Ika-5 Linggo ng Taon(K)
Pebrero 7, 2010
Mga Pagbasa: Isaias 6:1-2a, 3-8 / 1 Taga-Corinto 15:1-11 / Lucas 5:1-11
Ayaw natin ng lahat ng uri ng kababawan. Ayaw natin ng puro pa-cute lamang sa mga naglilingkod sa bayan. Hindi natin gusto ang puro palabas lamang, bagaman at, tila ang mananalo bilang Presidente ay isang taong katulad lamang ng mga kalsadang aspaltado na kanyang pinagkakaabalahan. Ayaw rin natin ng mga kandidatong kaya lamang tumanyag ay dahil sa kanilang apelyidong tanyag. Ayaw natin ng mga pangakong parang ampaw lamang – hungkag at walang laman. At higit sa lahat, ayaw natin ng mga taong sa kabila ng lahat ng pangako at mababagsik na salita laban sa katiwalian, ay tiwali rin palang walang katulad.
Kababawan … ito ang hindi ipinagawa ng Panginoon sa mga disipulo. Tumbukin agad natin … Nang buong magdamag na nagsikap makahuli ang mga disipulo ng isda, muli niyang inutusan ang mga puyat at pagod, at marahil ay wala nang pag-asang mga disipulo: “Pumalaot kayo …”
Isang magandang panalangin ni Sir Francis Drake ang hindi makatkat sa aking isipan. Hiniling niya sa Diyos na hindi siya matulad sa mga taong nanatili lamang sa pampang at malapit sa dalampasigan … mga taong ayaw pumalaot sapagka’t nangangamba, natatakot, nag-aalanganin, nag-aatubili.
Ang pananatili sa pampang ay isang malinaw na tanda ng isang taong ayaw mangahas, ayaw isugal, ika nga, ang katiyakan, at kapanatagan ng kalooban, at walang kakayahang isuong ang sariling kapakanan sa ikabubuti ng pangkalahatan. Ito ang mga taong sukat na sukat ang bawa’t kilos, mga namumunong hindi gagalaw hangga’t wala silang mahihita o kikitain sa anumang transaksyon.
Takot ako sa kababawang ito ng isang taong walang kurap na nagnanakaw sa kaban ng bayan, at naniningil ng labis sa pamahalaan, kahit na ang tunay na kikita ng malaki ay siya rin.
Takot ako sa kababawan ng mga panoorin sa TV na nagsasamantala sa kahirapan, kamangmangan, at kasalatan ng mga taong ang tanging pinanghahawakan lamang ay isang hungkag na pag-asang sila ay baka sakaling maambunan ng biyaya mula sa lahat ng uri ng kababawan at panlilibak sa kapwa na nagaganap sa telebisyon.
Takot rin ako sa kababawan ng mga pastol ng simbahan na laging wala sa kanilang mga parokya, parang mga retiradong mga “tagapaglingkod” na may oras para sa golf at panonood ng TV, nguni’t walang oras sa pagpapakumpisal at pagbisita sa mga maysakit.
Kababawan … ito ang sakit ng mga taong ang gusto ay manatili sa pampang at dalampasigan, namamaybay lamang sa mababaw na tubig ng katiyakan at kawalang-pansin.
Mayroon tayong ilang halimbawa ng kabaligtaran ng kababawan. Una si Isaias, na hindi nag-atubiling sumagot sa Panginoon: “Narito po ako. Ako ang isugo ninyo.” Ang taong handang sumuong sa trabaho ay hindi isang taong mababaw at walang kakayahang lumalim at maging makahulugan.
Isa ring halimbawang tumataginting si San Pablo … Itinuring niya ang sarili bilang “tulad ng isang batang ipinanganak nang di kapanahunan,” subali’t naging apostol. Anong uring apostol ba si Pablo? Siya na mismo ang nagsabi. Hindi basta basta. Hindi patakbuhin. Hindi mababaw at pakitang-tao lamang. Siya na rin ang nagsabi: “Nagpagal ako nang higit kaysa kaninuman sa kanila, bagama’t hindi ito sa sarili kong kakayanan.”
Pumalaot si Isaias. Pumalaot rin si Pablo. Ngunit higit sa lahat, si Jesus ay hindi lamang pumalaot. Mayroon pa siyang ginawa … nagpatihulog siya sa kamay ng mga tampalasan sa ikapapanuto ng sambayanan. Ngayon, sinasabi niya sa atin … Hindi sapat ang kababawan. Walang mararating ang pagkukunwari, panlilinlang, at pangbabalasubas ng bayan. Walang mahihita ang lahat ng uri ng pakitang-tao at pahapyaw na pagtupad sa tungkulin. Hindi makakalayo ang kalsadang pinalitadahan lamang ng manipis na patong ng alkitran o semento.
Malinaw ang tagubilin ni Jesus … pumalaot … lumayo … lumalim … lumarga pa … at ipagtagubilin ang sarili sa Diyos. Higit rito, sinabi niyang kailangang “ihulog” ang lambat sa kalaliman. Kailangang ihulog ang lahat ng personal na katiyakan at kasiguraduhan. Kailangang tulad ng binhi ng mustasa, ay mahulog sa lupa upang yumabong at mamunga.
Iisa ang tinutumbok nito … kailangang lumalim… kailangang magpakatunay, magpakatapat, magpaka-totoo.
Pumalaot … ihulog ang lambat, ibagsak ang lahat ng kababawan at ka-plastikan … magpakatotoo, magpakatunay, at ano ang bunga ng lahat ng ito?
Upang makahuli!
Isang mungkahi para sa lahat … mag-ingat sa lahat ng uri ng kababawan, kabulastugan, at kasakiman … Lahat ng ito ay nauuwi sa kapariwaraan. Pumalaot upang makahuli!
Dear Father Chito,
Nabasa ko homiliya tungkol sa kababawan. Tinamaan ako, sapol pa, kasi mababaw lang ako. Paborito ko komersyal ni Noynoy sa TV, kasi hanga ako Nanay nya at ang cute ni baby James. Paborito ko din komersyal ni Dick Gordon, kasi parang pasko, babaw ko talaga.
Salamat Fr. Chito sa mga homiliya, magandang umaga.