frchito

Posts Tagged ‘Magnificat’

MAGNIFICAT: DI LANG AGOS NG DAMDAMIN!

In Uncategorized on Disyembre 21, 2014 at 21:40

magnificat-88f4e

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 22, 2014

DI LANG AGOS NG DAMDAMIN

Bulalas ng puso ang panalangin ni Maria … nag-uumapaw na papuri, naghuhumiyaw na kagalakan, at nagsusumikat na pag-asa!

Kailan ka huling bumulalas ng pasasalamat at papuri? Lahat tayo ay nagdadaan sa pagkakataong hindi natin matiis kundi maghumiyaw sa galak, lalu na’t malaking biyaya ang ating tinanggap. Nakikita ko ito sa facebook nang malimit … mga taong nagpapasalamat sa Diyos sapagka’t pumasa sa eksamen para makapasok sa magandang escuela sa college … mga taong nag-aasam makapag-abroad na tumanggap ng isang alok ng trabahong pinakamimithi … mga biyayang inaasam, pero di inaasahan.

Ito ang Magnificat! Ito ang dakilang papuri ni Maria! Sino nga ba naman siya upang kasihan ng Diyos at pagkalooban ng isang natatanging biyaya na maging Ina ng sanggol na galing mula sa kaitaasan?

Pareho ang pinagdaanan ni Ana at ni Maria … pareho silang nagsilang ng sanggol na hindi inaasahan. Pareho silang nagpadala sa tuwa at nagpasalamat.

Isang aklat ni Louis Evely ang isa sa mga una kong binasang libro noong ako ay 16 na taong gulang. Isang linya sa kanyang panulat ang hindi makatkat sa aking kalooban: “Kung wala kang dapat ipagpasalamat sa Diyos, wala ni isang hiblang ka-kristiyanuhan sa iyong katawan.”

Itong diwa ng dakilang pasasalamat ang ating tugon sa unang pagbasa: “Diyos kong tagapagligtas, pinupuri kitang wagas!”

Sa ating panahon, maraming tao ang wala nang nakikitang dahilan upang magpasalamat. Ang lahat ay parang inangkin na nilang para sa kanila. Mataas ang tinatawag na “sense of entitlement.” Ang lahat ay parang karapatang dapat ipagkaloob sa kanila. Dapat ako ipasa ng mga guro sapagka’t nagbabayad ako ng tuition, kahit na hindi ako nag-aaral. Dapat akong bigyan ng bahay ng gobyerno, kahit na wala akong anumang puhunang personal. Ang mga bata ay hindi dapat parusahan o paluin o pagsabihan man lamang ng mga matatanda, sapagka’t hindi dapat masaktan ang kanilang damdamin.

Marami pang ibang halimbawa sa buhay natin na puede natin idagdag dito. Ito ang dahilan kung bakit ang tawag ng mga paham sa ating panahon ay “age of narcissism,” at kay rami nang mga bata ang lumalaking narcisista o makasarili.

Ang pasasalamat ay nagmumula at nag-uugat sa pagpapahalaga. Wala tayong pasasalamatan kung hindi natin pinahahalagahan ang anuman.

Ito ang buod ng panalangin ni Maria ang Magnificat. Kinilala niya ang dakilang habag ng Diyos. Kinilala niya ang pabor na ipinagkaloob sa kanya: “Sapagka’t nilingap niya ang kanyang abang alipin … At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi, dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan!”

Subali’t isang malaking pagkakamali na isiping walang ibang ibig sabihin ito kundi pagpapahayag lamang ng matimyas na damdamin. Hindi ito isang pagbubuhos lamang ng laman ng puso. Ito ay ay isang pagpapahayag ng marubdob na adhikaing dapat rin nating bigyang-pansin.

Ano ba ang adhikaing ito? Tingnan lang natin ang ginawa ni Maria. Nagtatakbo patungo sa pinsan niyang si Elisabet. Hindi lang siya nagpadala sa damdamin, gaano man kalakas ang nilalaman ng puso … nagsikap, nagpagal, naglingkod, tumabang kay Elisabet.

Ito ang ganap na diwa ng Magnificat. Hindi lamang ito buhos ng damdamin. Ito rin ay pagpapahayag ng kagustuhang maging daan ng pagbabago, maging tulay ng pagkakawang-gawa, at lagusan ng biyayang minimithi ng kapwa, ng bayan, ng lipunan.

Dalawang araw na lamang at tapos na naman ang Simbang Gabi. Busog na naman ang puso natin at tiyan sa araw ng Pasko. Maghihintay pa ba tayo ng sunod na Simbang Gabi upang gumanap sa tungkulin nating “busugin ang nagugutom at ipangalat ang mga palalo ang isipan?”

Sinimulan na ni Maria. Ang tanging dapat natin gawin ay tumulad, sumunod, at gumawa!

BUKAS-LOOB NA PAGKAKALOOB

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon A on Disyembre 21, 2010 at 15:55

Ika-7 araw ng Simbang Gabi(A)
Disyembre 22, 2010

Ang pinagkalooban ang siya ngayong nagkakaloob … si Ana, nagsumamo sa Diyos sa pamamagitan ni propeta Eli, upang pagkalooban siya ng supling. Nguni’t sa pagkakataong ito, sa kabatirang ang kanyang sanggol na si Samuel ay bunga ng pagkakaloob ng Diyos, nakuha niyang bumalik muli sa templo at di lamang magpasalamat, kundi magkaloob sa kanyang una sa lahat ay nagkaloob sa kanya at tumugon sa kanyang taimtim na panalangin.

Bilang isang educador, at tagahubog ng kabataan … bilang isang guro sa nakaraang 33 taon (at patuloy pa ring nagtuturo), alam ko kung ano ang hugis, kulay, amoy, at anyo ng pasasalamat. Nakita ko ito sa mga nagdaan sa aking silid aralan noong ako ay 20 anyos pa lamang, noong ako ay isang tila inosenteng brother na nagtuturo ng katesismo sa Barrio Mabato, sa Barrio Bunggo, sa mga lugar, na ika nga nila noong araw, ay singko sentimos na lamang, ay langit na!

Nakita ko ito sa mga seminaristang nagdaan rin sa aking silid aralan noong 1977, noong 1983, at magmula 1992 hanggang 2002. Nakita ko rin ito sa mga estudyante ko sa high school noong 1986 hanggang 1990, at mga kasama kong naglakbay sa Pamayanang Kristiyano sa Roma, noong taong 1990-1992, at mga parokyano sa Dundalk, Baltimore, noong 2003 hanggang 2005!

Dama ko ang pasasalamat at pagpapahalaga ng tao, saan man, kailan man. Dama ko ito sa mga regalo nilang isang pares na medyas tuwing pasko sa Mayapa noong ako ay brother pang payat at gusgusin. Dama ko rin ito sa mga maliliit na halaga nilang pakipkip maging sa Dundalk, at higit na mahahalaga nilang kontribusyon sa aking pag-aaral sa Virginia, USA, maging sa aking pilgrimahe kamakailan patungo sa mga lugar kung saan tumahak si San Pablo sa Grecia, sa Turkia, at sa Israel.

Nakita ko ito kamakailan kay Tim Tebow, ang tanyag na star player ng football sa America. Noong siya ay nasa sinapupunan pa ng kanyang Ina, na isang misyonarya noon sa Pilipinas, pinayuhan ang nanay niya ng mga duktor na ilaglag si Tim. Hindi sumunod ang magulang niya. Siya ngayon ang poster boy ng pasasalamat sa kadahilanang kung siya ay inilaglag, ay hindi rin siya magiging tanyag na manlalaro ngayon.

Nakita ko ito kay Angela, na anak ng isa kong dating estudyante sa High School. Nang siya ay ipinagbubuntis pa, ganuon din ang ipinayo sa kanyang mga magulang. Hindi nila ginawa. Hindi sila namili. Nagdesisyon silang sumunod na lamang sa kalooban ng Diyos. Ngayon, ang bata ay napaka biba, napaka-talino, at napakaganda!

Tulad sa kwento ni Maria, tulad rin sa kwento ni Ana, mayroong mahalagang liksyon para sa atin sa araw na ito. At ang buod nito ay nasa katagang LOOB … ang kaibuturan ng lahat ng katotohanang may kinalaman sa yaman ng ating pagkatao, na nilikha ayon sa wangis ng Diyos. Ang LOOB ang kumakatawan sa kabuuan ng pagkatao natin. Ang LOOB rin ang kumakatawan sa kabuuan ng pagka-Diyos ng Diyos. Ang Diyos na ang katangian ay magbahagi ng kanyang LOOB, ay siyang nagkaloob sa kanyang bugtong na Anak, na si Jesus. Siya rin ang nagmagandang-loob kay Ana. Siya rin ang nagkaloob ng kung ano ang kinakailangan ng talubatang si Maria, na naglihi, nanganak, at tumawag sa kanyang anak bilang Emmanuel, Jesus, Diyos na nagliligtas.

Magaan ang kalooban ko tuwing may nagbabalik na dating estudyante. Nakatataba ng puso kapag may nagmamagandang-loob at nagkakaloob ng tunay na niloloob – ang pasasalamat. Bagama’t hindi ako karapat-dapat sa lahat ng iyon, nakapagpapagaan ng mabigat na trabaho, at nakapagbibigay lubay ng kalooban, marami man ang problema at hilahil.

Dalawang babae ngayon ang tampulan ng ating pagninilay … dalawang babaeng marunong tumanaw ng utang na loob … dalawang babaeng pinagkalooban ng biyaya, na ngayon ay nagkakaloob ng luwalhati, at nakapagbibigay halimbawa sa lahat ng taong may mabubuting kalooban!
Sa ikapitong araw ng Simbang Gabi, hindi sama ng loob ang paksa natin, kundi kabutihan at kagandahang-loob. At ito ay dahil sa dalawang babaeng, nagkusang-loob, nagmagandang-loob, at nagkaloob ng papuri at pasasalamat sa Diyos na nagkaloob ng lahat sa kanyang mahal na bayan. Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at kapayapaan sa lahat ng taong may mabuting kalooban!