frchito

Posts Tagged ‘Pamumuno’

SAMA-SAMA TOGETHER! WALANG IWANAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Taon B on Oktubre 20, 2012 at 17:01

Ika- 29 na Linggo ng Taon B

Oktubre 21, 2012

Mga Pagbasa: Isa 53:10-11 / Heb 4:14-16 / Mc 10:35-45

SAMA-SAMA TOGETHER! WALANG IWANAN!

Hindi mahirap unawain ang kahilingan ng dalawang magkapatid. Ano naman ba ang masama sa kaunting konsiderasyon? Wala namang dapat pagtakhan kung matapos gumanap sa tungkulin, ay kaunti namang konsuelo ang hanap, di ba? Maliit lang naman ang hinihingi ng magkapatid … Baka sakali lang … Kung sakaling lang na magkatotoo ang kaharian mong pangako, maano namang paupuin mo kami sa magkabilang panig ng iyong trono?

Hindi mahirap unawain ito … sapagka’t pati pala sa ebanghelyo ay may political dynasty. Hindi mahirap maintindihan ito, lalu na’t sa bayan nating mahal ay namumugad at naghahari ang iilang mga pamilyang sila-sila lamang ang tila puede at may kakayahang maglingkod sa bayan (daw).

Palasak ito sa ating kalinangan … sa ating kultura … Marami tayong mga kasabihan dito, may luma at malalim, may bago at medyo mababaw: “sama-sama together” … walang iwanan … basta, anuman mangyari, kapit-bisig, tayo-tayo pa rin! Ang saya! Ang saya talaga sa Pinas … pami-pamilya ang tumatakbo .. angkan-angkan, at tila wala na tayong kawala sa pagka-alipin sa ilalim ng kulto ng showbiz at mapanlinlang na mass media … politika batay sa personahe, kultura ng pasabog at pagiging popular … paglilingkod na nasaliwan na ng paghahanap sa sariling pamomosisyon na kinabuliran ng dalawang magkapatid na sina Santiago at Juan!

Pero, teka muna. Ito ba ang tunay na sabi ng mga pagbasa natin? Baka naman namamalik-mata lang tayo. Tingnan natin …

Hmmm … Sa unang pagbasa, medyo naduling ako … hindi ko makita rito ang paghahanap sa sarili. Hindi ko rin makita rito ang kahalagahan ng tarpaulin, ng TV plug-in, ng photo op saanman, kailanman, gulaman! Wala rin dito ang payabangan, ang paramihan ng mga ever-loyal followers at mga alalay. Wala rin dito ang mga juke box journalists na parang mga sirang plakang paulit-ulit ng tuligsa, totoo man o kabulaanan.

Medyo hindi yata ito hiyang sa mga naghahanap mamuno, maglingkod, at humawak ng posisyon at poder sa lipunan. Bakit? Ano ba ang saad ng unang pagbasa?

Tingnan natin … opps! Mali! Walang kita dito. Walang kickback … walang alalay, kundi panay bigay, panay alay, panay hirap … “Ang aking tapat na lingkod at lubos kong kinalulugdan ang siyang tatanggap sa parusa ng marami, at alang-alang sa kanya sila’y aking patatawarin.”

Teka, nasa tama ba akong estasyon? Nasaan na ang mga kamera, ang TV crew, ang mga rah-ray boys and girls? Nasaan na ang kinang, at tanyag, at busilak ng karangyaan? Wala. Wala sa buhay ng tunay na lingkod ni Yahweh!

Epic fail! Sabi nila! Sino ang maghahanap ng paglilingkod na walang kapalit? Sino ang mag-aasam ng pag-aalay ng sariling buhay para sa kapakanan ng iba? Hindi na uso iyan, sabi ng marami. Hindi na nakakatawa ito. It’s not fun in the Philippines!

Vamos a ver todavia un poquito mas … Ano say ng ikalawang pagbasa? Hala! Epic fail pa rin! Dakilang saserdote? Na nagpahirap at nagpakahina, katulad daw natin sa lahat ng bagay? Waah! Wa poise, wa power, walang wala!

Baka naman yung ikatlong pagbasa ay may konting ginhawa… tingnan rin natin…

At dito pumasok ang kwento ng dalawang binatilyong nag-asam ng posisyon … walang iwanan, ika nga natin. Anong sama kung silang dalawa na lamang ang mag-unahan sa trono? Anong sama kung sila na lamang dalawa ang manatiling maging senador habang buhay? Kung di puede, puede rin naman ang anak, ang asawa, ang pamangkin, o inangkin, o kabit o kadouble … sama-sama together, para talagang masaya.

Opps! Epic fail pa rin! Dehins uubra kapatid. Natimbrehan ng Panginoon, at tuloy naboljak sila. “Ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod.” Gets mo tol? “At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat.”

Aray! Ang hirap! Mapait, ito, kuya Cesar!

Tumpak! At pati sa simbahan, pati sa aming mga pari, pati sa mga relihiyoso, ang pangaral ay totoo at makabuluhan, sapagka’t kami man, sabi nga natin noong isang linggo, ay pawang mga tao rin lamang! Hay naku! Ang tao’y marupok, kay daling matepok!

Ito ang magandang balita. Para sa akin, na tulad mo, tulad nyo, tulad ng lahat ay pinagdaanan din ng ambisyon, ng pagnanasa, ng pag-aasam. Matingkad at mapang-akit ang tawag ng katanyagan, ng kapangyarihan, ng kayamanan na kaakibat ng lahat ng ito

Paalaala lang kapatid. Paalaala rin sa aming lahat na naglilingkod. Hindi ito nakukuha sa tarpaulin. At lalung hindi ito nakukuha sa TV appearances at photo ops. Ito ay pagtalikod sa sarili … paglilingkod na pagiging alipin ng lahat. Epic fail? Hindi. Maraming nauna na … si Lorenzo de Manila … Si Pedro Calungsod … Si Blessed John Paul II … at marami pa. Naghirap sila. Tinanggihan ng marami. Kinutya at nilibak, tulad ng lingkod ni Yahweh. Tingnan natin ngayon kung nasaan sila.

At bago ko nga pala makalimutan … nagbago ang isip ni Santiago at Juan … sumunod rin sila sa bandang huli sa daan ng Panginoon. Bakante ngayon ang posisyon … Ibig mo bang mag-apply? Isipin mong mabuti kapatid. Kaya mob a? Trip mo ba ito? Sa langit, ang kasiyahan ay walang hanggan … masaya, mas masaya kesa sa Pinas. Sama-sama together. Forever. At walang lamangan, walang iwanan! Saan ka pa?

BANTAY-GABAY O BANTAY-SALAKAY?

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Agosto 29, 2011 at 13:14

Ika-23 Linggo ng Taon(A)
Setyembre 4, 2011

Mga Pagbasa: Ezekiel 33:7-9 / Roma 13:8-10 / Mateo 18:15-20

Mahirap ang magmalasakit sa kapwa. Kung minsan, sa iyong pagmamalasakit, ikaw pa ang masama sa bandang huli. Sa aking hindi na maikling kasaysayan, na mas mahaba na ang nagdaan kaysa sa darating pa, may ilan rin naman akong karanasan tungkol dito. Gumawa ka ng maganda at may magsasabi ng kung anong hindi maganda, na hindi man lamang sumagi sa iyong guni-guni … Di ba talangka mentality ang tawag dito?

Nguni’t tulad ni Exequiel sa unang pagbasa, may taong inaatangan ng pananagutan sa kapwa, para sa kapakanan ng iba, at hindi ng sarili. Si Exequiel ay siyang naatangan upang maging isang bantay, isang gabay, isang may malasakit para sa bayan ng Diyos.

Nakakalungkot na ang sinasapit ng Simbahang Katoliko ay puro paninira at paninisi … Sa kanyang kagustuhang maging bantay-gabay ng tunay at wagas na kapakanan ng sangkatauhan, sari-saring bansag ang ipinupukol sa kanya. Sa kanyang pagnanais na pangalagaan ang pangkalahatang kapakanan, at higit na malawak na kabutihan ng bayan, inuusig siya at sinisiil, pati ng mga taong nagsasabing sila raw ay katoliko.

Pananagutan ang kanyang pasan … Ngunit iba ang pananagutan at ang sagutin. Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ipinapayo niya na wala dapat tayong sagutin sa isa’t isa, liban lamang sa iisang bagay – ang pag-ibig. Wala raw tayo dapat anumang utang sa kapwa, kundi ang pagkakautang ng pag-ibig.

Sa totoo lang, ito ang talagang mahirap gawin. Sinuman sa inyo na nakakabasa nito at nakarananas ng aking naranasan ay sasang-ayon sa akin … Mahirap mahalin ang nagpapahirap sa iyong buhay. Mahirap patawarin ang nag-uusig sa iyo nang walang habas at walang dahilan. Mahirap ngumiti kapag ikaw ay niyayapakan o niyuyurakan kahit wala kang ginawang masama.

Malamang na tulad ni Jeremias, si Exequiel ay nakatikim rin ng lahat ng ito.

Sa ating panahon, hayagan na at palasak ang lahat ng uri ng pagkamakasarili at paghahanap ng sariling kapakanan lamang. Mayroon ngayong tinatawag na “narcissism epidemic” o laganap na kultura ng pagkamakasarili, ayon sa mga sikolohistang tanyag at bihasa. Ang kalinangan ngayon ng kabataan ay umiinog sa paghahanap ng sariling ginhawa at pagpapasasa. Walang iniisip na komunidad, o samahan, o ang pangangalaga sa kapakanan ng kapwa.

Sa panahon natin, kay raming nagsasabing sila raw ay naglilingkod sa bayan. Nguni’t hindi maglalaon at napapagtanto nating sila ay hindi bantay-gabay kundi mga bantay-salakay – mga taong nagsasamantala sa kamangmangan o kahinaan ng iba.

Wala nang lalayo pa sa kalinangang isinusulong ng Simbahan at ng Ebanghelyo. Hindi pagsasarili ang turo ng ebanghelyo, kundi ang pagsasama-sama. “Kung saan may dalawa o tatatlo na nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.

Hindi madali ang magpatawad. Subali’t lalung mahirap kung tayo ay lubos na makasarili. Ang pagkamakasarili ay nakikita sa kakulangan ng kakayahang makita ang pananaw ng kapwa, ang kawalang kakayahang makaunawa ng paningin ng iba, at ang patuloy na pagsisikap upang bumagsak o malugmok ang iba sa paghihirap.

Sa araw na ito, gusto nating alalahanin ang lahat ng mga bantay-gabay: ang mga namumuno, ang mga may pananagutan, ang mga nanunungkulan, ang mga may hawak na kapangyarihan, ang mga naglilingkod sa kapwa sa pamamagitan ng pamumuno saan man, sa pamahalaan man o sa simbahan.

Hiling natin sa Diyos na matulad nawa silang lahat sa halimbawa ni Exequiel, sa halimbawa ni Hesukristo, sa halimbawa ng Beato Juan Pablo II, at marami pang iba.

Nguni’t hiling rin natin na tayo na nasa ilalim ng mga naglilingkod ay matutong magbuklod hindi bunsod ng pagsalungat sa namumuno, kundi ang matuto sa paanan ng Panginoong Hesukristo na siyang nagpapaalaala sa atin: “Saanman may dalawa o tatlo na nagkakatipon sa ngalan ko, naroon akong kasama nila.”

Ito ang isa sa mga palatandaan ng pagiging tunay na bantay-gabay – ang pamumuno kasama at sa ngalan ng Panginoon, at hindi ng sarili.

P.S. Hindi ako tiyak na makakapag-post sa darating na tatlong linggo dahil sa isang mahabang lakbayin na palipat-lipat ang lugar sa Europa. Gayunpaman, sisikapin ko pa ring gawin ito.