uri ng pagyayabang na sagot natin sa ating pananabang.

Ito ang magandang balita tungkol sa kadakilaan ng pagiging mababa ang loob, at hindi mapaghanap sa kung ano ang makapag-aangat at makapagsusulong sa kani-kaniyang makasariling balakin. Ito ang kadakilaan ng isang kobrador ng buwis na walang atubiling tinanggap ang totoo tungkol sa kaniyang sarili: “O Diyos, maawa ka sa akin, isang makasalanan” (Ebanghelyo).

Lubhang nahirati at namihasa ang lipunan natin sa kapalaluan. Lahat ng nagaganap ay nagiging isang bunong braso ng mga matataas at makapangyarihan. Sa kanilang kayabangan at kasiguraduhan, napapasa isang-tabi ang tanging may-akda ng lahat ng uri ng kadakilaan at kaluwalhatian – ang Diyos na Siyang karapat-dapat sa lahat ng luwalhati at kadakilaan.

Dito dapat magsipagdulasan ang ating mga dila. Dito dapat sa larangang ito lumutang ang hindi lamang madudulas, bagkus matitingkad, na mga katagang karapat-dapat ipatungkol sa Diyos. Dito dapat lumutang ang wasto at karapat-dapat na pagyayabang na patungkol sa Panginoon. “Ang Panginoon ay magliligtas sa akin sa lahat ng masasamang banta at maghahatid sa akin nang matiwasay sa kanyang makalangit na kaharian. Sa kanya nawa ay mapunta ang luwalhati magpasawalang hanggan. Amen.”

Palso na ang Pariseo, palalo pa. Ang kobrador ng buwis ay payak na, mapitagan pa, makatotohanan, at mababa ang loob. Madulas ang dila ng pariseo sa kaniyang pagpuri sa sarili. Madulas din ang dila ng payak, tapat, at puno ng pitagang taga-kolekta ng buwis sa pagbibigay-luwalhati sa Diyos. Ang una ay palso at palalo. Ang ikalawa ay payak at nag-uumapaw sa kaluwalhatiang hindi para sa kaniya, kundi patungkol tanging sa Diyos. Siya lamang ang karapat-dapat sa inaangkin ng palalo. Siya lamang ang tanging nakikinig sa panaghoy ng mga dukha. Dahil sa Kaniya, hindi tayo nananabang bagkus nagyayabang. Purihin Siya at pasalamatan.

Fr. Chito Dimaranan, SDB
Paranaque City, Philippines