frchito

Posts Tagged ‘Simbang Gabi’

IBUHOS NAWA NG LANGIT ANG KATARUNGAN!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Panahon ng Pasko, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 13, 2009 at 12:33

N.B. Pipilitin kong magsulat ng pagninilay sa bawa’t araw ng Simbang Gabi. Narito ang para sa unang araw.

Unang Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 16, 2009

Mga Pagbasa: Isaias 45:6b-8, 18, 21b-25 / Lucas 7:18b-23

Walang makapipigil sa Pinoy pagdating ng Simbang Gabi! Sa kabila ng Pepeng at ng Ondoy, ng mga kahindik-hindik na balita tungkol sa masaker at mga hostage saan mang dako ng bansa, tuloy ang pag-asa. Tuloy ang pagsasama-sama ng mga kababayan natin saan mang dako, saan mang bansa sa lumiliit na daigdig!

May simbang gabi sa Arlington, Virginia sa USA … sa ganap na ika-5 ng malamig na umaga! Nakapagmisa ako duon noong nakaraang tatlong Pasko! May simbang gabi sa St. Anthony’s Parish sa Tamuning, sa Guam. May simbang gabi sa Roma, sa Milano, sa Torino, sa Napoli … maging sa Paris, sa Barcelona, sa Madrid … dumako kayo saan mang sulok ng daigdig na mayroong Pinoy at ang simbang gabi ay hindi ninyo matatakasan! Hindi mapigilan ang Pinoy kung ang pag-uusapan ay ang pag-asa sa hinaharap.

Sa loob ng maraming daang taon, ito ang regalo ng mga Pilipino sa Panginoon na nagkaloob ng kanyang sarili para sa tao. Ito rin ang kaloob ng mga Pinoy sa buong mundo. Nagmula sa mga magsasakang binigyang-pagkakataon na makapagsimba noong panahon ng mga Kastila sa Pilipinas, ang kagawian ay hindi na mapupuknat sa kamalayang Pinoy, at ngayon pati sa kamalayan ng maraming tao sa buong mundo!

Ang unang araw ng Simbang Gabi ay puno ng pag-asa – tulad ng diwa ng buong Simbang Gabi, na kaakibat tuwina sa pag-asa. Dinggin natin muli ang sinabi sa atin ng pagbasa: “Ako ang Panginoon, wala nang iba pa. Ako, inyong Panginoon ang gumawa ng mga bagay na ito … Ibuhos nawa ng langit ang katarungan, tulad ng hamog mula sa kalangitan!”

Ito ang bungad ng ating siyam na umaga (o gabi) na pagpupuyat at pagbabantay. Ito ang bungad na mabuting balita para sa isang bayang muli na namang ginulantang ng mga makatindig-balahibong mga balita ng karahasan na minsan pang yumurak sa kapayapaan sa bayan natin.

Ito ang magandang katotohanan na hindi natin dapat talikdan – ang puno at dulo at batayan ng lahat ng kabutihang bumabalot sa pagkatao natin bilang Pinoy. Ito rin ang batayan ng lahat ng pinagkakaabalahan natin bilang mananampalataya – ang Panginoon na darating … ang Panginoon na maghahatid ng katarungan na parang mayamang hamog na bubuhos mula sa kaitaasan.

Nasaktan na naman tayo sa mga naganap kamakailan. Nasugatan na naman ang puso natin na hindi miminsang hinagupit ng mapait na kapalaran at mga kaganapan. Sa isa na namang pagkakataon ay minsan pang naghari ang kabuktutan, ang pagkagahaman sa poder, ang pagkamakasarili at pagkamakasalanan ng bayan natin.

Subali’t ngayon, sa unang araw ng ating nobena, (pagsisiyam), muli natin inuunat ang paa upang humakbang muli patungo sa kaligtasan at kaganapan ng pangako ng Diyos na naging taong tulad natin.

Kadarating ko lamang galing sa panonood ng sine na ang pamagat ay INVICTUS. Ito ay salitang Latin na ang kahulugan ay “hindi nagapi ninuman.” Sa kabila ng tila kawalang pag-asa ng Timog Africa, sa kabila ng tila walang pag-asang pamumuno ng isang dating bilanggo dahil sa politika na si Nelson Mandela, napag-isa niya at napagsama-sama niya ang diwa at puso ng mga taong magkakaibang-kulay at lahi, at dati-rating magkasalungat sa lahat ng bagay. Nagkaisa sila sapagka’t nagsama-sama sila sa iisang mithiin – ang magkaroon at makapagkamit ng kadakilaang nasyonal sa pamamagitan ng rugby – sa pamamagitan ng laro na naghatid sa kanila sa rurok ng kaisahan.

Malayo pa ang lalakbayin natin bilang bayan. Marami pang sugat na dapat hilumin. Marami pang tampong dapat lunasan, at nagnanaknak na mga pasakit na dapat lapatan ng lunas. Marami pang mga kabuktutan at katiwalian sa lipunan na dapat ituwid – mga lambak na dapat punuin, mga lubak na dapat patagin, tulad ng sabi ni Juan Bautista.

Sa inyong pagparito ngayon sa simbahan, nakatutuwang isipin na inyong tangan na sa mga kamay ang kasagutan. At ang kasagutang ito ay kung ano ang buong pananampalatayang binigkas natin matapos ang unang pagbasa: “Ibuhos nawa ng langit ang Makatarungan, at isilang ng daigdig ang Manliligtas!”

Ito ang tunay na nasa likod ng inyong pag-asa. Ito ang tunay na dahilan na inyong kagalakan. Ito ang kagalakang hindi kailanman mapupuknat ng karahasan, ng katiwalian, at lahat ng uri ng kadayaaan.

At ito ang pasimulang ginugunita at pinagyayaman ngayon sa unang araw ng ating pagsisiyam sa Pasko.

Alam kong mahaba pa ang lakbayin natin. Nguni’t ang isang paglalakbay na may habang isang libong milya ay nagmumula sa isang hakbang. Sa araw na ito, sama-sama, sabay-sabay nating gawin ang unak hakbang na ito.

At ito ay magagawa natin sa taimtim na panalangin sa Diyos … “Rorate coeli desuper et nubes pluant justum!” Magbukas nawa ang kalangitan at ibuhos sa amin ang makatarungan!”

SI DAVID, SI ZACARIAS, AT ANG KABAN: FEELING GUAPO O EXTREME MAKE-OVER?

In Adviento, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Juan Bautista, Taon B on Disyembre 23, 2008 at 08:45

Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 24, 2008

Mga Pagbasa: 2 Samuel 7:1-5, 8-12, 14,16 / Lk 1:67-79

paskomano-po

Muli tayong pinag-iisip ng unang pagbasa sa magandang balakin ni David. Na-konsiyensia kumbaga siya, na nakatira sa isang magarang palasyo at ang kaban ng tipan, tulad ng sinabi natin noong isang araw, ay nasa isang tolda lamang. Tinamaan ng malaking kabaitan si David at nagbalak gawan ng isang magarang bahay ang kaban ng tipan.

Pero, ito nga kaya ang tunay na nangyari?

Nagbalak si David gumawa ng isang bahay. Subali’t hindi bahay ang gusto ng Diyos, kundi buhay. Bagama’t nasagot na Niya ng “oo” si David, pagkagabihan, ay isinugo si Natan upang bawiin ang Kanyang sinabi. Sa halip na bahay ay tinunton ni Natan para kay David ang kanyang buhay. Sinaliksik … Isinalaysay … Ipinagunita … Ipinaalaala … Pero, teka lang … buhay nga ba ni David ang pinagmulan ng lahat? Sino nga ba ang bida rito? Si David nga ba na sa panahong yaon ay nahihilata na sa isang marangya at maalwang bahay?

Tingnan natin ang salaysay ng aklat ni Samuel …

Nagtanong ang Diyos kay David: “Ikaw ba ang dapat gumawa ng isang bahay para sa akin?” Teka … nakakalimutan mo yata ang tunay na kasaysayan. Ikaw na pinagmalasakitan ko at tinulungan at ipinagtaguyod sa mula’t mula pa? … Huwag mong sabihin na ikaw ang gagawa ng bahay para sa akin, ang wari ko’y kahulugan ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Natan.

Ang tao’s marupok; kay daling lumimot talaga. Tama si Rico Puno sa isa sa mga una niyang kantang sumikat, maraming taon na ang nakararaan. Kay daling nakalimot si David. Nakatikim ng kaunting rangya at kapangyarihan ay kagya’t nakalingat.

Siya pa ngayon ang gagawa ng bahay para sa Diyos! … Siya, na hinugot ng Diyos sa pastulan …

Siya pa ngayon ang magtatayo ng tahanan ng Diyos! … Siya na dati-rati’y tagapag-alaga lamang ng tupa!

Siya pa ngayon ang bubuo ng isang gusaling karapat-dapat sa Diyos! … Siya na pinulot ng Diyos sa katumbas ng kangkungan ni Erap, at ginawang kumander ng dakilang bayang Israel! …

Extreme make-over talaga si David. Sabi nga ng isa pang lumang kanta … Dati-rati’y ang pangit-pangit mo … ngayon ay feeling guapo. Makisig ang magpatayo ng kung anu-ano … tulad ng mga daan at tulay ng mga politicong walang patutunguhan, tulad ng isang di tapos na overpass sa Loboc, Bohol na deretsong tinutumbok ang mahigit na 300 daang taong gulang na simbahan! May simula nguni’t walang hangganan … parang kapangyarihan ng mga politicong, sila na lang nang sila ang puedeng magbigay ng “public service” – hanggang sa apo sa tuhod at apo sa kaapu-apuhan.

Extreme make-over din tayo kapag ang tagumpay ay sumusuot at nananahan sa ating kukote. Nananahan … kaya’t ang naisip ng makisig na si David ay magpatayo ng isang tahanan para sa Kaban! Extreme make-over tayo kapag tumaas ang posisyon at na-promote. Wala nang kakilala … iba na magsalita … parang laging mga congressmen na kahit tatatlo ang kausap ay parang nagtatalumpati sa tatlumpung libong “constituents.”

Extreme make-over tayo kapag ang mithiin natin ay hindi angkop at ugma sa mithiin ng Diyos. Kailangan natin ng “reality check.” Kung minsan, ang reality check na ito ay nangangahulugang ang nangangarap ng gising ay dapat mauntog at mabukulan. Tulad ng mga nasa public service na nangangarap na hindi na bumaba sa puesto, o kahit man lamang pahabain ito at palawigin.

Gusto ni David sa kwento ni Samuel ang isang extreme make-over para sa Kaban. Pero ang hindi niya alam ay siya mismo ang nagdaan na sa isang extreme make-over. Dati rati ang pangit-pangit niya, ngayon ay feeling guapo… kaya’t pati ang Kaban ay dapat parang Metro Gwapo. Hindi bagay sa beauty niya ang tirahan ng Kaban. Dapat guapo rin tulad niya.

Malaking palaisipan para sa atin ito. Dalang-dala na tayo ng kalakaran sa lipunan na ang lahat ay batay na sa pogi points o popularity survey. Pag kulang ang pogi points, ay walang kikilos, walang magpapaayos. Kung kaya’t ang lahat ng ikabubuti at ikapapanuto ng kapakanang pangkalahatan, ang lahat ng tunay na mabuti at maganda, kung hindi ayon sa survey, ay hindi na nagaganap, hindi nangyayari.

Pero ang tunay na kaguapuhan ng pagkatao ay hindi nakukuha sa Glutathione at Glutaphos at ibang pang “essential medicines” na may gluta (monosodium glutamate kaya, puede rin?). Ito ay laging nagkukubli sa biglang wari, nguni’t napapagtanto sa asal at pag-uugali ng tao. At ito ang ipinamalas n Zacarias … nawalan pa nga ng kakayahang magsalita. Subali’t nang bumalik ang kanyang tinig, ang una niyang inasam at binigkas ay hindi ang gumawa ng magarang bahay kundi ang isalaysay ang kanyang buhay na pinagpala ng Diyos: “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel sapagka’t naparito Siya upang palayain ang Kanyang bayan.” Buhay niya sa ilalim ng patnubay ng Diyos, at hindi bahay ang kanyang inatupag at pinag-abalahan.

Mababa sa survey, pero extreme make-over pa rin! Mamili ka … feeling guapo o extreme make-over na tunay!