frchito

Posts Tagged ‘Ikatlong Araw Simbang Gabi’

PANLASA AT LIWANAG; PATUNAY AT PATIBAY!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 17, 2012 at 15:52

Joseph_and_Mary_76-15Ikatlong Araw ng Simbang Gabi (K)

Disyembre 18, 2012

Mga Pagbasa: Jeremias 23:5-8 / Mt 1:18-25

PANLASA AT LIWANAG; PATUNAY AT PATIBAY!

Pangatlong araw na. Puyat na marahil ang marami … pagod na. Sa maraming taon ko nang pagmimisa, alam kong sa ikatlo at ika-apat na araw, ay nangongonti ang sumisimba, liban sa mga nagpanatang tatapusin ang siyam na araw.

Magbalik-tanaw tayo. Sa unang araw, TIWALA at PANANAMPALATAYA ang ating paksa, sa kabila ng mundong tila pakawala. Kahapon, binigyang-diin natin ang diwa ng pinto ng pananampalataya. Dalawa ang sabi nating may hawak ng susing ito – ang Diyos at tayo mismo. Para mabuhay at magbunga ang pananampalataya, dapat nating buksan ang pinto ng puso at isipan natin, kung kaya’t pati ang pagsisimba ay dapat hindi lamang simbang tambay, simbang tabi, bagkus tunay na simbang gabi.

Ngayon, hindi lamang pinto ang pag-uusapan natin, kundi dalawang mahahalagang bagay tuwing magpapasko. Ang una ay ang asin.  Ang ikalawa ay ang ilaw. Ang asin at ilaw ay hindi puedeng mawala sa pasko. Ang asin ay sahog sa lahat ng ating handa sa pasko – mapa hamon, mapa spaghetti, at marami pang iba. Walang lasa ang pagkain kapag walang asin, at kung walang lasa ay halos hindi kinakain, ni pinapansin.

Ang liwanag naman ay bagay na lubha ring mahalaga. Hindi ito ang nakikita ng tao. Ang nakikita ng tao kapag may liwanag ay lahat ng naliliwanagan, hindi ang liwanag mismo. Sa madaling salita, ang lahat ay nakikita at napapansin kung magkaroon ng liwanag, pero ang liwanag mismo ay hindi natin napapansin, ni pinapahalagahan.

LASA at LIWANAG … Ito ang ating susing kataga sa ikatlong araw. Lasa … ang lasa ay patunay. Ito ang ninanamnam sa bibig. Ito ang bunga at patunay na may namamagitan sa pagkain at sa ating dila at bibig. Hindi lang patunay, kundi patibay – na nagiging dahilan upang hindi mabulok agad ang pagkain.

Nais kong imungkahi na ito ang ginampanan ni Jeremias. Siya ang nagpatibay sa pangakong darating: “Darating ang panahon,” aniya, “kung kailan magpapausbong ako ng makatarungang sanga sa angkan ni David.” Ano ba ang patunay na ang sanga ay may katuturan sa buhay natin? “Bilang hari, siya ay mamumuno at mamamahala nang may katarungan.”

Pangako itong hindi matabang, hindi malabnaw. May patunay, may patibay, may lasa at may katuturan. Lasap na lasap ni Jeremias, tulad ng salmistang nagwika: “Tikman at namnamin ang kagandahang loob ng Diyos.”

LIWANAG … may taong dilim, hindi liwanag ang dulot. Sa anumang samahan, mayroong taong kapag pumasok ay gumagaan ang puso at damdamin ng marami. Mayroon namang kapag sumama sa grupo, ay bumibigat ang damdamin ng marami … nangangamba, natatakot, nag-aatubili. Bakit? Sapagka’t wala silang kalinga, walang pag-iingat, mabigat ang mga yapak, at padalos-dalos ang paglalapat ng kanilang mga kamay. Sa Ingles, may tinatawag na “gentle presence” ang mga sikolohista. Hindi sila napapansin, o nagiging tampulan ng atensyon, ngunit, dahil sa kanila ay nakikita ng marami kung ano ang dapat mapansin at kagya’t nalalapatan ng atensyon.

Ito ang naging papel in San Jose. Banayad. Mahinahon. Mapagkalinga. Bagama’t nagduda, hindi niya iniwan si Maria. Ang kanyang pag-ibig ay tunay na may “pulp bits” ika nga. May bunga, may patunay, at lalung may patibay.

Dito ngayon papasok ang turo ni Papa Benito XVI mula sa PORTA FIDEI, o sa taon ng pananampalataya. Sabi niya, napakarami pa rin ang taong naghahanap at nag-aasam kay Kristo, sa Diyos, sa mga bagay na banal, at sa buhay na walang hanggan. Nguni’t ang suliranin ay ito … maaring ang tagapaghatid ng balita ay parang asin na wala nang lasa, parang ilaw na wala nang liwanag, walang bisa, walang tapang, at walang silbi.

Ito ang paghamon ngayon sa atin. Hindi daw katanggap-tanggap na ang asin ay mawalan ng lasa, at ang ilaw ay matago sa ilalim ng mesa. Bilang Kristiyano, tungkulin natin ang pagyamanin ang asin ng pagiging kristiyano at ang ilaw ng pagiging tagapaghatid rin ng magandang balita ng kaligtasan.

Huwag sana tayong manatili sa gilid, sa tabi, sa dilim, o sa walang sasapiting pahapyaw na pagkakilala sa ating pananampalataya. Gaya ng sinabi natin kahapon, nasa mga kamay rin natin ang susi ng pinto. Hindi kayang gawin ng Diyos ay ayaw mong gawin sa iyong ganang sariling kakayahan. God helps those who help themselves.

Bigyan nating bisa ang ating pagiging asin. Magpakita tayo ng bunga, patunay, at patibay. Bigyan nating liwanag ang ating mga ilawan. Hayaan nating ang lahat ng uri ng kadiliman ay mapawi ng liwanag ni Kristong ngayon ay nagsusumikap bumusilak sa ating pagkatao, sa ating buhay.

Hali! Pumasok na’t iwanan ang tagiliran, gilid o tabi ng simbahan. Sumali. Makilahok at makisangkot! Bilang asin, hubugin natin ang panlasa ng kapwa. Bilang liwanag, bigyan sila ng halimbawa ng kung paano ang maging patunay at patibay ng kagandahan at bisa ng magandang balita ng kaligtasan.

Advertisement

MAGANAP NAWA, AYON SA IYONG WIKA!

In Adviento, Arkanghel Gabriel, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 17, 2011 at 08:49

Ikatlong Araw ng Simbang Gabi (B)

Disyembre 18, 2011

 

Mga Pagbasa: 2 Sam 7:1-5.8-12.14.16 / Ro 16:25-27 / Lu 1: 26-38

 

N.B. Ito ay alternatibong pagninilay liban sa naipaskil ko nang pagninilay para sa ika-4 na Linggo ng Adbiyento. Ang pagbasa, maging sa Misa sa madaling araw, ayon sa batas liturhiko, ay nararapat halaw sa ika-apat na Linggo ng panahon ng Pagdating (Adbiyento).

 

Malimit natin marinig at gamitin ang salitang “harinawa!” Pag may nabanggit ang kausap natin na gusto natin, na siyang inaasam rin natin, ang ating sagot tuwina, ay “Harinawa!” Mangyari sana! Maganap sana! Magkatotoo sana ayon ang iyong sinabi! Magdilang anghel ka sana! Sana nga!

 Ang lahat ng ito ay kataga ng pag-asa, salitang tumutuon sa anumang ating pithaya o sanghaya sa ngayon. Maari itong maging isang panalangin … isang panambit ng pusong nag-aasam, naghihintay, umaasa, at nag-aabang!

 Nguni’t ito rin ay maaring maunawaan na isang pagtatalaga ng sarili, ang pagkakaloob ng sarili sa isang hangarin na maari namang hindi natin lubos na gusto, ganap na nauunawaan, o hindi natin tahasang maarok, matanggap, o lubos na makursunadahan. Kung gayon, ito ay isang katagang pumapawi sa agam-agam, sa pangamba, at sa pagdududa.

 Pero may isa pang posibleng kahulugan ito … Ang “harinawa” ay maaaring katumbas sa pag-ayon, pakikibagay sa isang panagimpang sa wari natin ay tila walang kahulugan, nguni’t, sa kabila ng ating pangamba, ay atin namang maluwag na tinatanggap at sinasang-ayunan, sapagka’t hindi na mababaw na paniniwala ang tangan natin, kundi matimyas na pananampalataya!

 May katotohanan sa mungkahing ang pananampalataya ay may kinalaman rin, kahit papaano, sa salitang “taya.” (wager sa Ingles). Ang sinumang tumataya ay hindi gumagawa nito dahil sa alam niya at sigurado siya sa kanyang tinatayaan. Ang sinumang “nagtataya” ng panahon, ay nagkakaloob lamang ng tinatawag nating edukadong panghuhula, (educated guess), isang pagsasabi, batay sa alam sa kasalukuyan ng agham, sa kung anong uring panahon ang mararanasan natin.

 Sa ganitong pagtataya, hindi na ang kaalaman natin ang inaasahan natin, kundi, umaasa tayo, na may higit na maalam kaysa sa atin upang gumawa ng matalino at kapani-paniwalang pagtatantiya (pagtataya) ng kung ano ang puedeng maganap.

 Nais kong isipin na sa araw na ito, ikatlo ng Simbang Gabi, isa sa tema na dapat natin ngayong pagnilayan ay may kinalaman sa halimbawa ni Maria, ang nagsabing “harinawa!” Maganap nawa ayon sa iyong wika!”

 Ito para sa akin ay ang halimbawa ng pagtataya batay sa pananampalataya… ang paglalagak ng kanyang paniniwala, hindi sapagka’t tiyak siya sa magaganap, o hindi sapagka’t naunawaan niya ang sinabi ng anghel, bagkus bagama’t hindi niya nauunawaan, ay nagkaloob ng kanyang buong-buong pagtitiwala sa salita ng sugo ng Diyos.

 Marami rin tayong hindi maunawaan sa buhay natin ngayon. Hindi ko maunawaan kung ano ang balak ng Diyos at patuloy ang paglago ng persekusyon laban sa mga kristiano sa maraming lugar sa daigdig. Hindi ko maunawaan bakit kay raming taong, sa kahahilanang hindi sila naniniwala kay Kristo, ay muhing muhi sila sa mga taong nagdiriwang ng Pasko, at bumabati ng “Maligayang Pasko.” Hindi ko maunawaan, kung bakit sa kabila ng lahat ng ginawa na natin, patuloy pa rin ang gulo at sapawan at bintangan at parusahan at gantihan sa ating buhay politica dito sa bayan natin. Hindi ko maintindihan kung bakit ang pinakamalaking bayang kristiano sa Asia, ang siyang pinaka puno ng katiwalian, kadayaan, katakawan, at pagsasamantala sa kapwa, saan mang antas ng lipunan.

 Pumunta tayo sa Simbahang ito na puno ng mga katanungan, tigib ng pangamba, at balot ng pagdududa. Marami tayong mga agam-agam at iba pang bumabagabag sa damdamin natin.

 Tulad ng mga sinabi ko na sa aking panulat, ang bawa’t paglapit natin sa Eukaristiya ay isang pagpapalago, pagsasabuhay, at pagpapalalim ng kung ano ang ating binigyang “taya” sa buhay natin. Ano nga ba?

 Mayroong ang kanilang tiwala ay nasa pera at yaman. Iyan ang dahilan kung bakit walang patid ang taya nila sa Lotto …

 Mayroong ang kanilang pag-asa ay nasa mga politico … Iyan ang dahilan kung bakit ang tinatayaan nila tuwing eleksyon ay iyong namimigay ng pera, ng bigas, at ng patong-patong na mga pangakong wala ni isa man ang nagaganap.

 Mayroong rin namang nawalan na ng tiwala sa anumang pagtataya … Wala na silang paki-alam at pakikisangkot sa lipunan … Nagsawa nang maniwala … nagsawa nang maghintay … at wala nang tinatayaan kundi kung ano ang mangyayari sa kanilang paboritong artista, o kung ano ang sunod na kabanata sa kanilang paboritong telenobela. Ang tinatayaan nila ay ang takbo ng buhay ng mga mag-syotang artistang biglang naghihiwalay, at sisikapin nila at sisikaping malaman kung ano ang namagitan sa paghihiwalay ni Piolo at ni KC.

 Marami ay nawalan na ng hibla ng pag-asa. Sa halip na “harinawa” ang kanilang bukambibig ay “bahala na… bayaan mo na … hayaan mo na silang mag-away sa itaas … wala akong pakialam kung magbangayan ang judicatura at ang ejecutivo … wala akong paki-alam kung mapasa man o hindi ang RH bill …  Wala na akong anumang tinatayaan sa buhay!”

 Isipin nyo nga sandali! … Kung ang dalagang kinausap ng anghel ay nagwalang bahala, nagwala, at nagsabing “bahala kayo sa buhay nyo,” magaganap kaya ang lahat ng pinanghahawakan nating katiyakan? Kung si Maria kaya ay hindi nagtaya ng sarili, hindi umasa, at hindi nagkaloob ng isang malalim na pagtugon sa paanyayang hindi niya lubos na nauwaan, may dahilan kayo tayong magtipon dito sa umagang ito?

 Malaki ang bunga ng pagwawalang bahala, tulad na malaki rin ang kahihinatnan ng pagwawalang hiya sa lipunan! Malaki ang epekto ng pagwawala at pagiging pakawala. Nada … zero … niente … nil …

 Nagtaya si Maria ng sarili … Bunga? Pinuno siya ng grasya … Nagbunga nang masagana, sapagka’t siya ay naniwala, nanampalataya, at nagtaya ng buhay at lahat lahat sa kanyang sinabing ngayon ay dapat rin nating dasalin: “Maganap nawa ayon sa iyong wika!”

 Fiat voluntas tua! Adveniat regnum tuum! Fiat mihi secundum verbum tuum!

 Pagtataya! Pagtatalaga ng sarili. Pagkakaloob ng kaganapan ng pagkatao … Sa Diyos … na tanging siyang may kaya upang maganap ang kanyang sinabi. Maganap nawa ang ating pag-asa, ayon sa kanyang wika, sa kanyang panahon, sa kanyang pamamaraan!