frchito

Archive for the ‘Sunday Reflections’ Category

UBUSAN SA UBASAN!

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 3, 2008 at 19:31

Ika-27 Linggo ng Taon(A)
Octobre 5, 2008

Mga Pagbasa: Is 5:1-7 / Filipos 4:6-9 / Mt 21:33-43

Tatlong linggo na natin naririnig ang ebanghelyo na may kinalaman sa ubasan. Noong nakaraang dalawang linggo, narinig natin ang mga taong nagpagal sa ubasan nang iba-ibang haba (o ikli) ng panahon. Nguni’t pare-pareho ang kanilang sinahod. Noong isang Linggo narinig natin ang dalawang magkapatid na pinadala ng Ama sa ubasan. Ang una ay tumanggi nguni’t nagbago ang isip sa huling sandali at nagtungo. Ang ikalawa ay sumagot ng “oo” subali’t ni anino niya ay hindi nakita sa ubasan.

Sa Linggong ito, ubasan na naman ang escena … pero iba ang kwentong salaysay … Tingnan natin muli…

Ang may ari ng ubasan ay malayo ang tirahan. May mga katiwala siyang pinag-ingat ng ubasan. Nang magpadala ng mga taong ang pakay ay kumubra ng kanyang parte sa ani, ang mga pinagkatiwalaan ay nag-asal hayop. Pinatay nila ang mga sugo at kobrador. Huli sa lahat ay pinadala rin niya ang kanyang anak. Gayon din ang palad na kanyang sinapit sa kamay ng mga tampalasang katiwala.

Nagka-ubusan ng lahi sa ubasan!

Subali’t madaling mabulid sa isang maling pagka-unawa sa talinghagang ito na isang alegoriya. Hindi ito leksiyon tungkol sa karahasan. Hindi ito isang pangaral na tama at wasto ang ginawa ng mga katiwalang ang kanilang pakiramdam ay sila ay nalamangan o nadaya. Walang kinalaman ito sa kung mali o tama ang gumawa ng karahasan sa kapwa.

Bilang isang alegoriya, dapat nating unawain kung ano ang isinasakatawan ng bawa’t isang elemento o gumaganap na tauhan sa kwento.

Una, dapat alalahanin na ang kausap ni Kristo ay mga punong pari at mga pariseo. Sila ang kumakatawan sa mga katiwalang tampalasan. Dumating ang mga sugo – mga propeta – nguni’t hindi sila nakinig at naniwala. Huli sa lahat ay dumating ang bugtong na Anak ng Diyos, sa katauhan ni Kristo. Siya man ay siniphayo at di pinansin ng mga tampalasan. Alam natin kung ano ang naganap sa kanya … Ipinako at namatay siya sa krus, sa pamamagitan ng pagbabalak na maitim ng mga kinauukulan.

Subali’t sapagka’t tayong mga taga-sunod ni Kristo ay naparito upang makatanggap ng pangaral para sa ating sarili sa Liturhiyang ito, dapat natin ngayon tingnan ang kahulugan nito para sa ating buhay. Tayo man ay kinakausap ngayon at pinangangaralan ng Ebanghelyo at ng dalawa pang pagbasa. Ayon sa tradisyon ni Ignacio de Loyola, makabubuti sa atin kung sa pagbabasa natin ng ebanghelyo, ay mailagay natin ang ating sarili sa lugar na kung saan naganap ang pangyayaring ito, kung baga.

At dito ngayon papasok tayo bilang kabahagi ng kasaysayang ito. Tayo ba ay papanig sa mga taong ang pakay ay ubusin ang ubasan at mapasakanila ang lahat? Tayo ba ay nasa lugar din ng mga punong pari at pariseo na, sa kabila ng lahat ng pagpupunyagi ng Ama, ay napadala sa sariling mga balakin na kalimitan ay nagmumula sa isang maitim na budhi at makasariling mga layunin?

Hindi como nagpupuyos ang damdamin natin sa mga tampalasang mga katiwala ay tayo ay hindi na mabubulid sa ganitong kamalian. Bagama’t hindi naman sigura natin maiisipan ang pumaslang at kumitil ng buhay, hindi malayong mangyari na kaya nating kitilin kung hindi may buhay, ay ang magandang ideya na maghahatid sa kabutihan ng ating sarili o ng ibang tao. Hindi man siguro nating maisip na ubusin ang mga sugo ng Diyos, ay kaya naman siguro nating ubusin o tanggalin sa isipan ang mga magagandang adhikain na may kinalaman sa buhay na walang hanggan, sa mga bagay na nagpapabanal.

Malaking labanan ang nagaganap ngayon sa kongreso – kung ipapasa ba o hindi ang isang batas na labag sa kalooban ng Diyos, na bahagi ng tinatawag ni Papa Juan Pablo II na “contraceptive mentality,” na bahagi ng kultura ng kamatayan. Hindi man natin isiping patayin muli si Papa Juan Pablo II, ay naiisip nating patayin, hindi lamang ang mga batang inosente, kundi pati na rin, ang pangaral na naghahatid sa tunay na pangkalahatang kabutihan at kapakanan ng buong pagkatao natin.

Handa rin tayong ubusin ang nagmamay-ari ng ubasan ng buhay makatao.

Ang ubasan ay larangan ng buhay ng tao. Ito ay larawan ng buhay na walang hanggan na naghihintay para sa atin lahat. Ano ba ang gagawin natin sa mga sugo ng may ari?

Tayo ba ay mag-aasal tulad ng mga taong gumanap sa kwentong ito na ang pamagat ay UBUSAN  SA UBASAN?

ANO BA ANG ATING HANAP?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Setyembre 18, 2008 at 18:26

Ika-25 Linggo ng Taon(A)
Septiembre 14, 2008

Mga Pagbasa: Is 55:6-9 / Filipos 1:20c-24,27a / Mt 20:1-16

Ang mga pagbasa natin ay nagsisimula sa isang pang-araw araw na karanasan. Lagi tayong naghahanap ng kung ano man. Ang buhay ay tila isang mahabang pagtugis sa pinakamahalagang katotohanan. Ito ang makabagbag damdaming panalangin ni San Agustin: “Hindi mapakali ang aming puso Panginoon, at hindi ito malalagay sa tahimik hanggang hindi ito nananatili sa Iyo.”

Puede natin matagpuan o masumpungan ang lahat ng ating inaasam at hinahanap. Kung naghahanap tayo ng makamundong bagay, panandaliang kasiyahan ang ating nakakamit. Subali’t batid natin lahat, na matapos natin matanggap o makuha ang hanap, balik na naman tayo sa simula. May iba na naman tayong hahanapin at aasamin.

Sa unang pagbasa, paalaala sa atin ni Isaias kung ano o sino ang dapat higit na tugisin at hanapin: “Hanapin ang Diyos, habang Siya ay masusumpungan pa.” Sa madaling salita, sinasabi niya na ang panahon na nakalaan sa atin ngayon ay dapat gugulin sa paghahanap ng Siyang humihigit sa lahat, sa Kaniyang lampas ang kahalagahan sa lahat ng bagay o tao sa daigdig.

Ang lahat ng ito ay may kinalaman sa wastong hanay ng pagpapahalaga. Ito rin ang diwang napapaloob sa panulat ni San Pablo. Bagama’t mahalaga ang buhay makamundo, bagama’t may saysay ang buhay pang katawan, at bagama’t dumarating ang panahon na mahirap mamili sa dalawa, malinaw niyang sinasabi na ang lahat ay pumapasailalim sa kadakilaan ni Kristo. Si Kristo lamang ang sukdulan ng kahalagahan. Ang buhay niya ay walang ibang saligan liban kay Kristo, at pati na rin ang kamatayan ng katawan ay daan para makapiling si Kristo. Kahit malinaw na hindi niya minamaliit ang buhay sa mundo, minamatamis niya ang makapiling si Kristo nang higit sa lahat, higit pa sa buhay sa daigdig.

Sa kanyang mga kataga, malinaw na ang hanap niya nang higit sa lahat ay ang Panginoon at ang buhay kapiling niya.

Subali’t ang lahat ng ito ay nagbubunga ng isang katanungan para sa atin. Tayo ba ay pinahahalagahan din ng Diyos? Kung tayo ay ganuon na lamang ang paghahanap sa kanya, tayo ba ay kanya ring pinahahalagahan?

Ang talinghaga tungkol sa taong naghanap ng magtatrabaho sa kanyang  ubasan ay malaking paliwanag sa katanungan natin. Oo, naghahanap din ang Diyos para sa atin. At hindi lamang ito, ang kanyang pagtingin sa atin ay pantay-pantay … walang lamangan, at walang pagtatangi.
Normal na isipin natin na ang pasuweldo sa mga naunang magpagal ay dapat na higit kaysa sa mga nahuli sa pagpapagal. Subali’t malaking gulat natin nang malamang ang bigay ng may-ari sa nauna at nahuli ay pareho lamang.

May isang mataginting na turo ang lahat ng ito. Maari natin tanungin ang sarili natin: “Ano pa talaga ang aking hanap?” “Ano ba talaga ang ating pinag-aasam-asam? Kung ang hanap natin ay material na bagay, natural na tayo ay mabibigo at malulungkot sa ating tatanggapin. Hindi kailan man tayo masisiyahan sa kaunti, sa kapantay ng tinanggap ng mga taong huli na ang lahat nang sila ay magsimulang magpagal. Parang isa itong kawalan ng katarungan.

Subali’t kung ang hanap natin ay ang Diyos at ang kanyang kalooban, masisiyahan tayo sa anumang kanyang kaloob, sapagka’t sa kabila ng lahat, ang tunay niyang kaloob ay ang kaniyang sarili, ang kaniyang pag-ibig.

Tama si San Agustin. Maaarin tayong maghanap ng napakaraming bagay. Nguni’t tanging Diyos lamang ang siyang makapagpupuno ng pagkukulang na malalim sa ating pagkatao. Wala nang iba.

Hanapin natin Siya, habang Siya ay matatagpuan pa.