frchito

Posts Tagged ‘Pangangasiwa’

HINDI NA TAYO MAGDARAHOP!

In Uncategorized on Hulyo 20, 2012 at 20:30

Image

Ika-16 na Linggo Taon B

Julio 22, 2012

Mga Pagbasa: Jeremias 23:1-6 / Ef 2:13-18 / Marco 6:30-34

Hindi madaling sansalain ang mga sinasabi ni Jeremias, at mga kataga ni San Pablo. Hindi madaling tanggihan ang mga katotohanang binibigyang-pansin ng propeta, tungkol sa mga tulad niya at tulad naming mga propeta at pinunong “walang malasakit sa kanilang nasasakupan” at mga pabayang mga namumuno.

Lalung hindi madaling magbulag-bulagan sa katotohanang nagaganap ngayon man, saan man – ang mga iba-ibang uri ng “alitan na parang pader na naghihiwalay sa atin” at sa isa’t isa.

Tanging ang pinaka sinungaling lamang o nagbubulag-bulagan ang hindi aamin na ang lipunan natin ay tigib ng pagkakawatak-watak at kakulangan ng kaisahan. Tanging mga namamalik-mata lamang ang makapagsasabing wala tayong pinagdadaanang mga paghamon at mga pagyurak sa ganap at wagas na kaisahan bilang isang bayan.

May isa pa! Hindi pa ako tapos sa paglilista ng mga hilahil sa ating lipunan … at sa ating pinakamamahal na Simbahan. Alam nating lahat ito … may mga pinunong mandarambong lamang. May mga nasa poder na mapagsamantala lamang, mapanlinlang, mapaniil, at mapanlamang sa kapwa.

Masakit ang mga salitang binitawan ni Jeremias! “Parurusahan,” diumano, “ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan.” Nguni’t kung gaano kasakit ang kanyang mga kataga, ganoon rin naman, at higit pa, kung gaano naman katindi ang kanyang pangakong tigib ng malasakit at pagkalinga: “”Ako na ang magtitipon sa nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng pinagtapunan ko sa kanila.”

Halos 30 na taon na akong paring naglilingkod sa bayan ng Diyos. Sa nakaraang maraming taong ito, napagdaanan ko na ang lahat marahil. Naging matagumpay ako sa maraming ginawa ko; nguni’t marami rin akong pinagdaanang kabiguan. Natikman ko kung paano mahalin, igalang, at sundin ng maraming tao. Naranasan ko rin, kung paano ako laitin at tanggihan ng ilan. Sa biyaya ng Diyos, napagdaanan ko ang isang mayamang hanay ng mga karanasang nakatulong upang maging mabuti akong guro, predikador, manunulat, at tagapayo.

Bagama’t masasabi kong naging mabuti at masipag akong pari, alam kong marami rin akong naging kakulangan, o kasalanan sa Diyos, at sa kanyang bayan. Sabi nga nila, ang bawa’t santo ay may nakalipas, at ang bawa’t makasalanan ay may hinaharap.

Maging si San Pablo ay marami ring pinagdaanan. Naranasan niya rin ang hindi tanggapin, ang makulong, ang kamuhian dahil kay Kristo. Nguni’t sa araw na ito, nagpapasalamat siya sa Diyos sapagka’t pinagkasundo niya ang mga Judio at mga Hentil, at pinawi niya ang alitan na parang pader na nagpahiwalay sa mga tao.

May nakaraan si San Pablo – at may hinaharap na kanya nang inaako!

Nais kong isipin na ito ang magandang balitang maari nating pagyamanin ngayon.

Hayaan ninyong ipaliwanag ko …

Ayon sa ebanghelyo natin ngayon, ang mga disipulo ay abalang-abala sa pangangaral at pamumuno sa napakaraming taong lumalapit sa kanila. Dumating ang sandali na gusting-gusto nilang ikwento kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. Ang mahalagang salita ay “lahat.” Kung lahat ito, hindi malayong ilan sa mga kwento nila ay may kinalaman rin sa mga kabiguan, o sa mga bagay na matatawag nating mapait na karanasan. Hindi lahat marahil ay natuwa sa kanilang ginagawa.

Subali’t sa gitna ng pagkabalisang ito ng lahat, pati ng mga disipulo, iisa ang tugon ni Jesus sa kanila: “Magtungo kayo sa ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.”

Ito ang butihing pastol … hindi nabalisa sa lahat ng kwento ng mga disipulo … hindi napadala sa kanilang pagkabalisa, at sa posibleng kaguluhan ng isipan at damdamin. Bilang pastol, hinikayat niya sila … inakay at inihatid sa tamang landasin … hindi sa pagmamaktol … hindi sa dagdag pang pagkabalisa at kaguluhan ng isip, bagkus sa kapayapaang dulot ng panalangin at pagbubulay-bulay sa mga naganap sa kanilang buhay.

Hindi kaila sa inyo na kaming mga pastol at pari ninyo ay hindi ganap. Hindi perpekto. May mga kasalanan at kamalian rin kami. At marami rin kaming kapalpakan. Bilang pastol ninyo, kami may ay nangangailangan ng pagpapastol ng Diyos, sa katauhan ni Kristong Panginoon.

Sa mga sandaling naging palpak kami … sa mga sandaling naging masama kaming halimbawa, at mga pastol na walang malasakit sa kawan, humihingi kami ng patawad at pang-unawa. At sa sandaling ito, nais ko sanang magdaup-palad tayong lahat – mga pari at laiko – upang bilang iisang kawan ni Kristong butihing pastol, ay atin nang kuhanin at angkinin ang kanyang pangako sa atin, na siya nating dasal ngayong araw na ito … “Pastol ko’y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop!”

Pinagyaman ng Diyos mismo, at biniyayaan niya ng ganitong pangako, wala na tayong dapat ikabahala. May pagkakataon tayong magtungo sa ilang na lugar upang makapagnilay-nilay. Sa kabila ng mga kakulangan naming inyong mga pari at pastol, sa kabila ng marami naming kasalanan at kapalpakan, ito ang katotohanang lumulutang sa ating harapan sa araw na ito … hinding hindi na … kailanma’y hindi na tayo magdarahop!

PANGANGASIWA, PANGANGALAGA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Amos, Sunday Reflections, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Setyembre 17, 2010 at 08:58

Ika-25 Linggo ng Taon (K)
Setyembre 19, 2010

Mga Pagbasa: Amos 8:4-7 / 1 Timoteo 2:1-8 / Lucas 16:1-13

Hindi nalalayo sa katotohanang nagaganap sa ating panahon ang mga binabanggit ni propeta Amos. Sa dami ng mga imbestigasyong naganap sa Senado at Kongreso sa nakaraang 10 taon sa bayan natin, tila mga barya at sencillo lamang ang ipinuputok ng damdamin ni Amos. Sa paulit-ulit na balitang lumalabas sa mga pahayagan at sa telebisyon at radyo, hindi sikreto sa lahat na walang pagtitiwala ang marami sa mga kapulisan, kahit sa mga pinakamataas na namumuno sa mga alagad ng batas. Hindi rin kaila na palasak ang lahat ng uri ng katiwalian, mapa loob o mapa labas man ng pamahalaan, sa lahat ng antas, sa lahat ng dako at sulok ng ating bayan. Pati ang tinamaan ng jueteng na jueteng ay patuloy pa ring namamayagpag sa maraming lugar ng bansa.

Pakinggan natin at tumbukin agad ang kalooban ng Diyos tungkol sa bagay na ito: “Hindi ko na maipatatawad ang masasama nilang gawa.” (Unang Pagbasa)

Subali’t ang mensahe ng Banal na Kasulatan ay wala sa mga pira-pirasong linya o taludtod, kundi nasa kabuuan ng kasulatan. Sa kabila ng katotohanang hindi kaaya-aya sa Diyos ang lahat ng uri ng katiwalian at panlalamang, nananatili ang matimyas na pagmamahal ng Diyos sa mga makasalanang tulad natin. Patuloy Siyang nananawagan at nagsusumamo, tulad ng pagsusumamo ni Pablo apostol sa atin: “ipinakikiusap kong paabutin ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan, panalangin, pamanhik, at pasasalamat para sa lahat ng tao.”

Sa araw na ito, natatangi sa “lahat ng tao” na binabanggit ni Pablo ang mga may panunungkulan – ang mga nangangasiwa, ang mga nangangalaga, ang mga pinuno ng bayan, ang mga pastol ng simbahan, ang mga naghahawak ng posisyon sa lipunan.

Di kaila sa atin kung gaano ka tuso ang marami sa kanila. Di kaila sa atin na matapos makatikim ng kapangyarihan, ang mga dating simpleng tao lamang ay nag-iiba, matapos mabahiran ng dungis ng unti-unting pagmamalabis. Sa haba ng tinatawag nilang “paglilingkod sa bayan,” marami sa kanila ay ay mabilis na natuto kung paano mandambong, mangulimbat, magsamantala, at manlamang sa mga taong walang kamuang-muang. Hindi ba’t ito ang kinasadsarang burak ng mga pinuno sa Maguindanao na nakuhang pumatay ng mahigit na 50 katao, dahil lamang sa kasakiman at pagkagahaman sa kapangyarihan?

May mataginting na mga aral para sa atin lahat ang pagbasa natin ngayon. Una: palasak ang kasalanan sa mundo … palasak ang katiwalian sa lahat ng antas ng lipunan. Ikalawa: hindi ito ang panghuling kabanata ng kasaysayan ng tao na nilikha ng Diyos sa Kanyang wangis at anyo. “Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas na ang ibig ay maligtas ang lahat ng tao at makaalam ng katotohanan.”

Nguni’t ang ikatlo ay lubhang mahalaga. Dapat nating pagsikapan na tularan ang karunungang ginamit ng mayamang may katiwala sa kwento natin sa ebanghelyo. Dapat tayong maging “tuso” sa magandang paraan, upang gumawa ng kabutihan. Ang pagiging tuso ay isang kakayahang nagkukubli sa pagkatao nating lahat. Lahat tayo ay mga supling ni Adan at ni Eba, na may kakayahang gamitin ang talino at galing para sa kasamaan at sa kabutihan.

Sa mga naganap kamakailan, sa mga naganap na matagal na, at sa mga nagaganap pa sa ating panahon, malinaw na higit na nabibigyang-pansin ang madilim na bahagi ng ating pagiging bayan. Hindi nagiging balita ang kabutihang nangyayari saanman. Ang nabebentang balita ay yaong may kinalaman sa bagay na nakahihiya, nakagugulantang, nakabibigla, at nakaeeskandalo. Sa nakaraang trahedya sa Luneta, nagsipag-unahan ang mga peryodista at komentarista sa radyo at TV, upang ipamalita sa buong mundo kung gaano kapalpak at kung paano walang nangasiwa, nangalaga, at namahala sa isang pangyayaring naging malaking kahihiyan para sa atin lahat.

Iisa ang tinutumbok ng mga mahahalagang aral na ito. Tulad ng Diyos na pastol, gabay, at Ama, tinatawagan tayong matutunan ang pananagutan sa likod ng dalawang tungkuling nakaatang sa balikat natin bilang tagasunod ni Kristo: ang pamumuno ay may kinalaman sa pangangasiwa at pangangalaga. At para magampanan ito, kailangan natin ng karunungang nagmumula sa langit, karunungang mula sa Diyos.