frchito

Posts Tagged ‘Kabulagang Espiritwal’

SA MGA BUKAL NG TUBIG AT MAAYOS NA LANDAS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Propeta Jeremias, Taon B on Oktubre 26, 2012 at 20:41

Ika-30 Linggo ng Taon (B)

Oktubre 28, 2012

Mga Pagbasa: Jer 31:7-9 / Heb 5:1-6 / Mc 10:46-52

SA MGA BUKAL NG TUBIG AT MAAYOS NA LANDAS

 

Ewan ko kung naranasan na ninyong mag-hiking na naubusan kayo ng tubig na baon. Tanging isa lamang ang inyong panalangin – ang makatagpo ng bukal! Ewan ko rin kung naranasan na ninyong maglakad sa dilim, paakyat ng bundok … walang maapuhap, walang mahawakan, at walang makitang katiyakan! Sa mga sandaling yaon, ipagpapalit mo ang iyong bote ng tubig sa isang lampara! Ewan ko rin kung naranasan na ninyong maligaw sa gubat, at tila paikot-ikot lang kayo sa napagdaanan na ninyo, nguni’t wala kayong makitang labasan … maski na bote ng tubig, kargada, at lampara ay inyong itatapon, makita lamang ninyo ang daan pauwi!

Mahirap ang mauhaw. Mahirap ang maging bulag. At lalong mahirap ang maligaw ng landas, mawala, at walang makitang katiyakan sa buhay!

Ang lahat ng ito ay naranasan ng bayan ng Diyos, ang mga Israelita. Nauhaw sila sa ilang. Natapon sila sa bayang walang katiyakan, sa Babilonia! Naranasan nila ang walang makitang tiyak na kaligtasan, sa pagka-alipin sa banyagang lugar, malayo sa templo, malayo sa mga kababayan, at malayo sa kinasanayan o kinagawian.

Dalawa o tatlong beses ako nakaranas maglakad sa dilim … noong wala pang nabibiling mga LED lamps at kung meron man ay sobrang mahal. Matinding karanasan, ang makaramdam ng ganap na kabulagan. Napagdaanan ko na rin ang maubusan ng tubig at malayo pa ang tuktok. Wala kang iisipin kundi ang makatagpo ng bukal, upang maipagtawid-buhay.

Nguni’t matay nating isipin, ito ang kwento ng bawa’t isa sa atin … Ito ang karanasang mapait ni Jeremias, ang propeta noong pagkatapon sa Babilonia. Ito rin ang matinding pagdurusang naranasan ni Bartimeo – ang tuyain, ang libakin, at ang ituring na walang silbi, bilang bulag na umaasa lamang sa iba.

Pero hindi lang yan. Lahat tayo ay naging alipin sa katumbas ng banyagang lugar. Ilan sa mga pamilya ninyo ang hindi nyo kasama, nagbabanat ng buto sa ibang bansa? Ilan sa inyo ang matagal nang nagtitiis na mabuhay sa malayo upang maipag-tawid buhay ang mahal ninyo? Ilan sa atin ang nakaranas ng siphayuin ng kapwa, at hindi tanggapin, o isa-isang tabi dahil sa inggit, galit, tampo, o anuman? Ilan sa atin ang naging banyaga sa sariling bahay, o sa sariling bayan dahil sa sari-saring dahilan?

At hindi lang iyan. Tayo man, ay tulad lahat ni Bartimeo … bulag … hindi nakakakita ng maraming bagay. Hindi man lang natin batid ang tunay nating motibasyon sa pagkilos. Hindi man lang natin alam ang kinabukasan. Nabubuhay tayo at napapaligiran ng kawalang katiyakan sa ekonomiya, sa pamemera, at sa larangang political. Hindi man lang natin matukoy kung kailan ang susunod na lindol, o kung kelan raragasain na naman tayo ng walang patid na ulan o bagyo.

Bulag tayo sa maraming bagay … at tayo ay paapu-apuhap, pakapa-kapa, at walang katiyakan kung saan patutungo.

Kung meron mang dapat sana ay nawalan ng pag-asa, nanghinawa, nagtampo, siguro ay si Jeremias ang may karapatan dito. Kung meron mang dapat nanghinawa at nawalan ng lakas upang lumapit kay Jesus, ay si Bartimeo. Sinansala siya at kinutya, at pinagtangkaang patahimikin ng mga tao.

Subali’t hindi siya napadala . Hindi siya nag-atubili. Patuloy siyang lumapit kay Jesus at ang panalangin ay sadyang mula sa kaibuturan ng puso: “Guro, ibig ko po sanang makakita.”

Ito ang pag-asa ni Bartimeo. Ito rin ang pag-asa ni Jeremias, na nagbunsod sa kanya upang magbitaw ng salitang lubhang kailangan nating lahat ngayon, sa sitwasyon ng kawalang katiyakan: “Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig, pararaanin ko sa maayos na landas upang hindi sila madapa!”

Gutom. Uhaw. Pagod. Hirap. Bulag. Ito tayong lahat ngayon. Subali’t ayon sa ikalawang pagbasa, ang Dakilang Saserdote ay gumanap sa kanyang misyon upang tayo ay mapanuto at mapabuti.

Tulad ng ginawa ni Jesus kay Bartimeo… Tulad ng ginawa ng Diyos para kay Jeremias …

Panginoon, ihatid mo kami sa bukal ng tubig at paraanin kami sa landas upang hindi na muli kami madapa!

DATING NASA KADILIMAN, NGAYO’Y NASA LIWANAG

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Abril 2, 2011 at 16:22

Ika-4 na Linggo Kwaresma (A)
April 3, 2011

Natapos ko kanina pang umaga ang pagninilay na ito sa Cebu, habang kumakain ng agahan, at sa aking pagmamadaling mai-upload ang pagninilay, hindi ko alam kung ano ang napindot ko at biglang nabura ang lahat. Ginagawa ko ito ngayon sa Canlubang habang naghihintay sa Graduation kung saan ako ay panauhing pandangal.

Isang makatotohanang pagtanggap ang paksa ng mga pagbasa natin ngayon – ang katotohanang mayroong kadiliman … ang katotohanang tulad ng lalaking isinilang na bulag, lahat tayo ay may pinagdadaanang pagkabulag sa buhay.
Pero ito rin ay isang pagtanggap sa pag-asang ang kabulagan, at ang kadiliman ay hindi mananatili … di maglalaon ay mapapawi at mapapalitan ito ng isang kaliwanagang hindi kailanman makakatkat ng kadiliman.

Maraming taon na ang nagdaan nang napanood ko ang isang sine na ang pamagat ay “Wait Until Dark.” Tungkol ito sa isang babaeng bulag pa sapul sa kanyang pagkabata na naging “saksi” kumbaga sa isang krimen at pinaghahanap ng kriminal. Nang matunugan ng bulag na siya ay tinutugis at nang malaman niyang malapit nang makarating sa kanyang bahay, pinagbabasag niya ang mga bumbilya at lahat ng ilaw sa kanyang bahay. Naisip niyang sa gitna ng kadiliman, may bentaha ang isang bulag na hindi nakakakita, at hirap ang isang taong malinaw ang paningin na kumilos habang nababalot ng kadiliman.
Sa pagkakataong ito, hindi kaila sa ating ang bulag ay may higit na kakayahan kaysa sa nakakakita nang normal.

Sa kwento ng ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggong ito ng Kwaresma, hindi lang bentaha ng isang bulag ang nakikita natin. Lamang na lamang ang bulag na ito kaysa sa mga Pariseo at mga may kapangyarihan. Tingnan natin sumandali kung bakit …
Noong kami ay mga bata pa sa Cavite, malimit kaming pagwikaan ng lola naming kapag ginigising sa malamig na umaga at ayaw naming pang bumangon. Mas madali, aniya, gisingin ang tunay na tulog kaysa sa nagtutulog-tulugan. Mas maigi pa raw ang bulag kaysa sa isang taong nagbubulag-bulagan.

Hindi ko ito makalimutan at sa araw na ito, muling nagbalik sa aking alaala ang mga salitang ito. Ang lalaking isinilang na bulag ay higit na nakakita kaysa sa mga Pariseong ayaw makita ang totoo. Walang mas masahol pa sa taong nagbubulag-bulagan.
Nguni’t sa pagkakataong ito, hindi lang bentaha ng isang bulag ang pinag-uusapan natin. Ang tinutukoy natin dito ay isang pagpapasya ng isang taong bukas ang kalooban, bagama’t nababalot ng dilim ang katawan. Ang tinutumbok natin ay ang saloobin ng isang wala mang paningin ay mayroong pananaw; wala mang nakikita ay may tinatanggap na totoo. Siya ang kabaligtaran ng mga taong may paningin nguni’t walang gustong makita, at lalung walang nais tanggapin bilang totoo.

Bilang isang tagapagpayo o counselor, bihasang bihasa ako makakita ng kung anong masama ang idinudulot ng pagtanggi sa tao. Batid ng marami sa atin kung anong iba-ibang uri ng kapansanang sikolohikal ang idinudulot ng hindi pagkilala o pagtanggap sa katotohanan na bumabalot sa buhay ng isang tao. Alam natin lahat na hindi makapagdudulot ng mabuti ang pagmamaang-maangan, at pagbubulag-bulagan. Ang bayan natin ay saksi sa kung ano-anong uri ng katiwalian ang nagaganap dahil lamang sa pagbubulag-bulagan ng mga kinauukulan.

Isang malinaw na halimbawa rito ang sinapit ng tatlong pinoy na binitay sa China, at marami pang nakakulong sa ibang bansa. Alam ng lahat na hindi dapat naganap ito kung walang korupsyon sa airport, sa mga recruiting agency, at sa mga travel agency. Alam ng lahat na hindi nila magagawa ito kung walang mataas na tao sa pamahalaan na kasabwat ng lahat ng mga masasamang taong naging sanhi ng kanilang kamatayan. Pero ano ba ang naririnig natin magpahanggang ngayon? Wala … Ni isang gaputok na pag-amin ninuman. Patuloy na ipinalalabas na ang tatlong binitay ay kriminal na dapat magbuwis ng buhay.

Malinaw pa sa sikat ng araw na may nagbubulag-bulagan, may nag mamaang-maangan, at may nagtatakip sa pananagutan.

Malinaw ang panawagan ng mga pagbasa sa atin … isang pagsulong … isang pagliban … isang paglisan mula sa kadiliman, patungo sa kaliwanagan. Ito ang isa sa malinaw na turo ng ebanghelyo … kung paanong ginawaan ng paraan ng Panginoon na makakita ang lalaking bulag. Ito rin ang paalaala ni San Pablo … na tayo, diumano ay dating nasa kadiliman ngunit ngayon ay nababalot ng liwanag. Ito ang malinaw na turo ng unang pagbasa … na sa kabila ng makataong pamamaraan ng pagpili, malinaw na ang Diyos ay may balak na hanguin mula sa kawalang-pansin, mula sa kawalang kakayahan sa kanyang paghirang sa pinaka-bunso at pinaka mahina sa mga anak ni Jesse, si David!

Hindi dapat mangimi ang mahihina. Hindi dapat manghinawa ang mga walang kaya at walang kapangyarihan. Diyos na mismo ang gumagawa ng paraan. Naparito siya upang hanguin tayo sa kadiliman at ihatid sa liwanag. Tunay na tunay, dati-rati’y tayong lahat ay nasa kadiliman, ngunit ngayon ay nasa kaliwanagan.

Magbubulag-bulagan pa ba tayo? Mangangapa pa baga tayo sa dilim?