frchito

Archive for the ‘San Jose’ Category

HUWAG MATAKOT, HUWAG MANGAMBA!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Propeta Jeremias, San Jose on Disyembre 16, 2009 at 17:00

Ika-3 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo –Taon K
Diciembre 18, 2009

Mga Pagbasa: Jeremias 23:5-8 / Mt 1:18-25

Marami-rami na ring lugar at bansa akong napuntahan, sa biyaya ng Diyos. Hinangaan ko ang mga iba-ibang lugar na ito sa tanang buhay ko. Marami-rami na rin akong napuntahan sa Pilipinas, at masasabi kong, kung mayroong dapat hangaan sa ibang bansa, ay lalu nang maraming dapat hangaan sa bayan natin – mga likas-yaman ng kalikasan at ng kapaligiran na hindi madaling mapawi sa alaala.

Maganda ang bayan natin, nakabibighani. Tama si Rizal na tawagin itong perlas ng silanganan. Nguni’t tama rin siyang tagurian itong “el nuestro perdido Eden!” – and ating naglahong Paraiso. Maganda ang Mindanao … ang mga isla natin at karagatan … subali’t ilan sa inyo ang panatag ang loob na maglakbay sa lugar kung saan malimit may pinupugutan ng ulo, kung hindi ginagawang bihag ng mga walang konsiyensiyang nakikipaglaban diumano sa kanilang karapatan?

Pangamba at takot ang naghahari sa puso natin tuwina. Hindi man lamang natin maiwan nang walang tao ang mga bahay natin, lalu na ngayong kapaskuhan. Noong nakaraang taon, isang OFW ang nagbakasyon, lumabas lamang ng bahay upang sunduin ang asawa matapos magsimba sa Baclaran, kasama ang kanyang kaisa-isang anak na nagdiriwang ng kanyang kaarawan … sa Kamaynilaan … sa lugar na matao, sa lugar na dapat sana ay mapayapa at tahimik … nguni’t sa isang iglap ay pinaulanan siya ng bala ng mga pulis at mga kriminal.

Pangamba at takot … Ito ang dahilan kung bakit hindi makausad ang bayan natin. Takot tayo sa mga kandidato sa eleksyon sa isang taon. Takot tayo sa mga nabansagang ka-alyado ng kinamumuhiang presidente. Takot tayo sa mga “honorable” na nagkukupkop ng mga mamamatay-tao na nagkukubli sa likod ng “public service.” Takot tayo sa kapwa. Hindi man lamang tayo makasakay ng bus, na hindi sinasagian ng pangamba na mayroong holdaper tayong kasabay, o katabi.

Pangamba at takot … ito ang pang-araw-araw na yata nating karanasan. Ito rin ang naging karanasan ni Jose … na nabigla nang malamang kagampan pala ang kanyang katipan. Pangamba at takot … ito ang walang puknat na damdaming bumagabag sa mga Israelita na napapalibutan ng mga higanteng mga kaharian na sa anumang oras ay puedeng dumagit na parang agila sa kanilang maliit na bayan. Ito rin ang pangambang pinagsikapang pawiin ng mga propetang sugo ng Diyos sa Lumang Tipan. Sa kanilang panghuhula o pagwiwika sa ngalan ni Yahweh, isang mataginting na pangako ang kanilang binitiwan tuwina: “Maghahari ang katarungan sa kanyang panahon, at ang kaganapan ng kapayapaan magpakailanman.”

Sino sa atin ang hindi naaantig ang damdamin tuwing maririnig natin ito? Sino sa atin ang hindi naghahanap ng kapayapaan at katarungan? Lahat tayo ay nakaranas ng pang-aagrabyado mula sa kapwa natin. Alam natin na hindi pantay-pantay ang turing ng tao sa isa’t isa. Alam nating ang paghihirap ay bunga ng walang iba kundi ng kasalanan ng tao, na nagbubunsod sa napakarami sa kahirapan at sari-saring suliranin. Alam natin na sa dami ng droga na ginagawa malamang pati ng mga kapitbahay nating Intsik, o mga politikong honorable sa mga lalawigan natin, ay libo-libong kabataan ang nagugumon sa droga.

Pangamba … Ito ang totoo sa buhay ng tao. Ito ang masamang balitang bumabalot sa kamalayan natin.

Nguni’t teka … Ito lamang ba ang katotohanan sa buhay ng tao?

Pangako … Ito ang nasa kabila ng lahat ng ito. Pangako ng Diyos na hindi makapaglilinlang at nanlilinlang … “Maghahari ang katarungan sa kanyang panahon at ang kaganapan ng kapayapaan magpakailanman!”

Pangako … Ito ang magandang balitang pinagpupuyatan natin. Walang taong nagpupuyat kung walang inaantay at inaasahan! Noong bata pa ako, tuwing darating ang Pasko, kahit antok na antok na ako, ay pinagsisikapan kong imulat ang mata sapagkat inaantay ko si Santa Claus (kahit na wala naman ako masyadong natanggap sa kanya!). Hindi tayo magpupuyat kung wala tayong inaasam at inaasahan. Ito ang dahilan kung bakit tayo narito at gumigising ng maaga o nag-aalay ng dagdag na oras sa gabi upang magsimba.

Tayo ay bayan ng mga nag-aasam. Tayo ay kabilang ng isang bayang naghihintay. Tayo ay kasapi ng isang samahan (simbahan o ekklesia o katipunan) ng mga taong hindi lamang nag-aasam kundi umaasa.

Pag-asa … ito ang espesyalisasyon ng mga Kristiyano. At ang pag-asang ito ay hindi bunga ng pag-aasam lamang o pag-aapu-apuhap lamang sa dilim kundi sa isang liwanag na suminag sa karimlan … Ang paghihintay natin sa Pasko ay sapagka’t sumambulat na ang liwanag ng kaligtasan – ang pangakong darating na Prinsipe ng Kapayapaan ay sumapi na sa ating makamundong kasaysayan!

Ito ang mensahe ni Jeremias … Isa siya sa mga propetang nagdusa dahil sa kanyang pahatid. Nguni’t sa kabila ng pansamantalang pagdurusa niya, buong tapang niyang ginampanan ang buong tapang ring pinasan ni Jose, asawa ni Maria … “Huwag kang matakot Jose na tanggapin si Maria bilang iyong esposa” Ito ang tapang ng isang mananampalataya … tulad ng tapang ni Jeremias na nagmakaingay at patuloy na nagpahayag: “Ang bayang Israel ay mamumuhay na balot ng katiyakan at katiwasayan!”

Patuloy itong pahatid ng Diyos sa atin. Ang pahatid na ito ay umiinog sa pag-asa. At ang pag-asang ito ay puno ng pangako. Ang pangakong ito ay sumisilay na parang liwanag ng kaligtasang sumilay sa pagdating ng Mananakop. At ang pagsilay na ito ay nagaganap sa buhay ng bawa’t isa sa atin … nagsisimula sa bawa’t isa sa atin … dito sa simbahang ito … doon sa bahay ninyo … kaakibat ng buhay ninyo.

Maging Jeremias nawa tayong lahat ngayon. Maging Jose nawa tayo ngayon na naniwala, nagtiwala, at umasa sa balitang ito: “Huwag matakot; huwag mangamba!”

Ang Diyos ay parating! Ang Diyos ay dumarating. Ang Diyos ay dumating na! Nababasa ba ito sa buhay nating balot ng pag-asa?

TANDA, TAKDA, TADHANA

In Adviento, Homily in Tagalog, Mahal na Birheng Maria, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Jose, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 18, 2008 at 21:49

life-from-barrenness

Ika-5 Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 20, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 7:10-14 / Lk 1:26-38

Panganib at pangamba ang nasa puso ng mga angkan ni Juda, sapagka’t akmang sasakupin ng Assyria at Samaria ang kaharian ni Acaz. Ito ang unang eksena sa ating makabagbag-damdaming kabanata sa ikalimang araw ng ating simbang gabi. Simple lamang ang tagubilin ni Isaias … magtiwala sa Diyos at ipaubaya sa Kanya ang lahat. Tila nagpatumpik-tumpik pa si Acaz. “Hindi ko susubukin ang Diyos … hindi ako hihingi ng tanda.” Tila nagmatigas at nagmagaling si Acaz. Sa kabila ng kanyang pangamba, hindi niya nakuhang humingi ng tanda mula sa Diyos.

Sa kanyang pagsiphayo sa balak ng Diyos, sa kanyang maalab na pagmamahal sa Kanyang bayan, hindi lamang tumanggi si Acaz sa isang tanda. Kanya ring tinanggihan ang takdang magaganap ayon sa kalooban ng Diyos. Ito ang nagbunsod kay Isaias na magwika nang tahasan. Patuloy ba ninyong titikisin ang Diyos? Siya na mismo, aniya, ang magkakaloob ng isang tanda.

Ito ang tanda na nagtakda sa ating tadhana. “Isang birhen ang maglilihi at manganganak ng isang lalaki, na papangalanang Emmanuel.”

Isang tanda na galing sa Diyos mismo. Wala nang iba. Kay raming tanda ang tinitingala ng tao ngayon: ang tanda ng yaman, kapangyarihan, at posisyon sa lipunan. Ang buong mundo ng kabataan ay hibang sa mga tanda na nakapaskil sa kanilang kasuotan – Nike swoosh, buwaya (Lacoste), dalawang paa (Hang Ten), at marami pang iba. Ang lahat ng iyon ay mga tanda, nguni’t tanda na galing, hindi sa Diyos, kundi sa tao.

Ang Diyos mismo ang magbibigay ng tanda … isang dalagitang magluluwal ng sanggol. Kay raming mga halimbawa sa Kasulatan ng nagluwal ng sanggol, tulad ni Sara, ng asawa ni Manoah, ni Elisabet, at iba pa. Nguni’t tanging isa lamang sa Kasulatan ang nakatakdang magluwal ng sanggol sa pagkabirhen. Ito ang nakatakdang maganap sa Bagong Tipan sa buhay ni Maria. At ito ang takdang salaysay na binasa natin sa ebanghelyo sa araw na ito.

Kay daming tanda na galing sa tao at sa makamundong mga kalalagayan. Nguni’t tanging Diyos lamang, tulad ng sinabi ni Isaias kay Acaz, ang may angking kakayahang iligtas ang Kanyang bayan.

Kay raming palatandaan sa lipunan natin na nagpapanggap magbigay ng solusyon sa maraming problema. Nariyan ang tanda ng House Bill 5043 … tanda raw ito na naghuhudyat upang kitlin na ang mga batang hindi na dapat kumitang liwanag sa mundong ibabaw. Tanda raw ito na naghuhudyat na pauntiin na ang nag-uumapaw na populasyon sa Filipinas. Nariyan din ang tanda ng kalakaran sa lipunan. Wala nang kadayaan. Ang lahat ay hatid ng malaking pangangailangan. Ang lahat ay tanda ng kung ano ang uso at takbo ng mga bagay-bagay, at takbo ng pag-iisip sa mundo. Itong lahat ay tanda ng pagiging postmoderno o makabago. At ito rin ay tanda na dapat magpadala na lamang sa agos ng postmodernismo, na wala nang kinakatigang totoo at tama.

Nariyan din ang tanda ng pagkamakasarili at pagkakanya-kanya. Ang tanda ng “personal computer,” “personal digital assistant,” “personal entertainment,” – lahat ng personal at pang-isahang pamamaraan ng pagbibigay-aliw sa sarili … ang lahat ng ito ay tanda na ang lipunan ay nilikha upang manggayupapa sa kagustuhan at pagnanasang makasarili.

Nguni’t ang Diyos na mismo ang magbibigay ng tanda sa atin. Naganap ang dakilang tanda na ito sa pagsilang ni Jesus, na atin ngayong ginugunita sa araw ng Pasko. Ito ang takdang kaloob ng Diyos – na ang lahat ay maligtas at tumanggap ng buhay – buhay na ganap at walang hanggan.

Marami ang tanda sa ating paligid. Nguni’t iisa lamang at wala nang iba ang takdang maghahatid sa atin sa kaganapan ng itinatanda at itinuturo ng tandang nabanggit – ang buhay na walang hanggan na dulot ng Panginoon sa pamamagitan ni Kristong Panginoon at Mananakop.

Ito ay hindi lamang tanda. Ito ay takda … nakatakda upang ang sanggol na isinilang ay maging daan sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ito ang dakilang tanda na hatid ni Gabriel kay Maria. Sa balak at dakilang habag ng Diyos, siya ay itinakda bilang pinagpalang lubos nang higit sa dilang babae. Ito ang tanda na nagtakda maging kay Jose bilang isang mahalagang katuwang sa katuparan ng Kanyang balakin.

Hindi madaling tanggapin ang tanda mula sa itaas. Nagulumihanan si Maria. Nangamba siya at ang balita ay naghatid sa pagkabalisa. Nguni’t itinakda at itinalaga ni Maria ang sumunod sa utos ng Diyos. Niyakap ni Maria ang tadhanang naghihintay sa kanya at nagwika nang buong pananampalataya: “Maganap nawa sa akin ayon sa iyong wika.”

Maraming tanda ang nakatambad sa atin ngayon. Patuloy na humihirap ang marami at patuloy na yumayaman ang kaunti. Marami ang wala nang paniniwala sa eleksiyon at sa tunay na katapatan ng mga politicong sanga-sanga ang dila. Maraming tanda ang lumalaganap … natutuyot ang tubig na sariwa at malinis sa maraming lugar. Nagiging putik ang lupa mula sa kabundukang nakatakda na ang wakas sapagka’t nakalbo na ng mga tampalasang loggers na walang patumanggang nagpuputol ng kahoy sa bundok. Ang mga kagubatan ay nagiging palaruan ng mga mapagsamantalang minero na sumisipsip sa dugo ng bayan nating sinilangan.

Maraming tanda at ang lahat ng ito ay hindi galing sa Diyos. Walang kinalaman ang Diyos sa pagkamatay ng libo-libo sa pagkaguho ng bundok na inahitan ang tuktok at kinalbo ng mga masisibang nagkakalakal ng ating kinabukasan. Ang mga tanda na galing hindi sa Diyos kundi sa tao ang siyang nagtatakda sa atin upang manatiling mahirap at maging higit pang mahirap paglaon.

Nguni’t sa araw na ito ang magandang balita ay nasasalalay sa isang natatanging tanda na galing sa Diyos. Isang sanggol na lalaki. Isang dalagitang birhen na nagluluwal ng sanggol. Isang lalaking nagtakda ng sarili upang panagutan ang kanyang asawang si Maria at ang anak ni Mariang birhen.

May dakilang tadhana ang naghihintay sa mga taong nakakakita ng tanda at nagbibigay-halaga dito. Diyos na mismo ang nagbigay nito. Wala nang iba. At ang tandang ito na naganap na ang siya natin ngayong pinanghahawakan nang buong pananampalataya. Isang tanda. Isang takdang buhay na ganap. At isang mataginting na tadhana sa piling ng Diyos na siya nating lunggati at sanghaya. Purihin nawa Siya magpakailanman.