frchito

Posts Tagged ‘Pasasalamat’

GUNITAIN, AT GAWIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Hunyo 25, 2011 at 10:19

KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO (A)
Hunyo 26, 2011

Isa sa mga kinahihibangan ko sa mga araw na ito, habang nasa Maynila at nagtuturo sa mga seminarista sa dalawang buwang bakasyon sa Guam, ay Facebook. Pero hindi basta Facebook, kundi facebook na kaugnay sa isang grupo ng mga kababayan ko sa Mendez, Cavite. Bagaman at kakaunting panahon ang aking itinigil ko sa bayang sinilangan, hindi ko maipagkakailang ang aking kamalayan, ang aking pag-iisip, at lahat ng kung sino ako, ay hinubog, nabuo, at nagkaroon ng kakanyahan kung saan ako nagmula.

Bilang isang terapista, bukod sa pagiging pari at guro ng teolohiya, isa sa pinaggugugulan ko ng panahon ay ang mawari kung ano ang nasa likod ng kung ano mang ginagawa ng karamihan, pati ako. At sa aking pagmumuni-muni, ay napagtanto ko kung ano ang isa sa mga marahil ay dahilan kung bakit kaming magkakababayan ay nagsasama-sama sa umpukan naming sa cyberspace, kahit na ang karamihan ay nasa iba-ibang sulok ng daigdig!

At ang buod ng lahat ng ito ay tila isang salita lamang … GUNITA … PAG-AALA-ALA … PAGBABALIK-TINGIN … PAGBABALING NG ISIPAN SA NAGDAAN! Nguni’t ito ay hindi lamang isang hungkag at walang lamang pagbabalik-isip. Ito ay puno ng isang masidhing kagustuhang maisagawa ang maraming mga bagay na kinatuwaang gawin noong nakaraan … tulad ng paglulupak, panghuhuli ng “tubi-tubi” (tutubi), at marami pang napakasimpleng mga gawaing nagdulot ng masidhing kagalakan sa aming mga bata noong araw.

GUNITAIN! Ito rin ang paksa ng mga pagbasa natin sa kapistahang ito ng Corpus Christi. Ito mismong kapistahang ito ay nagdudulot ng maraming maaaring gunitain … ang prusisyong ginagawa nuon kahit sa loob lamang ng simbahan kapag pista ng Corpus Christi … ang puno ng debosyong pagsisimba ng mga taong-bayan sa Misa Rezada at Misa Cantada tuwing Linggo ng umaga … ang mataginting na pag-awit ng mga himig Latin tuwing magmimisa si Fr. Santiago, o si Fr. Sugay, at ang iba pang naging Pari sa aming maliit na bayan, sa patnubay ng Patrong si San Agustin!

Gunitain! Ito ang payo ng Aklat ng Deuteronomio: “alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan!” Ang pusong walang binabalikan ay pusong walang pinasasalamatan. Ang taong walang nagugunitang kabutihan ay wala ring kakayahang magkaloob ng pasasalamat. Ang taong marunong lumingon sa pinanggalingan ay higit na may pagkakataong makararating sa patutunguhan!

Ito ang Eukaristiya! Ito ang buod ng Eukaristiya – pasasalamat at ang pasasalamat ay magaganap sa pamamagitan ng paggunita!

Tingnan natin kung ano ang dapat nating kilalanin upang mapagpasalamatan … “tinuruan tayong magpakumbaba …” “binigyan ng manna …” “nagpalaya mula sa pagka-alipin.”

Di ba’t kasaysayan nating lahat ito? Di ba’t tayong lahat ay naging bihag ng kasalanan, ng pagkamakasarili, ng kamangmangan at kawalang kaalaman? Di ba’t lahat tayo ay nagdaan sa kahinaan, sa kapayakan, sa kawalang kakayahan?

Ito ang hinihingi ng kapistahan ng Corpus Christi … ang paggunita at ang pagkilala. “Hindi ba’t ang pag-inom natin sa kalis ng pagpapala na ating ipinagpapapsalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Kristo?”

Nguni’t dito nagkakaiba ang paggunita na ginagawa naming sa facebook, at ang tunay nag paggunita na ginagawa ng Simbahan. Ang pagbabalik-isip na ginagawa naming sa facebook, ay dulot lamang ng isang pagnanasang balikan ang mga bagay na nagbigay sa amin noon ng kasiyahang makabata, kasiyahang hindi na puedeng mangyaring muli. Tanging gunita lamang at alaala ang puede naming ibalik, o balikan, o balik-isipin.

Sa Eukaristiya, ang paggunitang ginaganap ng Simbahan at ng mga mananampalataya ay hindi lamang pag-alala. Ito ay isang paggunitang nauuwi sa paggawa. Ito ay isang pagbabalik-isip na dapat at nagiging makatotohanan sa buhay natin ngayon at sa buhay na hinaharap at darating.

Ang Eukaristiya ay pasasalamat … pasasalamat sa nagdaan, pangkasalukuyan, at pang hinaharap. Ginugunita natin ang pagsilang ng Panginoon, ang kanyang pagpapakasakit at pagkamatay … ang pag-aalay ng sarili para sa ating kaligtasan. Ginugunita rin natin ang kasalukuyan nating pamumuhay na kaniig ang Diyos sa mga sakramento ng Simbahan. At higit sa lahat, ang isipan natin ay nakatuon sa darating na luwalhati at ganap na kaligtasang nakalaan sa atin, sa langit na tunay nating bayan!

Gaano ko man gustuhin, ay batid kong hindi ko na maibabalik ang simple at masayang pamumuhay noon sa aking bayan. Wala nang masyadong tubi-tubi ngayon. Wala nang masyadong kabute at mamarang (isang uri ng kabute). Wala nang mga prutas na dati-rati ay pinipitas lamang naming kahit saan. Wala na rin halos pati ang estilo ng aming pananalita na may puntong walang katulad sa Katagalugan, liban sa aming karatig bayan na Batangas. Marami na ang naglaho at hindi na maibabalik.

Nguni’t sa Eukaristiya, sa Banal na Katawan at Dugo ni Kristo, walang naglalaho … walang nababago … walang napapawi o nabubura … “Ang kumain ng aking katawan at uminon ng aking dugo ay magkakamit ng buhay na walang hanggan.” Si Kristo ay Diyos, kahapon, ngayon, at magpasawalang hanggan!

Ang hinihingi niya sa atin ngayon ay ito: GUNITAIN ang lahat ng kanyang biyayang ipinagkaloob … at GAWIN ang nilalaman ng ating ginugunita at pinagyayaman! “Ang sinumang kumain sa akin, ay mabubuhay ng dahil sa akin!”

BUKAS-LOOB NA PAGKAKALOOB

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon A on Disyembre 21, 2010 at 15:55

Ika-7 araw ng Simbang Gabi(A)
Disyembre 22, 2010

Ang pinagkalooban ang siya ngayong nagkakaloob … si Ana, nagsumamo sa Diyos sa pamamagitan ni propeta Eli, upang pagkalooban siya ng supling. Nguni’t sa pagkakataong ito, sa kabatirang ang kanyang sanggol na si Samuel ay bunga ng pagkakaloob ng Diyos, nakuha niyang bumalik muli sa templo at di lamang magpasalamat, kundi magkaloob sa kanyang una sa lahat ay nagkaloob sa kanya at tumugon sa kanyang taimtim na panalangin.

Bilang isang educador, at tagahubog ng kabataan … bilang isang guro sa nakaraang 33 taon (at patuloy pa ring nagtuturo), alam ko kung ano ang hugis, kulay, amoy, at anyo ng pasasalamat. Nakita ko ito sa mga nagdaan sa aking silid aralan noong ako ay 20 anyos pa lamang, noong ako ay isang tila inosenteng brother na nagtuturo ng katesismo sa Barrio Mabato, sa Barrio Bunggo, sa mga lugar, na ika nga nila noong araw, ay singko sentimos na lamang, ay langit na!

Nakita ko ito sa mga seminaristang nagdaan rin sa aking silid aralan noong 1977, noong 1983, at magmula 1992 hanggang 2002. Nakita ko rin ito sa mga estudyante ko sa high school noong 1986 hanggang 1990, at mga kasama kong naglakbay sa Pamayanang Kristiyano sa Roma, noong taong 1990-1992, at mga parokyano sa Dundalk, Baltimore, noong 2003 hanggang 2005!

Dama ko ang pasasalamat at pagpapahalaga ng tao, saan man, kailan man. Dama ko ito sa mga regalo nilang isang pares na medyas tuwing pasko sa Mayapa noong ako ay brother pang payat at gusgusin. Dama ko rin ito sa mga maliliit na halaga nilang pakipkip maging sa Dundalk, at higit na mahahalaga nilang kontribusyon sa aking pag-aaral sa Virginia, USA, maging sa aking pilgrimahe kamakailan patungo sa mga lugar kung saan tumahak si San Pablo sa Grecia, sa Turkia, at sa Israel.

Nakita ko ito kamakailan kay Tim Tebow, ang tanyag na star player ng football sa America. Noong siya ay nasa sinapupunan pa ng kanyang Ina, na isang misyonarya noon sa Pilipinas, pinayuhan ang nanay niya ng mga duktor na ilaglag si Tim. Hindi sumunod ang magulang niya. Siya ngayon ang poster boy ng pasasalamat sa kadahilanang kung siya ay inilaglag, ay hindi rin siya magiging tanyag na manlalaro ngayon.

Nakita ko ito kay Angela, na anak ng isa kong dating estudyante sa High School. Nang siya ay ipinagbubuntis pa, ganuon din ang ipinayo sa kanyang mga magulang. Hindi nila ginawa. Hindi sila namili. Nagdesisyon silang sumunod na lamang sa kalooban ng Diyos. Ngayon, ang bata ay napaka biba, napaka-talino, at napakaganda!

Tulad sa kwento ni Maria, tulad rin sa kwento ni Ana, mayroong mahalagang liksyon para sa atin sa araw na ito. At ang buod nito ay nasa katagang LOOB … ang kaibuturan ng lahat ng katotohanang may kinalaman sa yaman ng ating pagkatao, na nilikha ayon sa wangis ng Diyos. Ang LOOB ang kumakatawan sa kabuuan ng pagkatao natin. Ang LOOB rin ang kumakatawan sa kabuuan ng pagka-Diyos ng Diyos. Ang Diyos na ang katangian ay magbahagi ng kanyang LOOB, ay siyang nagkaloob sa kanyang bugtong na Anak, na si Jesus. Siya rin ang nagmagandang-loob kay Ana. Siya rin ang nagkaloob ng kung ano ang kinakailangan ng talubatang si Maria, na naglihi, nanganak, at tumawag sa kanyang anak bilang Emmanuel, Jesus, Diyos na nagliligtas.

Magaan ang kalooban ko tuwing may nagbabalik na dating estudyante. Nakatataba ng puso kapag may nagmamagandang-loob at nagkakaloob ng tunay na niloloob – ang pasasalamat. Bagama’t hindi ako karapat-dapat sa lahat ng iyon, nakapagpapagaan ng mabigat na trabaho, at nakapagbibigay lubay ng kalooban, marami man ang problema at hilahil.

Dalawang babae ngayon ang tampulan ng ating pagninilay … dalawang babaeng marunong tumanaw ng utang na loob … dalawang babaeng pinagkalooban ng biyaya, na ngayon ay nagkakaloob ng luwalhati, at nakapagbibigay halimbawa sa lahat ng taong may mabubuting kalooban!
Sa ikapitong araw ng Simbang Gabi, hindi sama ng loob ang paksa natin, kundi kabutihan at kagandahang-loob. At ito ay dahil sa dalawang babaeng, nagkusang-loob, nagmagandang-loob, at nagkaloob ng papuri at pasasalamat sa Diyos na nagkaloob ng lahat sa kanyang mahal na bayan. Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at kapayapaan sa lahat ng taong may mabuting kalooban!