frchito

Posts Tagged ‘Kapaskuhan’

BANAT SA PAGHIHIRAP; UNAT SA PAG-ASA

In Homily in Tagalog, Mahal na Birheng Maria, Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Taon B on Disyembre 30, 2008 at 16:16

Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Enero 1, 2009

Mga Pagbasa: Bilang 6:22-27 / Gal 4:4-7 / Lucas 2:16-21

philip15

Magandang tingnan ang mga Belen sa panahon ng Kapaskuhan; kumukuti-kutitap, bumubusi-busilak … ang mumunting mga ilawan ay nakabibighani, nakaaakit, nakatatawag-pansin. Pati mga pastol ay kay sarap amuy-amuyin, ang mga munting tupa ay kay sarap pisil-pisilin. Ang lahat ay pinilakan o ginintuan at nababalot ng kagalakan.

Pero ganito nga ba ang nangyari sa unang Pasko? Tingnan natin muli … Hindi biro ang pinagdaanan ng mahal na Birhen sa pagsilang kay Jesus. Una sa lahat, pinagdudahan siya ng marami. Alam ng lahat na ang isang dalagang hindi pa nakakasal o nakakasama ng kanyang kasintahan ay hindi dapat magdalang-tao. Hindi lamang na siya ay nagdusa. Pati si Jose, na isang marangal na tao, ay nagdaan sa pagdurusa.

Nguni’t ang telenobelang ito ay hindi lamang natapos sa ganuong pagdurusa. Mayroon pang higit na paghihirap na pinagdaanan ang banal na mag-anak. Kasisilang pa lamang ng sanggol ay kinailangan nilang magbalot at maglakbay sa malayo. Sa balita ng anghel ay nagkawindang-windang kumbaga, ang buhay ni Maria – at ni Jose! Ni hindi pa nakabubutaw sa pagsuso ang bata, ay napatapon sila sa Egipto, upang umiwas sa isang hibang na hari na pumatol sa isang sanggol, at nagpakanang patayin ang mga walang kamuang-muang na mga batang paslit.

Malayo sa bumubusi-busilak at kumukuti-kutitap na mga Belen ang naging buhay ni Jesus, Maria, at Jose.

Tulad ng buhay natin, gaya nga ng malimit natin sabihin, “hindi araw-araw ay pasko.” Hindi lahat ay maganda ang takbo. Sa dami ng mga problema, maraming kabataan ang hindi na malaman kung paano haharapin ang mga pagsubok. Dumadami ngayon ang mga sumusuko sa problema, nagpapadala … Ang ilan, hindi lingid sa ating lahat, ay nagpapatiwakal, pati mga artista at mga anak ng mayayaman. Kundi man madaliang pagkitil sa sarili, ay maraming mga paraang pareho rin ang tinutumbok – mas matagal nga lamang – tulad ng droga, alak, at iba pang nakapipinsalang bisyo.

Si Maria ngayon ang pangunahing personahe na itinatanghal ng pagdiriwang natin. Ang titolo na kasukdulan ng kanyang kadakilaan ang siya natin ngayong tinitingala at ipinagmamakapuri – Maria, Ina ng Diyos! At bakit hindi? Si Kristo ay hindi puedeng hatiin, hindi puedeng partihin at isa-isang tabi ang katotohanang siya ay Diyos at tao. Ang kanyang pagka-Diyos at tao ay napapaloob sa iisang persona – ang persona ng Anak ng Diyos. Iisang persona, hindi dalawa, ang isinilang ni Mariang Birhen. At ang isinilang niya ay walang iba kundi si Kristong Diyos at tao. Siya samakatuwid ay Ina ni Kristong Diyos at tao. Si Maria ay Ina ng Diyos!

Pero ang mga titolong ito at marami pang iba ay walang saysay at katuturan kung walang angking kadakilaan ang Mahal na Birhen. Ang kanyang kadakilaan ay parehong kaloob at pinagsikapan ng pinagkalooban. Kinasihan si Maria ng Diyos. Maliwanag ito sa ebanghelyo. Pinagpala siya sa babaeng lahat, unang-una sapagka’t ginusto ito at binalak ng Diyos. Pero walang pinagpala lamang ang nagiging dakila kung hindi siya makikipagtulungan at tutugon sa biyaya.

Kay daming mga mayayamang isinilang nang may pilak sa bunganga, ika nga. Kay raming mga anak ng mga taong tanyag at dakila sa lipunan. Pero hangga’t hindi sila gagawa nang ganang para sa kanila, hangga’t hindi sila magsisikap nang pang kanila, ay hindi kailanman sila dadakilain ng tao. Si Maria ay dakila sapagka’t siya ay dinakila ng Diyos; pero hindi siya magiging tunay na dakila kung hindi siya gumanap at gumawa ayon sa kanyang itinalagang kadakilaan. Kahit ang mga paham tulad ni Einstein, ni Helen Keller, ni Alva-Edison, at marami pang iba, ay hindi magiging tunay na dakila kung hindi sila nagdaan sa hulmahan ng kahirapan at pagpupunyagi.

At dito nasasalalay ang kadakilaang wagas ni Maria, Ina ng Diyos. Dakila siya pagka’t dinakila siya ng Diyos. Dakila siya, bukod sa rito, sapagka’t nakipagtulungan siya sa panawagan ng Diyos na bigyang-buhay at kaganapan ang punla ng kadakilaang ipinagkaloob sa kanya.

Hindi nabigo ang Diyos. Hindi niya siniphayo ang paanyaya ng Diyos. Tulad ng gintong idinadaan sa lantayan upang maalis ang mga dumi, si Maria ay nagdaan sa lantayan ng paghihirap. Kung minsan, para ang isang bagay ay maunat, kailangan itong mabanat muna. Si Maria ay naging banat sa paghihirap. Nagdusa siya nang katakot-takot sa pagluluwal at pagpapalaki ng sanggol na si Jesus. Ngunit ang lahat ng ito ay nagbunga nang masagana para sa Kanya at para sa atin lahat – naging unat, naging tuwid, at naging pantay ang daraanan natin tungo sa kadakilaan at kabanalan.

Binat tayo at banat sa maraming pagsubok. Pero hindi sapat ito. Tinatawagan tayo upang tulad ni Maria ay matuto tayong magbanat pa … matutong umungos pa nang kaunti … matutong umangat pa nang higit at tumingala sa isang pangakong naging katuparan sa katauhan ni Jesucristong kanyang Anak. Banat sa paghihirap, ngunit dahil kay Kristong Panginoon, ang makataong larawan ng Diyos, ay naging unat na unat sa pag-asa!

DALAWANG PAGSILANG; DALAWANG PAGSULONG!

In Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Taon B on Disyembre 23, 2008 at 12:00

Pasko ng Pagsilang
Diciembre 25, 2008

Halaw sa Juan 1:1-18 (Misa sa Araw ng Pasko)

nativity62madonna

Apat ang iba-ibang Misa na nakatakda sa Pasko: bisperas, sa hating-gabi, madaling araw, at sa mismong araw. Ang pagninilay na ito ay halaw sa ebanghelyo na nakatakda para sa Misa sa araw.

Iba-iba ang tono, ang emosyong pinupukaw, at ang temang pinapaksa ng mga pagbasa sa apat na Misang nabanggit. Kagabi, ang pokus ay may kinalaman sa kung ano ang naganap at kung paano. Sa araw, ang pokus ay kung ano ang kahulugan ng mga naganap. Ito, kumbaga, ay pumapailanlang. Kung paanong ang mga anghel kagagi ay nagsipagbabaan upang ihatid ang magandang balita sa mga pastol, tayo naman ngayon ang pumapailanlang, upang maunawaan ang kahulugan ng mga nangyari.

Sa unang pagbasa sa Misa sa bisperas, binanggit muli ang saling-lahi ni Kristo, tatlong sapin ng tig-lalabing-apat na lahi. Noong Simbang Gabi ay itinulad natin ito sa sapin-sapin – patong-patong, dugtong-dugtong, kabit-kabit na salin-lahing may kinalaman sa katotohanang ang angkan ni Jesus ay isang walang patid na kasaysayan ng katapatan ng Diyos na hindi natigil, hindi nalagot, hindi nagkaroon ng patlang sa mula’t mula pa.

Ito ang liksiyon na malinaw sa kasaysayan.

Sa ebanghelyo ni Juan, ang tinutumbok ng kasaysayan ay siya namang binibigyang-diin sa teolohiya ng ebanghelista. Hindi lamang ito kasaysayan. Ito ay malalim na katotohanan. Ginamit ni Juan ang salitang “verbo” na ang ibig sabihin, mismo, ay “salita” – kataga ng Diyos. Ang salitang ito, ani Juan, ay kapiling na ng Diyos sa mula’t mula pa. Ang salitang ito – ang Verbo – ay mula sa Diyos, at Diyos na mismo noong pang una. Galing sa kaibuturan ng pagka-Diyos ng Salitang ito, ang Verbo.

Ang Pasko ng Pagsilang, ayon sa pangaral ni Juan, ay ang hiwaga ng pagkakatawang-tao ng Verbo – ang malalim na kahulugan ng pagsilang ni Kristo sa pakikipagtulungan ng Mahal na Birhen.

Sa ibang salitang mas maiiintindihan natin, ang Pasko ay hindi lamang isang sabsaban. Hindi lamang ito may kinalaman sa talang maliwanag. Hindi lamang ito isang pangyayaring nakapagpapataba ng puso sa galak, dahil sa mga palamuti at gayak na mararangya at naiiba. Mababaw lamang ang mga ito.

Paanyaya ni Juan na umangat tayo ng kaunti. Mungkahi niya at aral na tayo ay lumalim pa ng kaunti at akyatin ang matayog na elemento ng pananampalatayang Kristiano, hinggil sa Mananakop.

Sa araw ng Pasko, walang duda na ang mga bata ang pinakamasaya sa buong mundo. Punong-puno ang mga lansangan at mga malls. Parang ang lahat ng lugar ay ginawa para sa mga bata ngayon. Walang higit pang tatama sa ganitong saloobin. Araw ngayon ng mga sanggol at mga musmos, ang araw ng pagsilang ng sanggol na si Jesus.

Ang lahat ng ito ay nagtuturo sa dalawang pagsilang ng Mananakop. Ang una at, ang madaling makita ay ang naganap sa kasaysayan. Ito ang pagmumula ni Jesus sa sinapupunan ni Maria. Ito ang Paskong nababalot ng ginto at pilak, ng palamuti at gayak. Ito ang Paskong puto bumbong, keso, at hamon (para sa mga madatung!)

Subali’t mayroong ikalawa at higit na mahalagang pagsilang – ang pagmumula ng Mananakop sa sinapupunan ng Diyos sa mula’t mula pa. Ito ang pasko ng panalangin, pagbabago, kabaang-loob at Paskong hindi nababalot ng mansanas, ubas, gatas at pulut-pukyutan. Ito ang Pasko na nag-aanyaya sa atin upang umangat, tumaas, at pumailanlang sa kabanalan at wastong kaunawaan.

Maraming isinisilang na salita ngayon. Dati-rati, ang mga nagsasama ng walang kasal ay tinaguriang “living-in-sin.” Ngayon, tinanggal na ang “sin” at ang natira ay “live-in” na lamang. Noong araw, ang anak sa labas ay tinawag na “illegitimate child.” Ngayon, ay “love child” na lamang. Mga salitang bagong silang nguni’t matandang katotohanan! Dati ang kumuha ng pera na hindi atin ay tinaguriang pagnanakaw. Ngayon, hindi pagnanakaw ang tawag ni Bolante at ang mga kampon ng sinungaling na kumita ng milyong-milyon sa abonong nagpayabong hindi sa halaman kundi sa kinamal nilang nakaw na yaman … “I admit that I downloaded that amount.” Hindi nagnakaw … nag-download lamang siya.

Maraming salita ang bagong silang sa panahon at kultura natin. Ang salitang “kalakaran” ni Lozada ay isang halimbawang mataginting. Hindi dapat tawaging korupsyon ang mga bagay-bagay … iyan ang kalakaran … at ang kalakarang nabanggit ay hindi lamang sampung porsiyento, kundi mataas pa sa apatnapung porsiyento!

Maraming salita ang ipinanganganak sa piling natin. Mga palsong pangako ng mga palsong propeta … Isang halimbawa rin dito ang mga salita ng isang kagalang-galang na Senador na nagsisimula sa “P” at “I.” Uso ngayon ang murahan at sapatusan … Tunay na naglipana ang mga iresponsableng mga salita ng mga tampalasang naglilingkod (daw) sa publiko, nguni’t ang pakay ay ang mahigit na 39 na deposito sa iba-ibang bangko.

Pasko ngayon… masaya ang lahat. Nguni’t dapat tiyakin na ang kasiyahan natin ay hindi mababaw, sing babaw ng ating “merry Christmas” na galing sa ilong. Hindi ubas at mansanas, hamon, keso, at gatas ang tanging laman ng isip natin. Ito ay mababaw na elemento ng Paskong pambata. Tiyakin natin, tulad ng tinitiyak ni Juan Ebanghelista na ang pagsilang na ginugunita natin ay ang pagsilang ng Verbo. Ayon kay Juan, ang Verbo ay nagkatawang-tao … at nakipamayan sa atin. Matayog, nguni’t bumaba. Mataas nguni’t nagpakumbaba. Mula sa langit subali’t pumaimbulog sa lupa. Iisa ang layunin Niya ayon kay San Agustin … naging tao Siya tulad natin upang ang tao ay maging Diyos na tulad Niya.

Dalawang pagsilang ang ating ipinagdiriwang. Dalawang pagsulong – sa makamundong kaligayahan at sa makalangit na kagalakan, ang ating isinasakatuparan!

Gloria in excelsis Deo!