frchito

Archive for the ‘Tagalog Homily’ Category

HANGGANG SA LUMUBOG ANG ARAW!

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Oktubre 12, 2010 at 11:54

Ika-29 na Linggo ng Taon (K)
Oktubre 17, 2010

Mga Pagbasa: Ex 17:8-13 / 2 Tim 3:14 – 4:2 / Lucas 18:1-8

Pagtitiyaga, pagpupunyagi, pagtitiis, pagsisikap, at pag-aaguanta ang larawang buong-buo sa mga pagbasa. Sa una, nagtiis, hindi lamang si Moises, na panatiliing nakataas ang mga kamay sa pananalangin. Pati sina Aaron at Hur ay nag-isip ng paraan upang mapanatiling nakataas ang mga kamay ni Moises “hanggang lumubog ang araw.”

Sa ikalawang pagbasa, tagubilin ni Pablo kay Timoteo na “huwag talikdan ang mga aral na natutuhan at matibay na pinananaligan.” Sa ebanghelyo naman, isang babaeng balo naman ang ginamit ang kakulitan upang makamit ang kanyang kahilingan.

Tumbukin agad natin ang paralelismo o kaugnayan nito sa buhay natin …

Pagod na pagod na ang ating mga kamay sa maraming bagay. May pagkakataong gusto na nating bumitaw, at hayaan na lamang ang mga kampon ng kadiliman ang silang maghari sa buhay natin. Ngunit pagod rin ang ating buong katawan at pag-iisip sa paglaban, hindi sa masasamang tao, kundi sa mabubuting tao na hindi lubos ang pagtalima sa tawag ng ganap na kabutihan.

Kung minsan, sumasagi sa isipan ko na mas madali pa ang pinagdaanan ni Moises. Alam niya ang kaniyang kalaban. Tukoy niya kung sino ang mga sumasalungat sa kalooban ni Yahweh. Sa panahon natin, ang matindi ay ito … ang mga lumalaban sa Santa Iglesya ay ang mga nagsasabing sila ay kasapi ng Iglesya, ang mga tinatawag sa Ingles na “cafeteria catholics,” na parang namimili lamang kung alin ang gusto nilang paniwalaan at sundin, tulad ng taong namimili ng gustong kainin sa cafeteria.

Matindi ang laban tungkol sa Reproductive Health Bill. Sa biglang wari, tila nakabibighani ang kanilang mga rason o dahilan sa pagtutulak nito sa kongreso. Sa biglang tingin, mahirap sansalain ang panukala nilang tila nagsusulong sa kapakanan ng bayang Pilipino – ang labanan ang kahirapan at pangalagaan ang kalusugan ng tao.

At sa larangang ito, tila nag-iisang tinig na sumisigaw sa ilang ang Inang Simbahan. Nabili na nila ang media. Nakuha na nila ang opinion popular ng bayan, salamat sa mga katotohanang parsyal na kanilang paulit-ulit na sinasabi. Ang Simbahan ngayon ang pinagbibintangan nilang sinungaling at nananakot sa tao. Ang Simbahan ngayon ang idinidiin bilang makaluma, at salungat sa pagtakbo ng progreso at pag-unlad.

Mahirap manatiling nakataas ang kamay sa panalangin, at sa pagtataguyod ng tama, at ng magaling sa pangkabuuang katayuan ng tao. Mabuti ang bawasan ang mahihirap sa mundo. Mabuti ang iangat ang kanilang antas ng pamumuhay. Mabuti ang makapag-aral ang lahat ng bata sa lansangan, sa halip na patuloy na pagdaming parang daga na hindi naman mapakain at mapag-aral. Sang-ayon ako sa pangarap na ito.

Ngunit ang mahirap gawin ay ang pairalin ang ganap na kabutihan, ang kapakanang pangkalahatan, na bumabagtas sa kapakanang pansarili ngayon at dito lamang. At ang kabutinang ganap na ito ay bumabagtas sa kabutihang pang-ngayon lamang at pang dito, kabutihang nabibilang at nasusukat lamang.

Ito ang pinangangalagaan ng Iglesya – ang ganap na kabutihang bumabagtas sa personal na kapakanan, at temporaryong kabutihang may kinalaman lamang sa bagay na nabibilang at nahihipo. Ito ang dahilan kung bakit, bagama’t tila nag-iisa na sa ilang ang Simbahan, patuloy niyang ipinagtataguyod ang kanyang pananampalataya at katungkulang mangaral tungkol sa pamumuhay moral at pananampalataya. Aanhin natin ang kariwasaan kung ang ang pagkatao naman natin ay mapariwara? Aanhin natin ang yaman kung ang tao naman ay halos mag-asal hayop at makalimot na sa mga pagpapahalagang makalangit at maka-Diyos?

Nguni’t uulitin ko…. Mahirap gawin ang lahat ng ito, lalu na’t ang opinion popular ay laban na sa simbahan at sa mga namumuno nito, na kay dali nilang tawagin bilang “Padre Damaso.” (Kahit na hindi nila alam ang tunay na kahulugan nito!) Ang isang isyu na dapat ay panatiliing isyu sa larangan ng pakikipagtalong objetivo ay nauwi sa isang personal na atake sa mga namumuno sa Simbahan.

Kung si Moises ay nanghinawa at nanghina, ganuon rin tayo … ganuon rin kaming mga pari at pastol. Mabuti pa si Moises at nanduon si Aaron at Hur. Tinukuran nila ang mga kamay ni Moises. Ngunit ang lahat ng ito ay hindi lamang patungkol sa aming mga pari. Patungkol ito sa lahat ng nagsasabing sila ay Kristiyano Katoliko. At ang magandang balita para sa amin ay magandang balita rin para sa aming kawan … kayong nagbabasa nito ngayon.

Ang labang ito ay walang kinalaman sa diumano ay pakikialam ng simbahan sa politika. Iyan ang sabi ng media na ngayon ay tinatanggap na lamang ng marami. Hindi ito pagpapataw ng bagay na imposibleng gawin, na sabi nila ay hindi kaya pati ng mga alagad ng simbahan. At lalung hindi ito capricho lamang ng mga paring tulad ng lahat ay taong masakalanan rin. Ito ay laban ng mabuti at ng ganap na mabuti … mabuti noon, ngayon, at bukas – at kabutihang ganap na walang kinalaman lamang sa kayamanan, ginhawang pangkatawan, at makamundong mga panukat ng kasaganaan.

Hirap ang Simbahan na itaguyod ang tama at higit na mabuti sa panahong ito. Kailangan nating gumanap bilang Aaron at Hur na nagtukod sa mga braso ni Moises. Paki-usap ko sa aking mga tagabasa na gampanan ito. Gawin ninyo ang inyong kayang gawin, at huwag iasa lamang kay Moises at sa mga katumbas ni Moises ang laban na ito. Kung kayo ay tunay na Katoliko at hindi lamang “cafeteria catholics” na pihikan at namimili lamang ng gustong paniwalaan, mangyari lamang na pirmahan ang petisyon na ito: http://www.petitiononline.com/xxhb5043/petition.html

At huli sa lahat, samahan natin ng panalangin at pagtataas ng ating mga kamay, hanggang sa lumubog ang araw ng kawalang-pansin at kawalang pag-asa!

Nakikiusap. Nagsusumamo … huwag talikdan ang mga aral na natutunan at matibay na pinanaligan!

HABANG DUMADAKILA, PAGPAPAKUMBABA!

In Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Agosto 28, 2010 at 18:12

Ika-22 Linggo ng Taon (K)
Agosto 29, 2010

Mga Pagbasa: Eccl 3:17-18, 20, 28-29 / Heb 12:18-19, 22-24a / Lucas 14:1, 7-14

Sa biglang-wari tila magkasalungat ang tinutumbok ng mga pagbasa. Idinidiin ni Sirac ang pangangailangang magpakumbaba, habang dumadakila. May payo pa siya na sadyang tumitiim sa kaibuturan ng damdamin: “Huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman.”

Sa kabilang banda, iginigiit ng ikalawang pagbasa ang dapat sana’y binibigyang pansin ng tao – bago natin pagsikapang umangat sa paningin ng kapwa – ang paglapit “kay Jesus, na tagapamagitan ng bagong tipan.” Ang kababaang-loob ay naghahatid sa pagkilala – higit sa lahat sa pagkilala sa dapat kilalanin at pagpugayan bilang tagapamagitan sa Diyos at tao.

Di miminsang sumagi sa ating isipan ang katotohanang ang mga dati ay simpleng tao, sa sandaling umangat sa lipunan ay biglang nagbabago. Marami tayong nakilalang mga taong dati ay napaka payak at mababa ang loob, nguni’t oras na umasenso sa posisyon at pamemera, kaalaman, at kayamanan, ay hindi na natin makilala na. Kasabihan ng mga Romano … “quam mutatus est ab illo!” Ibang-iba na siya ngayon kaysa dati! Nakatuntong lang sa lapag ng kapangyarihan o karangyaan ay hindi na nakakakilala.

Totoo ito sa lahat ng antas ng lipunan. Ang dating ordinaryong tao na naging kongresman ay biglang napakagaling magtalumpati … ang dating simpleng pari sa parokya na naging obispo, ay biglang nagbubuhay prinsipe na nakatira sa “palasyo” at tila laging naghihintay ng pagpupugay ng mga tao. Ang dating simpleng madreng guro lamang noong kabataan, nang makatuntong sa Roma o sa Alemanya, ay umuwing may tatlong dagdag na letra sa pangalan, ay hindi na marating, hindi na makalipon nang wasto, at tila biglang napakahirap nang kausapin! Kay rami kong mga dating simpleng katekista na noong naging madre o pari – at lalu na yaong mga nakapag-aral sa Roma – pagdating ay hindi na marunong magsalita ng Tagalog, at hindi na puedeng magmisa sa mga tuklong o maliliit na bisita o kapilya sa baryo.

Sa halip na mapalapit dahil sa dagdag na kaalaman, ay lalung napalayo dahil sa dagdag na kayabangan! Ilan sa kilala ninyong dati ay simpleng tao ang nag-asal bilang mga prinsipe at prinsesa mapasa paaralan, sa gobyerno, o sa simbahan man?

May mahalagang pahatid sa ating lahat ang mga pagbasa ngayon. Sa ebanghelyo, turo ng Panginoon na huwag iangat ang sarili at hayaang ang Diyos ang siyang mag-angat sa atin. Ascende superius! Humayo ka sa higit na mataas na upuan, kapatid. Hindi na para sa atin ang hanapin ang kataasan. Ang para sa atin ay ang maghintay pagkalooban … bagay na mahirap gawin.

Matindi ang kalungkutan ko – at – inaamin ko – galit sa mga naganap noong Lunes sa Luneta. Galit at lungkot ang nadama ko dahil sa maraming dahilan, na hindi ko na tutuntunin pa. Napag-ukulan na ito ng napakaraming mga komentaryo sa nakaraang linggo. Ang aking lungkot at galit ay may kinalaman sa kawalan ng kakayahang dumama ng dapat para sa kapwa. Bagama’t hindi ako sang-ayon sa ginawa ni Kapitan Mendoza, may kurot sa puso kong kinikilala na siya ay isa ring biktima ng kawalang pandama ng mga taong nagdesisyon sa kaniyang kinabukasan. Simple lamang ang kanyang hiling … nguni’t ang tugon ng kinauukulan ay nagpamalas ng kawalang kakayahang damhin ang tunay na dinadama ng tao – ang kakayahang mag-empatiya sa nagdurugong puso ng isang taong ang tingin sa lahat ng bagay ay tila wala nang solusyon. Hindi rin ako masaya at nagalit rin ako nang makita ko ang pinuno natin na nakangisi sa harap ng kamera habang tinatanong ng mga media. Nagalit ako sapagka’t tila ito ay isang pagmamaliit sa damdamin ng mga nagdadalamhati!

Matindi ang naging bunga ng kawalang pansing ito, ang kawalang kakayahang mag-empatiya sa isang taong nag-aalboroto. Kahiya-hiya ang naging bunga … malagim at nakaririmarim!

Malinaw ang liksyon sa akin nito … habang tumataas sa posisyon ay dapat mas higit na nagsisikap magpakumbaba, at matutong magbasa ng tunay na dinaramdam ng mga taong pinaglilingkuran. Simple lang ito … sa haba ng panunungkulan ng maraming tao, sa dami ng mga pinagdadaanang mga pagsubok, at mga problema, madali na mawala ang hibla ng tunay na pagkatao at pagmamakatao … maaring tumigas ang puso at damdamin, at ituring ang lahat ng mga tao bilang isa lamang numero, isa lamang sa napakaraming suliraning dapat idispatsa nang mabilisan. Hindi nila nabasa ang hinaing ni Kapitan Mendoza … Hindi naiangkop ng pinuno natin ang wastong emosyon na kaakibat ng kalagim-lagim at malungkot na pangyayari.

Nakatatakot matay nating isipin ang umangat at tumaas sa posisyon. Maraming paghamon, maraming pagsubok, at maraming pananagutan. Isa sa mga pangunahing batas na dapat sundin ng mga nais maglingkod ang siyang binibigyang-diin sa mga pagbasa ngayon … habang dumadakila, pagpapakumbaba … Ipagpasa Diyos na lamang natin ang napakagandang pangungusap na ito … “Amice, ascende superius!” “Kaibigan, umakyat ka pa sa itaas.”