frchito

Posts Tagged ‘Pagdurusa’

PAKANA NG DIYABLO O PANUKALA NG DIYOS?

In Uncategorized on Hunyo 30, 2012 at 21:35

Ika-13 Linggo ng Taon B

Julio 1, 2012Image

 

Di miminsang sumasagi sa isipan natin ang mapait na katotohanan, na hindi lamang mahirap lunukin, bagkus mahirap man lang isipin … may kapaitan sa mundong ibabaw, at may pagtangis na kaakibat ng buhay sa daigdig.

Tingnan na lamang natin ang paghihirap na pinagdaanan ni Jairo. Sinong ama o ina sa inyo ang hindi gagawa ng lahat mailigtas lamang ang sariling anak? Sino sa atin ang hindi kakapit maging sa matalas na patalim kung ang kapalit ay ang pananatili sa buhay ng isang pinakamamahal?

Tingnan rin natin ang pinagdaanan ng babaeng 12 taong nagdusa at nagdugo nang walang ampat … Sinong babae man o lalake sa mundong ito ang hindi hahabol sa inaakala nating may tangan ng kasagutan sa ating pagdurusa? Sino ang hindi mapadadala sa matinding pagnanasang mahipo man lamang ang laylayan ng baro upang magkaroon ng pag-asang gumaling?

Tingnan natin ngayon ang sarili natin … Sino sa atin ang tahasang makapagsasabing hindi siya nagdaan sa anumang matinding pagsubok sa buhay? Sino sa atin ang tiyakang makapagpapatunay na di miminsan siyang nawisikan man lamang ng kaunting kapaitan sa buhay?

Ito ang buhay natin na ayon sa mga kataga ng aklat ng Karunungan (Unang pagbasa), ay sinapit natin dahil sa “pakana ng diyablo.” Ayon sa kasulatan, ang paghihirap at kamatayan ay bunga ng kasalanan.

Ito ang tila masamang balitang laman ng mga pagbasa sa araw na ito. Nguni’t sa likod ng lahat ng ito ay ang mataginting na magandang balitang nagkukubling parang liwanag sa likod ng madidilim na alapaap ng kawalang pagtitiwala at pag-asa.

Sa araw na ito, nais ko sanang manatili tayong lahat sa magandang balitang siyang pinagyayaman ng parehong mga pagbasa. Nais ko sanang bigyang diin ang kabaligtaran ng “pakana ng diyablo” – ang panukala ng Diyos, na hindi kailanman nawalan ng habag at awa sa mga nagdurusa at namimighati.

Hayaan sana nating hagurin ng mga Salita ng Diyos ang puso nating nabibigatan at nahihirapan sa mapapait na karanasan … “Ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos. Ang pagkamatay ng alinmang may buhay ay hindi niya ikinalulugod.”

Huwag na huwag sana tayo paanod sa “pakana ng diyablo,” bagkus padala sa malinaw na pangaral na ipinamalas ni Jairo, at ng babaeng nagdusa ng maraming taon. Nagpakumbaba si Jairo … nagtiklop-tuhod sa paanan ng Panginoon … nagsumamo sa mataimtim na panalangin. Nagpumilit makasunod at makapasok sa gitna ng maraming tao ang babae … kahit man lamang mahawakan ang laylayan ng kanyang baro. Nagsikap … Nagsumamo rin …

Pareho silang naniwala at umasa. Pareho silang sumampalataya at ang kanilang paniniwala ay nagbunsod sa malalim at matatag na pag-asa.

Pakana ng diyablo ang panghihinawa, ang pagkawala ng tiwala, ang paglalaho ng pag-asa.

Panukala ng Diyos ang buhay, ang kaligtasan, ang kagalingan ng lahat ng kanyang nilalang. Kasama tayong lahat dito, mga nilikha ayon sa wangis at anyo ng Diyos.

Huwag nating ipagpalit sa pakana ng diyablo ang panukala ng Diyos para sa ating lahat …”Huwag tayong mabagabag. Manalig tayo.” “Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay.”

Advertisement

PUSPOS NG GALAK AT PASASALAMAT

In Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 21, 2011 at 14:22

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi (B)
Disyembre 22, 2011

Mga Pagbasa: 1 Sam 1:24-28 / Lu 1:46-56

PUSPOS NG GALAK AT PASASALAMAT

Mahirap mapuno ng galak sa mga araw na ito … Sa bawa’t sandaling natutunghayan ko ang mga video at mga larawang makabagbag-damdamin sa trahedyang naganap sa Iligan at sa Cagayan de Oro, mahirap isiping ang hinihintay nating Kapaskuhan ay may tunay at wagas na kahulugan, para sa mga, sa biyaya at awa ng Diyos, ay may pagkakataong magsama-sama, mag-salu-salo at magkaniig pa bilang isang buong pamilya ngayong Pasko.

Hindi ko maubos maisip ang pait at hapdi ng damdaming nararamdaman ng mga namatayan, na bukod pa rito ay nawalan ng buong kabuhayan, ng lahat ng kanilang ipinundar sa mahaba at maraming taon nilang pagsisikhay. Bagama’t naranasan ko rin ang maraming paskong kami, bilang isang malaking pamilya, ay nagdiwang sa magkakahiwalay na lugar sa maraming taon, hindi ko maubos maisip ang mga batang mga pamilyang, sa pagkamusmos ng mga anak, at kawalang malay ng mga batang paslit, ay bigla na lamang nagising sa isang katotohanang wala nang masasayang paskong maaring makita sa hinaharap, para sa marami sa kanila.

Sa mga sandaling ito, bilang Pari, wala akong malamang sabihin. Wala akong makitang angkop na pananalitang makapagpapalubag ng kaloobang namimighati, nagdadalamhati, at yinuyurakan ng matinding pasakit na mas matalim pa sa balaraw na tumitimo sa kalamnan.

Isa sa mga dahilan kung bakit ako ay nag-aral ng counseling/therapy ay ito. Maaga akong nakadanas ng pagdadalamhati ng isang Ina na nawalan ng isang anak noong panahon ng mga Hapon. Noong ako ay bata, malimit kong makita ang Nanay Ipay (Lola ko sa Ina) na sa pagdating ng takipsilim ay laging tumatangis mag-isa. Nakatingin sa lumulubog na araw ay habang ang mga labi ay nagdadasal ng orasyon, ay panay naman tulo ang luha ng pagtangis sa kanyang anak na lalaking pinaslang ng mga sundalong Hapon (o Koreano).

Hindi ko makakalimutan nang kami bilang mga bata ay naglalaro ng baril-barilan. Sapagka’t iniidolo namin noon si Fernando Poe, Jr. kaming lahat ay nagiging sundalong Pinoy (o Americano) at sundalong mga Hapon. Nagpapanggap kaming mga Hapon o Kano, at panay ang gaya namin sa salitang Hapon na natututunan namin sa mga sine ni Fernando Poe. Isang araw, nakita namin ang Lola namin na bigla na lamang natigilan, nanginginig ang buong katawan, nang makita niya at marinig na nagpapanggap bilang mga Hapon. Ngayon sa aking katandaan, ay alam kong ito ay isang halimbawa ng tinatawag naming Post-traumatic stress disorder, isang sikolohikal na kondisyon ng isang taong hindi pa lubusang nakalalampas sa pagtangis sa isang biglaan at malupit na pagkapatay sa kanyang anak.

Ang puso ko ay patuloy na nagsisikap yumakap sa lahat ng tulad ng Lola namin, na aming binigyang-pasakit nang kami ay nag-asal Hapones, na ngayon ay nagdadaan sa hindi natin lubos na mauunawaang kahirapang pangloob.

Nguni’t bilang Pari ay tungkulin ko rin na ikonekta ito sa magandang balita ng Panginoon.

Pero tatapatin ko kayo … ang magandang balita ng kaligtasan ay hindi nakamit kailanman liban sa daan ng pighati, daan ng paghihirap, at daan ng pagtalikod sa sarili. Ilang beses na natin binigyang pansin ang dakilang pagkatapon ng bayan ng Diyos, na siyang naging dahilan kung bakit si Isaias at ang iba pang propeta ay nagbigay hula, nagwika, at nangako tungkol sa darating na kaligtasan mula sa Diyos.

Tatapatin ko uli kayo … Ang lahat ng maganda sa araw ng Pasko ay hindi magaganap kung walang tulad ni Ana, na matagal nag-asam, matagal naghintay bago magka-anak. Hindi matutupad ang kaligayahan ng Pasko kung walang Zacarias at Elisabet, Joaquin at Ana, at Maria na, sa kabila ng kagulumihanan, ay nagsuong ng sarili sa matinding pananagutan. Hindi mangyayari ang kasaganaang isinasapuso natin tuwing Pasko, kung walang Jesucristong nag-alay ng buhay, nagdaaan sa lahat ng uri ng pasakit at hilahil, maganap lamang ang pangako ng kanyang Ama.

Sa aking pagbabalik-isip sa buhay ko, hindi kami makararating sa narating namin, at makatapos hanggang sa postgraduate level, kung wala kaming magulang na marunong magsinop, marunong magtiis, at marunong magpaliban ng kanilang sariling kapakanan para lamang kami ay mapag-aral. Sa maraming mga pista sa aming bayan, na wala kaming panghanda, ay hindi kami makakatikim ng masarap-sarap kung wala kaming Nanay Ipay na, lingid sa aming kaalaman, ay may paiwi palang baboy kung kani-kanino, upang paghahati-hatian ng tatlo niyang anak, at napakaraming apo. Siya, na hindi naman nagkakain ng baboy, ay siyang nag-paanyo upang kami ay makatikim rin ng kaunting handa sa Pasko o Pista.

Mga kapatid kong nagdadalamhati … Ito yata ang buod ng magandang balita na dapat nating ikagalak. Walang kaligayahang naghihintay, kung walang kapaitang handang tanggapin nang maluwag sa puso. Walang ginhawa kung walang paggawa, at walang tagumpay kung walang pagsisikhay.

Ito ang telon sa likod ng awit ng pasasalamat ni Ana at ni Maria. At ang telon na ito ay kwento, hindi ng isang maluwag at marangyang pamumuhay, kundi isang salaysay ng pagpapahindi sa sarili, paghihintay, pagsisikhay, at pag-aalay ng kaunting meron sila.

Ang Diyos na nagkakait kumbaga ngayon, ay may nakalaang luwalhati hindi maglalaon. Ang luwalhating pangako niya ay higit pa sa anumang makamundong bagay na atin ngayong inaasam, na ngayon ay ipinagdadalamhati natin at tayo ay nawalan, o naubusan, o hindi napagkalooban.

Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng lahat, ay dapat tayo magpasalamat sa kanya. Sa kabila ng lahat, ay dapat tayong umawit. Sa araw ng Pasko, wala mang anumang rangya o yaman o anumang inaasam ng lahat, magsaya tayo. Sapagka’t ito ang buod ng pasko … Puspos tayo ng galak at pasasalamat, sapagka’t ang dakilang kaloob na si Kristong Panginoon, ay sumasaatin, at hindi na kailanman maanod ng baha, madadala ng mga mandarambong, at maipagkakait ng mga pulitikong pulpol, at masisibang negosyante na ang tanging pakay ay makapanlamang, makapanlait, at makakitil ng buhay ng mga anak-pawis at mga simpleng taong ang tanging hanap, tulad ni Ana, ay ang kaloob ng isang sanggol na lalaki.

Siya si Jesus. Siya ang ating buhay. Siya ang dahilan ng Pasko. At siya ay Emmanuel, sumasaatin!