frchito

Archive for the ‘Tagalog Sunday Reflections’ Category

NARITO ANG UNANG BUNGA, PANGINOON!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Pebrero 17, 2010 at 06:24

Unang Linggo ng Kwaresma (K)
Pebrero 21, 2010

Mga Pagbasa: Deuteronomio 26:4-10 / Roma 10:8-13 / Lucas 4:1-13

Ewan ko kung ano ang inyong karanasan tungkol sa bagay na ito, pero noong araw, ang unang kita o unang sweldo ay nakalaan, hindi para sa sarili, kundi sa dalawang intensyon. Una, isang bahagi ng kita ay inilalaan para sa pamisa ng pasasalamat. Ikalawa, ang unang sweldo ay malimit na iniaalay sa magulang, na nagpakahirap upang mapagtapos sa pag-aaral ang anak.

Para sa akin, ito ay isang kagawiang dapat ay maunawaan natin, kundi ibalik sa ating lipunan. Tanda ito ng isang mahalagang saloobin – ang pasasalamat, ang pagkilala ng pagkakautang ng loob, at ang malayang pagkakaloob ng kung ano mang tinitingalang biyaya na tinanggap ng tao mula sa Diyos, o sa kapwa tao.

Ito ang sinasaad ng unang pagbasa, na may kinalaman sa mga batas na iniwan ng Diyos kay Moises upang ipatupad. Ito ay ang batas ng kung anong dapat gawin ng mga tao sa unang bunga, unang ani, unang kita. Ang lahat ng una, tulad ng panganay na anak na lalaki, ang unang bunga ng mga pananim, ang unang kita, kumbaga, ay nakalaan sa Panginoon. At sapagkat nakalaan sa Kaniya, ay dapat ialay muli sa Panginoon.

Kung ito ang gagawin nating batayan ng isang pagpapaliwanag tungkol sa Kwaresma, magkakaroon ng positibong kahulugan ang mga bagay na dapat natin isagawa sa panahon ng apatnapung araw na paghahanda.

Malimit natin isipin na ang apatnapung araw ng paghahanda ay isang pagpapahindi sa sarili. Sa maraming tao, ito ay isang pagtanggi sa anumang hindi naman masama, ang pagtanggi sa pagkain, pagliban sa panonood ng sine, pagtanggin sa alak at anumang nakalalasing na inumin, at marami pang iba.

Ito ay negatibong pananaw sa apatnapung araw ng paghahanda.

Nguni’t kung titingnan natin ang sinasaad sa unang pagbasa, walang negatibong nilalaman ang pag-aalay na hinihingi ng batas ni Moises. Ang unang bunga ay mahalaga. Ang unang bunga ng pananim ay matagal na hinintay, matagal na pinagpagalan, at pinahahalagahan nang tunay. Nguni’t sa dahilang ito kinikilala bilang kaloob ng Diyos, ang pag-aalay nito muli sa nagbigay ay isang positibong gawain na nagpapabago ng kahulugan ng pag-aalay.

Hindi ito isang pagpapahindi sa sarili lamang, kundi pagtanggap at pagkilala sa Diyos na siyang nagkaloob ng lahat.
Ito ay binibigyang-diin ng ikalawang pagbasa halaw sa sulat sa mga Romano. Ipinagtatagubilin ni Pablo ang “pagpapahayag ng labi” tungkol sa pagka Panginoon ni Kristo. Ipinaalaala niya na ang kaligtasan ay nasa ating mga “labi at nasa puso.” Ang lahat ng ito ay tanda ng pagkilala sa Diyos na bukal ng lahat ng biyaya at simulain ng lahat ng kabutihan.

Hirap na ngayon ang mga tao magpahindi sa sarili. Hirap tayong iwanan ang alak, ang mga bisyo, at ang pagpapasasa sa sarili. Ngunit kung tutuusin, hindi ang pagtanggi sa mga bagay-bagay ang mahirap. Ang tunay na mahirap ay ang kilalanin na ang lahat lahat ay galing sa isang Diyos na nagkakaloob ng lahat. Ang mahirap kilalanin ay ang katotohanang “kung wala si Kristo, ay wala tayong magagawa.”

Samakatuwid, ang problema ng tao ngayon ay hindi ang kawalang kakayahang magpahindi sa sigarilyo, sa bisyo, o sa pagkain, kundi ang kawalang kakayahang kumilala sa Diyos, ang kahirapang tanggapin na ang Diyos ay may kinalaman sa lahat ng aspeto ng buhay natin.

Ito ang diwa ng sekularismo – ang paniniwalang ang Diyos ay wala nang kinalaman sa buhay natin ngayon.

Ito ang mahirap gawin – ang magpasailalim sa Diyos. Mahirap iwan ang maraming bagay kung wala tayong tinatanaw na mas higit pa sa atin. Mahirap tanggihan ang tawag ng pagpapasasa sa sarili kung wala tayong pinapanginoon.

Iyan ang dahilan kung bakit ayon sa ebanghelyo ngayon, makaitlong beses tinukso si Kristo ng dyablo at makaitlo niyang tinanggihan ang kanyang pambubuyo. At ito ang tanging dahilan … kinilala niya ang kanyang Ama … kinilala niya na hindi lamang tayo nabubuhay nang walang koneksyon sa Diyos. “Nasusulat … huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.”

Mayroon ka bang lubhang pinapahalagahan sa buhay mo? Mayroon ka bang pinanghahawakan na hindi mo mabitaw-bitawan? Kung magtatapat tayo nang lubusan sa ating sarili, tatanggapin natin na ito ay hindi sapagkat ang mga bagay na yaon ay tunay na mahalaga, sapagka’t walang nagtatagal sa mundong ibabaw. Aminin natin … ang pag-aatubiling ito ay dahil lamang sa paglalaho ng Diyos sa buhay natin, ang paniniwalang wala na siyang kinalaman sa pang-araw-araw na buhay ng tao.

Nagsimula na ang apatnapung araw ng paghahanda. Magkakamali tayo kung ang pahahalagahan natin kung ano ang dapat iwaksi o tanggihan. Ang kwaresma ay hindi pagtanggi, bagkus pagtanggap – sa Diyos – kay Kristong kanyang Anak. Ang mahalaga ay ang tanggapin na Siya ay Panginoon, bukal at simulain ng lahat ng biyaya. Tanging Siya lamang ang karapat-dapat sa “mga unang bunga ng mga pananim.”

PUMALAOT, IHULOG ANG LAMBAT, UPANG MAKAHULI!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Pebrero 2, 2010 at 13:03

Ika-5 Linggo ng Taon(K)
Pebrero 7, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 6:1-2a, 3-8 / 1 Taga-Corinto 15:1-11 / Lucas 5:1-11

Ayaw natin ng lahat ng uri ng kababawan. Ayaw natin ng puro pa-cute lamang sa mga naglilingkod sa bayan. Hindi natin gusto ang puro palabas lamang, bagaman at, tila ang mananalo bilang Presidente ay isang taong katulad lamang ng mga kalsadang aspaltado na kanyang pinagkakaabalahan. Ayaw rin natin ng mga kandidatong kaya lamang tumanyag ay dahil sa kanilang apelyidong tanyag. Ayaw natin ng mga pangakong parang ampaw lamang – hungkag at walang laman. At higit sa lahat, ayaw natin ng mga taong sa kabila ng lahat ng pangako at mababagsik na salita laban sa katiwalian, ay tiwali rin palang walang katulad.

Kababawan … ito ang hindi ipinagawa ng Panginoon sa mga disipulo. Tumbukin agad natin … Nang buong magdamag na nagsikap makahuli ang mga disipulo ng isda, muli niyang inutusan ang mga puyat at pagod, at marahil ay wala nang pag-asang mga disipulo: “Pumalaot kayo …”

Isang magandang panalangin ni Sir Francis Drake ang hindi makatkat sa aking isipan. Hiniling niya sa Diyos na hindi siya matulad sa mga taong nanatili lamang sa pampang at malapit sa dalampasigan … mga taong ayaw pumalaot sapagka’t nangangamba, natatakot, nag-aalanganin, nag-aatubili.

Ang pananatili sa pampang ay isang malinaw na tanda ng isang taong ayaw mangahas, ayaw isugal, ika nga, ang katiyakan, at kapanatagan ng kalooban, at walang kakayahang isuong ang sariling kapakanan sa ikabubuti ng pangkalahatan. Ito ang mga taong sukat na sukat ang bawa’t kilos, mga namumunong hindi gagalaw hangga’t wala silang mahihita o kikitain sa anumang transaksyon.

Takot ako sa kababawang ito ng isang taong walang kurap na nagnanakaw sa kaban ng bayan, at naniningil ng labis sa pamahalaan, kahit na ang tunay na kikita ng malaki ay siya rin.

Takot ako sa kababawan ng mga panoorin sa TV na nagsasamantala sa kahirapan, kamangmangan, at kasalatan ng mga taong ang tanging pinanghahawakan lamang ay isang hungkag na pag-asang sila ay baka sakaling maambunan ng biyaya mula sa lahat ng uri ng kababawan at panlilibak sa kapwa na nagaganap sa telebisyon.

Takot rin ako sa kababawan ng mga pastol ng simbahan na laging wala sa kanilang mga parokya, parang mga retiradong mga “tagapaglingkod” na may oras para sa golf at panonood ng TV, nguni’t walang oras sa pagpapakumpisal at pagbisita sa mga maysakit.

Kababawan … ito ang sakit ng mga taong ang gusto ay manatili sa pampang at dalampasigan, namamaybay lamang sa mababaw na tubig ng katiyakan at kawalang-pansin.

Mayroon tayong ilang halimbawa ng kabaligtaran ng kababawan. Una si Isaias, na hindi nag-atubiling sumagot sa Panginoon: “Narito po ako. Ako ang isugo ninyo.” Ang taong handang sumuong sa trabaho ay hindi isang taong mababaw at walang kakayahang lumalim at maging makahulugan.

Isa ring halimbawang tumataginting si San Pablo … Itinuring niya ang sarili bilang “tulad ng isang batang ipinanganak nang di kapanahunan,” subali’t naging apostol. Anong uring apostol ba si Pablo? Siya na mismo ang nagsabi. Hindi basta basta. Hindi patakbuhin. Hindi mababaw at pakitang-tao lamang. Siya na rin ang nagsabi: “Nagpagal ako nang higit kaysa kaninuman sa kanila, bagama’t hindi ito sa sarili kong kakayanan.”

Pumalaot si Isaias. Pumalaot rin si Pablo. Ngunit higit sa lahat, si Jesus ay hindi lamang pumalaot. Mayroon pa siyang ginawa … nagpatihulog siya sa kamay ng mga tampalasan sa ikapapanuto ng sambayanan. Ngayon, sinasabi niya sa atin … Hindi sapat ang kababawan. Walang mararating ang pagkukunwari, panlilinlang, at pangbabalasubas ng bayan. Walang mahihita ang lahat ng uri ng pakitang-tao at pahapyaw na pagtupad sa tungkulin. Hindi makakalayo ang kalsadang pinalitadahan lamang ng manipis na patong ng alkitran o semento.

Malinaw ang tagubilin ni Jesus … pumalaot … lumayo … lumalim … lumarga pa … at ipagtagubilin ang sarili sa Diyos. Higit rito, sinabi niyang kailangang “ihulog” ang lambat sa kalaliman. Kailangang ihulog ang lahat ng personal na katiyakan at kasiguraduhan. Kailangang tulad ng binhi ng mustasa, ay mahulog sa lupa upang yumabong at mamunga.

Iisa ang tinutumbok nito … kailangang lumalim… kailangang magpakatunay, magpakatapat, magpaka-totoo.

Pumalaot … ihulog ang lambat, ibagsak ang lahat ng kababawan at ka-plastikan … magpakatotoo, magpakatunay, at ano ang bunga ng lahat ng ito?

Upang makahuli!

Isang mungkahi para sa lahat … mag-ingat sa lahat ng uri ng kababawan, kabulastugan, at kasakiman … Lahat ng ito ay nauuwi sa kapariwaraan. Pumalaot upang makahuli!