frchito

Posts Tagged ‘Dakilang Habag ng Diyos’

PANGINOON, ANAK NI DAVID, MAAWA KA SA AKIN!

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Propeta Isaias, Tagalog Homily, Taon A on Agosto 16, 2014 at 15:24

Christ and the Canaanite Woman - c.1784 Germain-Jean Drouais

Ika-20 Linggo ng Taon A
Agosto 17, 2014

PANGINOON, ANAK NI DAVID, MAAWA KA SA AKIN!

Gusto ko ang mga aso. Hindi. Hindi ko sila kinakain, pero gusto ko na may alaga akong aso. Pampaalis ng stress, ika nga nila, at totoong napatunayan ko na ito.

Pero ang pagninilay na ito ay hindi tungkol sa aso, pero tungkol sa taong itinuring na parang aso na dapat sipain, dapat paalisin, dapat huwag pansinin, ni pakinggan.

Ito ang tingin sa mga taong galing sa Tiro at Sidon – mga paganong hindi dapat makahalubilo ng mga Israelita. Pero may dalawang mahahalagang bagay ang laman ng mga pagbasa ngayon. Una, si Jesus ang unang naparoon sa region ng Tiro at Sidon. Siya ang gumawa ng hakbang upang marating ang lugar na hindi pinupuntahan ng mga may pananampalataya.

Ikalawa, ang babaeng Cananea, ay gumawa rin ng hakbang na hindi dapat ginagawa ng isang babaeng wala sa samahang Judio. Lumapit siya kay Jesus. Pinagsikapan niyang buwagin ang bakod na naghihiwalay sa kanya at sa taong tanging sila lamang ang makapagbibigay-tugon sa nilalaman ng kanyang puso.

Ginawa ni Jesus ang hindi inaasahan. Ginawa ng Cananea ang hindi pinapayagan. Pareho silang gumawa ng bagay na hindi pangkaraniwan. Tulad nang hindi pangkaraniwan na ang tuta ay makisalo sa hapag ng kaniyang amo.

Damang-dama ko ang pinagdadaanan ng isang tutang ulila. Tulad ng damang-dama ko ang paghihirap ng mga kristiyanong walang nagmamalasakit liban ang simbahan – ang mga pinag-uusig at hinahabol at pinapatay na parang mga asong pinalalayas sa kanilang mga bahay at mga lupang tinubuan.

Damang-dama ko ang panaghoy ng isang Cananeang walang pumapansin, walang nagmamalasakit, at sa kabila ng kanyang matinding pangangailangan ay iniiwasan ng karamihan.

Pero hindi ko lamang dama ang ginawa ng Diyos para sa mga siniphayo ng tadhana. Batid kong ang ginawa ni Jesus ay siyang nais gawin ng Diyos, tulad ng sinabi ni Isaias sa unang pagbasa: “Ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin.”

Tuta man ay may karapatan. Tuta man ay pinagmamalasakitan ng Diyos. Si Jesus mismo ang gumawa ng daan nang siya ay magtungo sa Tiro at Sidon. Nguni’t bunsod ng matinding pangangailangan, at bunsod rin ng matimyas na pag-asa at pananampalataya, ay lumapit rin at nangahas ang babaeng Cananea. Nagdasal. Nanikluhod. Naki-usap … “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

Maawa ka sa amin Panginoon. Maawa ka sa mga aping tinutugis ng mga halimaw sa Iraq at Syria. Maawa ka sa mga taong pinagtampuhan na ng lipunan at ng tadhana. Maawa ka sa mga taong tila wala nang nakaka-alaala, at pinanawan na ng pag-asa. Tanging ikaw, Panginoon, ang kanilang maaring lapitan. Tanging Ikaw, Panginoo, ang kanilang kaligtasan.

Tuta man ay nais makikain. Tuta man ay mayroon ring damdamin. Tuta man ay mayroong ring panimdim at mithiin. At ako, sa pagkakataong ito, ay nag-aasal tuta na nag-aasam, sumasamo, humihiling … para sa mga taong nag-aasal hayop sa kanilang kapwa tao, para sa mga nagdurusa, sa mga nagdadaan sa matinding pagsubok.

Tuta man akong tila walang kaya, ay nagpapahayag ng lakas ng pananampalataya …yayamang ikaw mismo Panginoon ang lumapit sa aming nangangailangan ng kaligtasan … yayamang ikaw ang unang nagmahal sa amin, unang gumawa ng hakbang, at unang nagkaloob ng wasto at tama, biyaya at pag-asa … kami ay nagsusumamo … Panginoon, Anak ni David, maawa ka sa amin!

POOT AT PAGNGINGITNGIT O HABAG AT KAPATAWARAN?

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Agosto 31, 2011 at 22:39

Ika-24 na Linggo (A)
Setyembre 11, 2011

Mga Pagbasa: Ecc 27:30 – 28:7 / Roma 14:7-9 / Juan 13:34

N.B. Ipinapaskil ko na ito ngayon, sapagka’t hindi ako siguradong makapagpapaskil dahil sa isang mahabang lakbayin sa sunod na tatlong linggong darating.

Nagkatuig na ang paksain natin sa araw na ito ay akmang-akma at tugmang-tugma sa araw na ito, ika-sampung taon matapos maraming namatay sa World Trade twin towers, dahil sa poot at pagngingitngit. Sampung taon na ang lumipas nguni’t hindi pa rin maunawaan ng buong daigdig kung bakit ang dalawang saloobing ito ay patuloy na nagpupuyos sa damdamin at isipan ng marami.

Ang masahol pa sa bagay na ito ay ang mahirap tanggaping katotohanang ang batayan ng ganitong karumal-dumal na gawain ay walang iba kundi ang Diyos diumano. Para sa Diyos, ang tao ay pumapatay. Sa ngalan ng Diyos, ang ilang tao ay nagpapadala sa tawag ng karahasan. Sa ngalan ng Diyos, mayroong handang magpahirap, pumaslang, at kumitil ng buhay ng mga walang kamalay-malay, marating lamang ang kanilang minimithing diumano ay kagustuhan ng Diyos.

Di kaila sa marami sa atin na hindi ito ang turo ng banal na aklat. Bagama’t nakita natin sa Lumang Tipan kung paano ang pakikidigma ay bahagi ng buhay ng mga Israelita, hindi natin maikakaila na, sa paglawig ng unti-unting pagpapahayag ng Diyos, unti-unti ring luminaw sa kabatiran ng mga sumasampalataya, na hindi digmaan, kundi kapayapaan ang sanghaya at pithaya ng Diyos.

Sa unang pagbasa, ayon kay Sirac, ang poot at pagngingitngit ay siyang niyayakap ng mga makasalanan, subali’t ang kagustuhan ng Diyos ay ang habag at kapatawaran.

Kay rami na nating nasayang na panahon. Tuwing may bagong administrasyon sa pamahalaan, parang laging dapat magsimula uli sa zero. Kalimitan, ang sinimulan ng nakaraang administrasyon ay binabaligtad, o hinahadlangan ng sumunod. Ang mga posteng nagkalat sa mga lansangan, o ilaw na may mga pangalan ng lumang pinuno, ay sinisira, pinapalitan, at binabago ng sumusunod. Laksa-laksang pera ang nasasayang sa pagtatanggal lamang ng pamana o palatandaan ng naunang administrasyon. Poot at pagngingitngit ang siyang namamayagpag sa lipunan nating lubog sa kultura ng kasalanan at pagkamakasarili.

Nais kong isipin na isa ito sa mga tinutumbok ng magandang balita sa araw na ito. Tagubilin ni Pablo ang kaisipang “walang sinuman ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang.” Lahat tayo ay kabilang, kasapi, at kasama sa iisa lamang angkan, na dapat ay pinagbubuklod, hindi ng poot, kundi ng pagpapatawad at kahabagan.
Madali ang mapadala sa poot. Mahirap ang magpatawad ng nagpapahirap sa iyo. Hindi nadadala na lamang ang lahat sa pagpaparangya, o pagpapasensya, lalu na kung may halong malisya at poot rin ang ginagawang panunuligsa ng taong tila walang magawang magaling sa buhay. Hindi ako magsasabi ng totoo kung hindi ko aaminin na sinagian na rin ako nang di miminsan ng kagustuhang maghiganti, kumilos ayon sa takbo ng isipan ng mundo, at suklian rin ng masama ang gumawa sa akin ng masama.

Subali’t ito ang kadakilaan ng Diyos. Sa ebanghelyo, ayon sa talinghagang ipinahayag ng Panginoon, may isang katiwalang pinagparangyaan ng hari, pinagbigyan, at pinatawad sa pagkakasala. Nguni’t siyang tumanggap ng awa at habag, at hindi nagsukli ng parehong awa at habag. Ang kanyang poot at pagngingitngit ay ibinuhos niya sa kapwang tulad niya, ay may pagkakautang rin at kakulangan. Hindi niya nakuhang pagbigyan rin ang kapwa, tulad nang siya ay napagbigyan ng hari.

Malinaw ang turong sa atin ay nakatuon. Hindi tayo tinatawagan upang pagharian ang puso natin ng poot. Tayo ay tinatawagan upang tulad ng Diyos, ay magpamalas tayo sa isa’t isa ng awa at kahabagan.
Sadyang mahirap itong gawin. Hindi madali. Hindi isang iglap na maisasagawa ninuman. Pero ngayon pa man, ay dapat na tayong magpasya at mamili: ang daan ng poot at pagngingitngit, o daan ng awa at kahabagan.

Hindi mahirap isipin ang kahihinatnan ng unang dalawa. Hindi maglalaon at kaya nating wasakin ang buo nating mundo at ang lahat ng naririto. Nguni’t hindi rin mahirap makita ang hatid ng dalawang kasunod na salita … Ang poot ay naghahatid sa kamatayan, at ang awa ay nauuwi sa kapayapaan at katiwasayan.

Magpasya tayo ngayon din, yamang “ang ating mahabaging Diyos ay nagmamagandang-loob”