frchito

Archive for the ‘Uncategorized’ Category

PAKITANG-TAO, PAGGAWA, PAGSISISI

In Uncategorized on Pebrero 21, 2012 at 18:18

Image

Miercoles ng Abo

Pebrero 22, 2012

Mga Pagbasa: Joel 2:12-18 / 2 Cor 5:20 – 6:2 / Mt 6:1-6, 16-18

 

Nasa kwaresma na naman muli tayo. Apatnapung araw na paghahanda para sa mga Mahal na Araw, na ang tugatog at hantungan ay ang minimithi ng ating pananampalataya – ang muling pagkabuhay ni Jesus! Para tayong paakyat sa Jerusalem, tulad ni Jesus, na unti-unti nating maririnig na paakyat sa banal na lungsod, kung saan siya pahihirapan, at makakaranas ng sukdulan ng pag-uusig mula sa mga kaaway ng katotohanan.

Subali’t bago tayo mag-asam na tumingala sa itaas, at mag-asam na makarating sa tuktok ng bundok, mayroon tayong dapat munang gawin – ang tunghayan ang katotohanang tayo magpahangga ngayon, ay nasasadlak pa sa lupang ibabaw, sa lupang bayang kahapis-hapis, sa mundong iniikutan natin, na nababalot ng sari-saring mga suliranin.

Ano ba ang natutunghayan natin dito sa kapatagan, sa ibaba, sa kalagayan natin bilang taong pawang hindi naka-abot sa luwalhati ng Diyos? Hayaan natin magwika ang mga pagbasa …

Ayon kay Joel, mababaw tayo … mapagkunwari … Mungkahi niya sa atin ay simple: “Warakin ang puso, hindi ang kasuotan!” Ano naman ang sabi ni Jesus? Huwag aniya masiyahan sa paimbabaw na mga pakitang-tao … ang pananatili sa mga pa-ekek na pagtunog ng mga trompeta at ang pagtindig sa mga luwasan at pampublikong lugar upang makita ng madla at mapalakpakan.

Malinaw ang tinutumbok ng Panginoon … paggawa, pagsisisi, hindi pakitang-tao!

Liksiyong malinaw ang sagisag ng abo. Mula sa apoy, tinupok at tinusta … abong natira sa pagsusunog ng mga palaspas … walang kwenta, walang silbi, walang anumang gamit.

Ito ang larawan natin, walang kwenta kumpara sa Diyos, walang silbi kung susuriin, walang anumang gamit, liban sa paalalahanan tayo ng isang mataginting na aral: “Alalahanin mo tao, na ikaw ay abo, at sa abo ka muling magbabalik!”

Matayog ang ating pangarap. Nag-aasam tayong lahat na makarating sa langit, kapiling ng Diyos. Nag-aasam tayong lahat na pumailanlang sa luwalhati kasama ang Diyos. Ako man ay nag-aasam. Ako man ay nangangarap. Subali’t bilang isang trekker noong araw, na marami na ring bundok na naakyat, walang pagtungo sa tuktok, kung hindi nagmumula sa paanan ng bundok. Bilang isang malimit na manlalakbay, walang eroplanong pumapailanlang kung hindi nagmumula sa paliparan sa kapatagan.

Tayo na’t umakyat sa bundok ng Panginoon! Magsimula tayo sa tila kawalan, tila walang kabuluhan … sa abo! Alalahanin mo tao na ikaw ay abo, at sa abo muling magbabalik!

KATUBUSAN, KALUGURAN … NOW NA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Homily, Taon B, Uncategorized on Pebrero 9, 2012 at 21:07

Ika-6 na Linggo ng Taon B

Pebrero 12, 2012

Mga Pagbasa: Lev 13:1-2.44-46 / 1 Cor 10:31-11:1 / Mc 1:40-45

 

Mahaba-haba na ring panahon ang itinigil ko sa mundong ibabaw. Hindi na ako isang bisirong nanginginain sa parang, na tila walang kapapaguran sa mga nagaganap sa kapaligiran. Marami-rami na rin akong napagdaanan … mga pagsubok sa nakalipas na panahon, na naging tuntungan ko at ng marami pa, upang patuloy na umasa, patuloy na magtiwala, na, sa kabila ng lahat, ay may pinilakang alapaap na nagkukubli sa likod ng madidilim na ulap ng pagkabigo at pagkasiphayo ng tigib ng pag-asang mga pangarap sa panahong lumipas.

 

Lagi kong bukambibig sa aking mga estudyanteng tinuturuan … tila yata ako ay isinilang sa ibang bansa. Ngayon, sabi nga nila, “it’s more fun in the Philippines … holdufun, kidnafun, carnafun,” atbp … nang ako ay lumalaki sa probinsiya, na hindi lalampas sa 60 kilometro ang layo sa Maynila, panay kaluguran ang aking nararanasan. Sariwang hanging … sariwang gulay, na pipitasin mo lamang kapag “nasulak” (kumukulo) na ang tubig, mga pansahog sa nilulutong hindi na kailangang bilhin, kundi hinahanap sa bakuran, o hinihingi sa “kahanggan” o kapitbahay.

 

Isang malaking kaluguran ang mamuhay noon sa Pilipinas … walang maruming usok, walang nakasusulasok na buga ng maiingay na traysikel o kuliglig, na walang sinusundang batas trapiko.

 

Nguni’t isa sa hindi makatkat sa aking isipan ay ang kaluguran maski na sa mga sandaling may sakit ako bilang bata. Habol ako ng hagod ng lola ko, sa likod, sa batok at sa mga masasakit na kasu-kasuan. Wala siyang dulot liban sa saltin (crackers) at Tru-orange, o nilugaw na walang lasa, pero hindi iyon ang mahalaga …

 

Ang mahalaga ay ang hagod sa likod … ang mahalaga ay ang damang katubusang nagmumula sa kalugurang ako ay mahal na mahal, at pinagmamalasakitan. Mababaw ang aking kaligayahan, kumbaga. Nakukuha sa hagod, nadadala sa haplos, na sagisag ng kaligtasang  dulot ng kabatirang ikaw ay may kaugnayan, may kaniig na nagmamahal sa iyo nang walang pasubali.

 

Ito marahil ay isang malinaw na larawan ng magandang balita sa araw na ito.

 

Lahat tayo ay nagdadaan sa iba-ibang uri ng kapansanan. Lahat tayo ay nagkakasakit. Lahat tayo ay nanghihinawa, napapagod, nawawalan kung minsan ng pag-asa, at nanlulumo sa kawalan ng kaluguran sa ating pamumuhay sa lipunan nating punong-puno ng suliranin.

 

Inaamin ko … masahol pa sa ketong ang pinagdadaanan ko. Mabigat ang aking damdamin sa mga pasakit na hatid ng mga trahedyang nagaganap na tila sunod-sunod sa bayan natin … Sendong … lindol … at ang kawalan ng kaisahan sa lipunan, ang magulong mga usaping ang puno at dulo ay kasakiman, at pagkagahaman sa kapangyarihan ng tao … bawa’t isa sa atin, pati na rin ang mga naglilingkod sa atin.

 

Ang ketong ng kasalanan ay patuloy na nagdudulot ng kawalan ng kaluguran sa buhay natin at ng buong lipunan. Kailangan natin ng hagod ng Diyos. Kailangan natin ng haplos ng Kanyang mapanligtas na dampi ng mga kamay na naghahatid ng katubusan, bukod sa kaluguran!

 

Ito ang magandang balitang pinanghahawakan ko. Ito ang nakalulugod na hagod ng mga kamay na mapagligtas ni Kristong nagpagaling sa ketongin sa ebanghelyo. Ito ang katubusang ating inaasam, balang araw …. Pagdating ng tamang panahon!

 

Nguni’t kailangan natin bumaling sa Kanya. Sa unang pagbasa, ito ang utos ni Moises … ang may ketong ay dapat raw pakita sa pari, upang mabigyan ng babala ang iba, ang lumayo sa angking karumihan ng isang ketongin. Sa ikalwang pagbasa, payo sa atin ni Pablo, na anuman ang gawin natin, anuman ang sapitin natin, kumain man tayo o uminom, ang lahat ay dapat laging patungkol sa kanya.

 

Kailangan natin bumaling sa Panginoon, tulad ng ketongin. Kailangan natin manikluhod at magmakaawa. Now na … sabi nga ng mga bata ngayon.

 

Now na … sa panahong tayo ay nagkakawatak-watak sa magkakaibang mga pananaw…

 

Now na … sa panahong tayo ay sinasagian ng matinding pangamba at takot dulot ng trahedyang natural o gawa natin mismo … Now na … sapagka’t gaya nga ng sinaad sa Lucas 7:16, narito at dumating na, isang dakilang propeta, sugo ng Diyos sa bayan niya.”

 

Now na … lumapit tayo sa kanya at hayaan siyang hagurin tayo, at haplusin ng kalugurang hatid ng ganap niyang katubusan!