frchito

Archive for the ‘Tagalog Sunday Reflections’ Category

PAKANIN AT PANGALAGAAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Abril 14, 2010 at 08:16

IKA-3 LINGGO NG PAGKABUHAY (K)
Abril 18, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 5:27b-32, 40b-41 / Pahayag 5:11-14 / Juan 21:1-19

Marami ang nagaganap sa mga araw na ito. Hindi halos tayo magkandaugaga sa pagsunod sa mga nagaganap. Nakalimutan na natin ang masaker sa Mindanao. Wala nang humahabol sa pagkamatay ni Nida Blanca, matapos ang maraming taon. Sumuko na tayong lahat sa kawalang kakayahan ng sinuman na malaman kung sino ang utak sa pagpaslang kay Ninoy Aquino. Tila sumuko na rin ang bayan na magpasya nang tama sa kung sino ang dapat ihalal. Tanging popularidad at karisma na lamang yata ang pinaiiral sa mga eleksyon, kundi pera at puro gimik at pakitang-tao lamang.

Isa sa mga tradisyon na ating matutunghayan sa Biblia ay may kinalaman sa pamumuno. Sa Banal na Kasulatan, ang pamumuno ay walang kinalaman sa paghahawak ng kapangyarihan, bagkus kababaang-loob at paglilingkod – ayon sa tradisyon ng isang aliping naghirap at nagpakasakit sa bayan.

Pinagnilayan natin ito sa nakaraang mahal na araw – at ang kasukdulan ng paglilingkod na ito ay ipinakita ni Jesus na Panginoong naglingkod at namuno sa pamamagitan ng ganap na paglalaaan at pag-aalay ng buhay para sa pinaglilingkuran.

Sa araw na ito, dalawang Linggo matapos ang muling pagkabuhay ni Kristo, muli pa niyang dinadagdagan ang kahulugan ng paglilingkod sa isang madamdaming tagpo na may kinalaman kay Simon Pedro.

Taliwas sa ipinakikita ng mga kandidato nating ang hangad ay maghari at mamuno, ang ipinadadama sa atin ni Kristo ay walang pasubali at walang pag-iimbot na paglilingkod na napapaloob sa dakilang kautusan ng pag-ibig. “Mahal mo ba ako, Simon, anak ni Jonas?” “Pakanin mo ang aking mga tupa.” ‘Pangalagaan mo ang mga batang tupa.”

Madamdaming tagpo ito sa baybay dagat, sa isa sa marami niyang pagpapakita matapos ang muling pagkabuhay. Puyat at pagod si Pedro at mga kasama. Buong gabing nagpagal at nagsikap maghanap-buhay. Sa kinaumagahan, dumating si Jesus at tumulong upang sila ay makahuli: “Ihulog ang lambat sa gawing kanan ng bangka.”

Madaling sabihin sa araw na ito kung paano ang tunay na diwa ng paglilingkod. Alam kong sa mga araw na ito, kung kailan nasa headlines na naman ang simbahan dahil sa mga krimen ng ilang bulok na itlog sa hanay ng mga kaparian, mahirap magwika sa tungkulin naming “pakanin at pangalagaan” ang mga “batang tupa.” Batid kong, bagama’t ang higit na nakararami sa mga kaparian ay walang ibang nais kundi paglingkuran ang Diyos at ang Kanyang bayan, batid ko ring mayroon ilang sumira sa aming imahen at larawan at reputasyon. Tulad ng batid kong, sa kabila ng katotohanang mayroong mga namumuno sa bayan natin na mahusay at mabuti, ang ginagawa ng ilang mga buktot at palalo at pasaway sa lipunan ay walang kapantay sa kasamaan – ang mga korap, mga tiwali, mga masiba, at mapagsamantala at nag-aabuso sa kanilang kapangyarihan.

Una ako sa paghingi ng paumanhin sa kapwa ko mga Pinoy. Humihingi kami ng tawad sa kasalanan namin sa harap ng Diyos at tao. Nguni’t una rin ako sa hanay ng mga taong umaasang kami, tayo, at mga nagsisikap mamuno ay mapasa-ilalim sa parehong kautusan at kalooban ng Diyos para sa kapakanang pangkalahatan. Kasama ako sa mga umaasang ang paghahari ng Diyos ay manunuot pang muli at mamamayagpag sa lahat ng antas ng lipunan natin. Kaisa ako ng mga taong may mabubuting kalooban na patuloy na nagsisikap upang ang lipunan natin ay unti-unting magbalik-loob sa Diyos at maging bukas sa utos na iniatang ng Diyos sa balikat ng katulad namin na patuloy na nagtuturo ayon sa kagustuhan ng Diyos, sa pamamagitan ng Santa Iglesya.

Lahat tayo ay nagkulang at nagkamali. Lahat tayo ay tinimbang nguni’t kulang. Lahat tayo ay nalihis sa landas ng katuwiran at kabanalan.

Nguni’t lahat tayo ay may pag-asa pa. Lahat tayo ay patuloy na tinatawagan ng Diyos na buhay na patuloy na magsikap, patuloy na magpagal, at patuloy na kumilos upang ang Simbahan, una sa lahat, ay maging tapat sa kanyang tungkuling maging muog ng kabanalan, at ang lipunang sibil, ay magampanan ang pananagutang ihatid sa wastong landas ang mga “batang tupang” nakatingala at naka-asa sa kanilang paggagabay at pamumuno.

Matay nating isipin, iisa ang layunin ng Diyos para sa atin. Iisa ang tinutumbok ng Simbahan at ng lipunang sibil sa pamamagitan ng pamahalaan – ang kapakanang espiritwal at material ng lahat. Sa wakas, ang hinaharap nating tadhana ay iisa at pareho – ang buhay na walang hanggan kaparis ang Diyos na iba-iba ang tawag natin.

Ikaw, ako, tayong lahat ngayon ay inaasahan ni Kristo … “Pakanin mo … pangalagaan mo…”

LIMOT, LUGI, WAGI!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Marso 17, 2010 at 05:43


Ikalimang Linggo ng Kwaresma (K)
Marso 21, 2010

Mga Pagbasa: Is 43:16-21 / Filipos 3:8-14 / Juan 8:1-11

Kapaitan ang mga pinagdaanan ng bayan ng Diyos sa kanilang kasaysayan. Kapaitan rin ang salaysay ng bawa’t isa sa atin magpahangga ngayon … higit sa lahat, ang kapaitan ng pagkawalay sa Diyos, pagkaligaw ng landas, at ang karanasan ng mapait na pagtangis sa mga pagkakamali.

Tumbukin na agad natin ang buong katotohanan … Sino sa atin ang walang sala? Sino sa atin ang hindi naligaw ng landas? Sino sa atin ang hindi natulad sa alibughang anak na pinagnilayan natin noong nakaraang Linggo? Sino sa atin ang hindi natulad kailanman sa mainggitin at mapagtanim na kapatid na nakatatanda na nagtampo sa Ama, sapagka’t ang lapastangang kapatid ay bumalik at muli niyang tinanggap sa kanilang pamamahay?

Vamos a ver … sino ang walang bahid ng anumang sala sa atin?

Ito ang nais sana ipagunita sa atin ni Isaias sa unang pagbasa. Sa pamamagitan ng kanyang mga panulat, ipinagugunita sa atin ng Diyos kung paano dapat nang “ilibing sa limot at limutin na ngayon” “ang mga nangyari noong unang panahon.”

Limot … dito magaling ang Panginoon. Hindi siya mapagtanim. Hindi siya mapagkimkim. Handa niyang pawiin ang lahat-lahat, mapanuto lamang ang kanyang pinakamamahal na angkan.

Limot … dito tayo hirap na hirap bilang tao. Mabilis natin malimutan ang mga kabutihang nangyari sa atin, nguni’t hirap tayong limutin ang mga masasamang nagagawa sa atin ng kapwa.

Bilang isang tagapayo o counselor, isa sa mga pamamaraang mabisa upang mabago ang pananaw ng tao sa mga bagay-bagay, ayon sa aking karanasan, ay ang tinatawag ni Adler na “reframing.” Ito ang pagtingin sa isang pangyayari o suliranin sa pamamagitan ng isang panibagong “punto de vista” o ang paglalagay ng isang larawan sa isang naiibang kwadro (frame). Kung minsan, kapag pangit ang kwadro, kahit maganda ang larawan ay pumapangit na rin. Nguni’t kung maganda ang kwadro, ay pati masamang larawan ay tila gumaganda.

Ito ang gusto kong isipin na mensahe ni San Pablo sa ikalawang pagbasa. Nakita niya ang lahat bilang tila isang “pagkalugi.” Kung tutuusin, malaki ang nalugi kay San Pablo. Marami siyang alam sa buhay. Isa siyang siyudadano ng Roma (Roman citizen), na may karapatang nakalaan para sa mga siyudadanong Romano. Isa siyang matalinong tao, isang paham na Judio, na may sinasabi sa buhay. Nguni’t nang makilala niya si Kristo at sumunod nang lubusan, ang kanyang buhay ay sa biglang wari, ay nagkawindang-windang …. Napahamak … napariwara kumbaga. Nguni’t sa kabilang banda, kung titingnan ang kapalit ng lahat, nakuha niyang sabihin ito: “Inari kong kalugihan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Kristo Hesus na aking Panginoon.”

Marami ang dahilan natin sa panahong ito upang makaramdam ng pagkalugi. Hindi natin malimutan ang mga kawalang hiyaaang ginawa at ginagawa ng mga namumuno sa ating bayan. Para sa mga inabuso ng mga kapwa naming pari sa maraming lugar sa buong mundo, hindi sila lubusang makalimot at makapagpatawad. Hindi natin malimutan ang mga pribilehiyong nakamit natin noong maganda ang takbo ng ekonomiya. Hirap tayong lumimot at lumisan sa iba-ibang uri at antas ng luho, ng kasarapan ng buhay, at ang pagkakamal ng kapangyarihan. Di ba’t ito lamang ang dahilan kung bakit ang mga pamilyang nakatikim maging mayor ng bayan at mga siyudad sa buong Pilipinas ay ayaw nang ibigay ang pagkakataon labas sa kanilang mga anak, apo, pamangkin at mga inangkin?

Mahirap limutin ang sarap ng buhay, ang pagkakataong kumadlo sa maraming pera, lalu na’t kalakip nito ang karapatang maturingang “honorable” o kagalang-galang, kahit wala ni hibla ng pagkakagalang-galang sa kanyang pagkataong walang matunghayan ang madla liban sa pagiging mandarambong!

Mahirap lumimot sa masarap. Mahirap lumimot sa kapaitan. Kalimitan, puro pagkalugi ang damdaming namamaulo sa ating isipan.

Luging lugi ang babaeng nahuli sa pakikiapid. Wala siyang kalaban-laban. Bagama’t dalawa ang gumawa ng kasalanan, ang babae lamang ang siyang dapat magbayad nang malaki at patayin sa walang patid na pagpupukol ng bato sa liwasan. Nasaan si lalaki? Malamang ay kasama duon sa madlang uhaw sa kanyang dugo. Walang sinumang nanggagalaiti sa lalaking kasama niya sa pagkakasala, nguni’t ang lahat ng kumukulo ang dugo sa kawawang babae na puro pagkalugi ang sinapit.

Nguni’t dito lumutang ang isang panibagong balita ng panibagong buhay ng isang gurong di maglalaon ay magiging larawan din ng pagkalugi … Si Jesus … na di magtatagal ay papatawan din ng walang kapantay na makamundong pagkalugi sa pamamagitan ng kamatayan sa krus.

Oo, kaibigan … may hustisya o katarungang maka-Diyos. May pagwawaging naghihintay sa mga lugi sa mundong ibabaw. At ang kampeon ng pagwawaging ito ay dili iba kundi siyang sa paningin ng daigdig ay lugi, talo, nagapi at at natapakan sa ulo ng makapangyayari sa mundo.

Nagtipon tayo ngayon sa simbahan upang makarinig ng magandang balita. Ito, kapatid, ang magandang balitang pahatid sa atin ngayon. Hindi maglalaon, hindi magtatagal, pasasaan ba, at ang lahat ng pagkaluging ito ay bibigyang-katarungan ng Diyos na hindi natutulog sa kabila ng susun-suson, at patong-patong nating pagkabigo.

Muli na naman natin nakikita ang mga guhit ng pagkabigo sa lipunan natin. Marami ito … at ang masaklap pa ay hindi nakikita ng karamihan ang suntok ng mga kapaitang ito. Nandiyan ang mayamang gumagastos ng bilyong piso para lamang sabihin sa taong siya ay mahirap. Nandyan ang kandidatong namuno na at ang kanyang tanging napatunayan ay madulas siya at matatas sa panloloko ng mga dukha, na pinalalabas niyang siya lamang ang may kaya at may puso upang tulungan (o pagsamantalahan!). Nandiyan ang katotohanang ang nagpapatakbo ng lipunan natin ay pawang kababawan galing sa mga mabababaw na palabas sa TV, ng mga taong nagsasamantala rin sa kamangmangan at kahirapan ng balana.

Mabaha ang listahan natin. Lugi ang lahat. Di tayo marunong lumimot sa dapat limutin, at di rin tayo marunong magtanda nang wasto at matuto sa mga aral ng kasaysayan.

Wala na baga tayong pag-asa? Hindi ito ang ipinunta natin sa simbahan ngayon. Hindi ito ang pinagsasayangan ko ng aking tinig at laway at panitik.

May magandang balita para sa atin lahat. “Ilibing na sa limot ang mga nangyari noong unang panahon.” “Ituring na pagkalugi ang lahat bilang kapalit ng lalong mahalaga.”

At tandaan … kung magagawa natin ito, kung kaya natin lumimot, hindi tayo lugi, bagkus, kasama ng babaeng tila siniphayo ng tadhana at ng buong daigdig, wagi siya sapagka’t nakarinig siya ng pangakong mas mahalaga sa lahat: “Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala.”

Bosco Hall, FDMS Campus
119-A Route 10
Tai, Mangilao, GUAM