frchito

Posts Tagged ‘Pagbaba ng Espiritu Santo’

PUSPUSIN ANG KALOOBAN NG TANAN!

In Uncategorized on Mayo 25, 2012 at 20:39

Image

Linggo ng Pentekostes

Mayo 27, 2012

 

Di miminsang sumasagi sa buhay natin ang panghihinawa. Di maikakailang ang buhay natin ay parang gulong … minsan nasa ibabaw, minsan nasa ilalim. Di natin maitatatwa ang katotohanang minsan, tayo ay nagkakamali ng palagay, nalilihis ng landas, at nabubulagan sa mga bagay-bagay at mga pangyayari sa buhay.

Nangyari ito sa mga Judio nang si Jesus ay maluwalhating pumasok sa Jerusalem. Nagbunyi sila at nagsaya. At bakit hindi? Dumarating ang Hari ng Israel. Pumapasok ang manliligtas, ang maghahatid sa kanila palabas sa mga matatalim at matatalas na kuko ng mang-uusig. Hosana sa Anak ni David! Hosana sa kaitaasan! Ito ang kanilang sigaw at awit.

Subali’t ang kanilang galak ay napalitan ng galit at pagkamuhi sa loob ng ilang araw. Ang osana ay naging ipako. Ang pagbubunyi at nauwi sa pagkamuhi.

Nagkamali ang marami. Nagbago ang simoy ng hangin. Napako sa krus ang inaasahang manliligtas.

Subali’t ang maling akala ay puede laging itama at iwasto. Naganap ito nang muling nabuhay si Jesus. Tama ang kanilang paniwala. Si Jesus nga ang Mesiyas. Mali ang kanilang tinanggap na totoo. Siya ay manliligtas nga, nguni’t sa kaparaanang hindi nila inaasahan.

Napalitan ng tuwa ang kanilang naramdaman nang muling nabuhay si Jesus. Isang panibagong pag-asa. Isang panibagong tulak … Isa pang muling panimula sa pagtahak tungo sa kaliwanagan.

Ang aking Ama, sa pagdapit sa paglubog ng araw ng kaniyang buhay ay isang diabetiko. Bagama’t maingat siya sa kaniyang pagkain, may mga pagkakataong biglang nanghihina, biglang parang nauupos na kandila. Sa mga sandaling ito, kailangan niya ng isang mabilis na turok, kumbaga … Sa pagbagsak ng level ng sugar sa dugo, ay walang solusyon liban sa madaliang pag-inom ng anumang matamis – coke o candy, upang manumbalik ang lakas. Sa katawang naghihina, ang katapat ay isang pampalakas, pangpanumbalik ng katatagan ng katawan.

Mababa ang level ng blood sugar ng bayan natin ngayon. Kay raming pagkamuhi. Kay raming pagbibintang at kay rami ring pagkokondena. Matinis ang mga hiyawan ngayon, ang mga pukulan, ang bintangan, at mga paratangan. Wala tayo halos tiwala sa isa’t isa, at ang bayan natin ay parang isang kandilang tila nauupos, humuhulagpos, at inuubos ang lakas na panloob, at napapalitan ng galit at poot.

Mababa rin ang blood sugar ng aking espiritwalidad ngayon. Nagsasawa ako sa maraming bagay. Nanghihinawa ako sa paggawa ng mabuti yamang pati ang mabuti mong nais ay binabasahan ng masamang intension. Nanlalamig at nanlulumo ang kalooban ko sa pagkamalas kung paano ang lahat ay sumisigaw para sa katotohanan, gayong nakapagpasya na sila kung ano ang totoo, at gayong napagdesisyunan na nilang ang totoo ay kung ano ang akma sa kanilang napili na at naako.

 

Sa kabila ng lahat ng ingay, at nagpupuyos na damdamin, tuloy pa rin ang korupsyon, kasinungalingan, at panlilinlang sa lipunan.

Nais kong isipin na isang matinding tulak ang kailangan natin lahat sa araw na ito.

Pero nais ko ring isipin na ang kapistahan natin ngayon ay walang iba kundi ito – ang isang iniksyon sa kalooban, ang isang turok sa kaibuturan ng kaluluwa at puso natin, upang muling bumangon, upang muling lumakas, at muling magsikap tungo sa kaisahan.

Nagkawatak-watak ang mga disipulo nang si Kristo ay napako sa krus. Kahit noong muling nabuhay, mayroon pa ring nag-alinlangan, nag-atubili, at nagkubli sa Senakulo. Sa takot nila, nagtago sila sa kwarto sa itaas, malayo sa tao, malayo sa mga mapagtanong at mapag-usisa.

Dito, sa grupong nahihintakutan, at pinanawan ng lakas, dumating at bumaba ang Espiritu sa bawa’t  isa.

Sa isang grupong tila nawalan ng tapang, bumaba ang apoy na nagpa-alab sa kanilang puso. Sa grupong hindi man lang magkaisa sa iisang salita, sa iisang puso at kaisipan ay dumatal ang Espiritu ng Kaisahan.

Kailangan ka namin, O Banal na Espiritu. Kailangan namin ang iyong kaisahan, ang iyong kalakasan at ang iyong kaliwanagan. Malayo pa kami sa kaisahan. At lalu kaming malayo sa kapayapaan. Nagkawindang windang ang bayan namin dahil sa politika. Nagkasira-sira ang samahan namin dahil sa pagkamakasarili at kasakiman. Pati mga magkakamag-anak ay nagka-away-away dahil sa kasakiman sa pera. Ang buhay political namin ay nauwi na lamang sa pagsasamantala sa mga mangmang at mga mahihirap at walang kaya.

Halina Espiritu Santo. Halina at muli kaming bigyan ng lakas. Patatagin ang pagnanasa namin sa kabutihan. Pag-igihin at pag-ibayuhin ang kalooban namin. Puspusin Mo ang kalooban ng tanan!

Tai, Mangilao, GUAM – Mayo 25, 2012

Advertisements

LAGABLAB AT LAKAS MULA SA ITAAS

In Homily in Tagalog, Taon A on Hunyo 9, 2011 at 09:34

Linggo ng Pentekostes
Junio 12, 2011

Linggo ng Pentekostes
Junio 12, 2011

Mga Pagbasa: Gw 2:1-11 / 1 Cor 12:3-7.12-13 / Jn 20:19-23

Nasabi ko na ito at muli kong sinasabi minsan pa. Mahirap ngayon ang manindigan bilang isang katoliko. Sa dami ng mga pagbabatikos na naririnig natin galing sa mga nagsasabing sila raw ay katoliko, mahirap tumayo, mahirap manindigan. Mas madali, antemano, ang manira kaysa gumawa at bumuo. Mas madali ang pumula … laging higit na madali ang manisi, kaysa sa kumilos at magtayo ng anumang bagay.

Hindi ko maubos maisip ang kinatatayuan ng maliit na pulutong ng mga disipulo noong si Jesus ay namatay sa krus. Malamang na ang pagka-akala nila ay mabubuwag na nang tuluyan ang sinimulang kilusan ng kanilang Guro. Siguro’y sumagi sa kanilang isipan na iyon na ang huli nilang makikita sa kanilang maliit na grupo, tuladng dalawang disipulong papauwi na sa Emmaus, dala ng panghihinawa sa mga bagay na malungkot na naganap sa kanilang guro at Panginoon.

Tayo man, lahat tayo, ay sinasagian din pag minsan ng panghihinawa. Mahigit 30 taon na ako bilang edukador at tagapagturo. Sa dami ng taong nagdaan, marami akong nakikitang pagbulusok ng maraming bagay: sa antas ng edukasyon, sa dami ng mga batang dapat turuan, at sa paunti nang paunting mga silid-aralan na puedeng paglagyan sa kanila. Mayaman ang mga heneral at mga politico, nguni’t laging salat sa budget ang dapat lagyan ng budget.

Hindi ko pa rin maubos na maisip na may mga gobernador at mayor sa ating bayan na sa loob ng paulit-ulit na panunugkulan ay nakapagpapagawa ng tatlo-tatlo o higit pang magagarang bahay saanman sa Pilipinas.

Nguni’t ang mga taong may pasya na kung ano ang simbahan ay mahusay magbaligtad ng usapin… mahusay magpatalbog ng dapat siyasatin. Simbahan pa raw, anila, ang mayaman. Kung susundan natin ang kanilang palpak na pag-iisip, pati ang PLDT ay mayaman … ang Globe, ang Smart. Maraming solid assets, maraming mga gusali, maraming mga gamit … Kung susundan natin ang kanilang patakaran, dapat din sanang ipagbili ng mga ito, ng UP, ng lahat ng eskwela ng gobyerno ang mga “assets” at ipamudmod sa mahihirap. Ngunit wala silang binabanggit sa mga kawanggawang kung hindi tinutuunan ng pansin ng simbahan ay maraming tao ang mapapariwara. Hindi nila sinasabi na mahigit sa kalahati ng mga hospital at klinika na nag-aalaga sa mga AIDS patients ay patakbo ng Simbahan. Hindi rin nila sinasabi na ang mga orphanages at street children centers karamihan ay patakbo rin ng Simbahan. Yun nga lang, mahirap makipagtalo sa mga taong antemano ay nagpasya na kung ano ang tama para sa kanila.

Nguni’t ano ba ang kinalaman ng lahat ng ito sa kapistahan natin ngayon? Malaki! Una sa lahat, ang binabanggit ng kwento ng mga pagbasa ay tungkol sa apoy at hangin, nag-aalab, naglalagablab. Ito ang larawang iniwan sa ating kaisipan at guni-guni ng mga pagbasa – ang pagbaba at pagbubuhos ng Espiritu Santo sa maliit na pulutong ng mga mananampalataya.

Ang Pentekostes, na ang kahulugan ay ika-50 araw matapos ang muling pagkabuhay, ay walang iba kundi ito – ang kaloob na lakas, ang kaloob na kapangyarihan mula sa itaas, dulot ng Espiritu Santong kaloob ng Ama at ng Anak, ang kaganapan ng pagpapahayag ng Diyos bilang Banal na Santatlo.

Nakapanghihinawa kapag kabi-kabila ang pagbabatikos ng mga tao laban sa turo ng Simbahan. Nakapanlulumong isipin na marami sa mga bumabatikos ay galing mismo sa loob ng minamahal nating Santa Iglesya – mga taong ang kaisahan sa pananampalataya ay hindi bumabagtas at humihigit sa binyag lamang. Masakit man isipin, marami sa mga katoliko ay mga kristiyanong KBL, kristiano lamang sa Kasal, sa Binyag, at sa Libing!

Sa aming maliit na bayan, ang sagisag nito ay ang malimit mangyari tuwing Linggo … maraming nagsisimba raw, ngunit, sa katunayan ay nakatayo lamang sa ilalim ng puno ng balite, sa plaza, sa tapat ng simbahan. Simbang akasya … sa loob man ng simbahan nagmula ay nauuwi sa ilalim ng puno sa oras ng sermon upang manigarilyo o makipagkwentuhan sa mga kabarkada.

Masakit man isipin, malinaw na marami sa atin ay mabababaw lamang ang kaalaman tungkol sa pananampalataya, kung kaya’t talong-talo ng mga taga TV at radio, na mababaw rin ang kaalaman sa kanilang pananampalataya.

Panalangin nating lahat ngayon na patuloy sanang makapagbigay lakas at kapangyarihan ang Espiritu ng kabanalan, ang Espiritu Santo na ipinagkaloob upang tayo ay magising, magpagal, at magsikap upang ang kaligtasang kaloob ng Diyos kay Kristo ay maging makatotohanan sa ating lahat.

Halina Espiritung Banal, kami ay kasihan at tulungan!