frchito

Posts Tagged ‘Dakilang Habag ng Diyos’

BUBUKLURIN, PADADAMAHIN, KAHAHABAGAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Taon A on Agosto 10, 2011 at 17:32

Ika-20 Linggo ng Taon(A)
Agosto 14, 2011

Pambihira ang isang malaking taong yumuyuko at nagpapakababa. Bihira ang lumiliban sa kabilang panig upang makipagniig sa mga hindi niya kasamahan, hindi kababayan, at hindi kapanalig. Di ba’t saanmang bansa tayo magpunta bilang Pinoy ay pilit tayong nagsasama-sama, nagbubuklod, at nakikisalamuha sa kapwa nating Pinoy?

Ito ang isa sa mga malinaw na turo ng mga pagbasa natin sa araw na ito. Sa unang pagbasa, mga “dating dayuhan” ang nabilang sa bayan ng Diyos. Sa mga dating dayuhan na ito ay binitiwan ni Isaias ang isang pangako: “Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.” Ang mga dating hindi kabilang, hindi katapong, at hindi kaisa at kaniig ay mabibilang sa angkan ng Diyos.

Pangako itong maluwag ang dating sa ating puso. Saanman tayo magpunta ay mayroong pagtatangi-tangi, pagkakahiwa-hiwalay, at pagkabilang sa iba-ibang mga pulutong. Sa London sa mga araw na ito, ang katiwasayan at kaayusan ay binasag ng matinding mga riot at kaguluhan, dahil sa isang karahasang ginawa ng kapulisan sa isang taong hindi puti ang balat. Sa ating bayan, bawa’t kalye na yata sa mga subdivision ay may harang, may bantay, may balakid. Iba ang iniikutang mundo ng mga may kaya, at iba ang iniinugang daigdig ng mga salat sa buhay.

Pangako itong tunay na tumitimo sa kaibuturan ng puso nating lahat. Di ba’t tayo ay mga pakawala kung minsan sa buhay natin? Di ba’t tayo ay nahihiwalay ng maraming beses sa kapwa dahil sa ating kasalanan at pagkamakasarili? Di ba’t tayong lahat ay napapadala kung minsan sa pagtatangi-tangi at paghahati-hati? Di ba’t tayo man ay nagiging banyaga kung minsan sa ating bayan? Di ba totoong kung minsan ay parang mas marami pang karapatan ang mga banyaga sa ating lupain kaysa sa ating lahat na taal na taga Pinas?
Ang pangakong ito mula sa bibig ni Isaias ay bunga ng isang pangarap ng Diyos para sa atin. At ano ba ang pangarap na ito?

Tingnan natin kung ano ang namumutawi sa bibig ni San Pablo … Kausap niya ang mga Hentil, mga taong hindi kabilang sa bayan ng Diyos, mga hindi Judio, mga hindi kapanalig. Subali’t bilang isang apostol, si San Pablo na mismo ang nagsabi: “pinangangatawanan ko ang aking ministeryo upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa gayo’y maligtas ang ilan sa kanila.” “Ang muling pagtanggap sa kanila’ para na ring pagbibigay-buhay sa mga patay.” Pagyakap, pagtanggap, pakikipagkaisa ang dulot na mensahe na kaakibat ng kaligtasan … hindi pagtatangi, at lalung hindi ang paghihiwalay.

Ano ang naging daan ng pakikipagkaisa? Sinagot rin ito ni Pablo … “Sila’y naging masuwayin ngayong kayo’y kinahahabagan upang sila’y kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.”

Bawa’t isa sa atin ay halimbawang mataginting ng habag na ito ng Diyos. Ako ang una … Buhay na larawan ako ng banal na habag ng Diyos. Hindi karapat-dapat, masuwayin, at makasalanan, patuloy pa rin niya akong tinatanggap, ipinagkakaisa sa inyong mga kapanalig.

Ito ang dakilang aral na malinaw pa sa sikat ng araw sa ebanghelyo sa araw na ito. Nagtungo si Jesus sa Tiro at Sidon, mga lugar na hindi dapat iniikutan ng isang Judio. Hindi lamang iyon, hinayaan niyang siya at kausapin ng isang babaeng Cananea. Bawal na bawal … hindi karapat-dapat … Nguni’t lumiban sI Jesus, pumunta sa kabilang ibayo, kumbaga, at tumanggap sa isang dapat ay ipinagtatabuyan ng mga Judio.

Ito ang buod ng magandang balita natin ngayon. Walang pagtatangi ang Diyos, bagkus, may pagtingin sa higit na nangangailangan. Tinugon niya ang babae… sa kanyang matinding pangangailangan, dahil sa kanyang matimyas na pananampalataya. “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Bagama’t batid ni Jesus na hindi dapat binibigyan ng pagkain ang mga aso galing sa dapat ay sa mga anak, nagdalang-habag siya sa Cananea.

Ito ang dakilang habag na tinitingala at hinihintay rin natin. Ako ang una sa lahat ang nangangailangan nito. Ito ang dakilang awa ng Diyos na naparito, hindi upang paglingkuran, kundi para maglingkod. Sa iyo. Sa akin. Sa ating lahat.

Sa araw na ito, tatlong kataga ang dapat mamutawi sa ating mga labi: bubuklurin niya
tayo, padadamahin ng kanyang pag-ibig, at kahahabagan. Purihin nawa ang Diyos na Ama ng awa at habag!

ANG DIYOS BA AY “UNLI” O “ONLY”?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Hulyo 18, 2010 at 22:29

Ika-17 Linggo ng Taon(K)
Julio 25, 2010

Mga Pagbasa: Gen 18:20-32 / Col 2:12-14 / Lucas 11:1-13

Uso ngayon ang “unli” kahit saan. Unlimited calls, unlimited texts, unlimited rice, at marami pang iba. Sa dami ng mga network na naglalaban-laban, unahan sila sa pagkakaloob ng kung ano-anong gimik upang mabili ang kanilang SIM at load. Sa dami ng mga kainan sa buong bansa, unahan din ang mga food chains ng kung ano-anong gimik na katumbas ng “unli.” Nadyan ang Mang Inasal na nagpauso ng unlimited rice. Sumunod ang marami, kasama ang maraming kainan sa Cebu, na unahan sa pagkakaloob ng unlimited rice.

Ayaw ng tao ngayon ang anumang tasado. Hindi na kikita ang mga restoran na ang nakalagay sa plato ay kaning hugis tasa, na may katabing ilang hiblang hilong gulay, at ilang maliliit na pirasong ulam. Tulad ng mga “load,” gusto ng tao ngayon ay panay unli, walang limit, walang bakod, walang hangganan.

Kung walang limit, hindi ito nakukuha sa bilang. Sa unang pagbasa, tumawad si Abraham … kung may limampu, aniya, maglulubag ba kaya ang loob ng Diyos? Tugon ng Diyos ay hindi nabakuran ng bilang, ng numero o anumang pasubali. Naglubag ang loob ng Diyos, hanggang sa ang tawad ng Diyos ay bumaba sa sampu!

Iisa ang tinutumbok ng pagbasang ito: unli ang pag-ibig ng Diyos … walang hangganan, hindi tasado, hindi bilang, hindi nababakuran. Sa pakiusap ng taong nagsusumamo sa panalangin, naglulubag ang loob ng Diyos; humuhupa ang kanyang galit, at nagkakaloob ng hinihiling sa Kaniya.

Ito ang pangako ng Diyos sa isang nagsusumamong Abraham: “Hindi ko wawasakin ang lunsod dahil sa sampung iyon.”

Ngunit sa kabila ng paghahanap natin ng lahat ng uri ng “unli,” hindi maipagkakaila na marami sa ginagawa natin ay tasado, bilang, at sukat. Binibilang natin ang minuto habang nag-sesermon si Father. Sinusukat natin ang takbo ng oras kung tayo ay gumagawa ng bagay na hindi natin lubos na gusto. Tinatasahan natin ang isa’t isa kung hindi tayo lubos na magaan ang loob sa isa’t isa. Binabakuran natin ang buhay natin… Tingnan nyo na lang kung gaano karaming bakod at guardia ang nagbabantay sa ating mga subdivision sa buong Pilipinas!

Mapagkait tayo … madamot …. Mapagkwenta, kung ang pag-uusapan ay ang pakikitungo natin sa Diyos. Ni hindi natin kaya manatili sa simbahan ng higit sa isang oras. Ni hindi tayo makahintay na matapos ang panghuling awit bago lumabas ng simbahan. Ni hindi tayo makarating sa Misa nang tama sa oras.

Gusto natin ang unli, pero hindi unli ang pagmamahal natin sa Diyos.

Ang magandang balita natin ngayon ay kabaligtaran ng mga saloobin nating madamot at mapagbilang. Para sa Diyos, pati tayong dati rati ay patay sa kasalanan, ay muli niyang binuhay. Sabi ni San Pablo ay “pinatawad niya ang ating mga kasalanan at pinawalang-bisa niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus.”

Walang pasubali … walang hangganan … walang limitasyon ang pag-ibig niya sa atin. Ni pagkadipa niya sa krus ay kanyang sinukat. Wala siyang ipinagkait. Walang ikinubli, at lalung walang binawi.

Medyo sukat din ang ating mga hiling. Lahat ay nabibilang. Lahat ay nasusukat. Subali’t sa turo ng Panginoon sa atin, unli rin ang kanyang turo … Ama namin sa langit … sa langit, hindi sa lupang ibabaw. Bago humiling ng kung ano-ano, ay ipinagkaloob muna sa Diyos ang nararapat sa kanya – pagsamba, pagpupuri, pagbubunyi. “Sambahin ang ngalan Mo.” Sa halip na makamundong hiling ay binigyang-halaga ang higit na mahalagang katotohanan … “mapasaamin ang kaharian Mo.”

Unli ang hiling natin … unlimited happiness, unlimited na karangalan para sa Diyos, una sa lahat, bago sa tao.

Pero, sa kabilang dako, unli rin ang hanap natin kalimitan. Unli ang hanap ng mga korap na politicong walang kabubusugan. Unli ang hanap ng mga tiwaling hindi yata napupuno ang kaban, kahit na puno na ang salop ng taong-bayan, at handa nang kalusin ang kanilang salop. Unli ang gusto ng maraming politikong sila na lamang yata ang may karapatan at may kaalaman na “maglingkod sa bayan.” Mayor na si Sir, ay mayora pa rin si Misis, at mayor at congressman pa si Junior at si Baby. Unlimited ang poder na hanap ng mga rebelde. Walang balakid, walang harang, walang sasalungat.

Sa kabilang dako, sukat na sukat tayo kung magbigay. Subali’t kung ang isang ama raw ay hindi magkakait ng anumang hiling ng isang anak, gaano pa kaya ang Diyos?

Unli, hindi only, ang Diyos natin. Hindi siya sukat kung magmahal. Unli ang Diyos kung magkaloob, at unli ang hangad Niya para sa Kanyang mahal na bayan. Hindi tasado ang kanyang biyaya. Hindi di metro ang kanyang pagmamahal. “kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit!”

Boracay, Malay, Aklan Province
Philippines
July 16, 2010