frchito

Posts Tagged ‘Taon K’

MGA LUMANG PLAKA; MGA BAGONG AWITIN

In Homily in Tagalog, Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon K on Marso 15, 2013 at 18:06

imagesIkalimang Linggo ng Kwaresma (K)

Marso 17, 2013

Mga Pagbasa: Is 43:16-21 / Phil 3:8-14 / Jn 8:1-11

MGA LUMANG PLAKA; MGA BAGONG AWITIN

 

Hindi na alam ng mga bata ang plaka. Hindi na rin nila nainintindihan ang kasabihang sirang plaka. Kasama ng mga casette tapes, at ng mga Walkwan, nabibilang na ito sa mga lumang dapat nang ibaon, ika nga, sa pagkalimot. Pero, ayon sa ating karanasan, maraming mga mapait na bagay ang hindi natin nalilimot agad-agad.

Ang mga pagbasa ngayong araw na ito ay pawang may kinalaman sa pagbabago, sa pagwawaksi ng luma, at sa pagharap sa bago. Sa unang pagbasa, nakatuon ang ating pansin sa bagong daan sa disyerto at sa mga ilog sa ilang. Pangako ng Diyos sa kanyang bayan na siya ay gagawa ng paraan, at maglalaan ng daan, at gagawa ng mga bagong bagay para sa kanyang bayan.

Pati si San Pablo sa ikalawang pagbasa ay nakatuon ang isipan hindi sa mga lumang karanasan, kundi sa mga darating pang mga dakilang bagay. Ito ang kaligtasan na dulot sa ngalan ni Kristo.

Subali’t sa ebanghelyo natin nakita ang tunay na bago – ang isang bagong pamamaraan upang harapin ang isang suliraning dulot ng mga tampalasang ang hanap ay ihulog sa patibong ang Panginoon.

Sa buhay natin, malimit tayong manatili sa mga lumang pamamaraan. Marami sa atin ang hindi kayang magtapon ng lumang bagay, mga lumang larawan, o lumang gamit sa bahay, kahit hindi na napapakinabangan. Pati ako ay nakikinig pa rin sa mga lumang awit, lumang tugtugin, o retro ang tawag – oldies but goodies! Merong mga taong hindi kayang limutin ang mga masamang nagawa ng iba sa kanila. Dala-dala nila habang buhay ang mga pasakit, ang mga mapapait na karanasan, mga lumang plaka, ika nga.

Sa araw na ito pawang bago ang dapat nating bigyang-pansin, ayon sa mga pagbasa. Ang mga lumang plaka ay dapat maging mga bagong awitin ng puso – puno ng pag-asa at paghahangad sa kung ano ang dapat bigyang-halaga.

Sa panahon natin, madali sa atin ang humusga at manggamit ng tao para sa ating sariling layunin. Tulad ng ginawa ng mga Pariseo na kinaladkad pa ang babae sa harapan ni Jesus, para lamang masubukan siya at lansihin. Hindi nila pakay ang gawan ng hustisya ang sino mang naapi, kundi upang hulihin ang Panginoon sa kanyang sasabihin, at ihabla o ideklarang isang ereje.

Kung minsan, pati tayo ay nalalansi ng makaluma, ng mga bagay na wala nang silbi. Kung minsan, tayo ay patuloy na nakakulong sa mga nagdaang karanasan, at hindi tayo makabangon sa isang panibagong umaga. Kung minsan rin, ang ating pag-asa ay tila nalulukuban ng isang kalungkutang may kinalaman sa mga lumang plaka at lumang tugtugin – mga kagawian at kaugaliang hindi na natin mabago at naglulubog sa atin sa isang kawalan ng tiwala o paniniwala na magbabago pa rin ang lahat.

Ito ang malinaw na turo ng liturhiya sa araw na ito. Huwag mahirati sa luma. Huwag masanay sa lumang bagay at ituon ang mata sa mga bagong dumarating at darating pa. Ano ba ang bagong ito?

Si Pablo ang may malinaw na larawan kung ano ang bagong ito. At ito ay walang iba kundi ang lisanin ang lumang plaka ng ating buhay, ang mga kagawiang makasalanan at malayo sa kalooban ng Diyos at harapin ang bagong hangarin – ang dakilang adhikain na tumugon at tumalima sa panawagan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.

Hindi na uubra ang mga lumang plaka. Dapat dito ay mga bagong awitin ng pag-asa at panibagong buhay.

Kaya ba natin ito? Oo. Ayon mismo sa ating sinagot matapos ng unang pagbasa: “Gumawa ang Diyos ng mga dakilang bagay para sa atin; puno tayo ng kagalagan”

PANLASA AT LIWANAG; PATUNAY AT PATIBAY!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 17, 2012 at 15:52

Joseph_and_Mary_76-15Ikatlong Araw ng Simbang Gabi (K)

Disyembre 18, 2012

Mga Pagbasa: Jeremias 23:5-8 / Mt 1:18-25

PANLASA AT LIWANAG; PATUNAY AT PATIBAY!

Pangatlong araw na. Puyat na marahil ang marami … pagod na. Sa maraming taon ko nang pagmimisa, alam kong sa ikatlo at ika-apat na araw, ay nangongonti ang sumisimba, liban sa mga nagpanatang tatapusin ang siyam na araw.

Magbalik-tanaw tayo. Sa unang araw, TIWALA at PANANAMPALATAYA ang ating paksa, sa kabila ng mundong tila pakawala. Kahapon, binigyang-diin natin ang diwa ng pinto ng pananampalataya. Dalawa ang sabi nating may hawak ng susing ito – ang Diyos at tayo mismo. Para mabuhay at magbunga ang pananampalataya, dapat nating buksan ang pinto ng puso at isipan natin, kung kaya’t pati ang pagsisimba ay dapat hindi lamang simbang tambay, simbang tabi, bagkus tunay na simbang gabi.

Ngayon, hindi lamang pinto ang pag-uusapan natin, kundi dalawang mahahalagang bagay tuwing magpapasko. Ang una ay ang asin.  Ang ikalawa ay ang ilaw. Ang asin at ilaw ay hindi puedeng mawala sa pasko. Ang asin ay sahog sa lahat ng ating handa sa pasko – mapa hamon, mapa spaghetti, at marami pang iba. Walang lasa ang pagkain kapag walang asin, at kung walang lasa ay halos hindi kinakain, ni pinapansin.

Ang liwanag naman ay bagay na lubha ring mahalaga. Hindi ito ang nakikita ng tao. Ang nakikita ng tao kapag may liwanag ay lahat ng naliliwanagan, hindi ang liwanag mismo. Sa madaling salita, ang lahat ay nakikita at napapansin kung magkaroon ng liwanag, pero ang liwanag mismo ay hindi natin napapansin, ni pinapahalagahan.

LASA at LIWANAG … Ito ang ating susing kataga sa ikatlong araw. Lasa … ang lasa ay patunay. Ito ang ninanamnam sa bibig. Ito ang bunga at patunay na may namamagitan sa pagkain at sa ating dila at bibig. Hindi lang patunay, kundi patibay – na nagiging dahilan upang hindi mabulok agad ang pagkain.

Nais kong imungkahi na ito ang ginampanan ni Jeremias. Siya ang nagpatibay sa pangakong darating: “Darating ang panahon,” aniya, “kung kailan magpapausbong ako ng makatarungang sanga sa angkan ni David.” Ano ba ang patunay na ang sanga ay may katuturan sa buhay natin? “Bilang hari, siya ay mamumuno at mamamahala nang may katarungan.”

Pangako itong hindi matabang, hindi malabnaw. May patunay, may patibay, may lasa at may katuturan. Lasap na lasap ni Jeremias, tulad ng salmistang nagwika: “Tikman at namnamin ang kagandahang loob ng Diyos.”

LIWANAG … may taong dilim, hindi liwanag ang dulot. Sa anumang samahan, mayroong taong kapag pumasok ay gumagaan ang puso at damdamin ng marami. Mayroon namang kapag sumama sa grupo, ay bumibigat ang damdamin ng marami … nangangamba, natatakot, nag-aatubili. Bakit? Sapagka’t wala silang kalinga, walang pag-iingat, mabigat ang mga yapak, at padalos-dalos ang paglalapat ng kanilang mga kamay. Sa Ingles, may tinatawag na “gentle presence” ang mga sikolohista. Hindi sila napapansin, o nagiging tampulan ng atensyon, ngunit, dahil sa kanila ay nakikita ng marami kung ano ang dapat mapansin at kagya’t nalalapatan ng atensyon.

Ito ang naging papel in San Jose. Banayad. Mahinahon. Mapagkalinga. Bagama’t nagduda, hindi niya iniwan si Maria. Ang kanyang pag-ibig ay tunay na may “pulp bits” ika nga. May bunga, may patunay, at lalung may patibay.

Dito ngayon papasok ang turo ni Papa Benito XVI mula sa PORTA FIDEI, o sa taon ng pananampalataya. Sabi niya, napakarami pa rin ang taong naghahanap at nag-aasam kay Kristo, sa Diyos, sa mga bagay na banal, at sa buhay na walang hanggan. Nguni’t ang suliranin ay ito … maaring ang tagapaghatid ng balita ay parang asin na wala nang lasa, parang ilaw na wala nang liwanag, walang bisa, walang tapang, at walang silbi.

Ito ang paghamon ngayon sa atin. Hindi daw katanggap-tanggap na ang asin ay mawalan ng lasa, at ang ilaw ay matago sa ilalim ng mesa. Bilang Kristiyano, tungkulin natin ang pagyamanin ang asin ng pagiging kristiyano at ang ilaw ng pagiging tagapaghatid rin ng magandang balita ng kaligtasan.

Huwag sana tayong manatili sa gilid, sa tabi, sa dilim, o sa walang sasapiting pahapyaw na pagkakilala sa ating pananampalataya. Gaya ng sinabi natin kahapon, nasa mga kamay rin natin ang susi ng pinto. Hindi kayang gawin ng Diyos ay ayaw mong gawin sa iyong ganang sariling kakayahan. God helps those who help themselves.

Bigyan nating bisa ang ating pagiging asin. Magpakita tayo ng bunga, patunay, at patibay. Bigyan nating liwanag ang ating mga ilawan. Hayaan nating ang lahat ng uri ng kadiliman ay mapawi ng liwanag ni Kristong ngayon ay nagsusumikap bumusilak sa ating pagkatao, sa ating buhay.

Hali! Pumasok na’t iwanan ang tagiliran, gilid o tabi ng simbahan. Sumali. Makilahok at makisangkot! Bilang asin, hubugin natin ang panlasa ng kapwa. Bilang liwanag, bigyan sila ng halimbawa ng kung paano ang maging patunay at patibay ng kagandahan at bisa ng magandang balita ng kaligtasan.