frchito

Posts Tagged ‘Pananampalataya’

PANGINOON, ANAK NI DAVID, MAAWA KA SA AKIN!

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Propeta Isaias, Tagalog Homily, Taon A on Agosto 16, 2014 at 15:24

Christ and the Canaanite Woman - c.1784 Germain-Jean Drouais

Ika-20 Linggo ng Taon A
Agosto 17, 2014

PANGINOON, ANAK NI DAVID, MAAWA KA SA AKIN!

Gusto ko ang mga aso. Hindi. Hindi ko sila kinakain, pero gusto ko na may alaga akong aso. Pampaalis ng stress, ika nga nila, at totoong napatunayan ko na ito.

Pero ang pagninilay na ito ay hindi tungkol sa aso, pero tungkol sa taong itinuring na parang aso na dapat sipain, dapat paalisin, dapat huwag pansinin, ni pakinggan.

Ito ang tingin sa mga taong galing sa Tiro at Sidon – mga paganong hindi dapat makahalubilo ng mga Israelita. Pero may dalawang mahahalagang bagay ang laman ng mga pagbasa ngayon. Una, si Jesus ang unang naparoon sa region ng Tiro at Sidon. Siya ang gumawa ng hakbang upang marating ang lugar na hindi pinupuntahan ng mga may pananampalataya.

Ikalawa, ang babaeng Cananea, ay gumawa rin ng hakbang na hindi dapat ginagawa ng isang babaeng wala sa samahang Judio. Lumapit siya kay Jesus. Pinagsikapan niyang buwagin ang bakod na naghihiwalay sa kanya at sa taong tanging sila lamang ang makapagbibigay-tugon sa nilalaman ng kanyang puso.

Ginawa ni Jesus ang hindi inaasahan. Ginawa ng Cananea ang hindi pinapayagan. Pareho silang gumawa ng bagay na hindi pangkaraniwan. Tulad nang hindi pangkaraniwan na ang tuta ay makisalo sa hapag ng kaniyang amo.

Damang-dama ko ang pinagdadaanan ng isang tutang ulila. Tulad ng damang-dama ko ang paghihirap ng mga kristiyanong walang nagmamalasakit liban ang simbahan – ang mga pinag-uusig at hinahabol at pinapatay na parang mga asong pinalalayas sa kanilang mga bahay at mga lupang tinubuan.

Damang-dama ko ang panaghoy ng isang Cananeang walang pumapansin, walang nagmamalasakit, at sa kabila ng kanyang matinding pangangailangan ay iniiwasan ng karamihan.

Pero hindi ko lamang dama ang ginawa ng Diyos para sa mga siniphayo ng tadhana. Batid kong ang ginawa ni Jesus ay siyang nais gawin ng Diyos, tulad ng sinabi ni Isaias sa unang pagbasa: “Ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin.”

Tuta man ay may karapatan. Tuta man ay pinagmamalasakitan ng Diyos. Si Jesus mismo ang gumawa ng daan nang siya ay magtungo sa Tiro at Sidon. Nguni’t bunsod ng matinding pangangailangan, at bunsod rin ng matimyas na pag-asa at pananampalataya, ay lumapit rin at nangahas ang babaeng Cananea. Nagdasal. Nanikluhod. Naki-usap … “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

Maawa ka sa amin Panginoon. Maawa ka sa mga aping tinutugis ng mga halimaw sa Iraq at Syria. Maawa ka sa mga taong pinagtampuhan na ng lipunan at ng tadhana. Maawa ka sa mga taong tila wala nang nakaka-alaala, at pinanawan na ng pag-asa. Tanging ikaw, Panginoon, ang kanilang maaring lapitan. Tanging Ikaw, Panginoo, ang kanilang kaligtasan.

Tuta man ay nais makikain. Tuta man ay mayroon ring damdamin. Tuta man ay mayroong ring panimdim at mithiin. At ako, sa pagkakataong ito, ay nag-aasal tuta na nag-aasam, sumasamo, humihiling … para sa mga taong nag-aasal hayop sa kanilang kapwa tao, para sa mga nagdurusa, sa mga nagdadaan sa matinding pagsubok.

Tuta man akong tila walang kaya, ay nagpapahayag ng lakas ng pananampalataya …yayamang ikaw mismo Panginoon ang lumapit sa aming nangangailangan ng kaligtasan … yayamang ikaw ang unang nagmahal sa amin, unang gumawa ng hakbang, at unang nagkaloob ng wasto at tama, biyaya at pag-asa … kami ay nagsusumamo … Panginoon, Anak ni David, maawa ka sa amin!

DOS POR DOS! DISCIPULOS Y SANTOS

In Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Mayo 1, 2014 at 20:59

Dos_por_Dos_Santos

Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay (A)
Mayo 4, 2014

DOS POR DOS! DISCIPULOS Y SANTOS!

Parang mga tutang sukot ang buntot na naglakad ang dalawang disipulo, palayo, hindi palapit sa Jerusalem. Talo ang kanilang team. Dinakip at tinodas ang captainball. Wala na silang coach. Wala na silang dapat pang hintayin. Tapos na ang laban.

Ito ang kwento sa atin ng pagbasa ngayon.

Dalawang disipulo rin ang dumating sa buhay natin. Isang matanda na nang mahalal, at isa na batang-bata pa nang naging apostoll na kahalili ni San Pedro. Ang una ay naghatid ng tuwa at kagalakan at kapayakan sa mundong naghahanap ng sariwang hangin ng pagbabago. Ang ikalawa ay nagdulot ng pag-asa, at naghatid sa panibagong pakikibaka sa mundong tila ang nagwawagi ay ang kawalang pag-asa, at ang kawalang katugunan sa maraming katanungan.

Dos por dos! Tapatan at tugunan! Dalawang discipulos! Dalawang santos! Dalawang nadala ng kawalang-pag-asa; dalawang naghatid ng panibagong hangin ng pag-asa.

Mahirap kapag wala kang coach sa buhay. Lalong mahirap kung ang iyong mentor o coach o captain ball ay tila iniwan ka sa ere. Mahirap kung ikaw, sa halip na magkaroon ng bagong lakas at tapang, ay nabalutan ng pagdududa at pag-aagam-agam. Naranasan ko rin ito. Mahirap ang tayo kung ang Simbahang mahal mo at pinaglingkuran mo ay tila ipinagtatwa ka dahil ang mga namumuno ay hindi naging ama sa iyo o hindi nagsuporta sa iyo, kundi bagkus sila pang naging dahilan ng iyong pagdurusa.

Ito marahil ang dinama ng dalawang tumatakas palayo sa Jerusalem at patungo sa Emaus.

Subali’t ang kwento ng muling pagkabuhay ay hindi nagtatapos sa daan patungong Emaus. Ito ay hindi nananatili sa Emaus, kundi sa makalangit na Jerusalem. Ito ang magandang balita sa araw na ito. Sa kabila ng dalawang nawalan ng pag-asa, ang Diyos, ang ating captain ball ay nagkalinga. Nagpakita siya. Nakipaglakbay. Nakikain, at nagpiraso ng tinapay kasama ng dalawang pinanawan ng tuwa at pag-asa.

Ang muling pagkabuhay ay salaysay ng pagkalinga ng Diyos bilang isang hindi lamang coach o captain ball.

Nais kong isipin na ang tapatan ng dalawang discipulos at dalawang santos na si Juan XXIII at Juan Pablo II ay tulad ng pagkalingang ginawa ng Diyos sa dalawang discipulos.

Salamat sa Diyos at ipinagkaloob niya sa mundo ang kapayakan, kabanalan, at pagiging makatao ni San Juan XXIII. Salamat sa Diyos at sa pamamagitan ni San Juan Pablo II, ay ipinagkaloob Niya ang kaloob ng bagong pag-asa sa bayang nalukuban ng pagdududa at pag-aagam-agam.

Maganda ang tapatan ngayon … dos por dos … dos discipulos y dos santos cara a cara! Harapan! Tambalan! Tularan!

San Juan at San Juan Pablo, ipanalangin ninyo kami!