frchito

Archive for the ‘Propeta Amos’ Category

GAWIN ANG BUONG MAKAKAYA SA PAKIKIBAKA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Amos, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Setyembre 20, 2010 at 13:42

Ika-26 na Linggo ng Taon (K)
Setyembre 26, 2010

Mga Pagbasa: Amos 6:1a,4-7 / 1 Tim 6:11-16 / Lucas 16:19-31

Langit at lupa ang layo sa dalawang nilalang na isinilang na hindi kailanman magkakadaop-palad: ang mayaman at ang dukhang si Lazaro. Tubig at langis naman ang tulad sa pagkakahiwalay ng mayayaman at ng mahihirap sa panulat ni Amos. Sa tasang tasa na lamang na inuman ng mamahaling alak ay wala nang panama. Sa kamang kama na lamang na gamit ng mga humihilatang mayayaman ay wala na ring paghahambing. Ano pa kaya sa pagkaing inihahain sa hapag?

Mayroong patuloy na nagnanaknak na suliranin sa lipunan natin saanman. Palasak pa rin ang pagtatangi-tangi sa mundo. Tuloy ang hidwaan sa pagitan ng mga taong diumano ay nagmamahal sa Diyos, anuman ang pangalang tawag nila sa kanya. Sa buong kasaysayan ng mundo, napakarami ang namatay sa ngalan ng relihiyon, at maging sa ngayon, ay patuloy ang mga terorista sa pagkilos na tila baga ang utos sa kanila ng Diyos ay ang pumatay, manira, manakot, at mamilit sa iba ng kanilang paniniwala.

Ang lahat ay nakikibaka. Ang lahat ay nagpupunyagi upang ang kanilang relihiyon ang siyang manaig. Sa maraming lugar sa daigdig, ilang mga grupo ng tao ang handang makipagpatayan upang ang kanilang relihiyon ang manaig at maghari sa lahat?

Sa araw na ito, tingnan natin ang listahan ng mga bagay na totoo. Una, totoo na may kawalan ng pagkakapantay-pantay sa mundo, saanman. Pati sa Amerika, alam natin na isa sa bawa’t pitong katao ay nabubuhay na mas mababa sa tinatawag na “poverty line.” Sa Pilipinas, ang bilang ay higit na marami kaysa rito. Hindi lamang tasang inuman ng alak ang sukatan ng kawalan ng pagkakapantay-pantay.

Ikalawang katotohanan … Totoo na ayon sa turo ng banal na Kasulatan, hindi maglalaon ay “matitigil na ang inyong mga pagpipiging at pagsasaya.” May wakas ang lahat ng bagay. May hangganan ang lahat ng bagay na nakikita at natutunghayan.

Ikatlo, totoo rin na ang Diyos ay Diyos ng ganap na pagkakaisa, lubusang pagkakapantay-pantay, at Diyos na hindi nagtatangi ng sinuman.

Nguni’t mayroon pang higit na mahalagang katotohanan ang dapat natin bigyang-pansin, ayon sa turo ng ebanghelyo. At ang katotohanang ito ay may kinalaman sa katarungan ng Diyos. Ang Diyos ay Diyos ng hustisya, Diyos na nagtataguyod ng katarungang ganap. At dahil sa katarungang ito, na kaakibat ng kanyang dakilang habag at awa, mayroon Siyang malalim na malasakit sa mga api, sa mga taong nasa kailaliman ng salansan o ng patas … sa mga taong walang kaya, walang kapit, at walang anumang pinanghahawakan.

Nguni’t may katotohanang kaakibat ang lahat ng ito. Hindi ito isang pagpapasa-kamay na lamang ng Diyos. Hindi ito isang pagiging hinalig na lamang sa Poong Maykapal. Hindi nangangahulugang wala na tayong dapat gawin, o wala na tayong anumang pananagutan.

Ito ang pagkakamali ng taong mayaman. Nang siya ay humiling, huli na ang lahat. Wala siyang pansin nang nabubuhay. Wala siyang pananagutan at pagmamalasakit noong nasa lupa pa siya. Wala siyang ginawa upang maibsan ang paghihirap ni Lazaro. Hindi niya ginawa ang kanyang buong makakaya noong nabubuhay pa.

At dito natin mauunawaan ang isa pang katotohanan … Walang mararating ang awa at katarungan ng Diyos kung walang pagkukusa ang tao. Walang magagawa ang Diyos kung walang pagpupunyagi ang tao. Walang ginhawa kung walang pagsisikap at walang gantimpala kung walang pagpupunla.

Masukal at masalimuot ang mundong iniikutan natin … puno ng sari-saring paghamon, tigib ng lahat ng uri ng kawalan ng pagkakapantay-pantay. Sa ating bayan, sa kabila ng pagbabago ng saligang batas, lalung lumala ang katiwalian, lalung dumami ang mga politikong kapit-tuko sa posisyon … sila at asawa, at anak, pamangkin, apo, at mga inangkin! Sa ating panahon, kung hindi ka maingat, ay paulit-ulit kang maiisahan, at malalamangan. Hindi ba’t ito ang paalaala ni Amos noong isang linggo? – ang mga takalang may daya, mga timbangan na may dagdag na tingga, at mga sanga-sangang dila ng mga namumuno?

Matindi ang paghamon … malinaw ang larangan ng pakikidigma. Halos manlupaypay tayo sa harap ng susun-susong mga suliraning pasanin natin. Tama si Pablo. Sa araw na ito, sa harap ng kawalan ng pagkakapantay-pantay na binabanggit ni Amos, sa harap rin ng langit at tubig na pagkakaiba ng mayaman at mga katulad ni Lazaro, mungkahi at paalaala niya sa atin ay ito: “Sikapin mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan.”

Ang pinakamahalagang kataga ay “sikapin.” Alam niyang mahirap ang laban. Alam niyang hindi madali at puno ng balakid. Alam rin natin ito. Halos sumuko na tayo sa kahihiyan sa buong mundo, lalu na at nililibak ng buong mundo ang Pinoy at tampulan ng lahat ng uri ng siste sa mga sine at palabas sa mayayamang bansa. Masahol pa kay Lazaro kung minsan ang tingin sa atin ng mga banyaga. Parang saanman tayo mapunta ay tungkulin natin na patunayang hindi tayo isang bayan ng mga mapagsamantala, at isang lahing busabos at walang alam.

Mahirap lunukin ang mapait na medisinang ito. Angkop na angkop ang paalaala sa atin ni Pablo: “Gawin mo ang buo mong makakaya sa pakikibaka alang-alang sa pananampalataya at kakamtan mo ang buhay na walang hanggan.”

PANGANGASIWA, PANGANGALAGA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Amos, Sunday Reflections, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Setyembre 17, 2010 at 08:58

Ika-25 Linggo ng Taon (K)
Setyembre 19, 2010

Mga Pagbasa: Amos 8:4-7 / 1 Timoteo 2:1-8 / Lucas 16:1-13

Hindi nalalayo sa katotohanang nagaganap sa ating panahon ang mga binabanggit ni propeta Amos. Sa dami ng mga imbestigasyong naganap sa Senado at Kongreso sa nakaraang 10 taon sa bayan natin, tila mga barya at sencillo lamang ang ipinuputok ng damdamin ni Amos. Sa paulit-ulit na balitang lumalabas sa mga pahayagan at sa telebisyon at radyo, hindi sikreto sa lahat na walang pagtitiwala ang marami sa mga kapulisan, kahit sa mga pinakamataas na namumuno sa mga alagad ng batas. Hindi rin kaila na palasak ang lahat ng uri ng katiwalian, mapa loob o mapa labas man ng pamahalaan, sa lahat ng antas, sa lahat ng dako at sulok ng ating bayan. Pati ang tinamaan ng jueteng na jueteng ay patuloy pa ring namamayagpag sa maraming lugar ng bansa.

Pakinggan natin at tumbukin agad ang kalooban ng Diyos tungkol sa bagay na ito: “Hindi ko na maipatatawad ang masasama nilang gawa.” (Unang Pagbasa)

Subali’t ang mensahe ng Banal na Kasulatan ay wala sa mga pira-pirasong linya o taludtod, kundi nasa kabuuan ng kasulatan. Sa kabila ng katotohanang hindi kaaya-aya sa Diyos ang lahat ng uri ng katiwalian at panlalamang, nananatili ang matimyas na pagmamahal ng Diyos sa mga makasalanang tulad natin. Patuloy Siyang nananawagan at nagsusumamo, tulad ng pagsusumamo ni Pablo apostol sa atin: “ipinakikiusap kong paabutin ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan, panalangin, pamanhik, at pasasalamat para sa lahat ng tao.”

Sa araw na ito, natatangi sa “lahat ng tao” na binabanggit ni Pablo ang mga may panunungkulan – ang mga nangangasiwa, ang mga nangangalaga, ang mga pinuno ng bayan, ang mga pastol ng simbahan, ang mga naghahawak ng posisyon sa lipunan.

Di kaila sa atin kung gaano ka tuso ang marami sa kanila. Di kaila sa atin na matapos makatikim ng kapangyarihan, ang mga dating simpleng tao lamang ay nag-iiba, matapos mabahiran ng dungis ng unti-unting pagmamalabis. Sa haba ng tinatawag nilang “paglilingkod sa bayan,” marami sa kanila ay ay mabilis na natuto kung paano mandambong, mangulimbat, magsamantala, at manlamang sa mga taong walang kamuang-muang. Hindi ba’t ito ang kinasadsarang burak ng mga pinuno sa Maguindanao na nakuhang pumatay ng mahigit na 50 katao, dahil lamang sa kasakiman at pagkagahaman sa kapangyarihan?

May mataginting na mga aral para sa atin lahat ang pagbasa natin ngayon. Una: palasak ang kasalanan sa mundo … palasak ang katiwalian sa lahat ng antas ng lipunan. Ikalawa: hindi ito ang panghuling kabanata ng kasaysayan ng tao na nilikha ng Diyos sa Kanyang wangis at anyo. “Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas na ang ibig ay maligtas ang lahat ng tao at makaalam ng katotohanan.”

Nguni’t ang ikatlo ay lubhang mahalaga. Dapat nating pagsikapan na tularan ang karunungang ginamit ng mayamang may katiwala sa kwento natin sa ebanghelyo. Dapat tayong maging “tuso” sa magandang paraan, upang gumawa ng kabutihan. Ang pagiging tuso ay isang kakayahang nagkukubli sa pagkatao nating lahat. Lahat tayo ay mga supling ni Adan at ni Eba, na may kakayahang gamitin ang talino at galing para sa kasamaan at sa kabutihan.

Sa mga naganap kamakailan, sa mga naganap na matagal na, at sa mga nagaganap pa sa ating panahon, malinaw na higit na nabibigyang-pansin ang madilim na bahagi ng ating pagiging bayan. Hindi nagiging balita ang kabutihang nangyayari saanman. Ang nabebentang balita ay yaong may kinalaman sa bagay na nakahihiya, nakagugulantang, nakabibigla, at nakaeeskandalo. Sa nakaraang trahedya sa Luneta, nagsipag-unahan ang mga peryodista at komentarista sa radyo at TV, upang ipamalita sa buong mundo kung gaano kapalpak at kung paano walang nangasiwa, nangalaga, at namahala sa isang pangyayaring naging malaking kahihiyan para sa atin lahat.

Iisa ang tinutumbok ng mga mahahalagang aral na ito. Tulad ng Diyos na pastol, gabay, at Ama, tinatawagan tayong matutunan ang pananagutan sa likod ng dalawang tungkuling nakaatang sa balikat natin bilang tagasunod ni Kristo: ang pamumuno ay may kinalaman sa pangangasiwa at pangangalaga. At para magampanan ito, kailangan natin ng karunungang nagmumula sa langit, karunungang mula sa Diyos.