frchito

Posts Tagged ‘Pagninilay sa Ebanghelyo’

MAGTIPON AT MAKINIG!

In Adviento, Catholic Homily, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 15, 2009 at 12:33


Ika-2 Araw ng Simbang Gabi(K)
Diciembre 17, 2009

Mga Pagbasa: Genesis 49:2, 8-10 / Mateo 1:1-17

Marami pa rin ang nasa simbahan sa ikalawang araw ng simbang gabi. Taun-taon, ang unang araw ay laging punong-puno ng tao. Ang ikalawang araw ay marami pa rin, nguni’t sa ikatlo hanggang sa kalagitnaan ng nobena, ay unti-unting nababawasan ang nagsisimba, liban kung tumama sa araw ng Linggo ang kalagitnaan ng Simbang Gabi.

Kahapon, binigyang-pansin natin ang isang mataimtim na panalangin na nagmula kay Isaias: “ibuhos nawa sa atin ng kalangitan ang Makatarungan!”

Sa araw namang ito, dalawang kataga ang lumulutang sa unang pagbasa … mga katagang nagbibigay-lagom sa buod ng ating pagiging kasapi ng Santa Iglesya o Simbahang Katoliko. Malimit na makitid ang pagkaunawa ng tao sa pagiging kasapi ng Simbahan. Malimit na para sa marami, ang pagiging kasapi ng Simbahan ay napapaloob sa pagkabilang dito, sa pakikisalamuha sa grupo, sa pagsama sa pagsamba tuwing Linggo o pistang pangilin.

Kung ganito lamang ang kahulugan ng iglesya o pakikibahagi sa simbahan, sapat na ang makisalamuha o makisama sa grupo upang mapabilang sa santa Iglesya.

Tingnan muna natin sumandali ang kinapapalooban ng unang pagbasa. Si Jacob ay may 12 anak na lalaki. Sa kaniyang pagtanda, inisip niya ang kinabukasan, at kung sino ang nararapat mamuno sa kanyang malaking angkan. Sa pag-iisip niya sa mahalagang bagay na ito, tinipon niya ang kanyang angkan at sinabi nang buong linaw: Magtipon kayo at makinig!

At sa pagtitipong ito lumitaw ang kalooban ng Diyos para sa kanyang angkan. Ang lahi ni Juda ang siyang mamamaulo at maghahari. Sa kanya magmumula ang Mananakop, ang siyang titingalain ng buong bayan bilang tagapag-hawak ng pamumuno sa lupaing Israel.

Ito ang pangakong pinanghahawakan natin. Ito ang hulang ang kaganapan ay hinihintay natin, at ginugunita natin tuwing Adviento o panahon ng pagdating. Ito ang nagbibigay sa atin ng marubdob na damdamin ng paghihintay at pag-asa. Naganap ito sa kasaysayan sa pagdating ni Kristo noong araw ng Pasko, na pinaghahandaan natin sa panahon ng pagdating. Nagaganap pa rin ito magpahangga ngayon sa ating simbahan. Patuloy siyang dumarating sa hiwaga, sa pamamagitan ng sakramento ng Simbahan at sa pitong sakramentong alay ng Simbahan.

Ngunit sa Adviento, may isa pang pagdating tayong hinihintay – ang pagdating Niya sa wakas ng panahon.

Sa kanyang pagdatal sa araw ng kanyang pagsilang at sa kanyang muling pagbabalik, mayroong panahong pagitan. Ito ang panahon ng Santa Iglesya. Ito ang ngayon at dito – sa lupang bayang kahapis-hapis.

At para maging ganap na kasapi ng Simbahan, ng mga sumasampalataya at naghihintay sa kaganapan ng pangako ng Diyos, dalawang magkatuwang na bagay ang dapat natin gawin: magtipon at makinig sa Panginoon.

Sa lumang tipan, ang katipunan ng mga Israelitang sumampalataya kay Yahweh, na tumugon sa Kanyang panawagan ay tinawag na qahal. Ito ang mga tinawagan at tinipon ng Poong Maykapal. Ito ang “ekklesia”, ang mga katipunan ng mga “ekkletoi” – mga salitang Greko na pawang galing sa katagang “kaleo” na ang kahulugan ay “tumawag.”

Kung gayon, ang katipunan ng sumasampalataya na tinawag ng Diyos ay ang ekklesia o iglesya. Hindi isang tao ang tumawag sa atin kundi ang Diyos.

Pero may isa pang salita na dapat tayong unawain – makinig. Hindi sapat ang magtipon. Ginagawa natin yan tuwina. Maraming tao ang nagtitipon upang manood ng palabas sa Araneta coliseum. Maraming tao ang makikitang nagtitipon sa MOA tuwing Sabado, Linggo, at pista opisyal. Pero hindi sila iglesya. Hindi sila simbahan. Ang simbahan ay kung ang mga tinipon ay nakikinig. At alam ba ninyong ang salitang “obedience” o pagsunod sa Ingles ay galing sa salitang “audire” (ob-audiens), na ang kahulugan ay makinig?

Walang taong makasusunod sa utos kung hindi man lamang makikinig. Walang pagtalima kung walang pakikinig. At walang pananampalataya (obedience of faith) kung walang pakikinig sa salita. Sa katunayan, sinabi ni Pablo nang malinaw: “ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig” (Roma 10:14).

Kay raming iba-ibang tinig ang naririnig ng tao ngayon. Kay raming iba-ibang pangaral ang matutunghayan natin sa panahon natin. Sa araw na ito, dalawang paalaala ang ating pinanghahawakan: magtipon at makinig.

Ito ang ginagawa natin sa Misang ito. Nagtipon tayo nguni’t kung walang pakikinig, namasyal lang kayo o nag-date … o dili kaya’y nag-text o nagpalipas ng oras kasama ng barkada. Nagsimba lang kayo, pero hindi sumamba. Marami ang sumisimba sa Simbang Gabi. Pero hindi ganoong karami ang sumasamba sa Simbang Gabi. Ang pagsisimba at pagsamba ay ang bunga ng dalawang utos ni Jacob na ngayon ay umaalingawngaw sa pandinig natin: magtipon at makinig.

IBUHOS NAWA NG LANGIT ANG KATARUNGAN!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Panahon ng Pasko, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 13, 2009 at 12:33

N.B. Pipilitin kong magsulat ng pagninilay sa bawa’t araw ng Simbang Gabi. Narito ang para sa unang araw.

Unang Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 16, 2009

Mga Pagbasa: Isaias 45:6b-8, 18, 21b-25 / Lucas 7:18b-23

Walang makapipigil sa Pinoy pagdating ng Simbang Gabi! Sa kabila ng Pepeng at ng Ondoy, ng mga kahindik-hindik na balita tungkol sa masaker at mga hostage saan mang dako ng bansa, tuloy ang pag-asa. Tuloy ang pagsasama-sama ng mga kababayan natin saan mang dako, saan mang bansa sa lumiliit na daigdig!

May simbang gabi sa Arlington, Virginia sa USA … sa ganap na ika-5 ng malamig na umaga! Nakapagmisa ako duon noong nakaraang tatlong Pasko! May simbang gabi sa St. Anthony’s Parish sa Tamuning, sa Guam. May simbang gabi sa Roma, sa Milano, sa Torino, sa Napoli … maging sa Paris, sa Barcelona, sa Madrid … dumako kayo saan mang sulok ng daigdig na mayroong Pinoy at ang simbang gabi ay hindi ninyo matatakasan! Hindi mapigilan ang Pinoy kung ang pag-uusapan ay ang pag-asa sa hinaharap.

Sa loob ng maraming daang taon, ito ang regalo ng mga Pilipino sa Panginoon na nagkaloob ng kanyang sarili para sa tao. Ito rin ang kaloob ng mga Pinoy sa buong mundo. Nagmula sa mga magsasakang binigyang-pagkakataon na makapagsimba noong panahon ng mga Kastila sa Pilipinas, ang kagawian ay hindi na mapupuknat sa kamalayang Pinoy, at ngayon pati sa kamalayan ng maraming tao sa buong mundo!

Ang unang araw ng Simbang Gabi ay puno ng pag-asa – tulad ng diwa ng buong Simbang Gabi, na kaakibat tuwina sa pag-asa. Dinggin natin muli ang sinabi sa atin ng pagbasa: “Ako ang Panginoon, wala nang iba pa. Ako, inyong Panginoon ang gumawa ng mga bagay na ito … Ibuhos nawa ng langit ang katarungan, tulad ng hamog mula sa kalangitan!”

Ito ang bungad ng ating siyam na umaga (o gabi) na pagpupuyat at pagbabantay. Ito ang bungad na mabuting balita para sa isang bayang muli na namang ginulantang ng mga makatindig-balahibong mga balita ng karahasan na minsan pang yumurak sa kapayapaan sa bayan natin.

Ito ang magandang katotohanan na hindi natin dapat talikdan – ang puno at dulo at batayan ng lahat ng kabutihang bumabalot sa pagkatao natin bilang Pinoy. Ito rin ang batayan ng lahat ng pinagkakaabalahan natin bilang mananampalataya – ang Panginoon na darating … ang Panginoon na maghahatid ng katarungan na parang mayamang hamog na bubuhos mula sa kaitaasan.

Nasaktan na naman tayo sa mga naganap kamakailan. Nasugatan na naman ang puso natin na hindi miminsang hinagupit ng mapait na kapalaran at mga kaganapan. Sa isa na namang pagkakataon ay minsan pang naghari ang kabuktutan, ang pagkagahaman sa poder, ang pagkamakasarili at pagkamakasalanan ng bayan natin.

Subali’t ngayon, sa unang araw ng ating nobena, (pagsisiyam), muli natin inuunat ang paa upang humakbang muli patungo sa kaligtasan at kaganapan ng pangako ng Diyos na naging taong tulad natin.

Kadarating ko lamang galing sa panonood ng sine na ang pamagat ay INVICTUS. Ito ay salitang Latin na ang kahulugan ay “hindi nagapi ninuman.” Sa kabila ng tila kawalang pag-asa ng Timog Africa, sa kabila ng tila walang pag-asang pamumuno ng isang dating bilanggo dahil sa politika na si Nelson Mandela, napag-isa niya at napagsama-sama niya ang diwa at puso ng mga taong magkakaibang-kulay at lahi, at dati-rating magkasalungat sa lahat ng bagay. Nagkaisa sila sapagka’t nagsama-sama sila sa iisang mithiin – ang magkaroon at makapagkamit ng kadakilaang nasyonal sa pamamagitan ng rugby – sa pamamagitan ng laro na naghatid sa kanila sa rurok ng kaisahan.

Malayo pa ang lalakbayin natin bilang bayan. Marami pang sugat na dapat hilumin. Marami pang tampong dapat lunasan, at nagnanaknak na mga pasakit na dapat lapatan ng lunas. Marami pang mga kabuktutan at katiwalian sa lipunan na dapat ituwid – mga lambak na dapat punuin, mga lubak na dapat patagin, tulad ng sabi ni Juan Bautista.

Sa inyong pagparito ngayon sa simbahan, nakatutuwang isipin na inyong tangan na sa mga kamay ang kasagutan. At ang kasagutang ito ay kung ano ang buong pananampalatayang binigkas natin matapos ang unang pagbasa: “Ibuhos nawa ng langit ang Makatarungan, at isilang ng daigdig ang Manliligtas!”

Ito ang tunay na nasa likod ng inyong pag-asa. Ito ang tunay na dahilan na inyong kagalakan. Ito ang kagalakang hindi kailanman mapupuknat ng karahasan, ng katiwalian, at lahat ng uri ng kadayaaan.

At ito ang pasimulang ginugunita at pinagyayaman ngayon sa unang araw ng ating pagsisiyam sa Pasko.

Alam kong mahaba pa ang lakbayin natin. Nguni’t ang isang paglalakbay na may habang isang libong milya ay nagmumula sa isang hakbang. Sa araw na ito, sama-sama, sabay-sabay nating gawin ang unak hakbang na ito.

At ito ay magagawa natin sa taimtim na panalangin sa Diyos … “Rorate coeli desuper et nubes pluant justum!” Magbukas nawa ang kalangitan at ibuhos sa amin ang makatarungan!”