frchito

Archive for the ‘Tagalog Homily’ Category

TIWALA SA KANYANG PANUKALA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Ika-3 Linggo ng Taon A, LIngguhang Pagninilay, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Oktubre 12, 2009 at 12:42

r3423082414Ika-29 na Linggo ng Taon(B)
Octubre 18, 2009

Mga Pagbasa: Is 53:10-11 ? Hebreo 4:14-16 / Marcos 10:35-45

Kay raming naghihirap sa bayan natin ngayon. Kay raming nasalanta, nadiskaril ang kabuhayan, at napariwara ang kinabukasan. Milyon milyon ang nagdadaan sa susun-susong pagsubok hatid ng sunod-sunod na pananalasa ng kambal na bagyong rumagasa sa ating kapuluan, halos sa kabuuan ng isla ng Luzon.

Mula sa aking kinalalagyan, hindi ko maiwasang hindi maantig ang aking puso sa aking nakikitang mga sari-saring larawan ng paghihirap … ang pagtangis ng mga namatayan nang bigla at hindi inaasahan … ang paglalaho sa isang iglap ng kanilang pinagpaguran sa loob ng maraming buwan sa tumana at mga palayan at palaisdaan … ang mga munting mga alaalang nakapaloob sa mga photo album ng mga mahal sa buhay, ang mga papeles na pinakaiingatan at inaalagaan … ang mga pangarap na dagliang hinawi ng buhawi … ang mga gunitaing hindi na muli pang magiging totoo gaano man apuhapin sa gitna ng isang kadilimang bumabalot hindi lamang sa isang kabahayan sa Pilipinas, kundi sa buong isla ng Luzon. Ang lahat ay inanod ng isang mapait na tadhanang tila baga pakawala ng kalikasang nag-alsa laban sa ating kasalanang panlipunan.

Madali ang matangay ng kapaitan, ng kawalang pag-asa, at malalim na paghihinanakit sa kung sino mang dapat tampulan ng sisi, galit, tampo, sama ng loob, at pagkamuhi. Hindi malayong mangyari na sa mga naiwan at nasalanta, ang higit na mahirap ay ang kamalayang sila ay buhay pa at ang kanilang pinakamamahal ay sinawing-palad na maanod at malunod ng walang awang baha at lalung walang awang bagyo na hindi nasiyahang dumaan ng iisa, bagkus dalawa pang beses, na wari baga’y nanunuya at nananadya sa mga taong walang kamalay-malay sa angking kapangyarihan ng kalikasan.

Nakikiisa ako sa milyong Pinoy na dinalaw na naman ng pighati at matinding pagkaulila at pagkasalanta.

Kung saan ako ngayon namimintana, kumbaga, mahirap isipin na anu man ang gustuhin kong gawin, batid kong ang aking magagawa ay parang isang tulo lamang sa dagat ng kasalatan, kawalan, at malawakang kahirapan.

Inuusig na naman ng mga naganap sa bayan ang aking pananampalataya at pag-asa. Inuukilkil na naman ng kabatirang walang anumang lakas ang tinig ng Inang Simbahan sa harap ng dumadaluyong na kawalang Diyos na dulot ng postmodernismo at globalisasyon, at sa harap ng matinding daluyong, hindi ng tubig, kundi ang daluyong ng isang kultura at kamalayang malayo sa Diyos, at malayo sa turo ng ebanghelyo.
Alam nating lahat kung ano ito – ang kulturang showbiz at kulturang politika … ito ang pinakamatinding trahedya na masahol pa sa unos, bagyo, at baha na sumapit sa ating buhay bilang bayan. Wala na yatang mapili at matakbuhan ang Pinoy. Wala na yatang hindi nabahiran ang kamalayan ng kultura ng showbiz at kultura ng isang mapagsamantalang uri ng politika na namamayani sa bayan … isang kulturang kaakibat ng kultura ng korupsyon na naging dahilan, kasama ng marami pa, kung bakit ang mga daanan ng tubig, ang mga lugar na dapat sana ay walang bahayan ay naging mga pugad ng mga tirahan at magagarang mansion ng mga taong, walang kamalay-malay sa angking panganib ng kinatitirikan ng kanilang bahay – salamat sa mga developer na tubo at kita lamang ang pakay, at mga kawani ng gobyernong, dilhensya naman lamang ang umang para sa sarili.

Subali’t kaya kayo narito ngayon sa ilalim ng bubungan ng simbahang ito ay sa kadahilanang ang hanap ninyo ay tugon sa mga katanungang ito … ang pakay ninyo ay ang mapunan ng pag-asa ang mga kaban ng puso nating tumatangis at pinapanawan na ng pag-asa.

Hindi ko ho kayo bibiguin. Isa sa mga tungkulin ko bilang pari ay ang ilahad ang magandang balita. Subali’t alam ninyo na ang magandang balita, kung minsan, ay lulutang lamang kung ating sisiyasatin ang baha ng masamang balita – ang katotohanang ang kasalanan ng tao ang siyang dahilan ng ating paghihirap at kamatayan.

Alam kong bumabaha saanman sa Pilipinas ng kawalan ng pag-asa … ng pagsasawalang-bahala na lamang sa harap ng tila lampas taong daluyong ng kabiguan at kapaitan. Hindi ba’t ito rin ang tila kawalang pag-asang salaysay ng unang pagbasa tungkol sa aliping nagdurusa na sumuong sa lahat ng uri ng pasakit upang “maisagawa ang panukala ng Ama?” At paano niya naisagawa ang panukalang ito ng Diyos? “pagkatapos ng pagdurusa, lalasap siya ng ligaya … hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis,” ayon sa aklat ni Isaias. Marami na tayong hirap na pinagdaanan. Nguni’t kung ating titingnan, bagama’t hindi natin personal na kagagawan ang anuman dito, alam rin natin na tayong lahat, dahil sa kasalanan, ay bahagi ng lahat ng ito … ang walang patid na pagtatapon ng basura kahit saan, ang walang puknat na pagpapadala natin sa kasinungalingan at kabuktutan ng mga tampalasang politico na walang alam kundi pagsamantalahan ang kamangmangan ng mga nakararami … ang paghahalal natin sa mga pa-cute nguni’t pasaway ng mga pinunong ang tanging pakay ay protektahan ang kanilang mga interes.

Kasama tayong lahat dito, mula sa pagpapaikot sa atin ng mga taga media, hanggang sa pagpapaikot sa atin ng mga nasa tinatawag nating public service.

Sa araw na ito, muli tayong pinaaalalahanan, tulad ng tugon natin sa unang pagbasa: “Panginoon, pag-asa ka namin; pag-ibig mo’y aming hiling.”

Magtatagal ang panahon bago tayo makabangon. Magtatagal ang panahon bago manumbalik ang sitwasyong normal, kumbaga. Sa kalagayang ito, isang matinding pagunita ang sinasaad sa ikalawang pagbasa: “magpakatatag kayo sa pananampalataya.” Modelo at huwaran natin si Kristo, na ayon sa sulat sa mga Hebreo ay “tinukso tulad natin nguni’t hindi nagkasala.”

Ang sikreto ng kanyang kabanalan ay walang iba kundi ito – isinakatuparan Niya, hindi ang kanyang balaking personal kundi ang panukala ng Diyos Ama.

Panukala ng Diyos! Nakalulungkot nga lamang na ang karamihan sa atin ay pakawala … tulad ng magkapatid na disipulo na sinagian ng paghahanap sa sariling panukala … “paupuin ninyo kami sa inyong kanan at kaliwa pagdating ng araw.”

Itong pagiging pakawala ang siyang dahilan at batayan ng lahat ng paghihirap na bunga ng kasalanan. Ang mga naganap sa ating bayan, bagama’t hindi nagmula sa isang Diyos na mapaghiganti, ay nag-uugat sa kasalanan ng tao … tulad ng pagkamakasarili, ng katakawan, ng paghahanap nang sobrang tubo at kita, ng kagahaman sa salapi, na siyang nasa likod ng pagkakalbo ng mga kagubatan sa kabundukan.

Nasa Diyos ang awa at pag-asa, nguni’t nasa atin lahat ang gawa. Hindi natin masisisi ang kalikasan. Ang kalikasan ay napapaloob sa isang batas na hindi kailanman mababali nang walang kapalit. Kung ang kalikasan ay nag-alboroto, dapat natin tingnan kung ano ang papel natin lahat sa bagay na ito.

At sa kabila ng lahat ng pagdurusang ito, lumulutang nang malinaw ang magandang balita para sa atin … “Poon, pag-asa ka naming … pag-ibig mo’y aming hiling!”

Tiwala ang turo Niya sa atin ngayon … Tiwala sa kanyang panukala, sapagka’t Siya ang pag-asa natin.

TIPUNAN, TAMPULAN, TIPANAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Setyembre 29, 2009 at 06:35

Jesus_ChildIKA-27 LINGGO NG TAON (B)
Oktubre 4, 2009

Mga Pagbasa: Genesis 2:18-24 / Hebreo 2:9-11 / Mk 10:2-16

Isang malinaw na hibla at diwa ng pagtitipon, pagkakaisa, at pagniniig ang hatid ng mga pagbasa. “Hindi mainam na mag-isa ang tao.” Ito ang unang banat ng pagbasa mula sa aklat ng Genesis. Kung kaya’t ang tao ay nilikha niyang nakatuon ang kalikasan sa pagtitipon, pakikpag-ugnay, pakikipagniig. At ang unang halimbawa ay ang pagkalikha kay Adan at kay Eva, na una nating mga magulang.

Malinaw rin sa pagbasa ang katotohanang ang tao ay tampulan ng pagkalinga ng Diyos, objeto ng Kanyang pagmamahal, at tagatanggap ng karangalang inilaan ng Maylikha sa naghahawak ng pinakamataas na antas ng dignidad bilang nilalang ng Diyos. Bagama’t ginawa ayon sa sulat sa mga Hebreo na kaunti lang ang baba sa mga anghel, ang tao ay naging karapat-dapat sa pagpapakasakit at pagkamatay ng tagapagligtas, na nagdusa at naghirap para sa ating kaligtasan.

Tampulan ng pagmamahal at atensyon … Iyan ang katotohanan tungkol sa tao, tulad ng ang isang bata ay naging tampulan ng atensyon ng Panginoon, at naging modelo at larawan ng kung anong uri ng pagkakaisa ang dapat mamayani at maghari sa pagitan natin at ng Diyos.

Nguni’t sa sandali ng matinding pagsubok, sa oras ng kagipitan at panganib sa buhay, tulad ng naganap sa mga nakaraang araw sa ating bayan sa pananalasa ng bagyong Ondoy, mahirap makita na tayo ang tampulan ng atensyon at pagmamahal ng Diyos.

Mahirap mabasa sa takbo ng kalikasan na tayo nga ang naghahawak ng pinakamataas na antas ng dignidad, lalu na’t nakita natin at narinig ang panawagan ng napakaraming tao na nagimbal at natakot para sa kanilang buhay dahil sa pagragasa ng malakas na daluyong ng tubig mula sa itaas.

Magmula sa aking kinatatayuan sa Guam, habang nakatutok ang aking paningin sa ANC at TFC, hindi madaling tanggapin na ang mga tinig ng mga nahihintakutang mga kapwa Pinoy na nagmumula sa napakaraming lugar sa Kamaynilaan, sabay-sabay na mga panawagang hindi naman kayang tugunan ng pamahalaan at ng sinoman, ay isang katotohanang malinaw pa sa sikat ng araw na nagkubli sa loob ng ilang araw na walang patid na ulan.

Ano ang nangyari sa wika ng Diyos sa Genesis na nagalak Siya sa kanyang nilikha? Ano ang nangyari sa pagtitipon na kanyang ninais para sa tao? – ang kaisahan at pagniniig na siyang pangarap Niya para sa ating lahat? Ano ang naganap at pati yata ang kalikasan at tinikis nang lubos ang damdamin at pangarap ng mga ordinaryong taong walang kakayahang umahon mula sa rumaragasang baha at putik?

Siniphayo ba kaya ng Diyos ang tipanan na Kanyang dulot at kaloob at nais para sa atin at sa Kanya?

Habang nagdurugo ang puso ng marami sa pagsapit ng katotohanang wala tayong kakayahan na lumaban sa nagngingitngit na kalikasan, lalung nagdurugo ang puso natin sa kabatirang tayong lahat ay may papel at rolyo sa anumang sinasapit natin, bilang bayan, bilang tao.

Ang tao ang tampulan ng atensyon at pag-ibig ng Diyos. Paulit-ulit na sinaad sa Genesis: “at nalugod ang Diyos sa kanyang nilikha.” Nalugod ang Diyos sa atin. Tulad
ng kalugurang hatid ng Panginoon sa mga batang hinayaan Niyang lumapit sa kanya. “Sapagka’t ang kaharian ng langit ay para sa mga tulad nila.”

At dito marahil dapat natin ituon ang pagninilay natin sa araw na ito …

Ang kaharian ng langit ay para sa mga tulad nila … mga batang musmos na walang malisya, walang kamuang-muang, simple, payak, hindi matakaw at madaya, hindi mapagkamal, at hindi mapag-imbot, hindi suwail, hindi nagnanakaw at nagmamalabis sa kapwa. Ang kaharian ng langit ay para sa mga katulad nila.

Mahaba at maraming taon na ang nakaraan magmula nang binansagan natin ang bayan bilang perlas ng silanganan. Maraming taon na natin inaawit ang isang katotohanang mabilis nagiging kabulaanan … dahil sa ating sariling kagagawan! Ang bahang rumagasa sa maraming lugar sa bayan ay puno ng putik, ng lupang naanod mula sa bundok na wala nang puno. Ang kalikasan kinalugdan ng Diyos ay siya ring kalikasang winalang-hiya ng tao, ng mga taong hindi na bata, na puno ng malisya, puno ng pagkamakasarili, puno ng pagkakanya-kanya. Ito ay nagmula sa mga nagdedesisyon na payagan ang mga nakapaglalagay na sirain ang mga gubat mula sa kalooban, para hindi nakikita ng tao. Ito ay nag-uugat sa mga permit na nareretoke, nahihimas, at nagagawan ng paraan, basta may kilala ka sa tamang opisina at sa tamang tao sa pamahalaan. Ito ay nagsisimula rin sa walang sawa nating paggamit ng basurang hindi naaagnas, mga plastik na hindi natutunaw. Ito ay nagmumula rin sa mga politikong nagdadala ng mga maralitang tagalungsod upang masigurado nila ang kanilang panalo sa halalan.

Ito ay nag-uugat rin sa pagkagahaman ng mga may kaya sa sobrang laki at garang mga tahanan na nangangahulugang ang mga bundok at mga kaparangan ay pinapatag upang pagtayuan ng bahay na iilang butil naman ang nakatira sa loob.

Ang lahat ng ito ay nag-uugat sa kasalanan ng tao… kasalanan nating lahat na unti-unting nabubulag sa maraming kasakitan ng lipunan dahil sa kinasanayan na natin, tulad halimbawa na ang mga bundok at puno ay dapat nang patagin upang madagdagan ang malls, ang golf courses, at mga palaruan ng mga may perang puedeng sunugin.

Ang aklat ng Genesis ay isang salaysay ng tipanan. Nagsimula ang lahat sa isang tipanan na binale-wala ni Adan at Eva. Nagbunga ito ng kamatayan, ng paghihirap, ng pangangailangang magbanat ng buto upang ang tao ay mabuhay. Subali’t matapos ang pagsalungat sa balak ng Diyos, pagtitipon at pagniniig pa rin ang dulot ng Diyos sa taong makasalanan. Hindi Siya nanghinawa at nagsawang tumawag sa atin sa isang pagtitipon at kaisahang malalim at wagas.

Ang kanyang pag-ibig sa atin ay walang hangganan, tapat, wagas, at walang kapantay. Ito ang panawagan sa atin ngayon. Ang sakramento ng kasal ay dapat isang larawan ng tipanang ito sa pagitan ng Diyos at ng tao … isang tipanang wala dapat balakid, walang pasubali, walang pagbabakli. At pinagsama ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin …

Isang malinaw na pahatid sa atin ang mga nagaganap sa kasaysayan. Ang Diyos ay patuloy na nagpapahayag at nagwiwika sa atin. May papel tayong lahat sa ating kapighatian. Nag-ugat ang lahat ng ito sa ating pagkamakasalanan, ang ating pagbabale-wala sa tipanan na ating iniwanan at nilisan. Kasama rito ang tipanan at tipunan o pagniniig na dapat ring mabasa at masalamin sa wastong paggamit natin ng kaloob ng kalikasan.

Sa maraming antas, huli na ang lahat para sa buong daigdig. May mga naglaho nang mga hayop at halaman sa buong mundo. Ang pagbabago sa takbo ng kalikasan at ng klima ay tila hindi na maipapanumbalik sa dati. Subali’t mayroon tayong kakayahang magbago … lahat tayo … sapagka’t ang may –akda ng tipanan, ang may kakayahang tumugon sa tipunan na panawagan ng Diyos ay walang iba kundi ang nilikha ng Diyos na matalino at may angking kapasyahan at pamamalakad ng sarili … tayong lahat.

Maging tulad nawa tayo ng isang bata. Puno ng pag-asa sa Diyos, wala siyang binabalak na anumang panlalamang sa iba. Ilan pa kayang trahedya ang dapat mangyari bago tayo magising sa katotohanang tayo ay napapasailalim sa isang tipunan na may kaakibat na tipanan?

Kahabagan nawa tayo ng Diyos!