frchito

Posts Tagged ‘Ika-23 Linggo ng Taon K’

PAG-IBIG AT PANANAGUTAN

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Tagalog Homily, Taon K on Setyembre 1, 2016 at 21:05

MARUBDOB NA PAG-IBIG; MAHIGPIT NA PAGTATATAGUBILIN

Maalab at damang-dama ang pag-ibig at pagmamalasakit ni San Pablo para kay Onesimo na isang alipin. Ang kaniyang pagmamahal ay ipinakita niya sa maigting na pagmamalasakit sa kapakanan ng isang aliping tumakas mula sa bahay ni Filemon. Hindi maipagkakaila na, bilang isang Ama, ay nanikluhod si Pablo kay Filemon upang si Onesimo ay muli niyang tanggapin, hindi bilang isang alipin, kundi bilang isang kapatid.

Maigting ang pagmamahal ni Pablo. Subali’t kung gaano kaigting ang pagmamahal na ito, ganoon din kahigpit ang kanyang pagtatagubilin!

Palasak sa ating panahon ang pag-iisip na ang pagmamahal ay pagbibigay-hilig lamang. Ang akala ng marami ay walang dapat anumang pananagutan ang pag-ibig. Ang pag-aakala ng marami, ayon sa takbo ng mga telenobela at teleserye sa ating lipunan, ay walang pananagutan ang tibok ng dibdib, bugso ng damdamin, o lukso ng dugo.

Subali’t kung titingnan natin ang mga pagbasa ngayon, malinaw na sinasaad na ang pagmamahal, unang-una ay dapat sumunod sa batas ng karunungang mula sa Diyos. Ang karunungan, ayon sa unang pagbasa, ang siyang nagtutuwid ng landas ng tao. Ang pag-ibig sa kapwa, maging pag-ibig na naghahari sa isang pamilya ay may malaking pananagutan, may mahigpit na alituntunin, na bahagi mismo ng batas ng pag-ibig.

Mayroong mahahalagang turo sa ating mga Pinoy ang mga pagbasa natin ngayon. Sa panahong ito kung kailan lalung dumarami ang mga tinatawag sa Ingles na “global families” – mga pamilyang ang mga kasapi ay hiwa-hiwalay dahil sa matinding pangangailangang kumita, at dahil dito ay matatagpuan sa iba-ibang bahagi ng daigdig, napakaraming mga bagong paghamon ang dumarating sa mga pamilyang Pinoy.

Nandiyan ang paghamon ng wastong pagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa.

Palibhasa’y malayo, ang mga magulang na nasa ibang bansa ay napipilitan kung minsan na ipakita na lamang ang pagmamahal sa mga anak sa pamamagitan ng pagbili at pagbibigay sa mga bata ng kung anong masintahan nila. Ito ang tinatawag na “commoditization of love.” Ang pag-ibig sa mga anak ay tinutumbasan na lamang ng material na bagay. Sa kagustuhan nilang ipadama ang pag-ibig ay sinusunod nila ang pilosopiya ng “bigay-hilig.” Ibigay na lamang ang masintahan, at huwag nang sansalain ang kanilang kalooban.

Nandiyan din ang paghamon ng wastong pakikitungo at pag-aasal. Sa kadahilanang malayo naman ang magulang, maraming mga bata ang hindi na sumusunod sa utos ng mga nakatatanda – na kalimitan ay ang kanilang mga lolo o lola, na wala nang kakayahan upang gabayan nang tuwina ang mga nagsisipaglakihang mga bata.

Subali’t ayon sa mga pagbasa natin, hindi dahilan ang kalayuan upang hindi gampanan ang utos ng wasto at tamang pagmamahal. Hindi dahilan ang kalayuan, upang bale walain ang kalooban ng Diyos para sa ating buhay. Ang halimbawa ni Pablo ay malinaw. Bagaman at siya ay nasa kulungan, at malayo kay Filemon at kay Onesimo, nakuha niyang ipagtagubiling mahigpit kay Filemon ang tamang saloobin at damdamin para sa isang aliping naglayas, tulad ni Onesimo.

Mahalaga ang pamilya para sa ating mga Pinoy. Bagama’t tayong mga Pinoy ay nagkalat sa halos 130 mga bansa sa buong mundo, bagama’t ang maraming pamilya ay pinaglayo-layo at pinaghiwa-hiwalay ng matinding pangangailangan, patuloy nating pinahahalagahan ang ating kaisahan at kabuuan. Patuloy nating pinagyayaman ang pagmamahalan sa isa’t isa.

Nguni’t dapat natin matutunan kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng wagas at marubdob na pag-ibig sa isa’t isa. Hindi ito pag-ibig na bigay-hilig. Hindi pagmamahal na walang pananagutan. Bagkus, sa kadahilanang tayo ay may pag-ibig sa isa’t isa, ay binibigyang-pansin natin ang mga kaukulang pananagutan na hinihingi ng parehong pag-ibig na ito. Ito ang kahulugan ng sinasabi ng Panginoon na sa biglang-wari ay tila baga masakit sa tainga: “Ang sinomang sumunod sa akin na hindi nagtatakwil sa kanyang ama at ina, asawa, kapatid, and pati ang sarili niyang buhay, ay hindi karapat-dapat maging aking disipulo.”

May pananagutan ang pag-ibig. May batas ang pag-ibig. At kung gaano kaigting ang pag-ibig na ito, ay ganuon din kahigpit ang pananagutang kaakibat nito.

Magandang balita ang malamang kay raming pamilyang Pinoy ang nakapagpapa-aral, at nakapagbibigay sa kanilang mga anak ng magandang kinabukasan dahil sa pag-aabroad ng maraming magulang. Magandang balita ang marinig na kay raming mga Pinoy ang nagtatagumpay sa ibang bansa. Subali’t ang magandang balitang ito ay dapat pang maging mabuting balita, ayon sa kagustuhan ng Diyos sa diwa ng ebanghelyo.

Ang diwang ito ng ebanghelyo ang binibigyang-paliwanag ng liturhiya sa araw na ito. Tama ang magmahal sa isa’t isa. Ang pamilyang Pinoy ay tinatawagan upang manatiling nagkakaisa, nagkakabuklod, at nagmamahalan. Subali’t ang pagmamahal na ito ay dapat malukuban ng isang pagmamahal na higit sa anumang makataong pagmamahal. Ang pagkakaisang ito ay dapat maging larawan ng higit na mahalagang pagkakabuklod at pagniniig – ang dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin, ang dakilang pagniniig ng Diyos

Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo sa hiwaga ng Banal na Santatlo.

Ang pag-ibig na ito ay hindi bigay-hilig. May pananagutan. May mahigpit na pagtatagubilin. Siguradong mahirap para kay Filemon ang patawarin at tanggaping muli ang naglayas at nagtampong si Onesimo. Mahirap rin para sa atin ang pagsabihan at pangaralan ang ating mahal sa buhay. Mas madali ang bigyan na lamang sila ng material na bagay, ng regalo, ng pasalubong, at ng anumang magustuhan. Subali’t ang tunay na pagmamahal ay may kaakibat na kutungkulan. Hindi totoo ang sinabi ni Ali McGraw sa lumang sineng ang pamagat ay “Love Story” … “Love means never having to say I’m sorry.” Palpak ito. Maganda pakinggan, nguni’t walang kahulugan. Ang tunay na pag-ibig ay hindi madaling gampanan, hindi madaling tuparin. “Ang hindi magpasan ng kanyang krus at sumunod sa akin, ay hindi maaaring maging aking disipulo.”

May pananagutan ang pag-ibig. Kung gaano karubdob ito, ganuon din kahigpit ang kanyang pagtatagubilin.

 

 

KAPOS NA KAISIPAN; MARUPOK NA MGA PANUKALA

In Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Agosto 31, 2010 at 08:28

Ika-23 Linggo ng Taon (K)
Setyembre 5, 2010

Mga Pagbasa: Kar 9:13-19 / Fil 9-10, 12-17 / Lucas 14:25-33

Dumarating sa buhay natin ang pagkakataong tila natatanga tayo, natitigilan, naguguluhan … Sa mga sandaling ito, hindi natin tukoy kung ano ang dapat gawin, o ano ang dapat unahin, at alin ang dapat lapatan ng lunas, sa dami ng mga sabay-sabay at susun-susong mga bumabagabag sa isipan natin. Sa loob ng silid-aralan, tila kay dali ang lahat ng bagay, madaling ikahon, madaling i-analisa, mabilis siyasatin at hanapan ng katugunan. Nguni’t sa harapan ng isang krisis, hindi sapat ang mayroong isang komite … hindi puede ang magbuo lamang ng isang lupon upang pag-usapan, pag-aralan, at i-disekto ang mga nagaganap.

Sa ganitong mga pagkakataon, isang lider at matikas na pinuno ang kailangan. Sa ganitong mga pagkakataon, hindi komite, at lalung hindi isang propesor sa silid-aralan, ang dapat mangasiwa. Oo, at kailangan niya ng payo ng mga aral… Oo, at kailangan niya ng liwanag mula sa mga paham. Pero matapos marinig ang lahat at mapagtanto at matimbang ang mga sali-salimuot na bagay, ang maalam (hindi matalino), ang prudente (hindi tuso), at ang may karunungan (hindi ang may titulo lamang) ang nakapagsusulong ng kung anong dapat gawin ng kanyang mga tauhan.

Noong nakaraang Linggo, tinumbok ng mga pagbasa ang pangangailangan ng kababaang-loob. Ang kababaang-loob, sinabi natin, ay hindi ang maging isang sintu-sinto, isang taong walang kamuang-muang, at tila walang masulingan. Ang kababaang-loob ay ang pagiging matibay at matatag sa katotohanang panloob na kung sino tayo, sa mata ng Diyos at ng tao. Ang kababaang-loob ay hindi ang pag-aasam nang hindi natin makakayanan, ang paghahanap ng hindi para sa atin, at ang pagtutugis sa bagay na labis-labis sa ating katatayuan! Sa isang salita – ang kababaang-loob ay ang pananagana, pananatili, at pagtanggap sa KATOTOHANAN!

Sa Linggong ito, ano ba ang KATOTOHANANG dapat natin mapulot sa mga pagbasa?

Binuksan ng aklat ng Karunungan ang pinakamahalaga … “Kapos ang kaisipan ng tao at marupok ang ating mga panukala!”

Kapos ang kaisipan natin … tingnan nyo na lang kung paano tayo inaalipusta ng buong mundo … kapos ang mga gamitng mga pulis, kapos ang kanilang kakayahan, at kapos rin ang pinakamahalaga – ang pamumuno at buong-loob na pag-ako sa pananagutan!

Kapos ang kaisipan natin … Malimit hindi natin alam ang tama at mali. Mayroon pa ring mga nilalang na nagpakuha ng litrato sa tapat ng bus kung saan nagkamatay ang mga walang malay, na galit na galit sapagka’t nagtampo ang maraming tao sa kanilang kawalang ng pandama at pagiging manhid sa kanilang pagluluksa. Mayroon pa ring taong hindi nakauunawa na ang kanilang pagpapakuha ng piktyur sa tapat, na nakangiti, at naka-pose na parang nasa Grand Canyon o sa Tagaytay, ay kamuhi-muhi at kahiya-hiya. Hindi pa rin nakuha ng nag-aalaga ng Facebook account ng isang pinuno ang punto… Pinalitan nila ng hindi nakangiting larawan ang account niya. Hindi nila nakuha na hindi ito may kinalaman sa pagngiti o pagiging serious ng tao, kundi sa pagngisi sa maling lugar, sa maling pagkakataon, at sa oras na ang kailangan niyang ipakita ay pamumunong buo ang loob at matikas.

Kapos ang kaisipan natin … Mayroon pa ring galit at natanggal ang Wowowee … Ang tingin nila ay ito ang pang-aapi. Hindi nila nakikita ang mas malawak na larawan ng isang bayang nagiging engot dahil sa mga hungkag na palabas tulad nito na nagbibigay luwalhati sa mga bagsak sa skul, kulelat sa lahat ng bagay, at nanlilibak sa lahat ng uri ng kapansanan, kasalatan, kabobohan – lahat sa ngalan ng pagtulong sa kapwa at paggawa ng kabutihan.

Kapos ang kaisipan natin, at marupok ang mga panukala natin. Marupok ang panukala ng isang namumunong walang ibang alam gawin liban sa hamakin, libakin, at sisihin ang nauna sa kanya. Marupok ang panukala ng isang taong ang unang pinag-uukulan ng pansin ay sirain ang ginawa ng nauna, o palitan, o baguhin na parang nililikha niyang muli ang gulong mula sa kawalan.

Marupok ang panukala natin malimit … bihasa tayong maliitin ang mga tulad ni Onesimo na isang alipin … bihasa tayong mang-ismol ng mga taong walang kakayahan. Nguni’t ang karunungang binabanggit ni Pablo ay may kinalaman sa pagtuturing kay Onesimo, hindi bilang alipin, kundi bilang isang kapatid sa Panginoon.

Marupok ang panukala natin … Tingnan nyo na lang ang naglipanang mga poste ng ilaw sa buong Pilipinas… binabarahan nila ang bangketa … Alam ng lahat na ang tunay na pakay ay hindi ang pagpapailaw ng mga kalyeng may ilaw na galing sa Meralco. Alam natin na ang tunay na pakay ay ang ilagay ang kanilang mga naggagandahang mga pangalan sa poste, wag nyo nang pakialaman kung walang malakaran ang mga mahihirap na walang sasakyan!

Marupok ang mga panukala natin … mga tulay na walang patutunguhan, mga kalyeng tuwing eleksyon lamang naaaspaltuhan, at mga waiting shed na nagiging tulugan ng mga informal settlers.

Naparito tayo sa simbahan ngayong araw upang magpugay at magpuri, tumanggap ng aral at mag-balak nang mabuti. Ang magandang balita ay isang reality check … kapos ang ating kaisipan … Hindi lang iyan, marupok ang ating mga panukala!

Kailangan natin ng isang antidota sa kamangmangang ito … na nagdulot at patuloy na nagdudulot sa atin sa kahihiyan. Kailangan nating matuto sa paanan ni Kristo, tulad ng ginawa ni Maria na kapatid ni Marta. Kailangan nating mapaalalahanan na para sa Diyos, walang bagay na imposible… walang hindi makakamit. Nguni’t kailangan natin maupo at magkwenta, magbalak at humabi ng isang panibagong kasalukuyan at panibagong kinabukasan … kailangan nating tingnan kung kaya natin gumawa ng isang tore … kailangan natin mag-plano at mag-isip ng anumang hihigit sa pansariling kapakanan … Oo, tumpak …. Kapos ang ating kaisipan at marupok ang mga panukala, nguni’t nagkakaloob ang Diyos ng karunungan … “Sa ganitong paraan lamang maiwawasto ang mga tao sa matuwid na landas.” (Unang Pagbasa).