frchito

Posts Tagged ‘Pananampalataya at Paggawa’

NANG DAHIL SA PANANALIG

In Catholic Homily, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Agosto 10, 2013 at 13:43

imagesIka-19 na Linggo ng Taon K Agosto 11, 2013

NANG DAHIL SA PANANALIG

Naging tanyag maraming taon nang nakalilipas ang kanta ni Anthony Castelo … “Nang dahil sa pag-ibig,” aniya … at mahaba ang listahang kasunod sa mga unang katagang ito. May mga bagay na kapag taglay mo ay marami kang mararating. Kapag may hirap, may ginhawa, sabi nila. Kapag may isinuksok, ay may madudukot (noong uso pa ang alkansiya); kapag may itinanim ay may aanihin.

Labing-anim na taong gulang pa lamang ako nang magsimula ako mag-ipon ng mga libro. Naging kagawian ko ang magbasa nang magbasa. Marami sa mga unang mga libro ko ay naipamigay ko na, o nai-donate sa library ng seminaryo. Alam kong sa aking pagtuturo magpahangga ngayon, ay marami sa aking tinatawag na “stock knowledge” ay dinudukot ko sa mga nabasa ko magmula pa noong una.

Alam ko ring napakaraming tao na ang kanilang tinatamasa ngayon ay bunga ng kanilang pagpupunyagi, pagsisikap, at pagsisikhay. Sa normal na takbo ng buhay, ang yaman ay pinaghihirapan, pinaggugugulan nang panahon at pagpapagal (liban kung galing ito sa “pork barrel” kung kaya’t may ilan na ang yaman ay bigla at kataka-taka).

Ang kwento mula sa ikalawang pagbasa ay kwento ng isang taong binigyan kumbaga ng puhunan. Pinagkalooban si Abraham ng isang natatanging pagkakataong lumisan mula sa bayang sinilangan. Tinawag siya upang maging Ama ng maraming angkan, tungo sa lupang pangako para sa bayan ng Diyos. Pero ang puhunan ay hindi itinatago, hindi ibinabaon. Ang puhunan ay nagbubunga ng pangako kung ginagamit, o pinagyayaman.

Ito ang ginawa ni Abraham. Nakipagtulungan siya sa Diyos, at nagbunga nang sagana ang punlang ipinagkaloob ng Diyos: Nang dahil sa pananalig, tumalima si Abraham … nanirahan siya bilang dayuhan … tumira sa tolda … nagkaanak siya … Higit sa lahat, handa siyang ipagkaloob ang kanyang anak na si Isaac nang hilingin ng Diyos.

Madaling isipin na ang pananalig sa Diyos ay walang iba kundi ang pag-aasam, at paghihintay, ang takbo ng isipang sapat na na tayo ay humiling sa Diyos at magbantay lamang ng katuparan. Pero hindi ito ang sinasaad ng ebanghelyo … “Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan,” ang paalaala ng Panginoon sa atin. Hindi sapat na tayo ay may ilawan o may puhunan.

May pananagutan tayo na gamitin nang tama ang lahat ng ito. Palasak na sa ating lipunan ang umasa sa gobyerno. Kung walang nangyayari, madali ang manisi. Kung bunton ang basura, galit tayo sa dapat nangongolekta ng basura. Nakakalimutan natin na kaya bunton ang basura ay dahil rin sa ating lahat, na nagtatapon kahit saan ng basura.

May maituturo sa atin si Anthony Castelo … Nang dahil sa pag-ibig, ang Diyos ay naging tao. Nang dahil sa pag-ibig, nagdaan siya sa matinding pagdurusa hanggang sa pagkapako at pagkamatay sa krus. Nguni’t ngayo, ay turong mahalaga ay galing kay Abraham. Nang dahil sa pananalig ay naganap ang maraming bagay … Nguni’t ito ay isang pananalig na hindi lamang pagiging hinalig … walang pananagutan, walang sariling pagsisikap, parang si Juan Tamad na nakanganga lamang maghapon.

Bilang Pinoy, ito yata ang sakit nating lahat. Sanay umasa at maghintay, at bihasang manisi na lamang. Maraming angal, maraming salita, ngunit kulang sa gawa. Naghihintay at umaasa ngunit walang pinagsisikapan at ginagawa. Gising na bayan! Sindihan ang kandila at magbantay! Mahirap kaya ang maiwan sa labas pagdating ng panahon!

PIGLAS-PUNYAGI NG PAG-IBIG!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 20, 2012 at 18:33

gazelle-leapingIka-6 na Araw Simbang Gabi (K)

Disyembre 21, 2012

Mga Pagbasa: Awit 2:8-14 / Lucas 1:39-45

PIGLAS-PUNYAGI NG PAG-IBIG!

Parang isang soft-porn na nobela ang unang pagbasa. Isang usang-gubat na nag-aasam masilayan ang napupusuan ang nagpupuyos, nagpupumiglas, nagtatatalon, naglululukso, makita lamang ang minamahal. Walang anumang maaaring makahadlang sa isang pusong nagmamahal. Gagawa at gagawa ng paraan upang makapiling ang mahal sa buhay. Bakas ang kagalakan … kitang-kita ang kaligayahan.

Di ba’t ito ang dahilan kung bakit sa mga araw na ito ang mga eroplanong galing sa iba’t ibang sulok ng mundo na lulan ay mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa, ay punong puno ng masasayang mga Pinoy na pauwi upang makapiling ang pamilya sa mga araw ng kapaskuhan?

Sinumang may pitak sa puso para sinuman ay may puwang rin sa isipan at gawain. Hindi lamang lukso ng puso ang dama, pati mga kamay at lahat ng bag ay puno rin ng pasalubong. Ang pag-ibig at pagtatalaga ng sarili sa mahal sa buhay ay laging may patunay, laging may patibay.

Mahigit kalahati na tayo ng simbang gabi. Ang mga naka-aguanta magpahangga ngayon ay may matibay na panata na nagpapakita ng isang uri ng dedikasyon sa pananampalatayang Kristiyano.

Hindi natin maipagkakaila ang kalungkutang dumating sa atin nang matalo sa botohan ang matagal nang ipinaglalaban ng simbahan. Sumandali tayong natigilan, nanlumo, nanghina, nguni’t hindi kailanman nanghinawa o pinanawan ng pag-asa.

Nais kong isipin na maging ngayon, sa gitna ng isang sa biglang wari ay malaking pagkatalo, para pa ring isang usang gubat na nagtatalon at nagpupumiglas dala ng masidhing pagnanasa at pag-asang makikita niya at makakamit ang pinakamimithing objeto ng kanyang puso.

Nais kong isipin na tayong mga tagasunod ng Panginoon ay hindi kailanman nawalan ng matimyas na pag-asang balang araw, sa wastong panahon, at ayon sa takdang tadhana ng Diyos, ay mararating natin ang lupang pangako ng kaligtasan.

Napakagandang larawan ang hatid sa atin ng dalagitang si Maria, na tila isa ring usang gubat na naglulukso at nagpumiglas upang makapunta sa tirahan ni Zacarias at Elizabet, upang makatulong sa kanyang pinsan. Maging ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabet ay nagtatalon sa tiyan ni Elizabet … sanggol, tao, hindi isang katipunan lamang ng mga celula na puedeng kitlin sa anumang sandali ng kanyang pagiging tao.

Kahapon ay binigyang-diin natin ang kahulugang malawak ng pananampalataya. Ito ay isa, hindi sanga-sanga. Ito ay may kinalaman sa isang samahan, bunga ng iisang pinaniniwalaan. Ito rin ay isang pagtaya o pagkakaloob ng sarili sa pinaniniwalaan. Ito ay isang pamumuhunan, ang pagsusuong ng kabuuan ng ating pagkatao sa katotohanang nagpupumiglas sa ating puso, kaisipan at buong kalooban.

Mahalagang turo ng Porta Fidei na ang pananampalataya ay isang aktong personal at pangkomunidad rin (I Believe at We Believe). At pagsampalataya ay pagbibigay sang-ayon sa nilalaman, sa tinatawag nating simbolo ng pananampalataya, na napapaloob sa Credo. Ito ang nilalamang sinasang-ayunan ng taong sumasampalataya.

Sa madaling salita, hindi kailan man tama na ang tao ay magsabing naniniwala sa turo ng Simbahan, pero hindi sumasama sa pamayanan. Hindi rin tama na gawing ukay-ukay ang Simbahan, tulad ng sinabi natin noong isang araw, at mamili lamang ng angkop sa ating sariling paniniwala. Ang pagsampalataya sa Diyos at sa kanyang Iglesya at hindi utay-utay, kundi pakyawan. Kung tinanggap mo si Kristo ay dapat ring tanggapin ang Simbahan. At kung sinabi mong tanggap mo ang turo ng Simbahan, ay tanggap mo ang lahat, pati na at lalu na ang turo tungkol sa kabanalan ng buhay, ano mang estado ng kanyang paglaganap, mula sa simula hanggang sa natural na wakas nito.

Hindi larong bata ang pananampalataya. Hindi ito isang simbang landian o simbang ligawan tulad ng nagaganap ngayon sa maraming simbahan sa buong Pilipinas. Hindi maikakailang simbang tabi ang pakay na napakaraming mga kabataan tuwing sasapit ang paghahanda sa Pasko. Nagtatalon na parang usang-gubat, nguni’t hindi alam kung bakit dapat sila nagpupumiglas at nagtatatalon sa kagalakan.

Talo tayo sa botohan. Pero hindi kailanman matatalo ang katotohanan. Kung anuman, ay nagising tayo sa isang malaking katotohanan, na una: hindi na puede ang business as usual, ang pabandying-bandying na pagsisimba, na walang kalakip na desisyon at dedikasyon na pag-aralan rin ang kontento o ang nilalaman ng kabuuan at kaganapan ng pananampalatayang Katoliko.

Hala! Magpumiglas tayo! Mag-aklas tayo sa saloobin at kagawiang ito na mababaw na pagsama, pahapyaw na pagtaya, at pang-ibabaw lamang na pagsang-ayon at pagtanggap sa turo ng Simbahan. Isabuhay natin at isagawa ang tunay na bagong ebanghelisasyon na lubhang kinakailangan sa panahong darating.

Walang pag-ibig na hindi nagpumiglas. Walang pag-ibig na hindi nagpunyagi. At walang katotohanan at kagandahang hindi pinagbabayaran nang malaki. Kasama rito ang pananampalataya natin – biyaya, kaloob at pananagutan.