frchito

DALAWANG PAGSILANG; DALAWANG PAGSULONG!

In Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Taon B on Disyembre 23, 2008 at 12:00

Pasko ng Pagsilang
Diciembre 25, 2008

Halaw sa Juan 1:1-18 (Misa sa Araw ng Pasko)

nativity62madonna

Apat ang iba-ibang Misa na nakatakda sa Pasko: bisperas, sa hating-gabi, madaling araw, at sa mismong araw. Ang pagninilay na ito ay halaw sa ebanghelyo na nakatakda para sa Misa sa araw.

Iba-iba ang tono, ang emosyong pinupukaw, at ang temang pinapaksa ng mga pagbasa sa apat na Misang nabanggit. Kagabi, ang pokus ay may kinalaman sa kung ano ang naganap at kung paano. Sa araw, ang pokus ay kung ano ang kahulugan ng mga naganap. Ito, kumbaga, ay pumapailanlang. Kung paanong ang mga anghel kagagi ay nagsipagbabaan upang ihatid ang magandang balita sa mga pastol, tayo naman ngayon ang pumapailanlang, upang maunawaan ang kahulugan ng mga nangyari.

Sa unang pagbasa sa Misa sa bisperas, binanggit muli ang saling-lahi ni Kristo, tatlong sapin ng tig-lalabing-apat na lahi. Noong Simbang Gabi ay itinulad natin ito sa sapin-sapin – patong-patong, dugtong-dugtong, kabit-kabit na salin-lahing may kinalaman sa katotohanang ang angkan ni Jesus ay isang walang patid na kasaysayan ng katapatan ng Diyos na hindi natigil, hindi nalagot, hindi nagkaroon ng patlang sa mula’t mula pa.

Ito ang liksiyon na malinaw sa kasaysayan.

Sa ebanghelyo ni Juan, ang tinutumbok ng kasaysayan ay siya namang binibigyang-diin sa teolohiya ng ebanghelista. Hindi lamang ito kasaysayan. Ito ay malalim na katotohanan. Ginamit ni Juan ang salitang “verbo” na ang ibig sabihin, mismo, ay “salita” – kataga ng Diyos. Ang salitang ito, ani Juan, ay kapiling na ng Diyos sa mula’t mula pa. Ang salitang ito – ang Verbo – ay mula sa Diyos, at Diyos na mismo noong pang una. Galing sa kaibuturan ng pagka-Diyos ng Salitang ito, ang Verbo.

Ang Pasko ng Pagsilang, ayon sa pangaral ni Juan, ay ang hiwaga ng pagkakatawang-tao ng Verbo – ang malalim na kahulugan ng pagsilang ni Kristo sa pakikipagtulungan ng Mahal na Birhen.

Sa ibang salitang mas maiiintindihan natin, ang Pasko ay hindi lamang isang sabsaban. Hindi lamang ito may kinalaman sa talang maliwanag. Hindi lamang ito isang pangyayaring nakapagpapataba ng puso sa galak, dahil sa mga palamuti at gayak na mararangya at naiiba. Mababaw lamang ang mga ito.

Paanyaya ni Juan na umangat tayo ng kaunti. Mungkahi niya at aral na tayo ay lumalim pa ng kaunti at akyatin ang matayog na elemento ng pananampalatayang Kristiano, hinggil sa Mananakop.

Sa araw ng Pasko, walang duda na ang mga bata ang pinakamasaya sa buong mundo. Punong-puno ang mga lansangan at mga malls. Parang ang lahat ng lugar ay ginawa para sa mga bata ngayon. Walang higit pang tatama sa ganitong saloobin. Araw ngayon ng mga sanggol at mga musmos, ang araw ng pagsilang ng sanggol na si Jesus.

Ang lahat ng ito ay nagtuturo sa dalawang pagsilang ng Mananakop. Ang una at, ang madaling makita ay ang naganap sa kasaysayan. Ito ang pagmumula ni Jesus sa sinapupunan ni Maria. Ito ang Paskong nababalot ng ginto at pilak, ng palamuti at gayak. Ito ang Paskong puto bumbong, keso, at hamon (para sa mga madatung!)

Subali’t mayroong ikalawa at higit na mahalagang pagsilang – ang pagmumula ng Mananakop sa sinapupunan ng Diyos sa mula’t mula pa. Ito ang pasko ng panalangin, pagbabago, kabaang-loob at Paskong hindi nababalot ng mansanas, ubas, gatas at pulut-pukyutan. Ito ang Pasko na nag-aanyaya sa atin upang umangat, tumaas, at pumailanlang sa kabanalan at wastong kaunawaan.

Maraming isinisilang na salita ngayon. Dati-rati, ang mga nagsasama ng walang kasal ay tinaguriang “living-in-sin.” Ngayon, tinanggal na ang “sin” at ang natira ay “live-in” na lamang. Noong araw, ang anak sa labas ay tinawag na “illegitimate child.” Ngayon, ay “love child” na lamang. Mga salitang bagong silang nguni’t matandang katotohanan! Dati ang kumuha ng pera na hindi atin ay tinaguriang pagnanakaw. Ngayon, hindi pagnanakaw ang tawag ni Bolante at ang mga kampon ng sinungaling na kumita ng milyong-milyon sa abonong nagpayabong hindi sa halaman kundi sa kinamal nilang nakaw na yaman … “I admit that I downloaded that amount.” Hindi nagnakaw … nag-download lamang siya.

Maraming salita ang bagong silang sa panahon at kultura natin. Ang salitang “kalakaran” ni Lozada ay isang halimbawang mataginting. Hindi dapat tawaging korupsyon ang mga bagay-bagay … iyan ang kalakaran … at ang kalakarang nabanggit ay hindi lamang sampung porsiyento, kundi mataas pa sa apatnapung porsiyento!

Maraming salita ang ipinanganganak sa piling natin. Mga palsong pangako ng mga palsong propeta … Isang halimbawa rin dito ang mga salita ng isang kagalang-galang na Senador na nagsisimula sa “P” at “I.” Uso ngayon ang murahan at sapatusan … Tunay na naglipana ang mga iresponsableng mga salita ng mga tampalasang naglilingkod (daw) sa publiko, nguni’t ang pakay ay ang mahigit na 39 na deposito sa iba-ibang bangko.

Pasko ngayon… masaya ang lahat. Nguni’t dapat tiyakin na ang kasiyahan natin ay hindi mababaw, sing babaw ng ating “merry Christmas” na galing sa ilong. Hindi ubas at mansanas, hamon, keso, at gatas ang tanging laman ng isip natin. Ito ay mababaw na elemento ng Paskong pambata. Tiyakin natin, tulad ng tinitiyak ni Juan Ebanghelista na ang pagsilang na ginugunita natin ay ang pagsilang ng Verbo. Ayon kay Juan, ang Verbo ay nagkatawang-tao … at nakipamayan sa atin. Matayog, nguni’t bumaba. Mataas nguni’t nagpakumbaba. Mula sa langit subali’t pumaimbulog sa lupa. Iisa ang layunin Niya ayon kay San Agustin … naging tao Siya tulad natin upang ang tao ay maging Diyos na tulad Niya.

Dalawang pagsilang ang ating ipinagdiriwang. Dalawang pagsulong – sa makamundong kaligayahan at sa makalangit na kagalakan, ang ating isinasakatuparan!

Gloria in excelsis Deo!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: