frchito

Archive for the ‘Sunday Homily’ Category

UTANG NA BAYARIN, ATANG NA PASANIN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Setyembre 2, 2008 at 15:59

Ika-23 Linggo ng Taon(A)
Septiembre 7, 2008

Mga Pagbasa: Ezekiel 33:7-9 / Roma 13:8-10 / Mt 18:15-20

Magaling tayong lahat sa pagtutuos ng utang. Mahaba ang ating memoria sa pag-alala ng pagkakautang sa atin ng kapwa. Nakakalimutan natin ang magagandang nangyayari sa atin, nguni’t hindi natin malimutan ang masasamang nagaganap sa ating buhay. Madali natin malimot ang pabor na ginagawa sa atin ng kapwa, ngunit hindi makatkat sa guni-guni ang mga pagkakasalang nagagawa laban sa atin.

Hindi ba’t ito ang dahilan ng hindi mapatid at mapuknat na bakbakan sa ilang bahagi ng Pilipinas? Hindi ba’t ito ang nasa likod ng mga patayan at gantihan sa lipunan natin na wari baga’y napakahaba lagi ang listahan ng mga pagkakautang natin sa isa’t isa? Hindi ba’t ito ang ginagamit na dahilan kung bakit ang usapin tungkol sa lupa at sa tinatawag na “ancestral domain” ay tila wala nang solusyon at katapusan?

Malalim at mahaba ang memoria ng tao kung ang pinag-uusapan ay ang pagsingil ng lahat ng uri ng pagkakautang. Kay raming namamatay at nagbubuwis ng buhay at kinabukasan dahilan sa pagsingil ng utang na ito na walang kabayaran at walang katapusan.

Si Pablo ay isa sa mga mapusok na taong nababanggit sa Bibliya. Sa kanyang kapusukan, pinagtuunan niya ng galit ang mga unang kristiyano noong siya ay bata pa. Si Pablo ang una sa mga tagapag-usig ng Santa Iglesya. Naging instrumento siya ng paniniil at paniningil ng mga pagano sa nagsisimula pa lamang na pulutong ng mga tagasunod ni Kristo sa Palestina.

Ito ang parehong Pablo na ngayon ay nagwiwika sa atin, bunga ng kanyang personal na karanasan sa paniningil sa imahiharyong pagkakautang ng mga kristiyano.  At malinaw ang kanyang turo: “Huwag magkaroon ng anumang pagkakautang liban sa pag-ibig.”

Mahaba at pahaba nang pahaba ang listahan ng mga iba-ibang grupo ng tao sa daigdig. Nagpupuyos ang damdamin ng mga minoridad sa maraming bansa. Nagngangalit ang mga taga Tibet sa paniniil halimbawa ng dambuhalang China sa kanilang lupain at kultura. Naghihinagpis ang mga Palestino laban sa Israel na para bagang sila ay nagulangan ng bansang nabanggit. Patuloy na nag-iisip kung paano mabaligtad ng marami pang mga grupo sa buong mundo ang kalakaran o takbo ng pamamahala ng maraming bansa. Pati sa katimugang Pilipinas ay punong-puno ng galit ang dalawang grupo na pawang nagsisikap magapi ang isa’t isa upang mamayani ang kanilang naisin.

Sa sitwasyong ito, kay daling gumawa ng hakbang na may kinalaman sa dahas at puwersa. Kay daling madala ng kagustuhang daanin ang lahat sa karahasan.

Ang Linggong ito ay isang paalala at panawagan sa kahinahunan. Hindi dapat pagkakautang ang ating pagtuunan ng pansin kundi ang naka-atang na utos sa lahat ng anak ng Diyos – ang pagmamahal sa kapwa. Huwag magkaroon ng utang sa kapwa liban sa pag-ibig.

Ang batayan ng pamumuhay Kristiyano ay walang iba kundi ito – pag-ibig lamang ang utang na bayarin; tanging pag-ibig lamang ang atang nating pasanin!

MAPILIT, MAKULIT, O PUNO NG PAG-ASA?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Agosto 13, 2008 at 02:39

Ika-20 Linggo ng Taon (A)
Agosto 17, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 56:1, 6-7 / Roma 11:13-15, 29-32 / Mateo 15:21-28

Sa mga araw na ito, ang pagiging mapilit ay ginagamtimpalaan. Ang pagiging mapilit sa pagsasanay, bilang isang halimbawa, ay nagbubunga ng medalya sa Olympics sa Beijing. Napapanganga na lamang ang milyon-milyong katao tuwing mapapanood ang mga manlalarong tumatanggap ng gintong medalya sa larangang kanilang sinasalihan.

Subali’t hindi lingid sa ating kaalaman na ang marami sa mga ito ay nagdadaan sa napakaraming oras na pagpupumilit upang marating ang kanilang oras ng luwalhati. Hindi kaila sa atin na si Michael Phelps ng Baltimore, Maryland, ay walang ibang ginagawa kundi kumain, matulog, at magsanay sa paglalangoy. Ito ang kanyang “full time job,” ika nga. Ang bunga ang siya ngayong tinitingala at hinahangaan ng marami.

May katuturan ang kakulitan, tulad ng aking sinabi kamakailan sa isa ring pagninilay sa blog na ito.

Ang pagiging mapilit at makulit ay may kaugnayan sa ating mga pagbasa ngayon. Sa hula ni Isaias, natunghayan natin na ang Diyos ay nangangako ng kaligtasan sa mga taong nananatiling tapat sa kasunduan at nagpupunyagi sa pagtalima sa kanyang kalooban.

Sa ikalawang pagbasa, ipinaaalala ni Pablo sa atin kung gaano katapat ang Diyos sa tao, at kung paanong ang kaloob ng Diyos at ang kanyang panawagan ay wagas at walang pagbabago at pagkupas. Mapilit o matimyas ang pag-ibig ng Diyos sa atin at ang kanyang awa ay walang hangganan. Kakulitan sa pag-ibig ang puno at dulo ng sinasabi ni San Pablo.

Subali’t wala nang mas lilinaw pa sa sinasaad sa ebanghelyo. Ito ang kasukdulan ng kakulitan ng pananampalataya at kakulitan sa panalangin. Ang babaeng nabanggit ay hindi man lamang kapanalig ni Kristo, kung baga. Wala siyang dapat asahan, ika nga, sa Panginoon. Subali’t ang malaking pangangailangan ang nagbunsod sa kanya upang lumapit. Nguni’t hindi lamang pangangailangan kundi pananalig ang tuluyang nagbunsod sa kanya upang magpumilit sa Panginoon.

At ito ang magandang balita para sa atin sa araw na ito. May isang napakagandang panalangin ang turo sa atin ng babaeng Cananea: “Panginoon, tulungan mo ako.” Bagama’t siniphayo siya sa simula, nagpumilit siya sa kanyang panalangin, “Panginoon, tulungan mo ako.”
Tayong lahat ay nagdadaan sa matinding pangangailangan o suliranin sa buhay. Wala ni isa man marahil sa aking mga tagabasa ay makasasansala sa katotohanang ito. Lahat tayo ay ay may karanasan ng malaking pangangailangan, lalu na sa isang sitwasyong ang lipunan natin ay binabalot ng sari-sari at masalimuot na kalagayan ng katiwalian sa loob at labas ng gobyerno. Di lingid sa lahat na marami sa mga suliraning pinagdadaanan ng Pilipino ay hindi lamang galing sa kalikasan, tulad ng mga bagyo ay iba pang mga natural na kalamidad. Walang higit pang masahol sa kalamidad na dulot ng mga tampalasang mga politico na patuloy na naninipsip ng dugo ng mahihirap at walang kakayahang lumaban sa sistemang mapaniil at puno ng kadayaaan at pagmakasarili. Hindi pa man nasisimulan ang mga proyekto na utang sa ibang bansa, ay napagsamantalahan na ng mga tampalasang ito na nagkukubli sa titolong “public service.” Ang perang dapat sana ay mapunta sa pagsasaayos ng edukasyon ay napupunta lahat sa walang sawang katakawan ng mga tiwali at walang konsiyensiyang “public servants” sa ating lipunan.

Hindi kaila na ang lahat ng ito ay nauuwi sa maraming mga problema ng mga mangmang, walang kaya, at walang tinig sa lipunan.

Sila ay walang iniwan sa babaeng Cananea na ang tanging nasabi lamang ay isang panalanging punong-puno ng pag-asa at kakulitang mapagligtas: “Panginoon, tulungan mo ako.”