frchito

Posts Tagged ‘Kaligtasan’

DARATING, DUMATING. NGAYON NA!

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Marso 21, 2014 at 12:42

woman_at_the_well

Ikatlong Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 23, 2014

DARATING. DUMATING. NGAYON NA!

Ni hindi pinangalanan ang babaeng Samaritana. Sino nga ba ang kailangan ng pangalan kung ang masama mong reputasyon ay nauna na sa iyo? Di ba ganyan ang buhay? Kapag napag piyestahan ka na sa tsismis, hindi na kelangang pangalanan pa. Sapat na na ikaw ay tawaging “ basagulero,” “kriminal,” “mandurukot” atbp.

Napagod si Jesus at nauhaw. Umupo sa tabi ng balon, At sa darating naman ang babae. Kinausap ni Jesus. Kapag may awa at habag, hindi na kailangan tanungin kung sino. Kapag gusto mo tulungan ang nangangailangan, hindi na kailangan ng birth certificate. Kapag may naghihintay ng tulong, awa, at kalinga, hindi na titingnan ang ID.

Ganito ang habag ng Panginoon. Alam niya na kailangan ng tulong ng babae. Hindi na mahalagan kung meron siyang voter’s ID. Ganito magmahal ang Diyos. Ganito siya maghatid ng patawad. Hindi namimili. Hindi humihingi ng patunay na ikaw nga ay taga siyudad ng Samaria.

Pero alam niya. Alam rin niya ang ating style. Mahilig magpalusot. Mahilig maghanap ng butas para tumakas. Nagdulot si Jesus ng tubig na buhay, nanatili ang babae sa tubig ng balon. Mababaw. Nagwika si Jesus tungkol sa mga bagay na espiritwal, patuloy na nanatili ang babae sa bagay na makamundo.

Para tayong lahat mga Samaritana. Kapag medyo nasusukol, nagtatanong tayo ng mga tanong na walang kinalaman sa usapan. Napuntirya niya ang tunay at wastong pagsamba. Pero iniwasan niya ang usapin tungkol sa kanyang limang asawa. Nagwika si Jesus sa tubig na walang hanggan. Nanatili siya sa usapan ng paraan para makapagkabit ng hose para hindi na siya sumalok sa balon.

Mababaw. Mapaglihis. Mapaglinlang … tulad ng mga senador na buking na, pero maraming dahilan, maraming rason, at lalung maraming pinagtututuro, tulad ni Adan at Eba, na walang ginawa kundi magturo at magbintang at ang ahas ang pinagdiskitahan at pinagbuntunan!

Di ba tulad rin tayo ni Moises? Nang nakatikim na ng hirap, uhaw, pagod at gutom sa ilang ay nagtanong nang walang pakundangan sa Diyos: Bakit mo kami dinala rito sa ilang? Ito ba ay para ako at ang lahat ng kasama ko ay mamatay sa uhaw at gutom?

Ito siguro ang dahilan kung bakit nakuha rin ng Diyos na umangal: Kung ngayon kayo ay makikinig sa tinig ko, huwag patigasin ang inyong mga puso!

Pero hindi lahat ay tulad ng mga nagtaingang kawali. Sa Pablo na dati ay Saulo na mabangis na taga-usig ay nakinig sa pamamagitan ng puso at hindi lamang ng kaisipan. Sinabi niya: “Sa pamamagitan ng pananampalataya, tayo ay itinuring na makatarungan at nasa kapayapaan ng Diyos.” Hindi siya nagmatigas. Hindi siya nanatiling sa gawang masama. Nagbalik-loob siya.

Ito ang turo sa atin ngayon. Kahit ang taong walang dangal sa harap ng iba, kahit ang babaeng hindi man lamang pinangalanan ay may dangal sa harapan ng Diyos. Ito ang ipinunta ni Kristo sa lupa. Ito ang kanyang kaloob – kaligtasan.

Kahit na tayo ay mapaglihis, mapanlinlang at matigas ang ulo, mahal pa rin tayo ng Diyos, tulad nang minahal niya ang Samaritana.

At ito ang mahalagang turo niya: Darating ang araw. Dumating Na. Ngayon na.

Huwag na sanang magpatumpik-tumpik pa. Hala … Tayo na’t makinig gamit ang puso, hindi ang isip. Darating ang araw ng kaligtasan. Dumating Na. Huwag magmatigas ng puso at damdamin. Tanggapin ang awa at habag ng Diyos. Ngayon na. Sapagkat ngayon ang tamang oras ng kaligtasan.

KATUBUSAN, KALUGURAN … NOW NA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Homily, Taon B, Uncategorized on Pebrero 9, 2012 at 21:07

Ika-6 na Linggo ng Taon B

Pebrero 12, 2012

Mga Pagbasa: Lev 13:1-2.44-46 / 1 Cor 10:31-11:1 / Mc 1:40-45

 

Mahaba-haba na ring panahon ang itinigil ko sa mundong ibabaw. Hindi na ako isang bisirong nanginginain sa parang, na tila walang kapapaguran sa mga nagaganap sa kapaligiran. Marami-rami na rin akong napagdaanan … mga pagsubok sa nakalipas na panahon, na naging tuntungan ko at ng marami pa, upang patuloy na umasa, patuloy na magtiwala, na, sa kabila ng lahat, ay may pinilakang alapaap na nagkukubli sa likod ng madidilim na ulap ng pagkabigo at pagkasiphayo ng tigib ng pag-asang mga pangarap sa panahong lumipas.

 

Lagi kong bukambibig sa aking mga estudyanteng tinuturuan … tila yata ako ay isinilang sa ibang bansa. Ngayon, sabi nga nila, “it’s more fun in the Philippines … holdufun, kidnafun, carnafun,” atbp … nang ako ay lumalaki sa probinsiya, na hindi lalampas sa 60 kilometro ang layo sa Maynila, panay kaluguran ang aking nararanasan. Sariwang hanging … sariwang gulay, na pipitasin mo lamang kapag “nasulak” (kumukulo) na ang tubig, mga pansahog sa nilulutong hindi na kailangang bilhin, kundi hinahanap sa bakuran, o hinihingi sa “kahanggan” o kapitbahay.

 

Isang malaking kaluguran ang mamuhay noon sa Pilipinas … walang maruming usok, walang nakasusulasok na buga ng maiingay na traysikel o kuliglig, na walang sinusundang batas trapiko.

 

Nguni’t isa sa hindi makatkat sa aking isipan ay ang kaluguran maski na sa mga sandaling may sakit ako bilang bata. Habol ako ng hagod ng lola ko, sa likod, sa batok at sa mga masasakit na kasu-kasuan. Wala siyang dulot liban sa saltin (crackers) at Tru-orange, o nilugaw na walang lasa, pero hindi iyon ang mahalaga …

 

Ang mahalaga ay ang hagod sa likod … ang mahalaga ay ang damang katubusang nagmumula sa kalugurang ako ay mahal na mahal, at pinagmamalasakitan. Mababaw ang aking kaligayahan, kumbaga. Nakukuha sa hagod, nadadala sa haplos, na sagisag ng kaligtasang  dulot ng kabatirang ikaw ay may kaugnayan, may kaniig na nagmamahal sa iyo nang walang pasubali.

 

Ito marahil ay isang malinaw na larawan ng magandang balita sa araw na ito.

 

Lahat tayo ay nagdadaan sa iba-ibang uri ng kapansanan. Lahat tayo ay nagkakasakit. Lahat tayo ay nanghihinawa, napapagod, nawawalan kung minsan ng pag-asa, at nanlulumo sa kawalan ng kaluguran sa ating pamumuhay sa lipunan nating punong-puno ng suliranin.

 

Inaamin ko … masahol pa sa ketong ang pinagdadaanan ko. Mabigat ang aking damdamin sa mga pasakit na hatid ng mga trahedyang nagaganap na tila sunod-sunod sa bayan natin … Sendong … lindol … at ang kawalan ng kaisahan sa lipunan, ang magulong mga usaping ang puno at dulo ay kasakiman, at pagkagahaman sa kapangyarihan ng tao … bawa’t isa sa atin, pati na rin ang mga naglilingkod sa atin.

 

Ang ketong ng kasalanan ay patuloy na nagdudulot ng kawalan ng kaluguran sa buhay natin at ng buong lipunan. Kailangan natin ng hagod ng Diyos. Kailangan natin ng haplos ng Kanyang mapanligtas na dampi ng mga kamay na naghahatid ng katubusan, bukod sa kaluguran!

 

Ito ang magandang balitang pinanghahawakan ko. Ito ang nakalulugod na hagod ng mga kamay na mapagligtas ni Kristong nagpagaling sa ketongin sa ebanghelyo. Ito ang katubusang ating inaasam, balang araw …. Pagdating ng tamang panahon!

 

Nguni’t kailangan natin bumaling sa Kanya. Sa unang pagbasa, ito ang utos ni Moises … ang may ketong ay dapat raw pakita sa pari, upang mabigyan ng babala ang iba, ang lumayo sa angking karumihan ng isang ketongin. Sa ikalwang pagbasa, payo sa atin ni Pablo, na anuman ang gawin natin, anuman ang sapitin natin, kumain man tayo o uminom, ang lahat ay dapat laging patungkol sa kanya.

 

Kailangan natin bumaling sa Panginoon, tulad ng ketongin. Kailangan natin manikluhod at magmakaawa. Now na … sabi nga ng mga bata ngayon.

 

Now na … sa panahong tayo ay nagkakawatak-watak sa magkakaibang mga pananaw…

 

Now na … sa panahong tayo ay sinasagian ng matinding pangamba at takot dulot ng trahedyang natural o gawa natin mismo … Now na … sapagka’t gaya nga ng sinaad sa Lucas 7:16, narito at dumating na, isang dakilang propeta, sugo ng Diyos sa bayan niya.”

 

Now na … lumapit tayo sa kanya at hayaan siyang hagurin tayo, at haplusin ng kalugurang hatid ng ganap niyang katubusan!