frchito

Archive for the ‘Tagalog Sunday Reflections’ Category

IBA’T IBA, NGUNI’T IISA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Mayo 17, 2010 at 13:44


LINGGO NG PENTEKOSTES
MAYO 23, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 2:1-11 / 1 Cor 12:3-7, 12-13 / Juan 20:19-23

Tapos na ang mahabang paghihintay ng bayan. Nagwika na ang higit na nakararami. Bagama’t ang nagwagi sa halalan ay hindi pinili ng karamihang Pinoy sa buong kapuluan, hindi maipagkakailang ang mga nagwagi ang siyang hinirang ng lamang na numero ng mga bumoto at nagpahayag ng kanilang damdamin. Iba’t iba ang pinili ng balana. Sa dami ng mga kumandidato sa pagkasenador lamang (mahigit sa 80!), ang mga lumutang na mga pangalan ay silang mga datihan na at luma – mga pangalang naka-ukit na yata sa isipan ng mga mamboboto.

Hindi ko maipagkakailang hindi ako masaya sa resulta sa maraming kadahilanan. Hindi ko rin maipagkakailang nasusot ako sa takbo ng mga pangyayari, ngayon, at sa iba pang nagdaang mga eleksyon. Nguni’t dapat ko ring sabihing masaya ako sapagka’t kahit man lamang ngayong taong ito, ang tunay na kalooban ng mga mamboboto ang siyang naghari, at hindi ang malawakang dagdag-bawas!

May isang ibang uri ng hanging umiihip sa dako natin ngayon!

Hanging umiihip … ito ang isa sa malinaw na larawan sa pista ng pentekostes! Sa pagbaba ng Espiritu Santo, ihip ng hangin at dilang apoy, at dagundong ang natambad sa paningin natin. Ito ang kapangyarihang galing sa itaas na siya nating pinagyayaman at ginugunita sa araw na ito.

Sa demokrasya, kapangyarihan mula sa ibaba ang naghahari – ang kapangyarihan ng mamboboto, ang kapangyarihan ng taong-bayan. Sa Inang Simbahan, kapangyarihan mula sa itaas ang siyang naghahari, ang siya nating pinaiiral.

At dito papasok ang mga samut-sari nating mga suliranin sa lupang ibabaw. Sa mundong ito, na lupang bayan nating kahapis-hapis, puno ng pagkakaiba ang nakikita natin, puno ng pagtatangi at pagkakahiwa-hiwalay. Naroon ang maka LP at maka NP … naruon din ang mga balimbing na hindi mo malaman kung ano talaga ang partido nila … naroon ang mga taong sala sa init at sala sa lamig. Narito rin tayong mga salawahan at mga hunyango, na kung minsan ay maka-Diyos at malimit ay makamundo at makasarili.

Ito ang larangang iniikutan natin lahat – ang mundong nababalot ng kultura ng kasalanan, kultura ng kayabangan, pag-iimbot, at pagkamakasarili. Nandyan ang lahat ng uri ng pagkakahati-hati sa iba’t ibang mga grupo o pulotong, ang kawalan ng kaisahan, ang kawalan ng pagsasamahan sa ilalim ng iisang pamunuan. Bagama’t nanalo ang mga nanalo, alam nating hindi pa man nagsisimula sila sa kanilang panunungkulan, ay marami nang bumabatikos sa kanila.

Ang bayan natin, tulad ng buong simbahan, tulad ng lahat ng mga sumasampalataya kay Jesus, ay nababalot ng pagkakahiwa-hiwalay at pagkakahati-hati.

Ano ba kaya ang kailangan natin upang magkaniig at magkaisa?

Kailangan natin ng mga dilang apoy na bababa rin sa atin upang tupukin ang lahat ng hidwaan sa bayan natin. Kailangan natin ang Espiritu Santo. At sa dahilang sa araw na ito ay ginugunita natin ang kanyang pagbaba, minarapat kong paalalahanan ang lahat na sapagka’t dumating na Siya at bumaba, ang tanging dapat natin gawin ay ang tanggapin siya nang buo ang loob, at walang pasubali, walang pagtanggi, at may ganap na pagtanggap.

Kailangan natin ng malakas na hangin. Sa panahong ito kung kailan sinusunog tayo ng El Nino, minarapat ko ring ipaalaala sa ating lahat, na higit pa sa El Nino ang init ng ating mga pagtutungayaw at pag-aalipusta sa isa’t isa. Kaisahan ang dulot ng ihip ng hangin … hindi lamang kaisahan kundi katapangan. Ang mga nahihintakutang mga disipulo ay nangagsipaglabasan sa kanilang pinagtataguan upang mangaral, magpahayag, at mamuno sa mga taong lupasay sa takot at pangamba.

Sari-saring hangin ang umiihip sa buhay natin bilang bayan. Nandyan ang ihip ng paghihiganti … ang paghahanap na magbayad ang mga kinamumuhiang kalaban at katunggali sa politika. Nandyan ang ihip ng hangin ng kayabangan ng mga taong naihalal lamang ay “feeling great” na, at “feeling powerful” na. Nandyan ang ihip ng hangin ng mga hambog at bulaan na ang pangako sa bayan ay hanggang sukdulan ng langit, nguni’t wala namang laman kundi hangin … parang ampaw na walang bigat, walang dating, walang laman!

Maraming nakapinid sa buhay natin ngayon … hindi lamang pinto na nakakandado. Nakapinid ang mga mata at isipan sa maaaring mabago, maaaring mapahusay at mapabuti. Kay raming mga kontrabida sa poll automation. Kay raming mga propeta ng kapariwaraan. Nang magtagumpay, masaya ang lahat. Kay raming mga propeta na, hindi pa man nagsisimula ang bagong administrasyon, ay puro kabulukan na ang kanilang awit. Sala-salabat na ang kanilang mga dila sa pagbatikos sa problemang hindi pa nangyayari.

Sa araw na ito, lakas mula sa itaas ang dumarating. Hindi mga survey at mga mapanlasong mga pluma at papel at periodiko. “Sumainyo ang kapayapaan!” Ito ang sabi ng Panginoong muling nabuhay at umakyat sa kanan ng Ama. Ito ang pangako at tagumpay na kaloob ng Panginoong nagkaloob pa nang higit pa … ang pagdatal at pagbaba ng Espiritu Santo.

Halina, O Espiritu Santo! Liwanagan kaming lahat … puspusin kaming lahat ng iyong lakas at biyaya. Sunugin ang mga peklat ng lipunan naming hindi na yata makahulagpos sa lahat ng uri ng katiwalian. Hipan nang malakas ang mga balakid sa buhay namin na siyang hadlang sa aming pag-unlad na ganap. Patungan kami ng dagundong ng kulot na maggigising sa aming pagka-idlip sa paggawa ng mabuti. Pukawin ang mga isipan namin upang, tulad ng mga apostol, kami ay mangagsipaglabasan, at mangaral sa ngalan mo, at sa Iyong kapangyarihan. Iba’t iba ang aming mga ibinoto. Iba’t iba ang mga sinuportahan namin. Iba’t iba ang mga paniniwala namin.

Subali’t IISA ka, O Diyos! Iisa ang iyong kaloob… Iisa ang Espiritung sa amin ay lumukob. Halina, O Espiritung banal. Lukuban kaming ganap upang mapanuto at upang makatunghay ng isang bagong bukang liwayway ng ganap na pagbabago at buhay ayon sa kaloob mong alay!

Pagpalain Mo kaming iyong bayan, dine sa lupang bayang kahapis-hapis, tungo sa langit na tunay naming bayan. Amen!

KAPANGYARIHAN MULA SA ITAAS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Mayo 11, 2010 at 09:02


Pag-akyat sa Langit ng Panginoon(K)
Mayo 16, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 1:1-11 / Efeso 1:17-23 / Lukas 24:46-53

Nagsalita na ang taong-bayan. Matapos ang pagtutungayaw, pagpapalitan ng mga maaanghang na salita, mga patutsada at mga paratang, nagwakas na ang maingay at masalimuot – at – mahal na halalan. Hindi nanalo ang siyang may pinakamalaking salaping ginastos … hindi rin ang siyang pinakamagaling at pinakamatalino … at lalong hindi ang siyang pinaka-popular at iniidolo ng masa. Hindi man ako sang-ayon sa kung sino ang nagwagi, ang katotohanan ay ito … nagsalita na ang taong-bayan.

Sa mga pagkakataong ito, panghihina ang aking nararamdaman, panlulumo, at panghihinayang. Sa aking makatao at makamundong pagtingin sa mga bagay-bagay, mahirap tanggapin na ang kalooban ng Diyos ay tunay na nagdadaan sa tinig ng mga mamamayan, subali’t sa mata ng pananampalataya, ay wala akong ibang masasabi liban dito. Hindi man ako sang-ayon sa mga nanalo at mamamayagpag sa susunod na 6 na taon, batid kong ang kalooban ng Diyos ang siyang dapat maghari hanggang sa wakas ng mundo.

Dito ngayon papasok ang magandang balitang taglay ng mga pagbasa natin. Ang tatlong pagbasa ay tumutumbok sa iisang paksang komun – ang kapangyarihan. Ito ang katagang hindi makatkat sa aking isipan sa mga araw na ito … kapangyarihan. Kung titingnan natin ang makamundong mga pangyayari, ang kapangyarihang hawak ng marami ay galing sa iba’t ibang uri ng pandaraya, panlalamang, paniniil, at pansisikil. Ito ang kapangyarihang galing sa dahas, sa bunong braso, sa pagsasamantala sa kapwa.

Hindi ito ang magandang balita na pinapaksa sa kapistahan natin ngayon – ang pag-akyat ng Panginoong Jesucristo sa langit. Para sa Banal na Kasulatan, ang kapangyarihan ay galing mula sa itaas. Ayon sa Gawa ng mga apostol, ito ay kaakibat ng “pagbaba ng Espiritu Santo.” Ang kapangyarihang ito ay hindi lamang galing sa itaas. Ito ay kaakibat rin at karugtong at kasama ng “karunungan at ng tunay na pagkakilala sa Kanya,” ayon sa sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso. Ang tunan na pagkakilalang ito ay may kinalaman sa ngalan ng Diyos na hindi lamang isang pangalan … “higit ang kanyang pangalan kaysa lahat ng pangalan.”

Sa hanay ng mga kandidato sa pagka-Senador, nagsipagbalikan ang mga pangalang palasak at kilala na noon pang araw … mga pangalan ng kani-kanilang ama o tiyo, o nanay o lolo. Ewan ko ba kung bakit, pero sa Pinas, ang “name recall” ang pinakasiguradong pasaporte sa “paglilingkod sa bayan.” At hindi na natin dapat ilista ang mga ngalang ito …

Sa araw na ito, ang ngalang higit sa lahat ng ngalan ay nagpakita ng patunay na hindi maipagkakaila – ang luwalhating sumakob sa kanya bilang Diyos na nagkatawang-tao, nagpakasakit, namatay, at muling nabuhay! Siya ay hindi nagapi ng kasamaan, kasalanan, at katiwalian. Hindi lamang siya muling nabuhay, bagkus umakyat sa langit at naluklok sa kanan ng Ama.

Aking mungkahi sa bayang Pilipino na tingnan natin ang liksyong nagtatago sa sa tila isang pagkabigo at pagkatalo ng ilan sa atin, kasama ako. Hindi lumabas ang ngalan ng inaasahan kong mag-aangat sa bayan nang tunay at nararapat. Hindi nanalo ang aking inaasahang dapat manalo at mamuno.

At habang ako ay nakakaramdam ng panlulumo, ang magandang balita ng kaligtasan ay muling sumasagi sa daloy ng aking kamalayan. Hindi tao ang siyang mag-aahon sa atin. Hindi sinumang ngalang makatao ang siyang hahatak sa atin, bagkus ang ngalan na higit sa anumang ngalan sa mundong ibabaw.

Ito ang diwa ng kapistahan ng pag-akyat ni Jesus sa langit … tagumpay at kapangyarihan … kapangyarihang hindi ayon sa pamamaraang makamundo at makatao, kundi kapangyarihan mula sa itaas, na kaakibat ng karunungan.

Marahil ay karunungan ang siyang dapat bigyang-pansin at diin sa ating lipunan. Masyadong malakas ang pokus sa kapangyarihan – mga posisyon ng pamumuno. Subalit hindi posisyon ang pokus ng Panginoon, kundi paglilingkod. Ang kanyang kapangyarihan ay hindi pinangunahan ng anuman liban sa karunungan mula sa itaas.

Sa darating na Junio 30, bago na ang Presidente natin. Hindi man natin gusto o gusto man natin siya, pareho at iisa ang dapat nating pagtuunan ng pansin – ang magkamit ng karunungan mula sa itaas, ang kaalamang may kinalaman sa pagkilala sa tunay at dakilang ngalan ng Panginoon. Siya, tayong lahat ay dapat matuto sa kanya.

At alam natin ang unang liksiyon na dapat nating matutunan. Hindi nagsisimula at natatapos ang korupsyon sa Malakanyang o sa Congreso o Senado o pamahalaang bayan – o barangay! Nagsisimula ito sa puso ng bawa’t isa sa atin. At sinumang mamuno sa bayan, libang kung tanggapin natin at kilalalanin natin lahat ang katotohanang ito, ay hindi tayo paghaharian ng karunungan mula sa itaas.

Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang Panginoon! Mabuhay ang mga namumunong pinamumugaran ng karunungang mula sa Diyos!