frchito

Archive for the ‘Sunday Reflections’ Category

MAKAPANGYAYARI, HINDI MAKAPAGYAYARI

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Kristong Hari, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 20, 2008 at 20:50

DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI
Nobyembre 23, 2008

Mga Pagbasa: Exequiel 34:11-12, 15-17 / 1 Cor 15:20-26,28 / Mt 25:31-46

Wala na tayong paghanga sa mga hari at reyna. Una sa lahat, kakaunti na lamang ang mga hari at reyna sa mundo. Bagama’t malaki ang pitagan ng mga taga Thailand sa kanilang hari magpahangga ngayon, at pati tayo ay medyo naiinggit sa kanilang bayan na kung may problema ay isang salita lamang ng hari ang kailangan at ang lahat ay kagya’t susunod at manggagayupapa, ang karamihan sa buong daigdig ay maliit na ang pitagan sa figura ng mga makapangyayari sa lipunan.

Sa bayan natin, tila naglaho nang lubusan ang pitagan natin sa mga makapangyayari sa lipunan. Maliit ang tingin natin ngayon sa mga politico. Bagama’t patuloy tayong tumatawag sa kanila ng bansag tulad ng “honorable” o kagalang-galang, sa totoo lang, mas nanggagayupapa pa ang madlang tao sa mga artista, sa mga mang-aawit, lalu na’t medyo mestiso o mestisa, halong Pinoy o Kano, o Canadian, hindi na bale kung sa Amerika, ang artistang ito ay isa lamang tinaguriang “hillbilly” or promdi sa ating salita sa panahon ngayon.

Sa dinami-dami ng mga eskandalong kinasasangkutan ng mga nasa “public service,” sa dami ng mga katiwaliang halos araw-araw ay natutunghayan sa pahayagan, naririnig sa radyo, at nakikita sa telebisyon, ay tila hindi na nagugulantang ang bayang Pinoy. Tanggap na yata ng Pinoy ang kalakaran sa gobyerno at sa lipunan, isang salitang salamat kay Lozada ay naging bahagi na ng kamalayang Pinoy – isang nakalulungkot na pagtanggap na lamang ng isang bagay na wala na tayong magagawa upang mabago, tila baga.

At dito papasok ang isa pang nakalulungkot na katotohanan, na kaakibat nitong kawalan ng pagtitiwala at paggalang sa mga makapangyayari sa lipunan. Ito ang isa sa mga pangunahing aspeto o elemento ng tinatawag ng mga sosyolohikong “ethos of postmodernity,” o pag-uugaling posmoderno. Wala nga tayong pitagan sa mga makapangyayari, nguni’t malaki ang paghanga natin sa mga “nakapagyayari.”

Takot tayo sa mga taong mayroong laman, ika nga, ang bulsita sa tuwina. Hanga tayo sa mga taong mayroon laging puedeng ipamudmod sa balana. May pitagan tayo sa mga taipan sa Pilipinas na nagtungo dito sa Pilipinas mula China na mahirap pa sa daga, nguni’t nakakita ng kadluan ng ginto at pilak sa Pilipinas. May paggalang tayo sa taong may magarang bahay, mas magagarang sasakyan, at nakapaglalaro sa mga lugar na hindi man lamang matutuntungan ng mga mahihirap ni sa panaginip.

Sinasamba ng balana ang maabilidad, ang mahaba ang pisi ika nga, ang malalim ang balon kung saan kinakadlo ang walang patid na yaman at kakayahan. Maraming puedeng mayari sa salapi. Marami ang puedeng mapangyari sa pamamagitan ng pera. Alam natin na pati mga kaso sa korte ay napalalawig, o naaampat dipende sa halagang kayang ilagak ng may asunto. Alam natin na kay daming mga mahihirap ang naaagnas sa kulungan, nguni’t mayroong mga makapangyayari sa lipunan ang bigla na lamang naglalaho at sukat sa kulungan, pinatawad kuno, sa kanilang diumano’y napagsisihan nang mga krimen.

Ito ang telon na nasa likod ng pagdiriwang natin sa araw na ito … isang telon na ang malaking larawan ay nagsusulong sa isang kalakarang ang tunay na hanap ng tao ay hindi kung ano, paano, at sino ang makapangyayari, kundi sino, ano, at paano mayayari ang maraming bagay.

Kung ito ang telon sa likod ng isipan natin, walang silbi at walang halaga ang pista ni Kristong Hari. Walang dating … walang kabuluhan … at walang kabig sa mga taong sigurado tayong magkukumpol-kumpol kung ang pinag-uusapan ay salaping tumataginting, kapangyarihang kumakalansing, at kakayahang nakakatusing sa balana.

At bakit hindi? Sino naman ba sa panahon natin ang maaantig sa larawan ng isang tupa? Sino naman ba sa lipunan natin ang magtatatakbo upang humabol sa isang pastol na madumi, mabaho, at mababa ang rating?

Subali’t ito mismo ang kabalintunaang dulot ng kapistahang ito. Tulad ng paghamong tapatan (SIM to SIM) na bitaw nang buong tapang ni Robin Padilla, hinahamong tapatan ng Diyos ang kalakarang ito ng lipunang nagumon na sa materyalismo at katiwalian.

Tapatan tayo … ang Hari natin ay isang maamong tupa. Iyan ang sagot natin sa unang pagbasa: “Ang Panginoon ay aking Pastol; wala na akong hahanapin pa.”

Tapatan tayo … ang Hari natin ay isang hari na natanghal at niluwalhati matapos lamang ng isang mapait at masakit na kamatayan sa krus. Siya ang unang bunga kung baga, ang unang ani, ayon kay San Pablo, sa mga nahimbing sa pagtulog. Siya ang unang nagising sa isang panibagong buhay – buhay na walang hanggan!

Matindi ang tapatan nating ito. Mahirap unawain. Mabigat arukin. At lalong mahirap tanggapin. Tapatan muli tayo … ang kapangyarihang hanap natin ay kapangyarihang makapagyayari. Di ba’t ito ang isa sa mga dahilan kung bakit tuwang-tuwa ang daigdig kay Superman, kay Batman, at kay Gagambino? May kakayahan sila pawang yariin o todasin sa dati nating salita, ang mga tiwali, ang mga kriminal, at mga tampalasan sa lipunan.

Walang ganitong kakayahang yumari o tumodas si Kristong Panginoon. Ang kanyang paghahari ay hindi mangyari, magpayari, o yumari ng kung ano mang ating ninanais bilang kagya’t na solusyon sa mga problema.

Nguni’t ang Hari natin, ayon sa ebanghelyo ay luluklok sa kanyang trono, sa takdang araw. Lahat ay magkakalipumpon sa harapan niya. Sa araw na ito ay aakuin niya ang kaganapan ng kanyang pagka-Diyos at pagka Mesias … kung kailan ang tunay niyang kalikasan na Siyang makapangyayari sa lahat ay mabubunyag.

Ito ang larawang pinta ni Mateo sa ebanghelyo. Ito ang larawang nagaganap, magaganap, at lubusang magaganap balang araw. Ito ang pag-asa natin. Ito ang panalangin natin. At ito ang awit natin kahapon, ngayon, at magpakailanman:

Mapalad Siyang dumarating sa ngalan ng Panginoon! Mapalad ang kaharian ng Ama nating si David! Alleluia!

Siya ang Haring hindi mapangyari, kundi lubos na Makapangyayari, sa takdang panahon, sa takdang matamis na panahon ng Diyos. Purihin natin Siya at pasalamantan!

TAMPULAN NG TIWALA, O PAKAWALA?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Pananagutan, Sunday Homily, Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 11, 2008 at 06:45

Ika-33 Linggo ng Taon (A)
Nobyembre 16, 2008

Kawikaan 31:10-13, 19-20, 30-31 / 1 Tesalonika 5:1-6 / Mt 25:14-15, 19-21

Ang hinahanap ng unang pagbasa ay tila isang imposibleng pangarap – isang karapat-dapat na asawa o maybahay, na kung masumpungan ay katumbas ng pagkatagpo ng halagang higit pa sa mamahaling perlas.  Ano ba ayon sa unang pagbasa ang isang karapat-dapat na maybahay? Ang babaeng mapagkakatiwalaan, isang taong may malasakit sa dukha at may takot sa Diyos.

Muli pang idinidiin ng tugon natin matapos ang unang pagbasa ang batayan ng kahalagahan ng isang tao: “mapalad ang mga may takot sa Diyos.”

Ang taong kaaya-aya, ayon naman kay San Pablo, ay ang mga nabubuhay, hindi sa kadiliman, kundi sa liwanag. Sila ay hindi mga taong tulog o lasing, na walang pakundangan sa muling pagbabalik ng Panginoon sa anumang sandali, bagkus mga taong nakahanda sa tuwina.

Malapit na naman ang wakas ng taong liturhiko. Sa susunod na Linggo ay kapistahan na ni Kristong Hari, na siyang pinakahuling Linggo sa taon. Sa mga huling araw na ito ng taon, ang liturhiya ay paulit-ulit na nagpapagunita sa diwa ng paghahanda, ng pagwawakas, ng pagtatapos sa unang banda, at sa diwa ng paghahanda sa panibagong panahon, sa kanilang panig.

Bihasa tayong mga Pinoy sa paghahanda. Sa dami ng bagyong dumarating sa atin, ang mga taong malapit ang buhay sa lupa at sa pagsasaka ay hindi na lubos na nababalisa ng bagyo. Una, ang mga bahay na pawid ay madaling masira, nguni’t madali ring itayo. Ikalawa, ang bagyo at unos ay kaakibat na ng buhay ng Pinoy, hindi na nagtataka kung taon-taon ay hinahagupit ng bagyo ang maraming bahagi ng Pilipinas. Ewan ko sa inyo, pero ang kakayahang maghanda ay higit natin nakikita sa mga politico. Malayo pa ang eleksiyon, ay nakahanda na sila sa perang ipamumudmud. Pag-upong pag-upo pa lamang ay inaatupag na ang sunod na halalan.

Nguni’t hindi ito ang uri ng paghahandang sinasaad ngayon ng liturhiya. Ang paghahandang nabanggit kong ito ay kumakatawan sa isang taong pakawala, at hindi tampulan ng tiwala. Ang paghahandang makasarili at isang saloobing pakabig ay hindi siyang itinatanghal ng mga pagbasa. Ang paghahandang hindi sinusuklian ng tiwala ng kapwa ay paghahandang makasarili, at paghahandang angkop sa isang taong hindi karapat-dapat o kaaya-aya, sapagka’t ito ang tanda ng isang taong walang takot sa Diyos. Ito ang uri ng paghahanda ng taong ang tanging tiwala lamang ay sa kanilang sarili, mga BSS kung tawagin noong araw, mga bilib sa sarili.

Tunghayan natin ang ebanghelyo ngayon. Ang sinasaad nito ay pawang tungkol sa taong nararapat pagtiwalaan o hindi. Isang taong nakahandang maglakbay sa malayo ang tumawag sa kanyang mga utusan. Sa bawa’t isa ay nagkaloob siya ng dapat pangalagaan at isapuhunan. Sa una, limang talento ang kanyang bigay; sa ikalawa ay dalawang talento; at sa ikatlo ay isa namang talento.

Ang araw ng kanyang pagbabalik ay araw ng pagtutuos. At dito lumitaw kung sino ang nararapat at kung sino ang hindi karapat-dapat. Tanging ang namuhunan at gumamit nang wasto sa salaping ipinagkatiwala ang siyang nakatanggap ng papuri sa mamang iyon.

Ang mundo ng sangkatauhan ay maraming puhunang tinanggap. Nandiyan ang daigdig ng kalikasan, ang mga bundok, ilog, lawa, dagat at parang. Puhunan ito na ipinagkaloob lahat sa atin bilang nilkha at mga anak ng Diyos. Subali’t mayroong mga tampalasan at salaula na hindi marunong gumamit nang wasto. Mayroong mga taong ang saloobin ay pakabig, hindi pabigay, patungo sa sariling kapakanan, at hindi sa kapakanan ng kapwa. May mga taong ganid na, sa halip isapuhunan at palaguin ang ipinagkaloob sa kanila, ay itinago, ibinaon, at ipinagdamot. Itong mga ganid na ito ang hindi nakatunghay nang higit pa. Bagkus ang maliit na kamal kamal na ayaw bitawan at palaguin, ay lalo pang naglalaho sa kanila.

Sa Tagalog ay mayroon tayong napakagandang kasabihan tungkol sa kasakiman at sa mga pakawala: “Sa paghahanap ng kagitna ay sansalop ang nawala.”

Ang patuloy na lumalalang financial crisis sa buong mundo ay isang malinaw na halimbawa nito. Bagama’t ang katagang ginagamit ng mga eksperto sa pamemera ay investment o pag-nenegosyo, ang tunay na batas ng larong ito ng mga yumayaman sa pera ng iba, ay walang iba kundi pakikipagsapalaran. Ito ay walang ibang pinagmumulan liban sa kasakiman, o katakawan sa higit pa. Iyan ang naging sanhi sa pagbulusok ng pamemera sa buong daigdig at kung bakit biglang napakaraming mga nalugi. Hindi nila ginamit nang may responsibilidad ang perang ipinagkatiwala sa kanila.

Lahat tayo ay may pangarap sa buhay. Pangarap natin ang isang matiwasay, mapayapa, at saganang pamumuhay. Walang masama dito. Subali’t ngayon, ang paalaala sa atin ng Panginoon ay lalung lubhang kapana-panahon. Mahalagang tayo ay mabilang sa hanay ng utusang gumamit sa puhunang ipinagkaloob sa kanya nang wasto at nararapat. Kun gayon, tayo ay nararapat na maging tampulan ng tiwala. Ang pagiging salaula at walang pakundangan sa karapatan at kapakanan ng nagkaloob ng biyaya sa atin, ng lahat ng ating tinatanggap at pinagyayaman sa araw-araw nating buhay, ay mga taong mga pakawala.

Ang taong tampulan ng tiwala ay silang may takot at pitagan sa Diyos. Ang mga walang pakundangan at malasakit sa kaloob at pag-aari ng nagkaloob ay mga taong pakawala. Alin ba tayo sa dalawang ito?

St. Fidelis Friary
Agana Heights, Guam
November 10, 2008