frchito

Posts Tagged ‘8th Day of Misa de Gallo’

NAGSASALAMIN O NAGSUSULONG NG KULTURA?

In Adviento, Panahon ng Pagdating, Propeta Malaquias, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 22, 2010 at 10:03

Ikawalong Araw ng Simbang Gabi(A)
Disyembre 23, 2010

Mga Pagbasa: Mal 3:1-4, 23-24 / Lucas 1:57-66

Malakas ang dating ni Propeta Malaquias, hindi malamya … tiyak, hindi urong-sulong … matikas, hindi parang palipad-hangin. Sa pagdating ng sugo, marami ang mabibigla. Marami ang magtatanong kung sino nga ba ang makatitiis at makatatagal sa pagpapakilalang gagawin ng Diyos. Para siyang apoy, ani Malaquias, parang Clorox (o Zonrox) nagpapaputi ng mga labada. Darating siya upang dalisayin at linisin ang mga angkan ni Levi.
Ito ay larawan ng isang sugo na hindi napadadala sa agos ng makamundong pag-iisip, na hindi rin nagpapatangay sa kalakaran o sa takbo ng mga bagay-bagay sa mundong ibabaw.
Kalakaran … isang katagang pinatanyag ni Lozada noong kasagsagan ng NBN-ZTE scandal. Ito ang takbo ng isipan, takbo rin ng gawain ng balana, na nakikita sa kalinangang dominante, sa lahat ng antas o aspeto ng buhay ng lipunan. Kalakaran ngayon sa mga proyekto ng gobyerno na mahigit sa 35 por ciento ang “kickback.” Kalakaran din ngayon na lahat ng frankisa ng mga bus pam publiko ay mayroong masalimuot na paraan upang madagdagan ang numero ng bus, kahit kakaunti talaga ang registrado. Kalakaran din na halos lahat ng mga lalakaring papeles sa mga sangay ng pamahalaan ay may patong na “tong,” na sa katunayan ay salitang “patong” na tinanggal ang “pa,” para hindi halata.
Kalakaran … ito ang humuhubog sa kultura o kalinangan ng isang bayan. Ang kultura ay hindi lumalago nang kusa. Ito ay hinuhubog at pinayayabong ng mga taong bumubuo ng lipunan. Walang kultura kung walang lipunan, at walang lipunan na walang angking kalinangan. Nguni’t ang kalinangan ay hindi naka-ukit sa bato. Ito ay patuloy na hinuhugis at hinuhubog ng mga tao mismo. Lumalago ito dahil sa tao … yumayabong … at nagkakaroon ng unti-unting pagbabago.

Ang kultura ay masasabi nating salamin ng lipunan. Lahat ng ginagawa natin, lahat ng kagawian natin at mga kinasanayang gampanan ay bahagi ng kultura. Nguni’t dahil nga at hindi ito nakaukit sa bato, lahat ng ginagawa natin, ay hindi lamang salamin ng kultura. Lahat ng kilos natin at gawi natin ay nagsusulong rin sa unti-unting pagbabago ng kultura.

Ang sugo na binabanggit ni Malaquias ay hindi lamang isang malamyang pagsasalamin ng isang kultura, bagkus isang masigasig na pagsusulong ng isang panibagong kultura. Hindi siya isang palipad-hanging tinapay na inilulubog sa kape at nalulusaw kagya’t upang higuping parang lugaw. Bagama’t sinasalamin niya ang pag-asa ng bayang Israel sa isang tagapagligtas, isinusulong din niya ang rurok ng pag-asa tungkol sa Mesiyas na darating.

Malimit nating marinig sa mga nagsusulong ng mga kung ano-anong obra sa sining na diumano ang mga sine o sining na ginagawa nila ay isa lamang salamin ng kultura. Kung kaya ang Indie films ay tila bagang napako sa iisang larawan ng kulturang Pinoy na sa biglang-wari ay tila masyadong negatibo. Hindi ko pakay ang makipag-balitaktakan tungkol dito. Sapat na na aking ipabatid sa mambabasa ko na palasak nang marinig sa mga malikhain ng sining na ang kanilang mga obra ay larawan lamang ng katotohanang kanilang nakikita sa lipunan.

Salamin nga ba ang lahat ng ito ng lipunan, o ang mga ito ba ay nagsusulong rin ng isang larawang nililikha o nilililok unti-unti ng mga ito? Ito ang tinatawag na clasicong katanungan tungkol sa manok at sa itlog (Chicken and egg conundrum!)

Hindi ko rin pakay na talakayin ang luma nang usaping ito. Sa aking pagninilay sa araw na ito, ito lamang ang nais ko … ang ipabatid na kung ang pag-uusapan ay ang kasaysayan ng kaligtasan, ang mensahe ng Banal na Kasulatan, ang pahatid ng kristiyanismo ay laging matatawag nating salungat sa palasak na kultura (counter-cultural).

Salungat sa kultura maging si Zacarias na ama ni Juan Bautista. Walang pangalang Juan sa kanyang angkan nguni’t ito ang tawag niya kay Juan. Nabigla ang kanyang mga pinsan, nagtaka ang kanyang mga kapitbahay. Nguni’t pinanindigan niya ang kanyang pasya.
Sa panahon natin, ang paghamon ay napaka simple. Padadala ba tayo sa agos o sasalungat sa unos? Mag-aasal ba tayong palipad-hangin na medaling dalhin ng damyo ng mahinang ihip ng hangin, o magiging matipunong poste sa harap ng pinakamalakas na sigwa?

Nagtulungan ang mag-asawang Zacarias at Elizabet sa pagsalungat sa kalakaran. Naging propeta rin sila sa paggawa ng ganito.

Sa buhay naman natin, kalakaran na na sumunod sa takbo ng mga sine at palabas. Marami ang nahumaling at nadala ng “Wowowee culture” at sa dahan-dahang “dehumanization” ng bayang Pinoy dahil sa marami pang ibang nakagawian natin. Halos ang dalawang nag-uumpugang giant networks ang humahabi at naghuhubog ng public opinion ng buong bayan.

Nguni’t bilang Kristiyano, tinatawagan tayo upang maging “counter-cultural” – ang kakayahang sumalungat sa kalakaran, sapagka’t ang lahat ng ginagawa natin bilang bayan, ay hindi lamang salamin ng kung ano na ang nakaukit sa bato. Ito man, ay humahabi at humuhubog, at nagsusulong ng isang panibagong anyo ng ating kalinangan na patuloy na lumalago at yumayabong.

Sama ka ba kay Zacarias? Sama ka rin ba kay Elizabet? At kay Malaquias? Kay Juan Bautista? Kay Papa Juan Pablo II, at kay Papa Benito XVI?

Advertisement