frchito

Posts Tagged ‘Katatagan ng Pananampalataya’

SAKSI SA LIWANAG; BUSILAK NA KADAKILAAN!

In Uncategorized on Hunyo 22, 2012 at 17:28

Image

KAPANGANAKAN NI JUAN BAUTISTA (B)

Junio 24, 2012

 

Walang ibang santo, liban kay San Pablo, ang may dalawang araw ng kapistahan sa taon ng Simbahan. Ipinagdiriwang ng Simbahan ang pagsilang at paglisan sa mundong ibabaw ni Juan Bautista. Ito ay kadakilaang tumataginting … kadakilaang walang kadududa-duda, walang kaparis, walang katulad.

Pero alam nating ang landas tungo sa kadakilaan ay hindi nalalatagan ng katamisan at karangyaan. Kung may rosas mang nakalatag sa landasing ito, puno at tigib ng tinik ng kagipitan at kahirapan ang daanang ito. Hindi madali ang magpakabuti. Hindi madali ang magpakatotoo, ang magpakabanal, at magpakatapat sa tawag ng nararapat!

 Alam nating lahat ito … sa sandaling gumawa ka ng nararapat, may taong magtataka, magtatanong … “Bakit ka nagsabi ng totoo?” “Bakit ka umamin?” Tingnan nyo nangyari kay Corona … Umamin … nagtapat … na mayroon siyang perang hindi isinama sa SALN … ayun! Buking, ika nga! Para bagang ang liksyon moral ay itago na lamang, ikubli … hwag magtapat, at patuloy na magmaang-maangan!

Isang malaking palaisipan sa akin ang pinagdadaanan ng mga krisityanong pinag-uusig at patuloy na pinahihirapan sa maraming lugar sa buong mundo … dahilan lamang sa sila ay hindi kapanalig ng mga higit na nakararami. Mahirap ang manatiling nakatayo kung ang karamihan ay nanlalagas na parang tuyot na dahon sa parang. Mahirap ang manindigan kung ang kalakaran ng mundo ay tungo sa daang baluktot, at daan ng katiwalian. Mahirap manindigan sa katotohanan, kung ang mass media ay pawang nabili na, at nahutok na sa iisang linya ng kaisipan … kung ang kasinungalingan ay naging totoo na sa paulit-ulit na patutsada ng higit na nakararaming mga komentarista.

Saludo ako sa mga kristiyano sa lugar na sila ay hindi malayang sumamba. Alam kong marami akong tagabasa mula sa mga bansang ito kung saan ni Biblia, ni rosary, ni stampita o larawang banal ay bawal. Saludo ako sa aking mga tagabasang sa kabila ng lahat, ay patuloy na nagsisikap upang patatagin, pagyamanin, at palakasin ang kanilang pananampalataya – walang iniwan noong unang panahong ang mga kristiyano ay kailangang magtago sa katakombas upang makasamba sa iisa at tunay na Diyos!

Ito ang sinapit na kapalaran ni Juan Bautista … nagsabi siya ng totoo … nagpatunay … nagpakilala sa Mesiyas … Sa kanyang pagsasabi pa ng ibang totoo, sinapit niya ang malagim na kamatayan … Isa siyang martir ng katotohanan, bagama’t ang takbo ng lipunan ng panahon niya ay taliwas sa landas ng katotohanan at kabanalan. May nagalit … may nagtampo … at may nagbalak ng masama, na naging makatotohanan dahil sa isang pinunong walang paninindigan sa wasto at tama.

Matindi ang pinagdadaanan natin sa panahon natin. Madali ang magpadala sa takbo at kalakaran ng bulaang mass media. Madali ang magpadala sa agos. Madali ang mabuyo sa pagkamuhi lalu na’t ginawang demonyo ang taong hindi kasangga ng sinumang naghahawak ng kapangyarihan.

Matindi ang pinagdadaanan ng mga nagsisikap magpakatapat. Matindi ang landasing tinatahak ng mga lumalaban sa RH bill, sa pagpupunyagi para sa karapatan ng mga hindi pa isinisilang, ang mga api, at ang mga biktima ng mapanlinlang na pamamahayag.

Kapag sinusuri natin ang sarili sa araw na ito, ano ba ang nakikita natin? Sa ganang akin, ang nakikita ko ay isang mahinang tao, marupok, madaling manghinawa … At panalangin ko tulad ng panalangin ng salmista: “Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.”

Sa araw na ito, mabuti marahil na tingnan natin ang antas ng ating paninindigan, ang kakayahang nating tumayo sa sarilin nating paa, at sarili nating pasya – para sa wasto at tama. Utang na loob natin it okay Juan Bautista, na nagturo sa atin kung ano ang kahulugan ng manindigan sa totoo, sa tama, sa wasto, at nararapat.

Pero, ano ang uuwiin natin dito? Malinaw pa sa tanghaling tapat! … pagiging martir, paghihirap, pagbabayad nang malaki tulad ng ginawa ni Juan Bautista.

Tama ang sinabi ng Antipona sa pasimula … Si Juan ay isang “saksi sa kaliwanagan” … upang maging tunay at handa ang tanan! Saksi sa liwanag; busilak na kadakilaan!

Advertisement

PINATATAG, PINAGPAYUHAN, PINAGTAGUBILINAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Sunday Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Mayo 1, 2010 at 13:24

Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay(K)
Mayo 2, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 14:21b-27 / Pahayag 21:1-5a / Juan 13:31-33a, 34-35

May panahon sa aking pagkabata kung kailan dalawang tirahan ang kinaroroonan naming magkakapatid. Ang isang grupo ay nasa Maynila habang nag-aaral, at ang ikalawang grupo na nasa mababang paaralan ay nasa probinsiya, sa Cavite. Ako noon ang pinakamatanda sa ikalawang grupo na naiwan sa Mendez, Cavite, habang ang mga nakatatanda ay nasa Makati. Tuwing Sabado, umuuwi ang mga magulang namin upang tingnan kung paano na kami, kasama ng lola, malayo sa iba naming kapatid. Tuwing Linggo ng hapon, bago bumalik sa Makati ang magulang namin, maraming pananalita ang natatandaan kong sinasabi sa amin … mga habilin, mga pagbibigay ng payo, at mga pagtatagubilin.

Iisa ang pakay nila – ang kami ay patatagin … ang kami ay matutong mag-agguanta, magtiis pa ng kaunti habang ang lahat ng bagay ay pinagsisikapang lutasin at hanapan ng solusyon.

Ito ang unang mga liksyong natutunan ko na may kinalaman sa pagtitiis, katatagan ng puso at damdamin, at ang pagtatanim ng anumang tagubiling iniwan sa akin. Naging responsable ako. Natuto akong tumayo sa aking sariling mga paa, at higit sa lahat, natutunan kong tumupad nang ayon sa mga tagubilin o habilin sa akin.

Sa ikalimang linggong ito ng pagkabuhay, may hibla ng lahat ng ito sa mga pagbasa. Sa unang pagbasa, natunghayan natin si Pablo at Bernabe na nagbalik sa Listra, at sa Antioquia ng Pisidia. “Pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya.”

Ganito yata talaga ang pananagutan, ang pagkakalinga na binanggit natin noong nakaraang Linggo, araw ng butihing pastol. Hindi natin matatakasan ito. Kung may malasakit ay may pananagutan. Kung may pananagutan ay may pagpupunyagi para sa pinagmamalasakitan. Ito ang hindi nasusulat na batas ng pananagutan. Ito ang lubusang pinatunayan ni Kristo, bilang butihing Pastol. Ito rin ang pinatunayan ni Pablo at Bernabe, na, sa kanilang pagmamalasakit sa mga iglesyang kanilang ipinundar, ay nagpamalas ng labis na pagkalinga at pangangalaga.

Ilang araw na lamang at halalan na sa bayan natin. May mga responsableng kandidato na mayroong malasakit. Mayroon din namang mapagsamantala at mandarambong na walang ibang hanap kundi kapangyarihan at karangyaan. Mayroong ang wagas at tunay na layunin ay maglingkod at magmalasakit. Subali’t hindi kaila sa lahat na mayroong mga makasarili, masiba, at mapanila. Sa halip na maging pastol ay nag-aasal buwitre o asong gubat, na walang ibang pakay kundi ang pagsamantalahan ang mga inosenteng mga mahihirap at walang kaya.

Nais kong isipin na, bagama’t tungkulin natin ang magsikap upang mapanuto ang buhay nating makamundo, mayroong higit pa sa buhay na ito. Ito ang pagpapatatag ng kaloobang laman ng ikalawang pagbasa. Sa pamamagitan ng matulain at masagisag na kataga, binubuhay ng aklat ng pahayag ang pag-asa at pagtitiwala sa Diyos na naghahatid sa isang panibagong buhay na pinasinayaan ng muling pagkabuhay ni Kristo: “Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagka’t lumipas na ang dating mga bagay.”

Alam kong ito ay maaring maghatid sa tao sa isang kawalang pansin sa mga nagaganap ngayon at dito. Maaring maging daan ito upang magkibit balikat na lamang at magsabing wala na tayong magagawa … wala na tayong pag-asa.

Ngunit hindi ito ang kabuuan ng banal na Kasulatan … hindi isang pagkikibit balikat at pagkawala ng pagpupunyagi ang ikinikintal sa ating isipan at damdamin, bagkus isang pag-asang bumabagtas sa mga bagay na makamundo at material. Hindi como bumabagtas ito sa makamundong mga bagay ay wala na itong kinalaman sa mundong ibabaw.

Tungkulin pa rin natin ang magsikap upang ang lipunan natin ay pagharian ng Diyos at ng kanyang kalooban. Tungkulin pa rin natin na pumili ng pinunong hindi asong gubat o buwayang ang pakay lamang ay lumamon at magpakayaman.

Iisa ang turong tinutumbok ng mga pagbasang ito. Bagama’t mayroon tayong tungkulin sa lipunan at sa bayan dito at ngayon, ang tunay na hantungan ng buhay na dapat pagsikapan ay kung ano ang “pinatatatag, pinagpapayuhan, at ipinagtatagubilin” sa atin ng Diyos … ngayon at kailanman … sa mundong ito.

Katatagan ng kalooban at pananampalataya ang dapat natin baunin bago tayo tumulak tungo sa halalan. At ang higit sa lahat na tagubilin ng Diyos sa atin ngayon ay ang higit sa lahat sa kanyang mga utos – ang mag-ibigan sa isa’t isa, tulad ng pag-ibig niya sa atin.

Bigyan kaagad natin ng ejemplo o halimbawa ang pag-ibig na ito … hindi ito isang damdaming puno lamang ng emosyon. Ito ay ginagampanan at tinutupad. At ang unang objeto ng pag-ibig na ito ay ang pagmamalasakit sa bayan natin … ang pagkakalinga sa mga naaapi at naiiwan sa larangan ng edukasyon, ang mga mangmang at mahihirap na patuloy na pinagsasamantalahan ng mga mapanilang mga kandidatong walang ibang layunin kundi mandambong at magsamantala sa higit na nakararami. Isa pang ejemplo … bumoto nang tama. Pumili ng siyang pinakamalapit sa larawan ng butihing pastol.

Pinatatatag Niya ang ating kalooban … Pinagpapayuhan tayo … at pinagtatagubilinan. Ano ang gagawin mo sa Mayo 10?